Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NRSVUE. Switch to the NRSVUE to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
1 Cronica 19-21

Nilupig ni David ang mga Ammonita at mga Taga-Aram(A)

19 Hindi nagtagal at namatay si Nahas na hari ng mga Ammonita. Ang anak niyang si Hanun ang humalili sa kanya. Sinabi ni David, “Napakabuti sa akin ni Nahas. Kailangang kaibiganin ko rin ang kanyang anak.” Kaya nagpadala siya ng mga sugo upang ipahatid ang kanyang pakikiramay kay Hanun sa pagkamatay ng ama nito.

Pagdating ng mga sugo, sinabi kay Hanun ng mga prinsipe ng Ammon, “Naniniwala ka bang ipinadala ni David ang mga sugong ito upang parangalan ang iyong ama? Hindi kaya naparito ang mga iyan bilang mga espiya at upang malaman kung paano sasakupin ang ating bansa?”

Dahil dito'y ipinahuli ni Hanun ang mga sugo ni David, pinaahitan ng balbas at ginupit ang kanilang kasuotan at pinauwing nakahubo. Ngunit nahihiya silang umuwi. Nang malaman ni David ang nangyari, iniutos niyang salubungin ang mga ito at ipinagbilin na sa Jerico muna pansamantalang manatili hanggang hindi tumutubo ang kanilang balbas.

Alam ng mga Ammonita na ang ginawa nila'y ikagagalit ni David, kaya nagpadala si Hanun ng 35,000 kilong pilak sa Mesopotamia, Siria, Maaca at Soba upang umupa ng mga karwahe at mangangabayo sa mga lupaing iyon. Nakakuha sila ng 32,000 karwahe at nakasama pati ang hari ng Maaca at ang kanyang hukbo. Doon sila nagkampo sa tapat ng Medeba. Dumating din ang mga Ammonita mula sa kani-kanilang mga lunsod at humanda rin sa paglaban. Nang malaman ito ni David, pinalabas niya ang kanyang mga mandirigma sa pangunguna ni Joab. Lumabas ang mga Ammonita at humanay sa mga pasukan ng lunsod samantalang ang kanilang mga haring kakampi ay humanay naman sa kapatagang malapit doon.

10 Nang makita ni Joab na dalawang pangkat ang kaaway nila at nanganganib sila sa unahan at likuran, nagdalawang pangkat din sila. Pumili siya ng matatapang na mga Israelita at pinaharap sa mga taga-Siria. 11 Ang mga iba naman na pinangunahan ng kapatid niyang si Abisai ay pinaharap sa mga Ammonita. 12 Sinabi niya rito, “Kung matatalo kami ng mga taga-Siria, tulungan mo kami. Kung kayo naman ang matatalo ng mga Ammonita, tutulungan namin kayo. 13 Kaya lakasan ninyo ang inyong loob! Lalaban tayo nang buong tapang alang-alang sa ating mga kababayan at sa mga lunsod ng ating Diyos. Mangyari nawa ang kalooban ni Yahweh.”

14 Nang magsagupa ang pangkat ni Joab at ang mga taga-Siria, napatakbo nila ang mga ito. 15 Nang makita ng mga Ammonita ang nangyari, pati sila'y umurong papuntang lunsod. Hinabol naman sila ng pangkat ni Abisai. Pagkatapos, bumalik na si Joab sa Jerusalem. 16 Nang makita ng mga taga-Siria na wala silang kalaban-laban sa Israel, humingi sila ng tulong sa mga kasamahan nila sa ibayo ng Ilog Eufrates. Tumulong naman ang pangkat na pinamumunuan ni Sofac, pinuno ng hukbo ni Hadadezer. 17 Agad namang ibinalita ito kay David, at noon di'y inihanda niya ang buong hukbo ng Israel. Tumawid sila sa Jordan at humanda sa pakikipaglaban. 18 Sinalakay sila ng mga taga-Siria, ngunit napaurong na naman ito ng hukbo ng Israel. Nakapatay sila ng 7,000 nakakarwahe, at 40,000 kawal na lakad kasama ang kanilang pinuno na si Sofac. 19 Nang matalo ng Israel ang mga haring kakampi ni Hadadezer, sumuko ang mga ito, nakipagkasundo kay David at nagpasakop sa kanya. 20 Mula noon, ayaw nang tumulong ng mga taga-Siria sa mga Ammonita.

Pinarusahan ang mga Ammonita(B)

20 Nang(C) sumapit ang tagsibol, panahon na karaniwang ang mga hari'y nakikipagdigma, lumabas ang hukbo ng Israel na pinamumunuan ni Joab at sinalakay ang lupain ng mga Ammonita. Umabot sila sa Rabba. Kinubkob nila ito, at pagkatapos ay sinunog nila. Subalit si David ay nagpaiwan sa Jerusalem. Kinuha ni David sa ulo ng diyus-diyosang si Molec ang koronang ginto nito na tumitimbang ng tatlumpu't limang kilo. Tinanggal niya mula rito ang nakapalamuting mamahaling bato at inilagay niya sa kanyang sariling korona. Marami siyang kinuha mula sa nasamsam sa lunsod. Binihag niya ang mga mamamayan. Binigyan niya ang mga ito ng mga lagari at iba't ibang matatalim at matutulis na kasangkapang bakal, at sila'y sapilitang pinagtrabaho. Ganoon din ang ginawa niya sa lahat ng mamamayan ng iba pang lunsod ng mga Ammonita. Pagkatapos, si David at ang buong bayan ay bumalik na sa Jerusalem.

Pakikipaglaban sa mga Higanteng Filisteo(D)

Pagkatapos nito ay nakipaglaban naman sila sa mga Filisteo sa Gezer. Sa labanang ito, napatay ni Sibecai na Husatita si Sipai, na nagmula sa lahi ng mga higante, at natalo ang mga Filisteo.

Sa(E) isa pang pakikidigma laban sa mga Filisteo, si Lahmi na kapatid ni Goliat na taga-Gat ay napatay ni Elhanan na anak ni Jair. Ang hawakan ng kanyang sibat ay sinlaki ng hawakan na ginagamit sa habihan ng tela.

Sa isa pang labanan na naganap naman sa Gat, may isa pang higante roon na may dalawampu't apat na daliri, tig-aanim sa paa't kamay. Nang laitin nito ang Israel, pinatay ito ni Jonatan, ang pamangkin ni David sa kanyang kapatid na si Simea.

Ang mga higanteng ito'y buhat sa lahi ng mga higanteng taga-Gat, at napatay silang lahat ni David at ng mga tauhan niya.

Ang Sensus at ang Salot(F)

21 Nais guluhin ni Satanas ang Israel kaya inudyukan nito si David na magsensus. Dahil dito, inutusan ng hari si Joab at ang mga pinuno ng hukbo na alamin ang bilang ng mga Israelita mula sa Beer-seba hanggang sa Dan, at iulat sa kanya.

Ngunit sinabi ni Joab, “Halimbawang ang mga tao'y paramihin ni Yahweh nang makasandaang beses, hindi ba't sila'y mga lingkod mo pa rin, at ikaw ang kanilang marangal na hari? Bakit pa ninyo kailangang gawin ito, Kamahalan? Bakit pa ninyo bibigyan ng dahilan upang magkasala ang Israel?” Ngunit nanaig ang utos ng hari. Kaya't si Joab ay naglibot sa buong lupain at pagkatapos ay nagbalik sa Jerusalem. Iniulat niya kay David ang kabuuang bilang ng kalalakihang maaaring gawing kawal: sa Israel ay 1,100,000 at sa Juda naman ay 470,000. Ngunit hindi niya isinama sa sensus ang lipi nina Levi at Benjamin, sapagkat labag sa kanyang kalooban ang utos na ito ng hari.

Nagalit ang Diyos sa ginawang ito, kaya pinarusahan niya ang Israel. Sinabi ni David sa Diyos, “Napakalaking kasalanan ang nagawa ko, Yahweh! Patawarin mo sana ako sa aking kahangalan.”

Sinabi ni Yahweh kay Gad, ang propeta ni David, 10-11 “Pumunta ka kay David at sabihin mo sa kanya, ‘Sinabi ni Yahweh, pumili ka sa tatlong bagay na maaari kong gawin sa iyo.’”

Pumunta nga si Gad kay David at pinapili ito: 12 tatlong taóng taggutom, tatlong buwang pananalanta ng mga kaaway, o tatlong araw na pananalanta ng Diyos sa pamamagitan ng salot sa buong Israel na isasagawa ng anghel ni Yahweh. “Magpasya ka ngayon upang masabi ko ito kay Yahweh,” sabi ni Gad kay David.

13 “Napakahirap ng kalagayan ko,” sagot ni David. “Gusto kong si Yahweh ang magparusa sa akin sapagkat mahabagin siya. Ayaw kong tao ang magparusa sa akin.”

14 Nagpadala nga ng salot sa Israel si Yahweh, at pitumpung libo ang namatay sa kanila. 15 Sinugo ng Diyos ang isang anghel ni Yahweh upang wasakin ang Jerusalem, ngunit nang wawasakin na ito, ikinalungkot ni Yahweh ang nangyayari. Kaya't sinabi niya, “Tama na! Huwag mo nang ituloy iyan.” Ang anghel noon ay nakatayo sa tabi ng giikan ni Ornan na isang Jebuseo.

16 Tumingala si David at nakita niya ang anghel ni Yahweh sa pagitan ng langit at lupa. May hawak itong espada at nakaamba sa Jerusalem. Si David at ang matatandang pinuno ay nagsuot ng damit-panluksa, at nagpatirapa. 17 Tumawag siya sa Diyos, “Ako po ang nag-utos na alamin ang bilang ng mga tao. Walang kasalanan ang mga taong-bayan. Kaya ako at ang aking angkan na lamang ang inyong parusahan. Huwag ninyong idamay sa salot ang mga tao.”

18 Si Gad ay inutusan ng anghel ni Yahweh upang sabihin kay David na magpunta sa giikan ni Ornan na Jebuseo at magtayo roon ng altar para kay Yahweh. 19 Sumunod naman si David sa ipinapasabi ni Yahweh kay Gad. 20 Gumigiik noon si Ornan kasama ang apat niyang anak na lalaki. Nang makita nila ang anghel, nagtago ang mga anak niya. 21 Nakita ni Ornan na dumarating si David, kaya't sinalubong niya ito. Nagpatirapa siya bilang pagbibigay-galang. 22 Sinabi ni David, “Bibilhin ko ang lupang ito para pagtayuan ko ng altar ni Yahweh upang matigil na ang salot na namiminsala sa bayan.”

23 “Sa inyo na lang po ito at huwag na ninyong bayaran,” sagot ni Ornan. “Kayo na po ang bahala kung anong gusto ninyong gawin. Narito pa po ang mga toro para sa handog na susunugin at ang mga kahoy na ginagamit sa paggiik para gawing panggatong. Narito rin po ang trigo para sa handog na pagkaing butil. Lahat pong ito'y sa inyo na.”

24 Ngunit sinabi ni David kay Ornan, “Hindi! Ibibigay ko sa iyo ang eksaktong bayad. Hindi ako maghahandog kay Yahweh ng bagay na hindi akin at ng anumang walang halaga.” 25 Kaya't binili ni David kay Ornan ang lugar na iyon sa halagang animnaraang pirasong ginto. 26 Nagtayo siya roon ng altar para kay Yahweh at nagdala ng handog na susunugin at handog pangkapayapaan. Nanalangin siya kay Yahweh at sumagot naman si Yahweh sa pamamagitan ng apoy buhat sa langit upang sunugin ang mga handog sa ibabaw ng altar.

27 Iniutos ni Yahweh sa anghel na isuksok na ang espada, at sumunod naman ito. 28 Noon natiyak ni David na pinakinggan siya ni Yahweh. Kaya't nag-alay si David ng mga handog sa giikang pag-aari noon ni Ornan na Jebuseo. 29 Noon, ang tabernakulo ni Yahweh na ginawa ni Moises sa ilang, at ang altar na sunugan ng mga handog ay nasa burol na lugar ng pagsamba sa Gibeon. 30 Ngunit hindi makapunta doon si David upang sumangguni sa Diyos sapagkat natatakot siya sa espada ng anghel ni Yahweh.

Roma 2:25-3:8

25 Mahalaga lamang ang iyong pagiging tuli kung tumutupad ka sa Kautusan, subalit kung lumalabag ka sa Kautusan, para ka ring hindi tinuli. 26 Kung ang hindi tuli ay gumagawa batay sa panuntunan ng Kautusan, hindi ba siya ituturing na tuli? 27 Kaya, ikaw na Judiong nasa ilalim ng Kautusan ngunit hindi naman tumutupad nito, ay hahatulan ng mga tumutupad sa Kautusan bagaman hindi sila tinuli. 28 Sapagkat ang pagiging isang tunay na Judio ay hindi dahil sa panlabas na kaanyuan o dahil sa pagtutuli sa laman. 29 Ang(A) tunay na Judio ay ang taong nabago sa puso't kalooban ayon sa Espiritu at hindi ayon sa Kautusang nasusulat. Ang papuri sa taong iyon ay mula sa Diyos at hindi mula sa mga tao.

Kung gayon, paano nakakalamang ang Judio sa hindi Judio? Ano ang kabuluhan ng pagiging tuli? Napakarami! Una sa lahat, ang mga Judio ang pinagkatiwalaan ng mga pahayag ng Diyos. Ano nga kung hindi naging tapat ang ilan sa kanila? Ang ibig kayang sabihin niyon ay hindi na rin tapat ang Diyos? Hinding-hindi!(B) Ang Diyos ay tapat at totoo kahit na sinungaling pa ang lahat ng tao. Ayon nga sa nasusulat,

“Kapag ikaw ay nagsalita, mapapatunayan kang matuwid
    at kung ikaw ay hahatulan, ikaw ay mananaig.”

Ngunit kung ang kasamaan natin ay nagpapakilala ng katarungan ng Diyos, masasabi ba nating hindi siya makatarungan dahil tayo'y pinaparusahan niya? (Ganyan ang pangangatuwiran ng tao.) Hinding-hindi! Kung hindi makatarungan ang Diyos, paano niya hahatulan ang sanlibutan?

Kung sa pamamagitan ng aking kasinungalingan ay lalong lumilitaw ang kaluwalhatian ng Diyos, sapagkat lalong nakikilala na siya'y tapat, bakit pa niya ako paparusahan bilang isang makasalanan? Kung gayon, bakit nga hindi natin sabihin, “Gumawa tayo ng masama kung mabuti naman ang magiging bunga nito”? Ganyan daw ang itinuturo namin, sabi ng mga naninira sa amin. Sila'y paparusahan ng Diyos, at iyan ang nararapat.

Mga Awit 11

Pagtitiwala kay Yahweh

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

11 Kay Yahweh ko isinalig ang aking kaligtasan,
    kaya't ang ganito'y huwag sabihin ninuman:
“Lumipad kang tulad ng ibon patungo sa kabundukan,
    sapagkat ang pana ng masasama ay laging nakaumang,
    upang tudlain ang taong matuwid mula sa kadiliman.
Ang mabuting tao'y mayroon bang magagawa,
    kapag ang mga pundasyon ng buhay ay nasira?”

Si Yahweh ay naroon sa kanyang banal na Templo,
    doon sa kalangitan, nakaupo sa kanyang trono,
at buhat doo'y pinagmamasdan ang lahat ng tao,
    walang maitatagong anuman sa gawa ng mga ito.
Ang mabuti at masama ay kanyang sinusuri;
    sa taong suwail siya'y lubos na namumuhi.
Pinauulanan niya ng apoy at asupre ang masasamang tao;
    at sa mainit na hangin sila'y kanyang pinapaso.
Si Yahweh ay matuwid at sa gawang mabuti'y nalulugod;
    sa piling niya'y mabubuhay ang sa kanya'y sumusunod.

Mga Kawikaan 19:10-12

10 Ang masaganang pamumuhay ay di angkop sa isang mangmang;
    gayon din ang alipin, di dapat mamuno sa mga dugong bughaw.
11 Ang kahinahunan ay nagpapakilala ng katalinuhan,
    ang pagpapatawad sa masamang ginawa sa kanya ay kanyang karangalan.
12 Ang poot ng hari ay parang leong umuungal,
    ngunit ang kanyang paglingap ay parang hamog sa halaman.