Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
1 Mga Hari 5-6

Paghahanda sa Pagtatayo ng Templo(A)

Matagal nang magkaibigan si Hiram na hari ng Tiro at si Haring David. Kaya't nang mabalitaan nitong si Solomon ay pinili na bilang hari, at siyang kahalili ng kanyang amang si David, nagpadala agad ito ng mga sugo kay Solomon. Nagsugo rin sa kanya si Solomon at ganito ang ipinasabi: “Alam po ninyo na ang ama kong si David ay hindi nakapagtayo ng Templo para kay Yahweh na kanyang Diyos. Ito'y dahil sa mga digmaang hinarap niya sa magkabi-kabilang panig hanggang sa pagtagumpayin siya ni Yahweh laban sa lahat niyang mga kaaway. Ngunit binigyan ako ngayon ng Diyos kong si Yahweh ng kapayapaan sa buong kaharian. Wala na akong kaaway at wala nang panganib na pinangangambahan. Kaya(B) binabalak kong ipagtayo ng isang templo si Yahweh na aking Diyos. Gaya ng pangako niya sa aking ama, ‘Ang anak mo na pauupuin ko sa iyong trono bilang kahalili ang siyang magtatayo ng aking Templo.’ Kaya hinihiling ko sa inyong Kamahalan na bigyan ako ng mga tauhang puputol ng mga sedar sa Lebanon. Babayaran ko sila sa halagang itatakda ninyo. Tutulong sa kanila ang mga tauhan ko sapagkat hindi sila sanay magputol ng mga punongkahoy tulad ng mga taga-Sidon.”

Lubos na ikinatuwa ni Hiram nang marinig niya ang kahilingang iyon ni Solomon. Kaya't sinabi niya, “Purihin si Yahweh sa araw na ito sapagkat binigyan niya si David ng isang anak na marunong mamahala sa kanyang dakilang sambayanan!” At ganito ang naging tugon ni Hiram kay Solomon: “Natanggap ko ang iyong mensahe. Handa akong magbigay sa inyo ng lahat ng kailangan ninyong kahoy na sedar at sipres. Ilulusong ng aking mga tauhan ang mga troso buhat sa Lebanon hanggang sa dagat. Buhat naman doon ay babalsahin hanggang sa daungan na inyong mapili. Pagdating doon, saka paghihiwa-hiwalayin upang inyong ipahakot. Bilang kapalit, bibigyan naman ninyo ako ng mga pagkain para sa aking mga tauhan.”

10 Kaya't pinadalhan ni Hiram si Solomon ng lahat ng kahoy na sedar at sipres na kailangan nito. 11 Taun-taon naman ay pinadadalhan ni Solomon si Hiram ng 100,000 takal ng trigo at 110,000 galong langis ng olibo para sa mga tauhan nito.

12 Si Solomon nga'y binigyan ni Yahweh ng karunungan tulad ng kanyang ipinangako. Naging magkaibigan sina Solomon at Hiram, at gumawa sila ng kasunduan ng pagkakaibigan.

13 Iniutos ni Solomon sa buong Israel ang sapilitang pagtatrabaho ng 30,000 kalalakihan. 14 Ipinadadala(C) niya sa Lebanon ang mga ito, 10,000 bawat pangkat. Isang buwan sila sa Lebanon, at dalawang buwan sa kani-kanilang tahanan. Si Adoniram ang tagapangasiwa ng sapilitang paggawang ito. 15 Si Solomon ay may walumpung libong tagatibag ng mga bato sa bundok at pitumpung libong tagahakot ng mga ito. 16 Umabot sa 3,300 naman ang mga kapatas na namamahala sa mga manggagawa. 17 Sa utos ng hari, nagtatabas sila ng malalaking bato upang gamiting pundasyon ng Templo. 18 Katulong din ng mga tauhan ni Solomon at ni Hiram ang mga taga-Biblos sa pagtibag ng bato at pagputol ng kahoy na ginamit sa pagtatayo ng Templo.

Itinayo ni Solomon ang Templo

Apatnaraan at walumpung taon makalipas na ang Israel ay umalis sa Egipto, nang ikalawang buwan, ng ikaapat na taon ng paghahari ni Solomon, sinimulan ni Solomon ang pagtatayo ng Templo. Ang templong ipinagawa ni Solomon para kay Yahweh ay dalawampu't pitong metro ang haba, siyam na metro ang luwang at labingtatlo't kalahating metro ang taas. Sa harapan ng Templo, pahalang sa takbo ng kabahayan, ay may pasilyo na apat at kalahating metro ang haba, at siyam na metro ang luwang. Ang mga bintana ng Templo'y may bastidor at mga rehas. Nagtayo rin ng isang gusaling may tatlong palapag sa mga gilid ng pader at sa likod ng templo. Dalawa't kalahating metro ang luwang ng unang palapag, tatlong metro ang pangalawa, at tatlo't kalahati ang pangatlo. Ganito ang nangyari sapagkat sa gawing labas, ang pader ng Templo ay pakapal nang pakapal ng isang siko sa bawat palapag, mula sa itaas hanggang pababa. Ang mga biga ng bawat palapag ay nakapatong sa pader at hindi iniukit dito.

Tinabas na sa lugar na pinagtibagan ang mga batong ginamit sa Templo, kaya't walang narinig na pukpok ng martilyo, palakol o anumang kasangkapang bakal habang ginagawa ang Templo.

Nasa kanang sulok ng Templo ang pintuang papasok sa unang palapag. Buhat naman dito'y may paikot na hagdang paakyat sa ikalawang palapag, at gayundin buhat sa ikalawa paakyat sa ikatlo. Nang maitayo na ni Solomon ang mga pader ng Templo, binubungan ito at nilagyan ng kisame na ipinako sa mga pahalang na posteng sedar. 10 Dalawa't kalahating metro ang taas ng bawat palapag ng gusaling karugtong ng gilid ng Templo. Bawat palapag ay nakakabit sa kabahayan sa pamamagitan ng mga bigang sedar.

11 Sinabi ni Yahweh kay Solomon, 12 “Kung susundin mo ang aking mga utos at tutuparin ang aking mga tagubilin, tutuparin ko ang aking pangako sa iyong amang si David. 13 Maninirahan akong kasama ng sambayanang Israel sa pamamagitan ng Templong ito na iyong itinatayo, at hindi ko pababayaan ang aking bayang Israel.”

14 At tinapos nga ni Solomon ang pagpapagawa sa Templo.

Ang Loob ng Templo(D)

15 Binalot niya ng tabla ang loob niyon. Tablang sedar ang inilapat sa pader buhat sa sahig hanggang sa kisame[a] at tablang sipres naman ang inilatag na sahig. 16 Diningdingan(E) niya ang siyam na metro mula sa silid sa kaloob-looban ng Templo na tinatawag na Dakong Kabanal-banalan. Ang lugar na ito'y nilapatan ng tablang sedar mula sa sahig hanggang sa kisame. 17 Ang labingwalong metrong natira matapos dingdingan ang Dakong Kabanal-banalan ay tinawag namang Dakong Banal. 18 May ukit na mga nakabukang bulaklak at mga tapayan ang tablang sedar na ibinalot sa pader ng Templo. 19 Ang Dakong Kabanal-banalan na siyang kaloob-looban ng Templo ay inihanda niya upang paglagyan ng Kaban ng Tipan. 20 Siyam na metro ang haba, ang luwang, at ang taas ng Dakong Kabanal-banalan, at ito'y binalot niya ng lantay na ginto. 21 Sa harap ng Dakong Kabanal-banalan, nagtayo siya ng isang altar na yari sa tablang sedar at ito'y binalot din niya ng lantay na ginto. 22 Binalot(F) din ni Solomon ng lantay na ginto ang buong loob ng Templo, pati ang altar sa Dakong Kabanal-banalan.

23 Sa(G) loob ng Dakong Kabanal-banalan, nagpalagay siya ng dalawang kerubin, imaheng nililok sa kahoy na olibo. Apat at kalahating metro ang taas ng bawat isa. 24 Kulang na dalawa't kalahating metro ang haba ng bawat pakpak, kaya't apat at kalahating metro ang sukat ng mga pakpak buhat sa magkabilang dulo. 25 Apat at kalahating metro rin ang sukat ng pangalawang kerubin, iisa ang sukat at hugis ng dalawa. 26 Apat at kalahating metro rin ang taas ng bawat kerubin. 27 Inilagay niya ang mga kerubin sa gitna ng Dakong Kabanal-banalan. Nakabuka ang kanilang mga pakpak, at sa gawing labas ay abot sa dingding ng silid ang tig-isa nilang pakpak. Sa gawing loob naman, ang mga dulo ng tig-isa nilang pakpak ay nagtagpo sa gitna ng silid. 28 Balot din ng gintong lantay ang dalawang kerubin.

29 Ang buong dingding ng Templo, maging sa Dakong Kabanal-banalan at sa Dakong Banal ay may ukit na mga kerubin, punong palma at mga bulaklak. 30 Ang sahig ng Templo buhat sa Dakong Kabanal-banalan hanggang sa Dakong Banal ay may balot na gintong lantay.

31 May limang sulok ang pinto ng Dakong Kabanal-banalan, at kahoy na olibo ang mga hamba niyon. 32 Tablang olibo rin ang dalawang pangsara, at may ukit itong imahen ng mga kerubin, punong palma at mga bulaklak. Ang mga pangsara'y may kalupkop na gintong kapit na kapit sa mga nakaukit na larawan.

33 Parihaba naman ang pintuan ng Dakong Banal. Kahoy na olibo ang mga hamba ng pintong iyon, 34 at tablang sipres naman ang mga pinto. Bawat pinto ay may tigalawang panig na natitiklop. 35 May ukit ding mga kerubin, punong palma at mga bulaklak ang mga pinto, at may kalupkop na gintong lapat na lapat sa mga ukit.

36 Ang bulwagang panloob sa harap ng Templo ay binakuran ni Solomon ng pader na may tatlong hanay ng batong tinabas, at isang hanay na bigang sedar.

37 Ikalawang buwan, ng ikaapat na taon ng paghahari ni Solomon, nang ilagay ang mga pundasyong bato ng Templo. 38 Ikawalong buwan ng taon nang matapos naman ang Templo. Noo'y ikalabing isang taon ng paghahari ni Solomon. Sa loob ng pitong taon, natapos ang buong Templo ayon sa plano.

Mga Gawa 7:1-29

Ang Talumpati ni Esteban

Si Esteban ay tinanong ng pinakapunong pari, “Totoo ba ang lahat ng ito?”

Sumagot(A) si Esteban, “Mga kapatid at mga magulang, pakinggan ninyo ang sasabihin ko. Ang dakila at makapangyarihang Diyos ay nagpakita sa ating ninunong si Abraham nang siya'y nasa Mesopotamia pa, bago siya nanirahan sa Haran. Sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Iwan mo ang iyong lupain at mga kamag-anak at pumunta ka sa lupaing ituturo ko sa iyo.’

“Kaya't(B) umalis siya sa lupain ng mga Caldeo at nanirahan sa Haran. Pagkamatay ng kanyang ama, siya'y pinalipat ng Diyos sa lupaing ito na inyong tinitirhan ngayon. Gayunman,(C) hindi pa siya binigyan dito ng Diyos ng kahit na kapirasong lupa, ngunit ipinangako sa kanya na ang lupaing ito ay magiging pag-aari niya at ng magiging lahi niya, kahit na wala pa siyang anak noon. Ganito(D) ang sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Makikitira sa ibang lupain ang iyong magiging lahi. Aalipinin sila roon at pahihirapan sa loob ng apatnaraang taon, ngunit(E) paparusahan ko ang bansang aalipin sa kanila. Aalis sila roon at sasamba sa akin sa lugar na ito.’ At(F) iniutos ng Diyos kay Abraham ang pagtutuli bilang palatandaan ng kanilang kasunduan. Kaya't nang isilang si Isaac, tinuli niya ito sa ikawalong araw. Ganoon din ang ginawa ni Isaac sa anak niyang si Jacob, at ginawa naman ni Jacob sa labindalawa niyang anak na lalaki, na naging mga ninuno ng ating lahi.

“Ang(G) mga ninuno nating ito ay nainggit kay Jose, kaya't siya'y ipinagbili nila upang maging alipin sa Egipto. Ngunit kasama niya ang Diyos, 10 at(H) hinango siya ng Diyos sa lahat ng kanyang kahirapan. Pinagpala siya ng Diyos at pinagkalooban ng karunungan nang humarap siya sa Faraon, ang hari ng Egipto. Siya'y ginawa nitong gobernador ng Egipto at tagapamahala ng buong sambahayan ng hari.

11 “Nagkaroon(I) ng taggutom at matinding paghihirap sa buong Egipto at Canaan. Maging ang ating mga ninuno ay walang makunan ng pagkain. 12 Kaya't nang mabalitaan ni Jacob na may trigo sa Egipto, pinapunta niya roon ang ating mga ninuno sa unang pagkakataon. 13 Sa(J) ikalawang pagpunta nila, nagpakilala si Jose sa kanyang mga kapatid, at nalaman naman ng Faraon ang tungkol sa kanyang pamilya. 14 Dahil(K) dito'y ipinasundo ni Jose ang kanyang amang si Jacob at ang buong pamilya nito, pitumpu't limang katao silang lahat. 15 Pumunta(L) nga si Jacob sa Egipto at doon siya namatay, gayundin ang ating mga ninuno. 16 Ang(M) kanilang mga labî ay dinala sa Shekem at inilagay sa libingang binili ni Abraham sa mga anak ni Hamor.

17 “Nang sumapit ang panahon para tuparin ng Diyos ang kanyang pangako kay Abraham, maraming-marami(N) na ang mga Israelita sa Egipto. 18 Sa panahong iyon, hindi na kilala ng hari [ng Egipto][a] si Jose. 19 Dinaya at pinahirapan ng hari ang ating mga ninuno at sapilitan niyang ipinatapon ang kanilang mga sanggol upang mamatay. 20 Noon(O) ipinanganak si Moises, isang batang kinalulugdan ng Diyos. Tatlong buwan siyang inalagaan sa kanilang tahanan, 21 at(P) nang siya'y itapon, inampon siya ng anak na babae ng Faraon, at pinalaking parang sariling anak. 22 Tinuruan siya sa lahat ng karunungan ng mga Egipcio, at siya'y naging dakila sa salita at sa gawa.

23 “Nang(Q) si Moises ay apatnapung taon na, naisipan niyang dalawin ang kanyang mga kababayang Israelita upang tingnan ang kanilang kalagayan. 24 Nakita niyang inaapi ng isang Egipcio ang isa sa kanila, kaya't ipinagtanggol niya ito, at napatay niya ang Egipciong iyon. 25 Akala ni Moises ay mauunawaan ng kanyang mga kababayan na sila'y ililigtas ng Diyos sa pamamagitan niya. Ngunit hindi nila ito naunawaan. 26 Kinabukasan, may nakita siyang dalawang Israelitang nag-aaway, at sinikap niyang sila'y pagkasunduin. Sabi niya, ‘Mga kaibigan, pareho kayong Israelita. Bakit kayo nag-aaway?’ 27 Subalit tinabig siya ng lalaking nananakit at pinagsabihan ng ganito: ‘Sino ang naglagay sa iyo upang maging pinuno at hukom namin? 28 Nais mo rin ba akong patayin gaya ng ginawa mo kahapon doon sa Egipcio?’ 29 Nang(R) marinig ito ni Moises, siya'y tumakas at nanirahan sa lupain ng Midian. Doon ay nagkaroon siya ng dalawang anak na lalaki.

Mga Awit 127

Pagpupuri Dahil sa Kabutihan ng Diyos

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni Solomon.

127 Maliban nga na si Yahweh ang nagtatag nitong bahay,
    ang ginawa ng nagtayo ay wala ring kabuluhan;
maliban nga na si Yahweh ang sa lunsod ay gumabay,
    ang pagmamasid ng bantay ay wala ring saysay.
Hindi dapat pakahirap, magpagal sa hanapbuhay;
    maaga pa kung bumangon, gabing-gabi kung humimlay,
pagkat pinagpapahinga ni Yahweh ang kanyang mahal.

Kaloob nga ni Yahweh itong ating mga anak,
    ang ganitong mga supling, pagpapalang mayro'ng galak.
Ang lalaking mga anak sa panahong kabataan,
    ang katulad ay palaso sa kamay ng isang kawal.
Mapalad ang isang taong mapalasong tulad niyan,
hindi siya malulupig, at malayo sa kahihiyan,
    kung sila man ng kalaban ay magtagpo sa hukuman.

Mga Kawikaan 16:28-30

28 Ang(A) taong baluktot ang isipan ay naghahasik ng kaguluhan,
    at sinisira naman ng tsismis ang magandang samahan.
29 Tinutukso ng taong liko ang kanyang kapwa,
    at ibinubuyo sa landas na masama.
30 Mag-ingat ka sa taong pangiti-ngiti at kikindat-kindat;
    pagkat tiyak na mayroon siyang masamang binabalak.