Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Lucas 23

Sa Harapan ni Pilato(A)

23 Tumayo ang buong Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio at dinala si Jesus kay Pilato. Siya ay pinaratangan nila ng ganito, “Napatunayan po namin na inililigaw ng taong ito ang aming mga kababayan at pinagbabawalan niyang magbayad ng buwis sa Emperador. Sinasabi pa niyang siya raw ang Cristo, na isang hari.”

Tinanong siya ni Pilato, “Ikaw nga ba ang Hari ng mga Judio?”

“Ikaw na ang may sabi,” tugon ni Jesus.

Sinabi ni Pilato sa mga punong pari at sa mga tao, “Wala akong makitang kasalanan sa taong ito.”

Ngunit iginiit nila, “Sa kanyang pagtuturo ay inuudyukan niyang maghimagsik ang mga taga-Judea. Nagsimula siya sa Galilea at ngayo'y narito na.”

Sa Harapan ni Herodes

Nang marinig ito ni Pilato, itinanong niya kung si Jesus ay taga-Galilea nga. At nang malaman niyang si Jesus ay sakop ni Haring Herodes, ipinadala niya si Jesus kay Herodes, na nagkataon namang nasa Jerusalem nang mga araw na iyon. Tuwang-tuwa si Herodes nang makita niya si Jesus. Matagal na niyang ibig makita ito sapagkat marami siyang nababalitaan tungkol dito. Umaasa si Herodes na gagawa si Jesus ng ilang himala, at nais niyang makita iyon. Marami siyang itinanong kay Jesus, ngunit hindi ito sumagot kahit minsan.

10 Samantala, ang mga punong pari at ang mga tagapagturo ng Kautusan ay nakatayo doon at walang pakundangang pinaparatangan si Jesus. 11 Siya'y hinamak at tinuya ni Herodes at ng mga kawal nito. Siya ay dinamitan nila ng magarang damit, at ipinabalik siya kay Pilato. 12 At nang araw ding iyon, naging magkaibigan sina Herodes at Pilato na dati'y magkagalit.

Hinatulang Mamatay si Jesus(B)

13 Ipinatawag ni Pilato ang mga punong pari, ang mga pinuno ng bayan at ang mga tao. 14 Sinabi niya sa kanila, “Isinakdal ninyo sa akin ang taong ito sa paratang na inililigaw niya ang mga taong bayan. Siniyasat ko siya sa harap ninyo at napatunayan kong walang katotohanan ang mga paratang ninyo sa kanya. 15 Gayundin si Herodes, kaya ipinabalik niya sa atin ang taong ito. Wala siyang ginawang karapat-dapat para sa hatol na kamatayan. 16 Ipahahagupit ko na lamang siya at pagkatapos ay aking palalayain.” [17 Tuwing Pista ng Paskwa, kinakailangang magpalaya si Pilato ng isang bilanggong mapipili ng taong-bayan.][a]

18 Subalit sabay-sabay na sumigaw ang mga tao, “Patayin ang taong iyan! Palayain si Barabbas!” 19 Si Barabbas ay nabilanggo dahil sa paghihimagsik na pinangunahan nito sa lungsod, at dahil na rin sa salang pagpatay.

20 Sa pagnanais na mapalaya si Jesus, minsan pang nagsalita sa kanila si Pilato, 21 ngunit sumigaw ang mga tao, “Ipako siya sa krus! Ipako siya sa krus!”

22 Ikatlong ulit na sinabi sa kanila ni Pilato, “Bakit, ano ba ang ginawa niyang masama? Wala akong makitang dahilan upang siya'y hatulan ng kamatayan. Kaya't ipahahagupit ko siya at pagkatapos ay palalayain.”

23 Ngunit lalo nilang ipinagsigawan na si Jesus ay dapat ipako sa krus. Nanaig ang kanilang sigaw 24 kaya't ipinasya ni Pilato na pagbigyan ang kanilang hinihingi. 25 Ang taong hiningi nila, na nabilanggo dahil sa paghihimagsik at pagpatay, ay pinalaya niya at ibinigay niya si Jesus sa kanila upang gawin ang kanilang kagustuhan.

Si Jesus ay Ipinako sa Krus(C)

26 Si Jesus ay dinala ng mga kawal. Nasalubong nila sa daan si Simon na taga-Cirene na noon ay galing sa bukid. Pinigil nila ito at ipinapasan dito ang krus habang pinapasunod kay Jesus.

27 Sinusundan si Jesus ng maraming tao, kabilang ang ilang babaing nag-iiyakan at tumatangis dahil sa kanya. 28 Nilingon sila ni Jesus at sinabi, “Mga kababaihan ng Jerusalem, huwag ninyo akong iyakan. Ang tangisan ninyo'y ang inyong sarili at ang inyong mga anak. 29 Tandaan ninyo, darating ang mga araw na sasabihin nila, ‘Pinagpala ang mga baog, ang mga sinapupunang hindi nagdalang-tao, at ang mga dibdib na hindi nagpasuso.’ 30 Sa(D) mga araw na iyo'y sasabihin ng mga tao sa mga bundok, ‘Gumuho kayo sa amin!’ at sa mga burol, ‘Tabunan ninyo kami!’ 31 Sapagkat kung ganito ang ginagawa sa kahoy na sariwa, ano naman kaya ang mangyayari sa kahoy na tuyo?”

32 May dalawa pang kriminal na inilabas ang mga kawal upang pataying kasama ni Jesus. 33 Nang dumating sila sa isang bundok na tinatawag na Bungo, ipinako nila si Jesus sa krus. Ipinako rin ang dalawang kriminal, isa sa kanyang kanan at isa sa kaliwa. [34 Sinabi(E) ni Jesus, “Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”][b]

Nagpalabunutan ang mga kawal upang paghati-hatian ang kasuotan niya. 35 Ang(F) mga tao nama'y nakatayo roon at nanonood, habang si Jesus ay kinukutya ng mga pinuno ng bayan. Sinabi nila, “Iniligtas niya ang iba; iligtas niya ngayon ang kanyang sarili kung siya nga ang Cristo na hinirang ng Diyos!”

36 Nilait(G) din siya ng mga kawal. Nilapitan siya ng isa at inalok ng maasim na alak, 37 kasabay ng ganitong panunuya, “Kung ikaw nga ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili.”

38 Mayroon ding nakasulat sa kanyang ulunan [sa wikang Griego, Latin at Hebreo],[c] “Ito ang Hari ng mga Judio.”

39 Tinuya rin siya ng isa sa mga salaring nakapako sa tabi niya, “Hindi ba ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang iyong sarili at pati na rin kami.”

40 Ngunit pinagsabihan naman ito ng kanyang kasama, “Wala ka na bang takot sa Diyos? Ikaw ay pinaparusahan ding tulad niya! 41 Tama lamang na tayo'y parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa; ngunit ang taong ito'y walang ginawang masama.” 42 At sinabi pa nito, “Jesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na.”

43 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa iyo, isasama kita ngayon sa Paraiso.”

Ang Pagkamatay ni Jesus(H)

44 Nang magtatanghaling-tapat na, hanggang sa ikatlo ng hapon, nagdilim sa buong lupain. 45 Nawalan(I) ng liwanag ang araw at ang tabing ng Templo'y napunit sa gitna. 46 Sumigaw(J) nang malakas si Jesus, “Ama, sa mga kamay mo'y ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu!” At pagkasabi nito, nalagot ang kanyang hininga.

47 Nang makita ng kapitan ng mga kawal ang nangyari, siya'y nagpuri sa Diyos na sinasabi, “Tunay ngang matuwid ang taong ito!”

48 Maraming tao ang nagkakatipon doon at nanonood. Nang makita nila ang mga nangyari, umuwi silang dinadagukan ang kanilang dibdib dahil sa lungkot. 49 Nakatayo(K) naman sa di-kalayuan ang mga kasamahan ni Jesus, pati ang mga babaing sumama sa kanya mula sa Galilea. Pinagmasdan nila ang mga pangyayaring ito.

Ang Paglilibing kay Jesus(L)

50-51 May isang lalaki roon na ang pangala'y Jose. Siya'y taga-Arimatea, isang bayan sa Judea. Mabuti at matuwid ang taong ito, at isa siya sa mga naghihintay sa kaharian ng Diyos. Kahit na siya'y kagawad ng Kapulungan, hindi siya sang-ayon sa kanilang ginawa kay Jesus. 52 Nagpunta siya kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus. 53 Ibinabâ niya ang bangkay, binalot sa telang lino at inilagay sa isang libingang inuka sa bato na hindi pa napaglilibingan. 54 Araw noon ng Paghahanda at magsisimula na ang Araw ng Pamamahinga.

55 Sumunod kay Jose ang mga babaing sumama kay Jesus mula pa sa Galilea. Nakita nila ang libingan at ang pagkakalagay doon ng bangkay ni Jesus. 56 Pagkatapos,(M) umuwi sila at naghanda ng mga pabango at mira.

Pagsapit ng Araw ng Pamamahinga, nangilin sila ayon sa Kautusan.

Juan 18-19

Ang Pagdakip kay Jesus(A)

18 Pagkatapos ng panalanging ito, umalis si Jesus kasama ang kanyang mga alagad. Pumunta sila sa ibayo ng batis ng Kidron at pumasok sa isang halamanan doon. Alam ng taksil na si Judas ang lugar na iyon sapagkat doon madalas magpunta si Jesus at ang kanyang mga alagad. Isinama roon ni Judas ang ilang mga bantay sa Templo at isang pangkat ng mga kawal Romano na padala ng mga punong pari at mga Pariseo. May dala silang mga lampara, mga sulo at mga sandata. Alam ni Jesus ang lahat ng mangyayari sa kanya kaya't sila ay sinalubong niya at tinanong, “Sino ang hinahanap ninyo?”

“Si Jesus na taga-Nazaret,” sagot nila.

At sinabi niya, “Ako iyon.”

Si Judas na nagkanulo sa kanya ay kaharap nila noon. Nang sabihin ni Jesus na “Ako iyon,” napaurong sila at bumagsak sa lupa.

Muli niyang itinanong, “Sino ba ang hinahanap ninyo?”

“Si Jesus na taga-Nazaret,” sagot nila.

Sumagot si Jesus, “Sinabi ko na sa inyong ako iyon. Kung ako ang hinahanap ninyo, hayaan ninyong umalis ang mga taong ito.” Sa gayon, natupad ang kanyang sinabi, “Ama, walang napahamak kahit isa sa mga ibinigay mo sa akin.”

10 Binunot ni Simon Pedro ang kanyang tabak at tinaga ang alipin ng Pinakapunong Pari, at natagpas ang kanang tainga nito. Ang pangalan ng alipin ay Malco. 11 Sinabi(B) ni Jesus kay Pedro, “Ibalik mo sa lalagyan ang iyong tabak! Sa palagay mo ba'y hindi ko iinuman ang kopa ng pagdurusa na ibinigay sa akin ng Ama?” 12 Dinakip nga si Jesus at iginapos ng mga bantay na Judio at ng mga kawal na Romano na pinamumunuan ng isang kapitan.

Si Jesus sa Harapan ni Anas

13 Siya'y dinala muna kay Anas na biyenan ni Caifas, ang pinakapunong pari nang taong iyon. 14 Si(C) Caifas ang nagpayo sa mga pinuno ng mga Judio na makabubuti para sa kanila na isang tao lamang ang mamatay para sa bayan.

Ikinaila ni Pedro si Jesus(D)

15 Sumunod kay Jesus si Simon Pedro at ang isa pang alagad. Ang alagad na ito ay kilala ng pinakapunong pari kaya't nakapasok siyang kasama ni Jesus hanggang sa patyo ng bahay ng pinakapunong pari. 16 Naiwan naman si Pedro sa labas ng pintuan, kaya lumabas ang alagad na kilala ng pinakapunong pari, kinausap ang utusang babae na nagbabantay sa pinto at pinapasok si Pedro. 17 Si Pedro'y tinanong ng babae, “Hindi ba't isa ka sa mga alagad ng taong iyan?”

“Hindi,” sagot ni Pedro.

18 Maginaw noon, kaya't nagsiga ng uling ang mga utusan at ang mga bantay, at nag-umpukan sila sa paligid ng apoy upang magpainit. Nakihalo sa kanila si Pedro, tumayo roon at nagpainit din.

Tinanong si Jesus sa Harapan ng Pinakapunong Pari(E)

19 Tinanong si Jesus ng Pinakapunong Pari tungkol sa kanyang mga alagad at sa kanyang itinuturo. 20 Sumagot si Jesus, “Hayagan akong nagsasalita sa madla, at lagi akong nagtuturo sa mga sinagoga at sa Templo na pinagtitipunan ng mga Judio. Wala akong sinabi nang palihim. 21 Bakit ako ang tinatanong ninyo? Ang tanungin ninyo'y ang mga nakarinig sa akin; alam nila kung ano ang sinabi ko.”

22 Pagkasabi nito'y sinampal siya ng isa sa mga bantay na naroroon. “Ganyan ba ang pagsagot sa pinakapunong pari?” tanong niya.

23 Sumagot si Jesus, “Kung may sinabi akong masama, patunayan mo! Ngunit kung tama ang sinabi ko, bakit mo ako sinampal?”

24 Matapos ito, si Jesus na nakagapos pa noon ay ipinadala ni Anas kay Caifas, ang pinakapunong pari.

Muling Ikinaila ni Pedro si Jesus(F)

25 Habang nagaganap ito, si Simon Pedro ay nakatayo at nagpapainit pa rin sa tabi ng apoy. Siya'y tinanong ng mga naroon, “Hindi ba't alagad ka rin ng taong iyan?”

Ipinagkaila ito ni Pedro. “Hindi!” sagot niya.

26 Tinanong naman siya ng isa sa mga utusan ng pinakapunong pari at kamag-anak ng lalaking natagpasan niya ng tainga, “Hindi ba nakita kitang kasama ni Jesus sa halamanan?” 27 Muling ikinaila ito ni Pedro, at agad na tumilaok ang manok.

Dinala si Jesus kay Pilato(G)

28 Maaga pa nang dalhin si Jesus sa palasyo ng gobernador mula sa bahay ni Caifas. Hindi pumasok ang mga pinuno ng mga Judio sa palasyo upang sila'y huwag maituring na di karapat-dapat kumain ng hapunang pampaskwa. 29 Kaya't si Pilato ay lumabas sa palasyo at tinanong sila, “Ano ang paratang ninyo laban sa taong ito?”

30 Sila'y sumagot, “Hindi po namin siya dadalhin sa inyo kung hindi siya gumawa ng masama.”

31 Sinabi sa kanila ni Pilato, “Kayo na ang bahala sa kanya at hatulan ninyo siya ayon sa inyong batas.”

Subalit sumagot ang mga Judio, “Hindi ipinapahintulot sa aming humatol ng kamatayan kaninuman.” 32 Sa(H) gayon, natupad ang sinabi ni Jesus nang ipahiwatig niya kung sa anong paraan siya mamamatay.

33 Si Pilato ay pumasok uli sa palasyo at ipinatawag si Jesus. “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” tanong niya.

34 Sumagot si Jesus, “Galing ba sa sarili mo ang tanong na iyan, o may ibang nagsabi sa iyo tungkol sa akin?”

35 Tugon ni Pilato, “Sa tingin mo ba'y Judio ako? Ang mga kababayan mo at ang mga punong pari ang nagdala sa iyo rito. Ano ba ang ginawa mo?”

36 Sumagot si Jesus, “Ang kaharian ko'y hindi sa sanlibutang ito. Kung sa sanlibutang ito ang aking kaharian, ipinaglaban sana ako ng aking mga tauhan upang hindi maipagkanulo sa mga Judio. Ngunit hindi mula sa sanlibutang ito ang aking kaharian!”

37 “Kung ganoon, isa ka ngang hari?” sabi ni Pilato.

Sumagot si Jesus, “Ikaw na ang nagsasabing ako'y hari. Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa sanlibutan, upang magpatotoo tungkol sa katotohanan. Nakikinig sa aking tinig ang sinumang nasa katotohanan.”

38 “Ano ba ang katotohanan?” tanong ni Pilato.

Hinatulang Mamatay si Jesus(I)

Pagkasabi nito, muling lumabas si Pilato at sinabi sa mga Judio, “Wala akong nakikitang dahilan upang hatulan siya. 39 Ngunit ayon sa inyong kaugalian, dapat akong magpalaya ng isang bilanggo sa Pista ng Paskwa. Ibig ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?”

40 “Hindi!” sigaw nila. “Hindi siya, kundi si Barabbas!” Si Barabbas ay isang tulisan.

19 Kaya't ipinakuha ni Pilato si Jesus at ipinahagupit. Ang mga kawal ay kumuha ng halamang matinik, ginawa itong korona at ipinutong kay Jesus. Siya rin ay sinuotan nila ng balabal na kulay ube. Lumapit sila sa kanya at sinabi, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” At kanilang pinagsasampal si Jesus.

Lumabas muli si Pilato at sinabi sa mga tao, “Ihaharap ko siya sa inyo upang malaman ninyo na wala akong nakikitang dahilan upang hatulan siya!” At lumabas si Jesus na may koronang tinik at balabal na kulay ube. Sinabi sa kanila ni Pilato, “Pagmasdan ninyo ang taong ito!”

Pagkakita sa kanya ng mga punong pari at ng mga bantay, sila'y nagsigawan, “Ipako siya sa krus! Ipako sa krus!”

Sinabi ni Pilato, “Kayo ang bahala sa kanya at magpako sa kanya sa krus, dahil wala akong nakikitang dahilan upang hatulan siya.”

Sumagot ang mga Judio, “Mayroon kaming batas at ayon dito ay nararapat siyang mamatay, sapagkat sinasabi niyang siya'y Anak ng Diyos.”

Nang marinig ni Pilato ang sinabi nila, lalo siyang natakot. Muli siyang pumasok sa palasyo at tinanong si Jesus, “Tagasaan ka ba?” Subalit hindi tumugon si Jesus. 10 Muling nagtanong si Pilato, “Ayaw mong magsalita sa akin? Hindi mo ba alam na may kapangyarihan akong palayain ka o ipapako sa krus?”

11 Sumagot(J) si Jesus, “Hindi ka magkakaroon ng kapangyarihan sa akin kung hindi iyan ibinigay sa iyo mula sa langit, kaya't mas mabigat ang kasalanan ng nagdala sa akin dito sa harapan mo.”

12 Nang marinig ito ni Pilato, naghanap siya ng paraan upang palayain si Jesus. Ngunit nagsigawan ang mga Judio, “Kapag pinalaya mo ang taong iyan, hindi ka kaibigan ng Emperador! Ang sinumang nagsasabing siya'y hari ay kalaban ng Emperador.”

13 Pagkarinig ni Pilato sa mga salitang ito, inilabas niya si Jesus at siya'y umupo sa upuan ng hukom na nasa dakong tinatawag na “Plataporma,” Gabatha sa wikang Hebreo.

14 Araw noon ng Paghahanda sa Paskwa, at mag-aalas-dose na ng tanghali. Sinabi ni Pilato sa mga Judio, “Narito ang inyong hari!”

15 Sumigaw sila, “Patayin siya! Patayin! Ipako sa krus!”

“Ipapako ko ba sa krus ang inyong hari?” tanong naman ni Pilato. Sumagot ang mga punong pari, “Wala kaming hari kundi ang Emperador!”

16 Kaya't ibinigay sa kanila ni Pilato si Jesus upang siya'y ipako sa krus.

Ipinako si Jesus sa Krus(K)

Kinuha nga nila si Jesus. 17 Inilabas siyang pasan ang kanyang krus papunta sa lugar na kung tawagi'y “Dako ng Bungo,” Golgotha sa wikang Hebreo. 18 Doon ay ipinako siya sa krus, kasama ng dalawa pa; isa sa gawing kanan at isa sa kaliwa. 19 Gumawa si Pilato ng isang karatula at inilagay sa krus; ganito ang nakasulat: “Si Jesus na taga-Nazaret, ang Hari ng mga Judio.” 20 Nakasulat ito sa mga wikang Hebreo, Latin, at Griego. Marami sa mga Judio ang nakabasa nito sapagkat malapit lamang sa lungsod ang dakong pinagpakuan kay Jesus. 21 Kaya't sinabi ng mga punong pari kay Pilato, “Huwag ninyong isulat ang, ‘Ang Hari ng mga Judio’, kundi, ‘Sinabi ng taong ito, Ako ang Hari ng mga Judio.’”

22 Ngunit sumagot si Pilato, “Ang naisulat ko'y naisulat ko na.”

23 Nang si Jesus ay maipako na ng mga kawal, kinuha nila ang kanyang kasuotan at pinaghati-hati sa apat na bahagi, isa sa bawat kawal. Kinuha rin nila ang kanyang mahabang panloob na kasuotan; ito'y walang tahi at hinabi nang buo mula sa itaas hanggang sa ibaba. 24 Kaya't(L) nag-usap-usap ang mga kawal, “Huwag nating punitin ito; magpalabunutan tayo para malaman kung kanino ito mapupunta.” Sa gayon, natupad ang isinasaad ng Kasulatan,

“Pinaghati-hatian nila ang aking kasuotan;
    at para sa aking damit sila'y nagpalabunutan.”

Ganoon nga ang ginawa ng mga kawal.

25 Nakatayo sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid nitong babae, si Maria na asawa ni Cleopas, at si Maria Magdalena. 26 Nang makita ni Jesus ang kanyang ina at ang minamahal niyang alagad na nasa tabi nito, sinabi niya, “Ginang, narito ang iyong anak!”

27 At sinabi niya sa alagad, “Narito ang iyong ina!” Mula noon, pinatira ng alagad na ito sa kanyang bahay ang ina ni Jesus.

Ang Pagkamatay ni Jesus(M)

28 Alam(N) ni Jesus na naganap na ang lahat ng bagay. Kaya't upang matupad ang kasulatan ay sinabi niya, “Nauuhaw ako!”

29 May isang mangkok doon na puno ng maasim na alak. Inilubog nila rito ang isang espongha, ikinabit iyon sa isang tangkay ng hisopo at inilapit sa kanyang bibig. 30 Pagkatanggap ni Jesus ng alak, sinabi niya, “Naganap na!” Iniyuko niya ang kanyang ulo at nalagot ang kanyang hininga.

Sinaksak ng Sibat ang Tagiliran ni Jesus

31 Noo'y Araw ng Paghahanda, at ayaw ng mga Judio na manatili sa krus ang mga bangkay hanggang sa Araw ng Pamamahinga, dahil natatangi ang Araw na iyon ng Pamamahinga. Kaya't hiniling nila kay Pilato na ipabali ang mga binti ng mga ipinako sa krus at alisin ang mga bangkay. 32 Pumunta nga roon ang mga kawal at binali ang mga binti ng dalawang ipinakong kasama ni Jesus. 33 Ngunit pagdating nila kay Jesus at makitang patay na siya, hindi na nila binali ang kanyang mga binti. 34 Subalit sinaksak ng isang kawal ang tagiliran ni Jesus sa pamamagitan ng sibat at agad lumabas doon ang dugo at tubig. 35 Ang nakakita nito ang nagpatotoo upang kayo rin ay maniwala.[a] Totoo ang kanyang pahayag at alam niyang katotohanan ang sinasabi niya. 36 Nangyari(O) ang lahat ng ito upang matupad ang sinasabi sa kasulatan, “Walang mababali isa man sa kanyang mga buto.” 37 At(P) may bahagi pa rin ng kasulatan na nagsasabi, “Pagmamasdan nila ang kanilang sinaksak ng sibat.”

Ang Paglilibing kay Jesus(Q)

38 Pagkatapos nito, si Jose na taga-Arimatea ay nagsadya kay Pilato upang humingi ng pahintulot na makuha ang bangkay ni Jesus. (Dati ay inilihim ni Jose na siya'y isang alagad ni Jesus dahil sa takot niya sa mga pinuno ng mga Judio.) Pinahintulutan naman siya ni Pilato, kaya't kinuha niya ang bangkay ni Jesus. 39 Kasama(R) rin niya si Nicodemo na noong una ay sa gabi nagsadya kay Jesus. May dala itong pabango, mga tatlumpung kilong pinaghalong mira at aloe. 40 Kinuha nila ang bangkay ni Jesus at nilagyan ng pabango at binalot sa telang lino, ayon sa kaugalian ng mga Judio. 41 Malapit sa pinagpakuan kay Jesus ay may isang halamanan, at dito'y may isang bagong libingang hindi pa napaglilibingan. 42 Dahil noon ay bisperas ng Araw ng Pamamahinga, at dahil malapit ang libingang ito, doon nila inilibing si Jesus.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.