Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the Gospels in 40 Days

Read through the four Gospels--Matthew, Mark, Luke, and John--in 40 days.
Duration: 40 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Juan 11-12

Ang Pagkamatay ni Lazaro

11 May(A) isang taong nagngangalang Lazaro na nagkasakit. Nakatira siya sa Bethania kasama ang mga kapatid niyang sina Maria at Martha. Si(B) Maria ang nagbuhos ng pabango sa paa ng Panginoon at pagkatapos ay pinunasan iyon ng kanyang buhok. Dahil may sakit si Lazaro, nagpasabi kay Jesus ang magkapatid, “Panginoon, ang minamahal ninyong kaibigan ay may sakit.”

Nang marinig ito ni Jesus ay sinabi niya, “Hindi niya ikamamatay ang sakit na ito. Nangyari iyon upang maparangalan ang Diyos at sa pamamagitan nito'y maparangalan ang Anak ng Diyos.”

Mahal ni Jesus ang magkakapatid na Martha, Maria at Lazaro. Gayunman, nagpalipas pa siya doon ng dalawang araw mula nang mabalitaang may sakit si Lazaro. Pagkatapos nito, sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Magbalik tayo sa Judea.”

Sumagot ang mga alagad, “Rabi, hindi po ba't kamakailan lamang ay pinagtangkaan kayong batuhin ng mga tao? Bakit pupunta na naman kayo doon?”

Sinabi ni Jesus, “Hindi ba't may labindalawang oras sa maghapon? Hindi matitisod ang lumalakad kung umaga sapagkat nakikita niya ang nagbibigay-liwanag sa daigdig na ito. 10 Subalit natitisod ang lumalakad kung gabi sapagkat wala na siyang liwanag.” 11 Idinugtong pa ni Jesus, “Natutulog ang kaibigan nating si Lazaro. Pupunta ako upang gisingin siya.”

12 “Panginoon, kung natutulog lang po siya ay gagaling siya,” sagot ng mga alagad.

13 Ang ibig sabihin ni Jesus ay patay na si Lazaro, ngunit ang akala ng mga alagad ay talagang natutulog lamang ito. 14 Dahil dito'y tuwirang sinabi ni Jesus, “Patay na si Lazaro; 15 ngunit dahil sa inyo, ako'y nagagalak na wala ako roon, nang sa gayon ay sumampalataya kayo sa akin. Tayo na, puntahan natin siya.”

16 Sinabi ni Tomas, na tinatawag na Kambal, sa kanyang mga kasama, “Sumama tayo sa kanya, nang mamatay tayong kasama niya.”

Si Jesus ang Muling Pagkabuhay at ang Buhay

17 Pagdating ni Jesus, nalaman niyang apat na araw nang nakalibing si Lazaro. 18 May tatlong kilometro lamang ang layo ng Jerusalem sa Bethania, 19 at maraming Judio ang dumalaw kina Martha at Maria upang makiramay sa pagkamatay ng kanilang kapatid.

20 Nang mabalitaan ni Martha na dumarating si Jesus, sinalubong niya ito, ngunit si Maria nama'y naiwan sa bahay. 21 Sinabi ni Martha, “Panginoon, kung narito po kayo, hindi sana namatay ang kapatid ko. 22 Subalit alam kong kahit ngayo'y ipagkakaloob sa inyo ng Diyos ang anumang hingin ninyo sa kanya.”

23 “Muling mabubuhay ang iyong kapatid,” sabi ni Jesus.

24 Sumagot(C) si Martha, “Alam ko pong siya'y mabubuhay muli sa huling araw.”

25 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang sinumang sumasampalataya sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay; 26 at sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay kailanman. Naniniwala ka ba sa sinabi ko?”

27 Sumagot siya, “Opo, Panginoon! Naniniwala po akong kayo ang Cristo, ang Anak ng Diyos na inaasahang darating sa sanlibutan.”

Tumangis si Jesus

28 Pagkasabi nito, umuwi si Martha. Tinawag niya si Maria at binulungan, “Naririto na ang Guro at ipinapatawag ka.”

29 Pagkarinig nito'y nagmadaling tumayo si Maria upang salubungin si Jesus. 30 Wala pa si Jesus sa nayon; naroon pa lamang siya sa lugar kung saan siya sinalubong ni Martha. 31 Nang makitang si Maria'y nagmamadaling tumayo at lumabas, sinundan siya ng mga Judiong nakikiramay sa kanila. Akala nila'y pupunta siya sa libingan upang umiyak.

32 Pagdating ni Maria sa kinaroroonan ni Jesus, nagpatirapa siya sa paanan nito at nagsabi, “Panginoon, kung narito po lamang kayo, hindi sana namatay ang aking kapatid.”

33 Nahabag si Jesus at nabagbag ang kanyang kalooban nang makita niyang umiiyak si Maria, pati ang mga Judiong kasama nito. 34 “Saan ninyo siya inilibing?” tanong ni Jesus.

Sumagot sila, “Panginoon, halikayo at tingnan ninyo.”

35 Tumangis si Jesus. 36 Kaya't sinabi ng mga Judio, “Tingnan ninyo, talagang mahal na mahal niya si Lazaro!” 37 Sinabi naman ng ilan, “Napagaling niya ang bulag, bakit hindi niya napigilang mamatay si Lazaro?”

Muling Binuhay si Lazaro

38 Muling nabagbag ang kalooban ni Jesus pagdating sa libingan. Ang pinaglibingan kay Lazaro ay isang yungib na natatakpan ng malaking bato. 39 “Alisin ninyo ang bato,” utos ni Jesus.

Ngunit si Martha na kapatid ng namatay ay sumagot, “Panginoon, nangangamoy na po siya ngayon; apat na araw na siyang patay.”

40 Sinabi ni Jesus, “Hindi ba't sinabi ko sa iyo na kung sasampalataya ka ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?” 41 Kaya't inalis nila ang bato. Tumingala si Jesus sa langit at sinabi, “Ama, nagpapasalamat ako sa iyo sapagkat dininig mo ako, 42 at alam kong lagi mo akong dinirinig. Ngunit sinasabi ko ito dahil sa mga taong naririto, upang maniwala silang ikaw ang nagsugo sa akin.” 43 Pagkasabi nito ay sumigaw siya, “Lazaro, lumabas ka!” 44 Lumabas nga si Lazaro na nababalot ng telang panlibing ang mga kamay at paa; may nakabalot ding tela sa mukha niya. Inutos ni Jesus sa kanila, “Kalagan ninyo siya at nang makalakad siya.”

Ang Balak Laban kay Jesus(D)

45 Marami sa mga Judiong dumalaw kina Maria ang nakakita sa ginawa ni Jesus, at sumampalataya sila sa kanya. 46 Ngunit may ilan sa kanila na pumunta sa mga Pariseo at ibinalita ang ginawa ni Jesus. 47 Kaya't tinipon ng mga punong pari at mga Pariseo ang mga kagawad ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio. Kanilang sinabi, “Ano ang gagawin natin? Gumagawa ng maraming himala ang taong ito. 48 Kung siya'y pababayaan nating magpatuloy sa kanyang mga ginagawa, maniniwala sa kanya ang lahat. Paparito ang mga Romano at wawasakin ang ating Templo at ang ating bansa.”

49 Ngunit ang isa sa kanila, si Caifas na siyang Pinakapunong Pari nang taóng iyon, ay nagsabing, “Wala kayong alam! 50 Hindi ba ninyo naiisip na mas mabuti sa inyo na isang tao lamang ang mamatay alang-alang sa bayan, kaysa mapahamak ang buong bansa?” 51 Hindi mula sa kanyang sarili ang sinabi niyang ito. Bilang Pinakapunong Pari nang taóng iyon, nagpahayag siya ng propesiya na dapat mamatay si Jesus alang-alang sa bansa 52 at hindi lamang para sa bansa kundi upang tipunin ang mga anak ng Diyos na nasa iba't ibang dako. 53 Mula noon, pinagplanuhan na nila kung paano maipapapatay si Jesus. 54 Dahil dito, si Jesus ay hindi na hayagang naglakad sa Judea. Sa halip, siya'y nagpunta sa Efraim, isang bayang malapit sa ilang, at doon muna tumigil kasama ng kanyang mga alagad.

55 Nalalapit na ang Pista ng Paskwa. Maraming taga-lalawigan ang pumunta sa Jerusalem bago sumapit ang kapistahan upang isagawa ang seremonya ng paglilinis. 56 Hinanap nila si Jesus, at habang sila'y nag-uusap-usap sa Templo, sila'y nagtanungan, “Ano sa palagay ninyo? Paparito kaya siya sa pista?” 57 Ipinag-utos ng mga punong pari at ng mga Pariseo na ipagbigay-alam sa kanila ng mga tao kapag nalaman nila kung nasaan si Jesus upang ito'y maipadakip nila.

Binuhusan ng Pabango ang mga Paa ni Jesus(E)

12 Anim na araw bago sumapit ang Pista ng Paskwa, si Jesus ay nagpunta sa Bethania, kung saan nakatira si Lazaro na kanyang muling binuhay. Isang hapunan ang inihanda roon para sa kanya. Si Lazaro ay isa sa mga kasalo ni Jesus samantalang si Martha naman ay tumutulong sa paglilingkod sa kanila. Kumuha(F) naman si Maria ng isang bote ng mamahaling pabangong galing sa katas ng dalisay na nardo, at ibinuhos sa mga paa ni Jesus. Pagkatapos, pinunasan niya ang mga ito ng kanyang buhok. At napuno ang buong bahay ng halimuyak ng pabango. Ito'y pinuna ni Judas Iscariote, ang alagad na magkakanulo sa kanya. Sinabi niya, “Bakit hindi na lamang ipinagbili ang pabango at ibinigay sa mga dukha ang pinagbilhan? Maaaring umabot sa tatlong daang salaping pilak ang halaga ng pabangong iyan!” Sinabi iyon ni Judas, hindi dahil sa siya'y may malasakit sa mga dukha, kundi dahil sa siya'y magnanakaw. Siya ang tagapagdala ng kanilang salapi, at madalas niyang kinukupitan ito.

Ngunit sinabi ni Jesus, “Pabayaan ninyo siya! Hayaan ninyong ilaan niya ito para sa araw ng aking libing. Habang(G) panaho'y kasama ninyo ang mga dukha, ngunit ako'y hindi ninyo kasama habang panahon.”

Ang Balak Laban kay Lazaro

Nabalitaan ng maraming Judio na si Jesus ay nasa Bethania kaya't nagpunta sila roon upang makita siya at si Lazaro, na kanyang muling binuhay. 10 Kaya't binalak ng mga punong pari na ipapatay din si Lazaro, 11 sapagkat dahil sa kanya'y maraming Judio ang humihiwalay na sa kanila at sumasampalataya kay Jesus.

Ang Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem(H)

12 Kinabukasan, nabalitaan ng maraming taong dumalo sa pista na si Jesus ay papunta sa Jerusalem. 13 Kumuha(I) sila ng mga palapa ng palmera, at lumabas sila sa lungsod upang siya'y salubungin. Sila'y sumisigaw, “Purihin ang Diyos.[a] Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Purihin ang Hari ng Israel!”

14 Nakakita si Jesus ng isang batang asno at sinakyan niya ito, gaya ng nasusulat,

15 “Huwag(J) kang matakot, lungsod ng Zion!
Masdan mo, dumarating ang iyong hari,
    nakasakay sa isang batang asno!”

16 Hindi ito naunawaan noon ng kanyang mga alagad. Ngunit matapos na si Jesus ay maluwalhating nabuhay muli, naalala nilang ganoon nga ang sinasabi sa kasulatan tungkol sa kanya, kaya't gayon nga ang nangyari.

17 Ang mga taong kasama ni Jesus noong tawagin niya si Lazaro mula sa libingan at muli niya itong binuhay ay nagpatotoo tungkol sa nangyari. 18 At ito ang dahilan kaya siya sinalubong ng napakaraming tao—nabalitaan nila ang himalang ginawa niya.

19 Kaya't nasabi ng mga Pariseo, “Nakikita ninyong walang nangyayari sa mga ginagawa natin. Tingnan ninyo, sumusunod sa kanya ang buong mundo!”

Hinanap ng Ilang Griego si Jesus

20 May ilang Griegong dumalo sa pista upang sumamba. 21 Lumapit sila kay Felipe na taga-Bethsaida sa Galilea, at nakiusap, “Ginoo, nais po naming makita si Jesus.”

22 Ito'y sinabi ni Felipe kay Andres, at magkasama silang nagsabi nito kay Jesus. 23 Sumagot si Jesus, “Dumating na ang oras upang luwalhatiin ang Anak ng Tao. 24 Pakatandaan ninyo: hangga't hindi nahuhulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong nag-iisa. Ngunit kung ito'y mamatay, mamumunga ito nang sagana. 25 Ang(K) taong nagpapahalaga sa kanyang buhay ay siyang mawawalan nito, ngunit ang taong hindi nagpapahalaga sa kanyang buhay sa daigdig na ito ay siyang magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 26 Ang naghahangad na maglingkod sa akin ay dapat sumunod sa akin, at saanman ako naroroon ay naroroon din siya. Pararangalan ng Ama ang sinumang naglilingkod sa akin.”

Ipinahiwatig ni Jesus ang Kanyang Pagkamatay

27 “Ako'y nababagabag ngayon. Sasabihin ko bang, ‘Ama, huwag mong hayaang sumapit sa akin ang oras na ito ng paghihirap’? Hindi! Sapagkat ito ang dahilan kung bakit ako naparito—upang danasin ang oras na ito. 28 Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.”

Isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Niluwalhati ko na ito, at muli kong luluwalhatiin.”

29 Narinig iyon ng mga taong naroon kaya't sinabi nila, “Kumulog!” Sabi naman ng iba, “Nagsalita sa kanya ang isang anghel!”

30 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang tinig na iyon ay ipinarinig para sa inyo at hindi para sa akin. 31 Panahon na upang hatulan ang mundong ito. Panahon na rin upang hatulan ang pinuno ng mundong ito. 32 At kung ako'y maitaas na, ilalapit ko sa aking sarili ang lahat ng tao.” 33 Sinabi niya ito upang ipahiwatig kung paano siya mamamatay.

34 Sinagot(L) siya ng mga tao, “Sinasabi sa amin ng Kautusan na ang Cristo ay mananatili magpakailanman. Bakit mo sinasabing dapat maitaas ang Anak ng Tao? Sino ba ang Anak ng Taong ito?”

35 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kaunting panahon na lamang ninyong makakasama ang ilaw. Lumakad kayo habang kasama pa ninyo ang ilaw upang hindi kayo abutan ng dilim. Hindi alam ng lumalakad sa dilim kung saan siya pupunta. 36 Sumampalataya kayo sa ilaw habang kasama pa ninyo ang ilaw, upang kayo'y maging mga anak ng liwanag.”

Hindi Sumampalataya kay Jesus ang mga Judio

Pagkasabi nito, si Jesus ay umalis doon at hindi na muling nagpakita sa kanila. 37 Kahit na nasaksihan nila ang maraming himalang ginawa niya, hindi pa rin sila naniwala sa kanya. 38 Nangyari(M) ito upang matupad ang sinabi ni Propeta Isaias,

“Panginoon, sino ang naniwala sa aming ibinalita?
    Kanino ipinakita ng Panginoon ang kanyang kapangyarihan?”

39 Hindi nga sila makapaniwala sapagkat tulad ng sinabi ni Isaias,

40 “Binulag(N) ng Diyos ang kanilang mga mata
    at pinatigas ang kanilang mga puso,
upang sila'y hindi makakita,
    ni makaunawa ang kanilang mga isip,
    baka pa sila'y manumbalik sa akin
    at sila'y pagalingin ko.”

41 Sinabi ito ni Isaias sapagkat nakita niya ang kaluwalhatian ni Jesus, at nagpahayag siya tungkol kay Jesus.[b]

42 Gayunman, marami ring pinuno ng mga Judio ang naniwala sa kanya. Subalit hindi nila maipahayag ito dahil sa takot sa mga Pariseo, na baka sila'y itiwalag sa sinagoga. 43 Mas ginusto nilang parangalan sila ng tao kaysa parangalan ng Diyos.

Ang Salita ni Jesus ang Hahatol

44 Malakas na sinabi ni Jesus, “Ang nananalig sa akin ay hindi lamang sa akin nananalig, kundi pati sa nagsugo sa akin. 45 At ang nakakita sa akin ay nakakita na rin sa nagsugo sa akin. 46 Ako'y naparito bilang ilaw ng sanlibutan, upang ang manalig sa akin ay huwag manatili sa kadiliman. 47 Hindi ako ang humahatol sa taong dumirinig ng aking salita, ngunit ayaw namang sumunod dito. Sapagkat hindi ako naparito upang hatulan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito. 48 May ibang hahatol sa mga ayaw tumanggap sa akin at sa aking mga salita. Ang salitang ipinahayag ko ang hahatol sa kanila sa huling araw. 49 Sapagkat hindi ako nagsalita nang mula sa sarili ko lamang; ang Ama na nagsugo sa akin ang siyang nag-utos kung ano ang aking sasabihin at ipahahayag. 50 At alam kong ang kanyang utos ay nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Kaya't ang ipinapasabi ng Ama ang siya kong ipinapahayag.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.