The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NRSVUE. Switch to the NRSVUE to read along with the audio.
Ang Pananambahan sa Jerusalem at Gibeon
37 Si Asaf at ang kanyang mga kamag-anak ay inatasan ni David na mangasiwa sa pagsambang idinaraos araw-araw sa lugar na kinalalagyan ng Kaban ng Tipan. 38 Si Obed-edom kasama ang animnapu't walong kamag-anak niya ang tutulong sa kanila. Si Obed-edom na anak ni Jeduthun at si Hosa naman ang magbabantay sa pinto. 39 Inatasan naman ni David si Zadok at ang mga kamag-anak nitong pari na maglingkod sa tabernakulo ni Yahweh sa Burol ng Gibeon. 40 Umaga't gabi, ayon sa nakasulat sa Kautusan ni Yahweh para sa Israel, patuloy silang nag-aalay ng mga handog na susunugin sa altar. 41 Kasama nila roon sina Heman at Jeduthun at iba pang pinili upang magpasalamat kay Yahweh sapagkat pag-ibig niya'y tunay at laging tapat kailanman. 42 Silang dalawa ang tumutugtog ng trumpeta at pompiyang at iba pang uri ng panugtog na pansaliw sa mga awiting ukol sa Diyos. Ang mga anak naman ni Jeduthun ang ginawang bantay sa pintuan.
43 Pagkatapos,(A) nagsiuwian na ang mga tao. Si David ay umuwi na rin upang makapiling ang kanyang pamilya.
Ang Mensahe ni Natan kay David(B)
17 Nang si Haring David ay nakatira na sa kanyang palasyo, sinabi niya kay Propeta Natan, “Ang tahanan ko'y yari sa sedar, samantalang nasa isang tolda lamang ang Kaban ng Tipan ni Yahweh.”
2 Sinabi ni Natan, “Gawin mo ang inaakala mong mabuti, sapagkat ang Diyos ay kasama mo.”
3 Ngunit nang gabi ring iyon, sinabi ni Yahweh kay Natan, 4 “Pumunta ka kay David na aking lingkod at sabihin mong hindi siya ang magtatayo ng Templo para sa akin. 5 Sapagkat mula nang ilabas ko ang Israel mula sa Egipto hanggang sa araw na ito ay hindi pa ako nanirahan sa isang templo. Ang tahanan ko'y toldang palipat-lipat. 6 Gayunman, kahit saan ako magpunta kasama ang bayang Israel, wala isa man sa mga hukom na inilagay kong tagapanguna ang sinumbatan ko o pinaghanapan man lang kung bakit hindi ako ipinagpatayo ng templong yari sa sedar. 7 Sabihin mo kay David na aking lingkod na ipinapasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: ‘Inalis kita sa pagpapastol ng mga tupa upang pamunuan ang aking bayang Israel. 8 Sinamahan kita saan ka man pumaroon, at sa harapan mo'y pinuksa ko ang iyong mga kaaway. Ang pangalan mo'y mapapabilang sa mga dakilang tao sa daigdig. 9 Bibigyan ko ang Israel ng sariling lupain at hindi na sila pahihirapan ni gagambalain man ng masasamang tao, 10 gaya ng nangyari sa kanila nang unang maglagay ako ng mga hukom sa aking bayang Israel. Papasukuin kong lahat ang iyong mga kaaway at patatatagin ko ang iyong angkan. 11 Pagkamatay mo, isa sa mga anak mong lalaki ang hahalili sa iyo bilang hari, at patatatagin ko ang kanyang kaharian. 12 Siya ang magtatayo ng aking templo at magiging walang katapusan ang kanyang paghahari. 13 Ako'y(C) kanyang magiging ama at siya'y aking magiging anak. Hindi magbabago ang aking pag-ibig sa kanya, di tulad ng ginawa ko sa sinundan mo. 14 Siya ang pamamahalain ko sa aking bayan at kaharian habang panahon. Mananatili magpakailanman ang kanyang trono.’”
15 Sinabi ni Natan kay David ang lahat nang narinig at nakita niya sa pangitain.
Ang Panalangin ni David(D)
16 Dumulog si Haring David kay Yahweh sa Toldang Tipanan at sinabi, “ Panginoong Yahweh, ako at ang aking sambahayan ay di karapat-dapat sa mga kabutihang ginawa mo na sa amin. 17 Ang kabutihang ito'y patuloy mo pang dinaragdagan. At ngayon ay may pangako ka pa sa aking susunod na salinlahi. Panginoong Yahweh, itinuturing mo pa ako ngayon na isa sa mga dakilang tao. 18 Sa ganitong pagpaparangal mo sa akin, ano pa ang masasabi ko? Higit mo akong kilala bilang iyong lingkod! 19 Alang-alang sa akin na iyong lingkod, at ayon sa iyong kalooban, ipinahayag mo ang mga dakilang bagay na ito. 20 Wala kang katulad, O Yahweh. Wala kaming kilalang Diyos na tulad mo. 21 Mayroon bang bansa sa daigdig na maitutulad sa Israel? Tinubos mo siya sa pagkaalipin upang maging bayan mo. Nakilala ng marami ang iyong pangalan dahil sa ginawa mong mga kababalaghan. Pinalayas mo ang mga bansang dinatnan ng bayan mong ito na inilabas mo sa Egipto. 22 Yahweh, tinanggap mo ang bayang Israel upang maging iyo magpakailanman, at kinilala ka namang Diyos nila.
23 “Kaya pagtibayin mo ang iyong sinabi tungkol sa iyong lingkod, at patatagin magpakailanman ang kanyang angkan. 24 Kung magkagayon, kikilalanin ang iyong pangalan at dadakilain ng mga tao. At sasabihin nila, ‘Si Yahweh ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel.’ Patatatagin mo ang paghahari ng angkan ng iyong lingkod na si David. 25 Ikaw na rin ang naghayag sa akin ng iyong pangakong patatatagin ang aking sambahayan kaya malakas ang loob kong hilingin ito sa iyo. 26 Ikaw, Yahweh, ay Diyos, at ang mga dakilang pangakong ito'y ginawa mo para sa iyong lingkod. 27 Kaya basbasan mo nawa ang angkan ng iyong lingkod upang magpatuloy ito sa iyong harapan magpakailanman, sapagkat ang pinagpapala mo ay pinagpapala magpakailanman.”
Mga Tagumpay ni David sa Labanan(E)
18 Pagkatapos nito, sinalakay ni David ang mga Filisteo at tinalo ang mga ito. Sinakop niya ang Gat at ang mga nayon nito.
2 Tinalo niya ang mga Moabita at sinakop ang mga ito. Mula noo'y ipinag-utos niyang magbayad ng buwis ang mga ito.
3 Tinalo rin niya si Haring Hadadezer ng Zoba sa labanan sa Hamat nang gusto nitong sakupin ang lupain sa may Ilog Eufrates. 4 Nakasamsam si David ng sanlibong karwahe, nakabihag ng pitong libong mangangabayo at dalawampung libong kawal. Pumili siya ng mga kabayo para sa sandaang karwahe at kanyang nilumpo ang natira.
5 Nang sumaklolo kay Hadadezer ang mga taga-Siria buhat sa Damasco, nilipol ni David ang 22,000 sa kanila. 6 Pagkatapos, nagtayo siya ng mga himpilan ng hukbo sa Damasco na sakop ng Siria. Pinagbuwis niya ang mga mamamayan nito. Kahit saan, si David ay nagtatagumpay sa mga labanan sa tulong ni Yahweh. 7 Ang mga pananggang yari sa ginto na nasamsam ni David sa mga alipin ni Hadadezer ay dinala niya sa Jerusalem. 8 Napakaraming(F) tanso ang nasamsam niya sa Tibha at Cun, mga lunsod ni Hadadezer. Ito ang ginamit ni Solomon sa pagpapagawa ng tansong ipunan ng tubig, mga haligi at mga sisidlang tanso para sa Templo.
9 Nang mabalitaan ni Haring Tou ng Hamat na nalupig ni David ang buong hukbo ni Hadadezer na hari ng Zoba, 10 sinugo niya ang kanyang anak na si Hadoram upang batiin si David. Si Hadadezer ay kaaway ni Tou. Nagpadala siya ng mga sisidlang ginto, 11 pilak at tanso at ang mga ito'y inihandog ni Haring David kay Yahweh. Inihandog din niya ang iba pang nasamsam niyang ginto at pilak mula sa ibang mga bansa: mula sa Edom, Moab, Ammon, Filistia, at Amalek.
12 Si(G) Abisai na anak ni Zeruias ay nakapatay ng 18,000 Edomita sa Libis ng Asin. 13 Nagtayo siya ng mga himpilan ng hukbo sa Edom sapagkat ang mga Edomita ay nasakop rin ni David. Pinagtagumpay ni Yahweh si David saanman siya makarating.
14 Naghari si David sa buong Israel at ito'y pinamahalaan niya nang may katarungan at pagkakapantay-pantay. 15 Si Joab na anak ni Zeruias ang siyang pinuno ng hukbo, at si Jehoshafat na anak ni Ahilud ang tagapagtala. 16 Si Zadok na anak ni Ahitob at si Ahimelec na anak ni Abiatar ang mga pari. Si Seraia naman ang kalihim. 17 Ang tagapangasiwa sa mga bantay sa hari ay si Benaias na anak ni Joiada. Ang mga anak naman ni David ay nasa matataas na katungkulan.
Matuwid ang Hatol ng Diyos
2 Kaya(A) nga, sino ka mang humahatol sa iba, wala kang maidadahilan. Sapagkat sa paghatol mo sa iba, hinahatulan mo rin ang iyong sarili, dahil ikaw na humahatol ay gumagawa rin ng ganoon. 2 Nalalaman nating makatarungan ang hatol ng Diyos laban sa mga gumagawa ng mga iyon. 3 Hinahatulan mo ang mga gumagawa ng mga bagay na ginagawa mo rin. Akala mo ba'y makakaiwas ka sa hatol ng Diyos? 4 O(B) hinahamak mo ang Diyos, sapagkat siya'y napakabait, matiisin, at mapagpasensya? Hindi mo ba alam na ang kabutihan ng Diyos ang umaakay sa iyo upang magsisi at tumalikod sa kasalanan? 5 Ngunit dahil matigas ang iyong ulo at ayaw mong magsisi, lalo mong pinapabigat ang parusang igagawad sa iyo sa Araw na iyon, kung kailan ihahayag ang poot at makatarungang paghatol ng Diyos. 6 Sapagkat(C) igagawad niya sa lahat ng tao ang naaayon sa kanilang mga ginawa. 7 Buhay na walang hanggan ang ibibigay niya sa mga taong nagpapatuloy sa paggawa ng mabuti, at naghahangad ng karangalan, kadakilaan at kawalang kamatayan. 8 Ngunit matinding galit at poot ang sasapitin ng mga taong makasarili at ayaw sumunod sa katotohanan kundi sumusunod sa kasamaan. 9 Paghihirap at kapighatian ang daranasin ng bawat gumagawa ng masama, una ang mga Judio at gayundin ang mga Hentil. 10 Ngunit kapurihan, karangalan at kapayapaan naman ang tatamuhin ng bawat gumagawa ng mabuti, una ang mga Judio at gayundin ang mga Hentil 11 sapagkat(D) walang kinikilingan ang Diyos.
12 Ang mga Hentil ay walang Kautusan ni Moises. Sila ay nagkakasala at paparusahan nang hindi batay sa Kautusan. Ang mga Judio ay mayroong Kautusan. Sila ay nagkakasala at hahatulan batay sa Kautusan. 13 Sapagkat hindi ang mga nakikinig sa Kautusan, kundi ang sumusunod dito, ang siyang pawawalang-sala ng Diyos.
14 Kapag ang mga Hentil na hindi saklaw ng Kautusan ay gumagawa batay sa panuntunan nito ayon sa kanilang likas na pag-iisip, ito'y nagiging kautusan na para sa kanila. 15 Ipinapakita ng kanilang mga gawa na nakasulat sa kanilang puso ang panuntunan ng Kautusan. Pinapatunayan din ito ng kanilang budhi, sapagkat kung minsan sila'y sinusumbatan nito; at kung minsan naman, sila'y ipinagtatanggol nito sa kanilang isipan.
16 Ayon sa Magandang Balitang aking ipinapangaral, gayon ang mangyayari sa Araw na ang mga lihim ng mga tao'y hahatulan ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus.[a]
Ang mga Judio at ang Kautusan
17 Ngunit ikaw na nagsasabing ikaw ay Judio at nananalig sa Kautusan, ipinagmamalaki mong may kaugnayan ka sa Diyos. 18 Sabi mo'y alam mo ang kanyang kalooban at sumasang-ayon ka sa mabubuting bagay, sapagkat ito ang natutunan mo sa Kautusan. 19 Ang palagay mo'y taga-akay ka ng bulag, tanglaw ng mga nasa kadiliman, 20 tagapayo ng mga hangal, at tagapagturo ng mga bata, dahil natuklasan mo sa Kautusan ang buong kaalaman at katotohanan. 21 Nagtuturo ka sa iba, bakit di mo turuan ang iyong sarili? Nangangaral kang masama ang magnakaw, bakit ka nagnanakaw? 22 Sinasabi mong huwag mangangalunya, bakit ka nangangalunya? Nasusuklam ka sa mga diyus-diyosan, bakit ninanakawan mo ang mga templo nila? 23 Ipinagmamalaki mong saklaw ka ng Kautusan, ngunit nilalapastangan mo naman ang Diyos sa pamamagitan ng paglabag mo sa Kautusan! 24 Ayon nga sa nasusulat, “Ang pangalan ng Diyos ay nilalait ng mga Hentil dahil sa inyo.”
16 Naghahari si Yahweh magpakailanpaman,
mga bansang may ibang Diyos, sa lupa'y mapaparam.
17 Papakinggan mo, Yahweh, ang dalangin ng mga hamak,
patatatagin mo ang loob ng mga kapus-palad.
18 Ipagtatanggol mo ang mga api at mga ulila,
upang wala nang taong mananakot ng kapwa.
8 Ang nagsisikap matuto, sa sarili ay nagmamahal,
ang nagpapahalaga sa karunungan ay magtatagumpay.
9 Ang bulaang saksi ay tiyak na mapaparusahan,
at ang sinungaling ay wala ring tatakbuhan.
by