Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
2 Samuel 20:14-21:22

14 Pinuntahan ni Seba ang lahat ng lipi ng Israel hanggang sa sumapit siya sa Abel-bet-maaca. Lahat ng angkan ni Bicri ay nagkaisang sumunod sa kanya na pumasok sa lunsod. 15 Nalaman iyon ng mga tauhan ni Joab, kaya't kinubkob nila ang lunsod. Nagbunton sila ng lupa sa tabi ng pader para makasampa roon habang pinababagsak ng iba ang pader ng lunsod. 16 Ngunit isang matalinong babae ang nangahas tumayo sa isang mataas na lugar sa pader at mula roon ay nanawagan, “Makinig kayo! Makinig kayo! Sabihin ninyo kay Joab na pumarito. Gusto ko sana siyang makausap.” 17 Paglapit ni Joab, tinanong siya ng babae, “Kayo po ba si Joab?”

“Ako nga,” sagot nito.

“Pakinggan po ninyo ang aking sasabihin,” sabi ng babae.

“Sige, nakikinig ako,” wika naman ni Joab.

18 “Noong araw,” sabi ng babae, “mayroon pong ganitong kasabihan: ‘Magtanong ka sa lunsod ng Abel’, at ganoon nga ang ginagawa ng mga tao noon upang malutas ang kanilang suliranin. 19 Sa buong Israel ang lunsod pong ito ay maituturing na pinakatahimik at tapat. Siya'y tulad ng isang mapag-arugang ina sa Israel. Bakit gusto ninyo itong gibain? Bakit ninyo wawasakin ang lunsod na ipinamana ni Yahweh?”

20 “Hindi ko gagawin iyan!” wika ni Joab. “Hindi namin gustong wasakin ang inyong lunsod. 21 Wala iyon sa plano namin. Hinahanap lang namin si Seba na naghihimagsik laban kay Haring David. Siya ay anak ni Bicri, at taga-bulubundukin ng Efraim. Isuko ninyo siya, at iiwan namin ang lunsod.”

Sinabi ng babae, “Kung ganoon, ihahagis namin sa iyo ang kanyang ulo mula sa pader.” 22 Pumasok siya sa kabayanan, at palibhasa'y matalino, sumang-ayon sa kanya ang mga taong-bayan sa kanyang binabalak. Pinugutan nila ng ulo si Seba at inihagis ito kay Joab. Hinipan naman ni Joab ang trumpeta kaya't ang lunsod ay iniwan na ng kanyang mga kawal at sila'y nagsiuwian na. Si Joab nama'y bumalik sa Jerusalem at nagpunta sa hari.

Ang mga Opisyal ni David

23 Ito ang mga opisyal ng hukbo ni Haring David: Si Joab ang pinuno sa buong hukbo ng Israel. Si Benaias, anak ni Joiada, ang pinuno ng mga bantay na Kereteo at Peleteo. 24 Si Adoram[a] naman ang tagapamahala sa lahat ng sapilitang paggawa. Si Jehoshafat, anak ni Ahilud, ang tagapag-ingat ng mga kasulatan, 25 at si Seva naman ang kalihim ng hari. Sina Zadok at Abiatar ang nagsilbing mga pari, 26 at si Ira na taga-Jair ay isa rin sa mga pari ni David.

Pinatay ang mga Apo ni Saul

21 Sa panahon ng paghahari ni David, tatlong sunud-sunod na taon na nagkaroon ng taggutom, kaya't sumangguni siya kay Yahweh. Ito ang kanyang tugon, “Maraming buhay ang inutang ni Saul at ng kanyang sambahayan, sapagkat ipinapatay niya ang mga Gibeonita.” Ang(A) mga Gibeonita ay hindi buhat sa lahi ng Israel. Sila ang mga natira sa lahi ng mga Amoreo na pinangakuang hindi lilipulin ng mga Israelita. Ngunit sila'y sinikap lipulin ni Saul dahil sa pagmamalasakit niya para sa mga taga-Israel at Juda. Ipinatawag ni David ang mga Gibeonita at tinanong, “Ano ang maipaglilingkod ko sa inyo upang mapagbayaran ang kasalanan sa inyo ng aming bayan, at nang sa gayon ay mapawi ang inyong galit at basbasan ang sambayanan ni Yahweh?”

Sumagot sila, “Ang sama ng loob namin kay Saul at sa kanyang sambahayan ay hindi kayang tumbasan ng ginto at pilak. Ngunit ayaw rin naming pumatay ng sinuman sa Israel.”

“Kung gayon, ano ang dapat kong gawin para sa inyo?” tanong ni David.

Sumagot sila, “Hinangad po ng Saul na iyon na ubusin ang lahi namin sa Israel. Kaya, ibigay ninyo sa amin ang pito sa mga lalaking mula sa kanyang angkan at bibitayin namin sila sa Gibeon sa harapan ni Yahweh.”

“Sige, ibibigay ko sila sa inyo,” sagot ni David.

Ngunit(B) dahil sa sumpaang ginawa nina David at Jonatan, iniligtas niya si Mefiboset, ang apo ni Saul kay Jonatan. Ang(C) ibinigay ng hari ay sina Armoni at isang Mefiboset din ang pangalan, mga anak ni Saul kay Rizpa na anak ni Aya, at ang limang anak ni Adriel kay Merab.[b] Si Merab ay anak ni Saul at si Adriel nama'y anak ni Barzilai na taga-Meholat. Ibinigay ni David sa mga Gibeonita ang pitong ito, at sila'y sama-samang binigti sa bundok sa harapan ni Yahweh. Nangyari ito nang nagsisimulang anihin ang sebada.

10 Sa buong panahon ng anihan hanggang dumating ang tag-ulan, si Rizpa na anak ni Aya ay hindi na umalis sa kinaroroonan ng mga bangkay. Gumawa siya ng isang silungang sako sa ibabaw ng isang malaking bato at binantayan ang mga bangkay upang hindi makain ng mga ibon at maiilap na hayop.

11 Nang mabalitaan ito ni David, 12 ipinakuha(D) niya ang bangkay ni Saul at ni Jonatan sa mga pinuno ng Jabes-gilead. Ninakaw ng mga ito ang bangkay nina Saul at Jonatan sa Bethsan na ibinitin doon ng mga Filisteo noong araw na sila'y mapatay sa Gilboa. 13 Ipinakuha nga niya ang mga bangkay nina Saul at Jonatan at isinama sa mga bangkay ng pitong binigti sa bundok. 14 Pagkatapos, dinala nila ito sa libingan ng kanyang amang si Kish, sa lupain ni Benjamin sa Zela. Ang lahat ng iniutos ng hari ay natupad, at mula noon, dininig ni Yahweh ang kanilang dalangin para sa bansa.

Nalupig ang mga Higante(E)

15 Dumating ang araw na nagdigmaan muli ang mga Filisteo at mga Israelita. Sumama si David sa kanyang mga kawal sa pakikipaglaban. Sa isang labanan ay lubhang napagod si David. 16 Papatayin na sana siya ng higanteng si Esbibenob, na may dalang bagong espada at sibat na may tatlo't kalahating kilo ang bigat. 17 Ngunit(F) tinulungan ni Abisai na anak ni Zeruias si David, at pinatay ang higanteng Filisteo. Mula noon, pinasumpa nila si David na hindi na siya muling sasama sa labanan. “Ikaw ang ilaw ng Israel. Ayaw naming mawala ka sa amin,” sabi ng mga kawal ni David.

18 Hindi nagtagal at muling naglaban ang mga Israelita at ang mga Filisteo. Nangyari naman ito sa Gob at doon napatay ni Sibecai na Husatita ang higanteng si Saf. 19 Sa isa pang sagupaan sa Gob laban sa mga Filisteo, napatay naman ni Elhanan, anak ni Jair na taga-Bethlehem, si Goliat na Geteo. Ang hawakan ng sibat nito'y sinlaki ng kahoy na pahalang sa habihan.

20 Sa isa namang labanan sa Gat, mayroong isang higante na dalawampu't apat ang daliri—tig-aanim bawat paa't kamay. 21 Hinamon nito ang mga Israelita ngunit napatay naman ni Jonatan na pamangkin ni David sa kanyang kapatid na si Simea.

22 Ang apat na ito'y buhat sa lahi ng mga higante sa Gat, at nasawi sa mga kamay ni David at ng kanyang mga tauhan.

Mga Gawa 1

Mahal kong Teofilo,

Sa(A) aking unang aklat ay isinalaysay ko ang lahat ng ginawa at itinuro ni Jesus buhat sa pasimula hanggang sa araw na siya'y umakyat sa langit. Bago siya umakyat, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo ay nag-iwan siya ng mga bilin sa kanyang mga apostol na kanyang hinirang. Sa loob ng apatnapung araw pagkatapos ng kanyang pagkamatay, nagpakita siya sa kanila at sa pamamagitan ng maraming katibayan ay pinatunayan niyang siya'y buháy. Nagturo siya sa kanila tungkol sa paghahari ng Diyos. Samantalang(B) siya'y kasama pa nila, pinagbilinan sila ni Jesus, “Huwag muna kayong aalis sa Jerusalem. Sa halip, hintayin ninyo roon ang ipinangako ng Ama na sinabi ko na sa inyo. Si(C) Juan ay nagbautismo sa tubig, ngunit di magtatagal at babautismuhan kayo sa Espiritu Santo.”

Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit

Nang magkatipon si Jesus at ang mga alagad, nagtanong sila kay Jesus, “Panginoon, itatatag na po ba ninyong muli ang kaharian ng Israel?”

Sumagot si Jesus, “Ang mga panahon at pagkakataon ay itinakda ng Ama sa kanyang sariling kapangyarihan, at hindi na kailangan pang malaman ninyo kung kailan iyon. Subalit(D) tatanggap kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo, at kayo'y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at sa Samaria, at hanggang sa dulo ng daigdig.”

Pagkasabi(E) nito, si Jesus ay iniakyat sa langit habang ang mga alagad ay nakatingin sa kanya, at natakpan siya ng ulap.

10 Habang sila'y nakatitig sa langit at siya'y iniaakyat, may dalawang lalaking nakaputi na lumitaw sa tabi nila. 11 Sabi nila, “Kayong mga taga-Galilea, bakit kayo nakatayo rito at nakatingin sa langit? Itong si Jesus na umakyat sa langit ay magbabalik gaya ng nakita ninyong pag-akyat niya.”

Ang Kapalit ni Judas

12 Nagbalik sa Jerusalem ang mga apostol buhat sa Bundok ng mga Olibo, na halos isang kilometro ang layo sa lungsod. 13 Pagdating(F) sa bahay na kanilang tinutuluyan, umakyat sila sa silid sa itaas. Sila ay sina Pedro, Juan, Santiago, Andres, Felipe, Tomas, Bartolome, Mateo, si Santiago na anak ni Alfeo, si Simon na Makabayan, at si Judas na anak ni Santiago. 14 Lagi silang nagsasama-sama upang manalangin kasama ang mga babae at si Maria na ina ni Jesus, gayundin ang mga kapatid ni Jesus.

15 Makalipas ang ilang araw, nang nagkakatipon ang may isandaan at dalawampung mga kapatid, tumayo sa harap nila si Pedro at nagsalita, 16 “Mga kapatid, kailangang matupad ang sinasabi sa Kasulatan na ipinahayag ng Espiritu Santo sa pamamagitan ni David tungkol kay Judas na nanguna sa mga dumakip kay Jesus. 17 Si Judas ay kabilang sa amin at naging kasama namin sa paglilingkod.”

18 Ang(G) kabayaran sa kanyang pagtataksil ay ibinili niya ng lupa. Doon siya nahulog nang patiwarik at sumabog ang kanyang tiyan at lumabas ang kanyang bituka. 19 Nabalita iyon sa buong Jerusalem, kaya nga't ang lupang iyon ay tinawag na Akeldama sa kanilang wika, na ang kahulugan ay Bukid ng Dugo.

20 Sinabi(H) pa ni Pedro,

“Nasusulat sa Aklat ng mga Awit,
‘Ang tirahan niya'y tuluyang layuan,
    at huwag nang tirhan ninuman.’

Nasusulat din,

‘Gampanan ng iba ang kanyang
    tungkulin.’

21-22 “Kaya't(I) dapat pumili ng isang makakasama namin bilang saksi sa muling pagkabuhay ni Jesus. Kailangang siya'y isa sa mga kasa-kasama namin sa buong panahong kasama kami ng Panginoong Jesus, mula nang bautismuhan ni Juan si Jesus hanggang sa siya ay iniakyat sa langit.”

23 Kaya't iminungkahi nila ang dalawang lalaki, si Matias at si Jose na tinatawag na Barsabas, na kilala rin sa pangalang Justo. 24 Pagkatapos, sila'y nanalangin, “Panginoon, alam ninyo kung ano ang nasa puso ng lahat ng tao. Ipakita po ninyo sa amin kung sino sa dalawang ito ang inyong pinili 25 upang maglingkod bilang apostol kapalit ni Judas na tumalikod sa kanyang tungkulin nang siya'y pumunta sa lugar na nararapat sa kanya.”

26 Nagpalabunutan sila at si Matias ang napili. Kaya't siya ay idinagdag sa labing-isang apostol.

Mga Awit 121

Si Yahweh ang Ating Tagapagtanggol

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

121 Do'n sa mga burol, ako'y napatingin—
    sasaklolo sa akin, saan manggagaling?
Ang hangad kong tulong, kay Yahweh magmumula,
    sa Diyos na lumikha ng langit at ng lupa.

Di niya ako hahayaang mabuwal,
    siya'y di matutulog, ako'y babantayan.
Ang tagapagtanggol ng bayang Israel,
    hindi natutulog at palaging gising!
Si Yahweh ang ating Tagapag-ingat,
    laging nasa piling, upang magsanggalang.
Di ka maaano sa init ng araw,
    kung gabi ay di ka sasaktan ng buwan.

Si Yahweh ang siyang sa iyo'y mag-iingat,
    sa mga panganib, ika'y ililigtas.
Si Yahweh ang siyang sa iyo'y mag-iingat
    saanman naroon, ika'y iingatan, di ka maaano kahit na kailan.

Mga Kawikaan 16:18

18 Ang kapalalua'y humahantong sa pagkawasak,
    at ang mapagmataas na isipan ay ibabagsak.