Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
1 Samuel 28

Si Saul at ang babaing may masamang espiritu sa Endor.

28 At nangyari sa mga araw na yaon, na pinisan ng mga Filisteo ang kanilang mga hukbo sa pakikidigma upang lumaban sa Israel. At sinabi ni Achis kay David, Talastasin mong maigi na ikaw ay lalabas na kasama ko sa hukbo, ikaw at ang inyong mga lalake.

At sinabi ni David kay Achis, Kaya't iyong nalalaman kung anong gagawin ng iyong lingkod. At sinabi ni Achis kay David, Kaya't gagawin kitang bantay sa aking ulo magpakailan man.

Si (A)Samuel nga ay namatay, at pinanaghuyan ng buong Israel at inilibing siya sa (B)Rama, sa makatuwid baga'y sa kaniyang sariling bayan. At (C)pinalayas ni Saul sa lupain, yaong mga nakikipagsanggunian sa masamang espiritu, at ang mga manghuhula.

At nagpipisan ang mga Filisteo, at naparoon at humantong sa (D)Sunam: at pinisan ni Saul ang buong Israel, at sila'y humantong sa (E)Gilboa.

At nang makita ni Saul ang hukbo ng mga Filisteo, siya'y natakot, at ang kaniyang puso ay nanginig na mainam.

At (F)nang magusisa si Saul sa Panginoon, ay hindi siya sinagot ng Panginoon, maging sa (G)panaginip man, ni sa (H)Urim man, ni sa pamamagitan man ng mga propeta.

Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa kaniyang mga lingkod, Ihanap ninyo ako ng isang babae na (I)nakikipagsanggunian sa masamang espiritu, upang ako'y pumaroon sa kaniya, at magusisa sa kaniya. At sinabi ng kaniyang mga lingkod sa kaniya. Narito, may isang babae na nakikipagsanggunian sa masamang espiritu sa (J)Endor.

At hindi napakilala si Saul, at nagsuot ng ibang kasuutan, at naparoon siya at ang dalawang lalake na kasama niya, at sila'y dumating sa babae nang kinagabihan: at (K)kaniyang sinabi, Hulaan mo ako isinasamo ko sa iyo, sa pamamagitan ng sinasanggunian mong espiritu, at iahon mo sa akin sinomang banggitin ko sa iyo.

At sinabi ng babae sa kaniya, Narito, iyong nalalaman ang ginawa ni Saul, kung paanong kaniyang (L)inihiwalay yaong mga nakikipagsanggunian sa masamang espiritu, at ang mga manghuhula, sa lupain: bakit nga ipinaglalagay mo ng silo ang aking buhay, upang ipapatay ako?

10 At sumumpa si Saul sa kaniya sa pamamagitan ng Panginoon, na sinasabi, Buhay ang Panginoon, walang parusang mangyayari sa iyo dahil sa bagay na ito.

11 Nang magkagayo'y sinabi ng babae, Sinong iaahon ko sa iyo? At kaniyang sinabi, Iahon mo si Samuel sa akin.

12 At nang makita ng babae si Samuel, ay sumigaw ng malakas na tinig at nagsalita ang babae kay Saul, na sinasabi, Bakit mo ako dinaya? sapagka't ikaw ay si Saul.

13 At sinabi ng hari sa kaniya, Huwag kang matakot: sapagka't anong iyong nakikita? At sinabi ng babae kay Saul, Aking nakikita'y isang dios na lumilitaw sa lupa.

14 At kaniyang sinabi sa kaniya, Ano ang kaniyang anyo? At sinabi niya, Isang matandang lalake ay lumilitaw; at siya'y nabibilot ng (M)isang balabal. At nakilala ni Saul, na si Samuel, at siya'y yumukod sa lupa, at nagbigay galang.

Sinalita ni Samuel ang kasawian ni Saul.

15 At sinabi ni Samuel kay Saul, Bakit mo binagabag ako sa aking pagahon? At sumagot si Saul, Ako'y totoong naliligalig; sapagka't ang mga Filisteo ay nangdidigma laban sa akin, at ang (N)Dios ay humiwalay sa akin, at hindi na ako (O)sinasagot, kahit sa pamamagitan ng mga (P)propeta, ni ng panaginip man: kaya tinawag kita, upang maipakilala mo sa akin kung ano ang aking gagawin.

16 At sinabi ni Samuel, Bakit nga nagtatanong ka sa akin, dangang ang Panginoon ay humiwalay sa iyo, at naging iyong kaaway?

17 At ginawa ng Panginoon ang (Q)gaya ng sinalita niya sa pamamagitan ko: at inihiwalay ng Panginoon ang kaharian sa iyong kamay, at ibinigay sa iyong kapuwa, sa makatuwid baga'y kay David.

18 (R)Sapagka't hindi mo sinunod ang tinig ng Panginoon, at hindi mo ginawa ang kaniyang mabagsik na galit sa Amalec, kaya't ginawa ng Panginoon ang bagay na ito sa iyo sa araw na ito.

19 Bukod dito'y ibibigay ng Panginoon ang Israel naman na kalakip mo sa kamay ng mga Filisteo: at bukas, ikaw at ang (S)iyong mga anak ay masasama sa akin: ibibigay naman ng Panginoon ang hukbo ng Israel sa kamay ng mga Filisteo.

20 Nang magkagayo'y biglang nabulagta si Saul sa lupa, at siya'y natakot na mainam, dahil sa mga salita ni Samuel; at nawalan siya ng lakas; sapagka't hindi siya kumain ng tinapay buong araw, ni buong gabi man.

21 At naparoon ang babae kay Saul at nakita na siya'y totoong bagabag, at sinabi sa kaniya, Narito, narinig ng iyong lingkod ang iyong tinig, at (T)aking inilagay ang aking buhay sa aking kamay, at aking dininig ang iyong mga salita na iyong sinalita sa akin.

22 Ngayon nga, isinasamo ko sa iyo, iyong dinggin naman ang tinig ng iyong lingkod, at papaglagyin mo ako ng isang subo na tinapay sa harap mo; at iyong kanin upang ikaw ay lumakas, paglakad mo ng iyong lakad.

23 Nguni't siya'y tumanggi at nagsabi, Hindi ako kakain. Nguni't ipinilit ng kaniyang mga lingkod na pati ng babae; at dininig niya ang kanilang tinig. Sa gayo'y siya'y bumangon sa lupa, ay umupo sa higaan.

24 At ang babae ay mayroong isang matabang guyang baka sa bahay; at siya'y nagmadali, at pinatay niya; at siya'y kumuha ng (U)harina at kaniyang minasa, at kaniyang niluto na tinapay na walang lebadura;

25 At kaniyang dinala sa harap ni Saul, at sa harap ng kaniyang mga lingkod; at sila'y kumain. Nang magkagayo'y sila'y bumangon, at umalis nang gabing yaon.

1 Corinto 9

Hindi baga ako'y malaya? (A)hindi baga ako'y apostol? (B)hindi ko baga nakita si Jesus na Panginoon natin? (C)hindi baga kayo'y gawa ko sa Panginoon?

Kung sa iba'y hindi ako apostol, sa inyo man lamang ako'y gayon; sapagka't (D)ang tatak ng aking pagkaapostol ay kayo sa Panginoon.

Ito ang aking pagsasanggalang sa mga nagsisiyasat sa akin.

(E)Wala baga kaming matuwid na magsikain at magsiinom?

Wala baga kaming matuwid na magsipagsama ng (F)isang asawa na sumasampalataya, gaya ng iba't ibang mga apostol, at (G)ng mga kapatid ng Panginoon, at ni (H)Cefas?

O ako baga lamang at si Bernabe ang walang matuwid na magsitigil ng paggawa?

Sinong kawal ang (I)magpakailan pa man ay naglilingkod sa kaniyang sariling gugol? sino ang (J)nagtatanim ng isang ubasan, at hindi kumakain ng bunga niyaon? o sino ang nagpapakain sa kawan, at hindi kumakain ng gatas ng kawan?

Ang mga ito baga'y sinasalita ko (K)ayon sa kaugalian lamang ng mga tao? o di baga sinasabi rin naman ang gayon ng kautusan?

Sapagka't nasusulat sa kautusan ni Moises, (L)Huwag mong lalagyan ng busal ang baka pagka gumigiik. Ang mga baka baga ay iniingatan ng Dios,

10 O sinasabi kayang tunay ito dahil sa atin? Oo, (M)dahil sa atin ito sinulat: sapagka't ang nagsasaka ay dapat magsaka (N)sa pagasa, at ang gumigiik, ay sa pagasa na makakabahagi.

11 Kung ipinaghasik namin kayo (O)ng mga bagay na ayon sa espiritu, malaking bagay baga na aming anihin ang inyong mga bagay na ayon sa laman?

12 Kung ang iba ay mayroon sa inyong matuwid, hindi baga lalo pa kami? (P)Gayon ma'y hindi namin ginamit ang matuwid na ito; kundi aming tinitiis ang lahat ng mga bagay, (Q)upang huwag kaming makahadlang sa evangelio ni Cristo.

13 Hindi baga ninyo nalalaman na ang mga (R)nagsisipangasiwa sa mga bagay na banal, ay nagsisikain ng mga bagay na ukol sa templo, at ang mga nagsisipaglingkod sa dambana ay mga kabahagi ng dambana?

14 Gayon din naman (S)ipinagutos ng Panginoon na ang mga nagsisipangaral ng evangelio ay dapat mangabuhay sa pamamagitan ng evangelio.

15 Nguni't ako'y hindi gumamit ng anoman sa mga bagay na ito: at hindi ko sinusulat ang mga bagay na ito upang gawin ang gayon sa akin; (T)sapagka't mabuti pa sa akin ang mamatay, kay sa pawalang kabuluhan ninoman ang aking karangalan.

16 Sapagka't kung ipinangangaral ko ang evangelio, ay wala akong sukat ipagmapuri; sapagka't ang pangangailangan ay iniatang sa akin; sapagka't sa aba ko kung hindi ko ipangaral ang evangelio.

17 Sapagka't kung ito'y gawin ko sa aking sariling kalooban, (U)ay may ganting-pala ako: nguni't kung hindi sa aking sariling kalooban, (V)ay mayroon akong isang pamamahala na ipinagkatiwala sa akin.

18 Ano nga kaya ang aking ganting-pala? Na (W)pagka ipinangangaral ko ang evangelio, ay ang evangelio ay maging walang bayad, upang huwag kong gamiting lubos ang aking karapatan sa evangelio.

19 Sapagka't (X)bagaman ako ay malaya sa lahat ng mga tao, (Y)ay napaalipin ako sa lahat, upang ako'y makahikayat ng lalong marami.

20 At (Z)sa mga Judio, ako'y nagaring tulad sa Judio, upang mahikayat ko ang mga Judio; sa mga nasa ilalim ng kautusan ay gaya ng nasa ilalim ng kautusan, bagaman wala ako sa ilalim ng kautusan upang mahikayat ang mga nasa ilalim ng kautusan;

21 Sa mga walang kautusan, (AA)ay tulad sa walang kautusan, (AB)bagama't hindi ako walang kautusan sa Dios, kundi nasa ilalim ng kautusan ni Cristo, upang mahikayat ko ang mga walang kautusan.

22 Sa mga mahihina ako'y nagaring (AC)mahina, upang mahikayat ko ang mahihina: sa lahat ng mga bagay ay nakibagay ako sa lahat ng mga tao, upang sa lahat ng mga paraan ay mailigtas ko ang ilan.

23 (AD)At ginawa ko ang lahat ng mga bagay dahil sa evangelio, upang ako'y makasamang makabahagi nito.

24 Hindi baga ninyo nalalaman na ang mga nagsisitakbo sa takbuhan ay tumatakbong lahat, nguni't iisa lamang ang tumatanggap ng ganting-pala? (AE)Magsitakbo kayo ng gayon; upang (AF)magsipagtamo kayo.

25 At ang bawa't tao na nakikipaglaban sa mga palaruan ay mapagpigil sa lahat ng mga bagay. Ginagawa nga nila ito upang magsipagtamo ng isang (AG)putong na may pagkasira; nguni't tayo'y niyaong (AH)walang pagkasira.

26 Ako nga'y tumatakbo sa ganitong paraan, na hindi gaya ng nagsasapalaran; sa ganito rin ako'y sumusuntok, na hindi gaya ng (AI)sumusuntok sa hangin:

27 Nguni't hinahampas ko ang aking katawan, at aking (AJ)sinusupil: baka sakaling sa anomang paraan, pagkapangaral ko sa iba, ay ako rin ay (AK)itakuwil.

Ezekiel 7

Ang parusa sa pangbansang kasalanan ay ipinagpauna.

Bukod dito'y ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

At ikaw, anak ng tao, ganito ang sabi ng Panginoong Dios sa lupain ng (A)Israel, (B)May wakas: ang wakas ay dumating sa apat na sulok ng lupain.

Ngayon ang wakas ay sumasaiyo at aking pararatingin ang aking galit sa iyo, at hahatulan ka ayon sa iyong mga lakad; at ipadadanas ko sa iyo ang lahat ng iyong kasuklamsuklam.

At hindi ka patatawarin ng (C)aking mata, o kahahabagan man kita; kundi aking parurusahan ang iyong mga lakad, at ang iyong mga kasuklamsuklam na gawa ay malilitaw; (D)at inyong malalaman na ako ang Panginoon.

Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Ang kasamaan, ang tanging kasamaan; narito, dumarating.

Ang wakas ay dumating, ang wakas ay dumating; ito'y gumigising laban sa iyo; narito, dumarating.

(E)Ang parusa sa iyo ay dumarating, Oh mananahan sa lupain: ang panahon ay dumarating, ang kaarawan ay malapit na, kaarawan ng pagkakagulo, at hindi ng kagalakang may hiyawan, sa ibabaw ng mga bundok.

Bigla ko ngang ibubugso sa iyo ang aking kapusukan, at aking gaganapin ang aking galit laban sa iyo, at hahatulan kita ayon sa iyong mga lakad; at ipadadanas ko sa iyo ang lahat ng iyong kasuklamsuklam.

At ang aking mata ay hindi magpapatawad, o mahahabag man ako: padadatnin ko sa iyo ang ayon sa iyong mga lakad; at ang iyong mga kasuklamsuklam ay dadanasin mo; at inyong malalaman na ako ang Panginoon (F)na nananakit.

10 Narito, ang kaarawan, narito, dumarating; ang hatol sa iyo ay ipinasiya; (G)ang tungkod ay namulaklak, ang kapalaluan ay namuko.

11 Pangdadahas ay bumangon na naging pamalo ng kasamaan; walang malalabi sa kanila, o sa kanilang karamihan man, o sa kanilang kayamanan man: (H)at hindi magkakaroon ng kahit karangalan sa kanila.

12 Ang panahon ay dumarating, ang kaarawan ay nalalapit: huwag (I)magalak ang mamimili, o tumangis man ang manininda: sapagka't ang poot ay nasa lahat ng karamihan niyaon.

13 Sapagka't hindi na pagbabalikan ng manininda ang ipinagbili, bagaman sila'y buhay pa: sapagka't ang pangitain ay tungkol sa buong karamihan niyaon, walang babalik; at sinoman ay hindi magpapakalakas pa sa kasamaan ng kaniyang buhay.

14 Nagsihihip sila ng pakakak, at nagsihanda; nguni't walang naparoroon sa pagbabaka; sapagka't ang aking poot ay nasa buong karamihan niyaon.

15 Ang tabak ay nasa labas, at ang salot at ang kagutom (J)ay nasa loob: siyang nasa parang ay mamamatay sa tabak; at siyang nasa bayan, kagutom at salot ay lalamon sa kaniya.

16 Nguni't (K)silang nagsisitanan sa mga yaon ay tatanan, at mangapapasa mga bundok, na parang mga kalapati sa mga libis, silang lahat ay nagsisitangis, bawa't isa'y dahil sa kaniyang kasamaan.

17 Lahat ng kamay ay (L)manghihina, at lahat ng tuhod ay manglalata na gaya ng tubig.

18 Sila'y mangagbibigkis din naman ng (M)kayong magaspang, at pangingilabot ay sasa kanila; at kahihiyan ay sasa lahat ng mukha, (N)at pagkakalbo sa lahat nilang ulo.

19 Kanilang ihahagis ang kanilang pilak sa mga lansangan, at ang kanilang ginto ay magiging parang isang maruming bagay; ang kanilang pilak at ang kanilang ginto ay hindi makapagliligtas sa kanila sa kaarawan ng poot ng Panginoon: hindi nila maaaliw ang kanilang mga kaluluwa, o mabubusog man ang kanilang mga tiyan; sapagka't naging (O)katitisuran ng kanilang kasamaan.

20 Tungkol sa ganda ng kaniyang gayak, inilagay niya sa kamahalan; nguni't (P)kanilang ginawang mga larawan ang kanilang mga kasuklamsuklam at karumaldumal na mga bagay: kaya't ginawa ko sa kanila na parang maruming bagay.

21 At aking ibibigay sa mga kamay ng mga taga ibang lupa na pinakahuli, at sa mga masama sa lupa na pinakasamsam; at kanilang (Q)lalapastanganin.

22 Ang aking mukha ay aking itatalikod naman sa kanila, at kanilang lalapastanganin ang aking lihim na dako: at mga magnanakaw ay magsisipasok doon, at lalapastangan.

23 Gumawa ka ng tanikala; (R)sapagka't ang lupain ay puno ng mga sala sa pagbububo ng dugo, at ang bayan ay puno ng pangdadahas.

24 Kaya't aking dadalhin ang mga pinakamasama ng mga bansa, at aariin nila ang kanilang mga bahay: akin namang patitigilin ang kapalaluan ng malakas, at ang kanilang mga dakong banal ay lalapastanganin.

25 Kagibaan ay dumarating; at sila'y magsisihanap ng kapayapaan, at wala doon.

26 (S)Kapanglawan at kapanglawan ay darating, at balita at balita ay darating; at sila'y magsisihanap ng pangitain ng propeta; nguni't ang kautusa'y (T)mawawala sa saserdote, at ang payo'y mawawala sa mga matanda.

27 Ang hari ay tatangis, at ang prinsipe ay mananamit ng kapahamakan, at ang mga kamay ng mga tao ng lupain ay mababagbag: aking gagawin sa kanila ang ayon sa kanilang lakad, (U)at ayon sa kanilang kaugalian ay hahatulan ko sila; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.

Mga Awit 45

Sa Pangulong Manunugtog; itinugma sa Sosannim. Awit ng mga anak ni Core. Masquil. Awit tungkol sa pagibig.

45 Ang aking puso ay nananagana sa isang mainam na bagay:
Aking sinasalita ang mga bagay na aking ginawa tungkol sa hari:
Ang aking dila ay panulat (A)ng bihasang manunulat.
Ikaw ay maganda kay sa mga anak ng mga tao;
(B)Biyaya ay nabubuhos sa iyong mga labi:
Kaya't pinagpala ka ng Dios magpakailan man.
Ibigkis mo ang iyong (C)tabak sa iyong hita, Oh makapangyarihan,
Kalakip ang iyong (D)kaluwalhatian at ang iyong kamahalan.
At sa iyong kamahalan ay sumakay kang may kaginhawahan, Dahil sa katotohanan, at sa kaamuan, at sa katuwiran:
At ang iyong kanan ay magtuturo sa iyo ng (E)kakilakilabot na mga bagay.
Ang iyong mga (F)palaso ay matulis;
Ang mga bayan ay nangabubuwal sa ilalim mo:
Sila'y nangasa puso ng mga kaaway ng hari.
(G)Ang iyong luklukan, Oh Dios, ay magpakailan-kailan man:
Cetro ng kaganapan ang cetro ng iyong kaharian.
(H)Iyong iniibig ang katuwiran, at pinagtataniman ang kasamaan:
Kaya't ang Dios, ang iyong Dios, ay nagpahid sa iyo (I)ng langis
Ng langis (J)ng kasayahan na higit kay sa iyong mga kasama.
Ang lahat ng iyong mga damit ay amoy mira, at aloe, at kasia:
Mula sa bahay-haring garing ay pinasasaya ka ng mga panugtog na kawad.
(K)Ang mga anak na babae ng hari ay nangasa gitna ng iyong mga marangal na babae:
(L)Sa iyong kanan ay nakatayo ang reyna na may (M)ginto sa Ophir.
10 Iyong dinggin, Oh anak na babae, at iyong pakundanganan, at ikiling mo ang iyong pakinig;
(N)Kalimutan mo naman ang iyong sariling bayan, at ang bahay ng iyong magulang;
11 Sa gayo'y nanasain ng hari ang iyong kagandahan;
Sapagka't siya'y iyong panginoon; at sumamba ka sa kaniya.
12 At ang anak na babae ng Tiro ay dodoon na (O)may kaloob;
Pati ng mayaman sa gitna ng iyong bayan ay (P)mamamanhik ng iyong lingap.
13 Ang anak na babae ng hari ay totoong maluwalhati sa bahay-hari.
Ang kaniyang suot ay yaring may ginto.
14 Siya'y ihahatid sa hari na (Q)may suot na bordado:
Ang mga dalaga, na kaniyang mga kasama na nagsisisunod sa kaniya, ay
Dadalhin sa iyo.
15 May kasayahan at kagalakan na ihahatid sila:
Sila'y magsisipasok sa bahay-hari.
16 Sa halip ng iyong mga magulang ay ang iyong mga anak,
(R)Na siya mong gagawing mga pangulo sa buong lupa.
17 Aking ipaaalaala ang iyong pangalan sa lahat ng sali't saling lahi:
Kaya't ang mga bayan ay mangagpapasalamat sa iyo magpakailan-kailan man.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978