Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Exodo 39

Ang Kasuotan ng mga Pari(A)

39 Ginawa nila ang kasuotan ni Aaron ayon sa iniutos ni Yahweh kay Moises. Lanang kulay asul, kulay ube at pula ang ginamit nila sa kasuotan ng mga pari.

Mainam na lino, lanang kulay asul, kulay ube at kulay pula ang ginamit nila sa efod. Ang ginto ay pinitpit nila nang manipis at ginupit nang pino na parang sinulid, at inihalo sa paghabi sa lanang kulay asul, kulay ube at pula at sa mainam na lino. Ang efod ay kinabitan nila ng malapad na tali na siyang nagdudugtong sa likod at harap. Kinabitan din nila ito ng isang magandang sinturong kamukha ng efod na yari rin sa mainam na lino, at lanang kulay asul, kulay ube at pula at binurdahan din ng mga hibla ng ginto tulad ng iniutos ni Yahweh. Kumuha sila ng mga batong kornalina at iniayos ito sa patungang ginto. Iniukit nila dito ang pangalan ng mga anak na lalaki ni Israel. Nang mayari, para itong isang magandang pantatak. Ang mga bato'y ikinabit nila sa tali sa balikat ng efod upang maalala ang mga anak ni Israel. Ginawa rin nila ito ayon sa utos ni Yahweh.

Gumawa rin sila ng pektoral. Magandang-maganda ang burda nito, tulad ng efod, at yari din sa mainam na lino, at lanang kulay asul, kulay ube at pula at mayroon din itong sinulid na ginto. Ito'y magkataklob at parisukat: 0.2 metro ang haba, at ganoon din ang lapad. 10 Kinabitan nila ito ng apat na hilera ng mamahaling bato: Sa unang hanay ay rubi, topaz at karbungko. 11 Sa ikalawang hilera naman ay esmeralda, safiro at brilyante. 12 Sa ikatlong hilera ay jacinto, agata at ametista. 13 At sa ikaapat, berilo, kornalina at jasper. Lahat ng ito ay nakalagay sa patungang ginto. 14 Labindalawa lahat ang batong ginamit upang kumatawan sa labindalawang anak ni Israel. Tulad ng isang pantatak, sa bawat bato'y nakaukit nang maganda ang pangalan ng bawat anak na lalaki ni Israel. 15 Naglubid sila ng pinitpit na ginto at ito ang ginawang panali sa pektoral. 16 Gumawa rin sila ng dalawang patungan at dalawang argolyang ginto na ikinabit nila sa dalawang sulok ng pektoral, sa gawing itaas. 17 Itinali nila sa argolya ang tig-isang dulo ng mga nilubid na ginto. 18 Ang kabilang dulo naman ay itinali nila sa dalawang patungang ginto sa tali sa balikat ng efod. 19 Gumawa rin sila ng dalawang argolya at ikinabit sa dalawang sulok sa gawing ibaba ng pektoral. 20 Gumawa rin sila ng dalawang argolyang ginto at ikinabit sa ibaba ng tali sa balikat, sa may tahi, sa itaas ng pamigkis ng efod. 21 Ang argolya ng pektoral at ng efod ay pinagkabit nila ng lubid na asul para hindi magkahiwalay. Ito'y ginawa nila ayon sa utos ni Yahweh.

22 Gumawa rin sila ng damit na nasa ilalim ng efod. Ito'y yari sa lanang kulay asul, 23 at may butas na suotan ng ulo; ang butas ay may tupi upang hindi matastas. 24 Ang laylayan nito'y nilagyan nila ng mga palawit na tila bunga ng punong granada; ang mga ito'y yari sa pinong lino, at lanang asul, kulay ube at pula. 25 Gumawa rin sila ng mga kampanilyang ginto at ikinabit sa laylayan, sa pagitan ng mga palawit. 26 Kaya ang laylayan ay may isang hilera ng mga palawit na mukhang bunga ng punong granada at mga kampanilyang ginto. Ito'y ginawa nila ayon sa utos ni Yahweh.

27 Gumawa rin sila ng mahabang panloob na kasuotan para kay Aaron at sa kanyang mga anak. Ang mga ito'y yari sa pinong lino, 28 ganoon din ang turbante, ang mga sumbrero at ang mga linong salawal. 29 Ang pamigkis naman sa baywang ay yari sa pinong lino, lanang kulay asul, kulay ube at pula at binurdahan nang maganda ayon sa utos ni Yahweh. 30 Ang turbante ay nilagyan nila ng palamuting ginto at may nakaukit na ganitong mga salita: “Nakalaan kay Yahweh.” 31 Ito'y itinali nila sa turbante sa pamamagitan ng kurdong asul, tulad ng utos ni Yahweh.

Natapos na ang Toldang Tipanan(B)

32 Natapos nilang gawin ang Toldang Tipanan ayon sa iniutos ni Yahweh; gayundin ang lahat ng mga kagamitan doon. 33 Ipinakita nila kay Moises ang lahat: ang tabernakulo, ang tolda at lahat ng gamit dito, ang mga kawit, ang mga patayo at pahalang na balangkas, tukod at mga tuntungan nito; 34 ang mga pantakip na balat ng tupa na kinulayan ng pula, balat ng kambing, at ang mga tabing; 35 ang Kaban ng Tipan, ang mga pasanan nito at ang Luklukan ng Awa. 36 Ipinakita rin nila ang mesa at ang mga kagamitan nito, ang tinapay na panghandog sa Diyos, 37 ang ilawang ginto, ang mga ilaw at ang iba pang mga kagamitan nito, at ang langis para sa mga ilaw; 38 ang altar na ginto, ang langis na pampahid, ang mabangong insenso at ang kurtina para sa pintuan ng tolda. 39 Ipinakita rin nila ang altar na tanso, kasama ang parilyang tanso, ang mga pasanan at lahat ng kagamitan ng altar, ang palangganang tanso at ang patungan nito; 40 ang mga kurtina para sa bulwagan, ang mga poste at ang mga tuntungan nito, ang tabing sa pagpasok sa bulwagan, ang mga tali, ang mga tulos para sa tolda at lahat ng kagamitan sa paglilingkod sa loob ng Toldang Tipanan. 41 Ipinakita rin nila ang sagradong kasuotan ng mga pari para sa kanilang paglilingkod sa Dakong Banal; ang banal na kasuotan ng paring si Aaron, at ang kasuotan ng kanyang mga anak na maglilingkod bilang mga pari. 42 Lahat ng ito'y ginawa ng mga Israelita ayon sa iniutos ni Yahweh kay Moises. 43 Ang mga ito'y isa-isang tiningnan ni Moises, at binasbasan nang matiyak na nayari ang mga ito ayon sa iniutos ni Yahweh.

Juan 18

Ang Pagdakip kay Jesus(A)

18 Pagkatapos ng panalanging ito, umalis si Jesus kasama ang kanyang mga alagad. Pumunta sila sa ibayo ng batis ng Kidron at pumasok sa isang halamanan doon. Alam ng taksil na si Judas ang lugar na iyon sapagkat doon madalas magpunta si Jesus at ang kanyang mga alagad. Isinama roon ni Judas ang ilang mga bantay sa Templo at isang pangkat ng mga kawal Romano na padala ng mga punong pari at mga Pariseo. May dala silang mga lampara, mga sulo at mga sandata. Alam ni Jesus ang lahat ng mangyayari sa kanya kaya't sila ay sinalubong niya at tinanong, “Sino ang hinahanap ninyo?”

“Si Jesus na taga-Nazaret,” sagot nila.

At sinabi niya, “Ako iyon.”

Si Judas na nagkanulo sa kanya ay kaharap nila noon. Nang sabihin ni Jesus na “Ako iyon,” napaurong sila at bumagsak sa lupa.

Muli niyang itinanong, “Sino ba ang hinahanap ninyo?”

“Si Jesus na taga-Nazaret,” sagot nila.

Sumagot si Jesus, “Sinabi ko na sa inyong ako iyon. Kung ako ang hinahanap ninyo, hayaan ninyong umalis ang mga taong ito.” Sa gayon, natupad ang kanyang sinabi, “Ama, walang napahamak kahit isa sa mga ibinigay mo sa akin.”

10 Binunot ni Simon Pedro ang kanyang tabak at tinaga ang alipin ng Pinakapunong Pari, at natagpas ang kanang tainga nito. Ang pangalan ng alipin ay Malco. 11 Sinabi(B) ni Jesus kay Pedro, “Ibalik mo sa lalagyan ang iyong tabak! Sa palagay mo ba'y hindi ko iinuman ang kopa ng pagdurusa na ibinigay sa akin ng Ama?” 12 Dinakip nga si Jesus at iginapos ng mga bantay na Judio at ng mga kawal na Romano na pinamumunuan ng isang kapitan.

Si Jesus sa Harapan ni Anas

13 Siya'y dinala muna kay Anas na biyenan ni Caifas, ang pinakapunong pari nang taong iyon. 14 Si(C) Caifas ang nagpayo sa mga pinuno ng mga Judio na makabubuti para sa kanila na isang tao lamang ang mamatay para sa bayan.

Ikinaila ni Pedro si Jesus(D)

15 Sumunod kay Jesus si Simon Pedro at ang isa pang alagad. Ang alagad na ito ay kilala ng pinakapunong pari kaya't nakapasok siyang kasama ni Jesus hanggang sa patyo ng bahay ng pinakapunong pari. 16 Naiwan naman si Pedro sa labas ng pintuan, kaya lumabas ang alagad na kilala ng pinakapunong pari, kinausap ang utusang babae na nagbabantay sa pinto at pinapasok si Pedro. 17 Si Pedro'y tinanong ng babae, “Hindi ba't isa ka sa mga alagad ng taong iyan?”

“Hindi,” sagot ni Pedro.

18 Maginaw noon, kaya't nagsiga ng uling ang mga utusan at ang mga bantay, at nag-umpukan sila sa paligid ng apoy upang magpainit. Nakihalo sa kanila si Pedro, tumayo roon at nagpainit din.

Tinanong si Jesus sa Harapan ng Pinakapunong Pari(E)

19 Tinanong si Jesus ng Pinakapunong Pari tungkol sa kanyang mga alagad at sa kanyang itinuturo. 20 Sumagot si Jesus, “Hayagan akong nagsasalita sa madla, at lagi akong nagtuturo sa mga sinagoga at sa Templo na pinagtitipunan ng mga Judio. Wala akong sinabi nang palihim. 21 Bakit ako ang tinatanong ninyo? Ang tanungin ninyo'y ang mga nakarinig sa akin; alam nila kung ano ang sinabi ko.”

22 Pagkasabi nito'y sinampal siya ng isa sa mga bantay na naroroon. “Ganyan ba ang pagsagot sa pinakapunong pari?” tanong niya.

23 Sumagot si Jesus, “Kung may sinabi akong masama, patunayan mo! Ngunit kung tama ang sinabi ko, bakit mo ako sinampal?”

24 Matapos ito, si Jesus na nakagapos pa noon ay ipinadala ni Anas kay Caifas, ang pinakapunong pari.

Muling Ikinaila ni Pedro si Jesus(F)

25 Habang nagaganap ito, si Simon Pedro ay nakatayo at nagpapainit pa rin sa tabi ng apoy. Siya'y tinanong ng mga naroon, “Hindi ba't alagad ka rin ng taong iyan?”

Ipinagkaila ito ni Pedro. “Hindi!” sagot niya.

26 Tinanong naman siya ng isa sa mga utusan ng pinakapunong pari at kamag-anak ng lalaking natagpasan niya ng tainga, “Hindi ba nakita kitang kasama ni Jesus sa halamanan?” 27 Muling ikinaila ito ni Pedro, at agad na tumilaok ang manok.

Dinala si Jesus kay Pilato(G)

28 Maaga pa nang dalhin si Jesus sa palasyo ng gobernador mula sa bahay ni Caifas. Hindi pumasok ang mga pinuno ng mga Judio sa palasyo upang sila'y huwag maituring na di karapat-dapat kumain ng hapunang pampaskwa. 29 Kaya't si Pilato ay lumabas sa palasyo at tinanong sila, “Ano ang paratang ninyo laban sa taong ito?”

30 Sila'y sumagot, “Hindi po namin siya dadalhin sa inyo kung hindi siya gumawa ng masama.”

31 Sinabi sa kanila ni Pilato, “Kayo na ang bahala sa kanya at hatulan ninyo siya ayon sa inyong batas.”

Subalit sumagot ang mga Judio, “Hindi ipinapahintulot sa aming humatol ng kamatayan kaninuman.” 32 Sa(H) gayon, natupad ang sinabi ni Jesus nang ipahiwatig niya kung sa anong paraan siya mamamatay.

33 Si Pilato ay pumasok uli sa palasyo at ipinatawag si Jesus. “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” tanong niya.

34 Sumagot si Jesus, “Galing ba sa sarili mo ang tanong na iyan, o may ibang nagsabi sa iyo tungkol sa akin?”

35 Tugon ni Pilato, “Sa tingin mo ba'y Judio ako? Ang mga kababayan mo at ang mga punong pari ang nagdala sa iyo rito. Ano ba ang ginawa mo?”

36 Sumagot si Jesus, “Ang kaharian ko'y hindi sa sanlibutang ito. Kung sa sanlibutang ito ang aking kaharian, ipinaglaban sana ako ng aking mga tauhan upang hindi maipagkanulo sa mga Judio. Ngunit hindi mula sa sanlibutang ito ang aking kaharian!”

37 “Kung ganoon, isa ka ngang hari?” sabi ni Pilato.

Sumagot si Jesus, “Ikaw na ang nagsasabing ako'y hari. Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa sanlibutan, upang magpatotoo tungkol sa katotohanan. Nakikinig sa aking tinig ang sinumang nasa katotohanan.”

38 “Ano ba ang katotohanan?” tanong ni Pilato.

Hinatulang Mamatay si Jesus(I)

Pagkasabi nito, muling lumabas si Pilato at sinabi sa mga Judio, “Wala akong nakikitang dahilan upang hatulan siya. 39 Ngunit ayon sa inyong kaugalian, dapat akong magpalaya ng isang bilanggo sa Pista ng Paskwa. Ibig ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?”

40 “Hindi!” sigaw nila. “Hindi siya, kundi si Barabbas!” Si Barabbas ay isang tulisan.

Mga Kawikaan 15

15 Ang malumanay na sagot, nakapapawi ng galit,
    ngunit sa tugong marahas, poot ay hindi mawawaglit.
Ang dila ng may unawa ay nagbubunga ng kaalaman,
    ngunit ang bibig ng mangmang ay bukal ng kahangalan.
Ang paningin ni Yahweh ay nakatuon sa lahat ng lugar,
    ang masama at mabuti ay pawang minamasdan.
Ang magiliw na salita ay nagpapasigla sa buhay,
    ngunit ang matalas na pangungusap ay masakit sa kalooban.
Di pansin ng mangmang ang turo ng kanyang ama,
    ngunit dinirinig ng may isip ang paalala sa kanya.
Ang tahanan ng matuwid ay puno ng kayamanan,
    ngunit ang masama'y nagkukulang sa lahat ng kailangan.
Ang labi ng may unawa ay nagkakalat ng karunungan,
    ngunit hindi ganoon ang hangad ng isang mangmang.
Kasuklam-suklam kay Yahweh ang handog ng masama,
    ngunit sa panalangin ng matuwid siya ay natutuwa.
Sa gawaing masama, si Yahweh ay namumuhi,
    ngunit kanyang minamahal ang sa katuwiran lumalagi.
10 Ang gumawa ng masama ay tatanggap ng parusa,
    at tiyak na mamamatay ang ayaw ng paalala.
11 Kung paanong ang daigdig ng mga patay ay hayag kay Yahweh,
    ang laman ng puso sa kanya'y di maikukubli.
12 Ayaw mapagsasabihan ang mga palalo,
    at sa matatalino'y di hihingi ng payo.
13 Ang taong masayahin ay laging nakangiti,
    ngunit ang may lumbay ay wari bang nakangiwi.
14 Ang taong may unawa ay naghahangad pa ng karunungan,
    ngunit ang mangmang ay nasisiyahan na sa kanyang kahangalan.
15 Lahat ng araw ng mahirap ay puno ng pakikipagbaka,
    ngunit ang masayahin, saganang piging ang kagaya.
16 Ang mahirap na gumagalang at sumusunod kay Yahweh,
    ay mas mainam kaysa mayamang panay hirap naman ang kalooban.
17 Mas masarap ang isang plato ng gulay na inihaing may pag-ibig
    kaysa isang matabang baka na inihaing may galit.
18 Ang mainit na ulo ay humahantong sa alitan,
    ngunit pumapayapa sa kaguluhan ang mahinahong isipan.
19 Ang landas ng batugan ay punung-puno ng tinik,
    ngunit patag na lansangan ang daan ng matuwid.
20 Ang anak na may unawa ay kaligayahan ng isang ama,
    ngunit ang isang mangmang ay kahihiyan ng kanyang ina.
21 Ang mga walang isip ay natutuwa sa mga bagay na kahangalan,
    ngunit lumalakad nang matuwid ang taong may kaalaman.
22 Ang isang balak na mabilis ay di papakinabangan,
    ngunit ang planong pinag-aralan ay magtatagumpay.
23 Ang matalinong pananalita ay nagdudulot ng kasiyahan,
    at ang salitang angkop sa pagkakataon, may dulot na pakinabang.
24 Sa mga marunong, ang daan ng buhay ay pataas,
    upang maiwasan ang daigdig ng mga patay.
25 Wawasakin ni Yahweh ang bahay ng hambog,
    ngunit ang tahanan ng isang biyuda ay iingatan ng Diyos.
26 Kasuklam-suklam kay Yahweh ang iniisip ng masama,
    ngunit kasiyahan niya ang pangungusap ng may malinis na diwa.
27 Ang gahaman sa salapi ay nauuwi sa kaguluhan,
    ngunit ang tumatanggi sa suhol ay mabubuhay nang matagal.
28 Tinitimbang ng matuwid kung ano ang sasabihin,
    ngunit di na iniisip ng masama ang kanyang sasalitain.
29 Pinapakinggan ni Yahweh ang daing ng matuwid,
    ngunit ang panawagan ng masama ay hindi dinirinig.
30 Ang masayang ngiti sa puso ay kasiyahan,
    at ang mabuting balita ay may dulot na kalusugan.
31 Ang marunong makinig sa paalala
    ay mayroong unawa at mabuting pasya.
32 Ipinapahamak ang sarili ng ayaw makinig sa pangaral,
    ngunit ang nagpapahalaga sa paalala ay nagdaragdag ng kaalaman.
33 Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay nagtuturo ng karunungan,
    at ang pagpapakumbaba ay nagbubunga ng karangalan.

Filipos 2

Ang Halimbawa ni Cristo

Kaya nga, yamang mayroong kasiglahan ang buhay kay Cristo, mayroong kaaliwan ng pag-ibig, mayroong pakikiisa ng Espiritu Santo, at mayroong kagandahang-loob at malasakit para sa isa't isa, lubusin ninyo ang aking kagalakan; magkaroon kayo ng iisang kaisipan, mabuklod kayo sa iisang pag-ibig, at magkaisa kayo sa puso't diwa. Huwag kayong gumawa ng anuman dahil sa pansariling layunin o pagyayabang; sa halip, bilang tanda ng pagpapakumbaba, ituring ninyong higit ang iba kaysa inyong mga sarili. Pagmalasakitan ninyo ang kapakanan ng iba, at hindi lamang ang sa inyong sarili. Nawa'y magkaroon kayo ng kaisipan na tulad ng kay Cristo Jesus.

Kahit taglay niya ang kalikasan ng Diyos,
    hindi niya ipinagpilitang manatiling kapantay ng Diyos.
Sa halip, kusa niyang binitawan ang pagiging kapantay ng Diyos,
    at namuhay na isang alipin.
Ipinanganak siya bilang tao.
    At nang siya'y maging tao,
nagpakumbaba siya at naging masunurin hanggang kamatayan,
    maging ito man ay kamatayan sa krus.
Dahil dito, siya'y lubusang itinaas ng Diyos,
    at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan.
10 Sa(A) gayon, sa pangalan ni Jesus
    ay luluhod at magpupuri ang lahat
    ng nasa langit, nasa lupa, at nasa ilalim ng lupa.[a]
11 At ang lahat ay magpapahayag na si Jesu-Cristo ay Panginoon,
    sa ikaluluwalhati ng Diyos Ama.

Maging Ulirang Anak ng Diyos

12 Kaya nga, mga minamahal, tulad ng inyong buong-pusong pagsunod noong ako'y kasama pa ninyo, lalo kayong maging masunurin ngayong ako'y malayo sa inyo. Pagsumikapan ninyong maging ganap ang inyong kaligtasan nang may lubusang paggalang at pag-ibig sa Diyos, 13 sapagkat ang Diyos ang kumikilos sa inyo upang inyong naisin at isagawa ang kanyang kalooban.

14 Gawin ninyo ang lahat ng bagay nang walang reklamo at pagtatalo, 15 upang(B) kayo'y maging mga ulirang anak ng Diyos, matuwid at walang kapintasan sa gitna ng sanlibutang baluktot at masama. Sa gayon, magsisilbi kayong mga ilaw sa kanila, tulad ng mga bituing nagniningning sa kalangitan, 16 habang ipinapahayag ninyo ang salitang nagbibigay-buhay. Sa gayon, sa Araw ni Cristo ay maipagmamalaki kong hindi nawalan ng kabuluhan ang mga hirap at pagod ko sa inyo.

17 Kung ang buhay ko ma'y ibuhos bilang handog para sa inyong paglilingkod at pananampalataya sa Diyos, ako'y natutuwa at ang puso ko'y nakikigalak sa inyo. 18 Kaya magalak din kayo at bahaginan ninyo ako ng inyong kagalakan.

Sina Timoteo at Epafrodito

19 Umaasa ako sa Panginoong Jesus na mapapapunta ko agad riyan si Timoteo upang mapanatag ang aking loob kapag aking malaman mula sa kanya ang inyong kalagayan. 20 Wala nang hihigit sa kanya sa pakikiisa sa aking damdamin at pagmamalasakit para sa inyong kapakanan. 21 Ang inaatupag lamang ng iba ay ang sarili nilang kapakanan at hindi ang kay Jesu-Cristo. 22 Kayo na rin ang nakakaalam sa katapatan ni Timoteo. Kasama ko siya sa pangangaral ng Magandang Balita. Tinulungan niya ako tulad ng pagtulong ng isang anak sa kanyang ama. 23 Kaya, binabalak kong papuntahin siya riyan pagkatapos kong matiyak ang magiging kalagayan ko rito. 24 Subalit ako'y umaasa, sa tulong ng Panginoon, na ako rin ay makakapunta riyan sa lalong madaling panahon.

25 Inisip kong kailangan nang papuntahin diyan ang ating kapatid na si Epafrodito, na aking kamanggagawa at kapwa kawal ng Diyos na isinugo ninyo upang magdala ng inyong kaloob, at upang makatulong sa akin. 26 Sabik na sabik na siya sa inyong lahat.[b] Nag-aalala siya dahil nabalitaan ninyong nagkasakit siya. 27 Totoong siya'y nagkasakit at muntik nang mamatay. Subalit kinahabagan siya ng Diyos, at hindi lamang siya kundi pati ako, upang huwag nang madagdagan pa ang aking kalungkutan.

28 Kaya nga, nais kong makapunta na siya riyan sapagkat alam kong matutuwa kayong makita siyang muli. Sa gayon, mawawala na ang aking kalungkutan. 29 Kaya, tanggapin ninyo siya nang buong galak bilang isang tunay na lingkod ng Panginoon. Igalang ninyo ang mga taong tulad niya. 30 Sapagkat muntik na siyang namatay alang-alang sa gawain para kay Cristo; itinaya niya ang kanyang buhay sa paglilingkod sa akin upang mapunuan ang hindi ninyo kayang gampanan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.