Chronological
Pagbati
1 Mula kay Pablo, apostol ni Cristo Jesus, sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos ayon sa pangako ng buhay na matatagpuan kay Cristo Jesus, 2 Kay (A) Timoteo na minamahal kong anak: Sumaiyo ang biyaya, habag, at kapayapaan mula sa Diyos Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon.
Katapatan sa Ebanghelyo
3 Nagpapasalamat ako sa Diyos, na pinaglingkuran ko nang may malinis na budhi gaya ng ginawa ng aking mga ninuno, tuwing inaalala kita sa aking mga panalangin araw at gabi. 4 Naaalala ko ang iyong mga pagluha, kaya sabik na sabik na akong makita ka, upang malubos ang aking kagalakan. 5 Naaalala (B) ko ang iyong tapat na pananampalataya, na unang tinaglay ng iyong Lola Loida at ng iyong inang si Eunice. Natitiyak kong nasa iyo rin ang pananampalatayang ito. 6 Dahil dito, ipinaaalala ko sa iyo na lalo mong pag-alabin ang kaloob na ibinigay sa iyo ng Diyos nang ipatong ko sa iyo ang aking mga kamay. 7 Sapagkat ang Espiritung ibinigay sa atin ng Diyos ay hindi espiritu ng kahinaan ng loob, kundi espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig at pagpipigil sa sarili. 8 Kaya't huwag mong ikahiya ang pagpapatotoo tungkol sa ating Panginoon, at huwag mo rin akong ikahiya na kanyang bilanggo. Sa halip, makiisa ka sa aking paghihirap alang-alang sa ebanghelyo. Magagawa ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. 9 Siya ang nagligtas at tumawag sa atin tungo sa banal na pamumuhay. Ginawa niya ito, hindi dahil sa anumang nagawa natin kundi ayon sa kanyang layunin at kagandahang-loob na ibinigay niya sa atin kay Cristo Jesus bago pa nagsimula ang panahon. 10 Nahayag na ito ngayon nang dumating si Cristo Jesus na ating Tagapagligtas. Ginapi niya ang kamatayan at ang liwanag ng buhay na walang kamatayan sa pamamagitan ng ebanghelyo. 11 Dahil (C) sa ebanghelyong ito, ako'y itinalagang tagapangaral, apostol at guro.[a] 12 Ito rin ang dahilan ng aking mga pagdurusa. Ngunit hindi ako nahihiya, sapagkat kilala ko ang aking sinasampalatayanan, at ako'y nagtitiwalang maiingatan niya hanggang sa araw na iyon ang aking ipinagkatiwala sa kanya.[b] 13 Gawin mong halimbawa ang mga aral na narinig mo sa akin, at magpatuloy ka sa pamumuhay sa pananampalataya at pag-ibig na bunga ng ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus. 14 Ingatan mo ang mabuting bagay na ipinagkatiwala sa iyo sa tulong ng Banal na Espiritung nananahan sa atin.
15 Alam mong iniwan ako ng lahat ng nasa Asia, kabilang sa kanila sina Figello at Hermogenes. 16 Pagpalain nawa ng Panginoon ang sambahayan ni Onesiforo, sapagkat maraming pagkakataong dinamayan niya ako, at hindi niya ako ikinahiya kahit na ako'y isang bilanggo. 17 Noong siya'y dumating sa Roma, pilit niya akong hinanap hanggang matagpuan niya ako. 18 Kahabagan nawa siya ng Panginoon sa araw na iyon. Alam mo naman kung paano niya ako pinaglingkuran sa Efeso.
Ang Mabuting Kawal ni Cristo Jesus
2 Kaya nga, anak ko, magpakatatag ka sa pamamagitan ng biyaya na nakay Cristo Jesus. 2 Ang mga bagay na narinig mo sa akin sa harap ng maraming saksi ay ipagkatiwala mo rin sa mga mapagkakatiwalaan at may kakayahang magturo sa iba. 3 Makihati ka sa mga paghihirap tulad ng isang mabuting kawal ni Cristo Jesus. 4 Hindi pinag-aabalahan ng isang kawal ang mga bagay na walang kinalaman sa pagiging kawal, upang mabigyan niya ng kasiyahan ang kanyang pinuno. 5 Gayundin naman, hindi magwawagi ang isang manlalaro kung hindi siya susunod sa mga alituntunin. 6 Ang masipag na magsasaka ang siyang dapat unang makinabang sa kanyang ani. 7 Isipin mong mabuti ang sinasabi ko sapagkat tutulungan ka ng Panginoon na maunawaan ang lahat.
8 Alalahanin mo si Jesu-Cristo na muling binuhay at nagmula sa angkan ni David, ayon sa ebanghelyong ipinapangaral ko. 9 Ito ang dahilan ng aking pagdurusa at pagkabilanggo, na parang ako'y isang kriminal. Ngunit hindi maaaring ibilanggo ang salita ng Diyos. 10 Dahil dito, tinitiis ko ang lahat alang-alang sa mga hinirang, upang makamit nila ang kaligtasan na matatagpuan kay Cristo Jesus na nagdudulot ng kaluwalhatiang walang hanggan. 11 Mapagkakatiwalaan ang salitang ito:
Kung tayo'y namatay na kasama niya, mabubuhay rin tayong kasama niya;
12 kung (D) tayo'y makapagtitiis, maghahari naman tayong kasama niya;
kapag siya'y ating ikakaila, ikakaila rin niya tayo;
13 kung tayo ma'y hindi nanatiling tapat, siya'y nananatiling tapat;
sapagkat hindi niya magagawang ikaila ang kanyang sarili.
14 Ipaalala mo sa kanila ang mga ito, at sa harap ng Diyos[c] ay pagbilinan mo sila na umiwas sa pagtatalo tungkol sa kahulugan ng mga salita. Wala itong ibinubungang mabuti at sa halip ay nagpapahamak lamang sa mga nakikinig.
Ang Manggagawa ng Diyos
15 Pagsikapan mong maging karapat-dapat sa Diyos, isang manggagawang walang anumang dapat ikahiya, at matapat sa pagtuturo ng katotohanan. 16 Iwasan mo ang mga usapang walang kabuluhan, sapagkat lalo lang magtutulak ito sa mga tao sa higit pang kasamaan. 17 Ang mga salita ng mga gumagawa nito'y gaya ng kanser na kumakalat sa katawan. Kasama sa mga ito sina Himeneo at Fileto. 18 Lumihis sila sa katotohanan at sinasabing ang muling pagkabuhay ay naganap na. Sinisira nila ang pananampalataya ng iba. 19 Ngunit (E) matibay ang saligang itinatag ng Diyos, at doo'y nakatatak: “Kilala ng Panginoon kung sino ang sa kanya,” at, “Lumayo sa kasamaan ang bawat tumatawag sa pangalan ng Panginoon.” 20 Sa isang malaking bahay ay may mga sisidlang yari sa ginto at pilak, ngunit mayroon din namang yari sa kahoy at putik. Ang iba'y para sa marangyang paggagamitan, at ang iba'y para sa karaniwan. 21 Sinumang naglilinis ng kanyang sarili mula sa kasamaan ay tulad ng mga sisidlang natatangi, malinis, at karapat-dapat gamitin ng may-ari para sa lahat ng mabuting gawain. 22 Layuan mo ang masasamang pagnanasa ng kabataan. Pagsikapan mong mabuhay ka sa katuwiran, pananampalataya, pag-ibig, at kapayapaan, kasama ng mga tumatawag sa Panginoon mula sa pusong dalisay. 23 Iwasan mo ang mga hangal at walang kabuluhang pakikipagtalo. Alam mo namang nagbubunga lang ang mga iyan ng pag-aaway. 24 Ang lingkod ng Panginoon ay hindi dapat makipag-away, sa halip, dapat siyang mabait sa lahat, mahusay magturo at matiyaga. 25 Mahinahon niyang pinapangaralan ang mga sumasalungat sa kanya, sa pag-asang pagkakalooban sila ng Diyos ng pagkakataong magsisi tungo sa pagkakilala sa katotohanan. 26 Sa gayon, matatauhan sila at makakawala sa bitag ng diyablo na bumihag sa kanila upang gawin ang kanyang kalooban.[d]
Ang mga Huling Araw
3 Unawain mo ito: Magkakaroon ng mga panahon ng kapighatian sa mga huling araw. 2 Ang mga tao'y magiging makasarili, sakim sa salapi, mayayabang, mapagmalaki, mapagmalabis, suwail sa mga magulang, walang utang na loob, at lapastangan sa Diyos. 3 Sila'y magiging malupit, walang habag, mapanirang-puri, walang pagpipigil sa sarili, mababangis, at namumuhi sa mabuti. 4 Sila'y magiging taksil, pabaya, mapusok, maibigin sa kalayawan sa halip na maibigin sa Diyos. 5 Sila'y magkukunwaring maka-Diyos, ngunit tinatanggihan naman ang kapangyarihan nito. Layuan mo ang ganitong uri ng mga tao. 6 May ilan sa kanila ang gumagamit ng panlilinlang upang makapasok sa mga tahanan at makabihag ng mga mahihinang kababaihan, mga kababaihang pinahihirapan ng kasalanan at ng iba't ibang uri ng pagnanasa. 7 Sila'y laging tinuturuan, ngunit hindi nila natututuhan ang katotohanan. 8 Kung (F) paanong sinalungat nina Janes at Jambres si Moises, kalaban din ng katotohanan ang mga taong ito, mga taong masasama ang pag-iisip at hindi tunay ang pananampalataya. 9 Ngunit hindi magtatagal ang kanilang kasamaan, sapagkat mahahayag sa lahat ang kanilang kahangalan, gaya ng nangyari kina Janes at Jambres.
Mga Huling Habilin
10 Sinunod mong mabuti ang aking itinuro sa iyo, ang aking pamumuhay at layunin. Tinularan mo ang aking pananampalataya, pagtitiyaga, pag-ibig, at pagtitiis. 11 Nasaksihan (G) mo ang mga pag-uusig at pagdurusang dinanas ko sa Antioquia, Iconio, at Listra. Ganoon na lang ang mga pag-uusig na tiniis ko! Ngunit sa lahat ng ito ay iniligtas ako ng Panginoon. 12 Totoo ngang ang lahat ng ibig mabuhay bilang tagasunod ni Cristo Jesus ay daranas ng pag-uusig. 13 Samantalang ang masasama at mandaraya ay lalong magpapakasama; sila'y manlilinlang at malilinlang. 14 Ngunit ikaw, magpatuloy ka sa mga bagay na natutuhan mo at matibay mong pinaniwalaan, yamang kilala mo ang mga nagturo nito sa iyo. 15 Mula pa sa iyong pagkabata ay alam mo na ang Banal na Kasulatan, na nagbigay sa iyo ng karunungan upang matutuhan ang kaligtasang makakamit sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. 16 Ang lahat ng mga kasulatan ay ihininga ng Diyos at mapapakinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, pagtutuwid, at pagsasanay sa katuwiran, 17 upang ang lingkod ng Diyos ay maging karapat-dapat at lubusang maihanda sa lahat ng mabubuting gawa.
4 Sa harap ng Diyos at ni Cristo Jesus, na siyang hahatol sa mga buháy at sa mga patay sa kanyang pagdating bilang hari, itinatagubilin ko ito sa iyo: 2 ipangaral mo ang salita; pagsikapan mo iyan umaayon man ang panahon o hindi. Ituwid mo ang mga tao, sawayin sila, palakasin ang kanilang loob sa pamamagitan ng iyong matiyagang pagtuturo. 3 Sapagkat darating ang panahon na hindi makikinig ang mga tao sa wastong aral. Sa halip, upang masunod ang kanilang kagustuhan, maghahanap sila ng mga gurong magtuturo sa kanila ng mga gusto nilang marinig. 4 Tatalikod sila sa pakikinig sa katotohanan at babaling sa pakikinig ng mga alamat. 5 Kaya magpakahinahon ka, tiisin mo ang mga kahirapan, gampanan mo ang gawain ng isang ebanghelista, at pagbutihin mo ang iyong paglilingkod.
6 Dumating na ang panahon ng aking pagpanaw. Ibinuhos na ang aking buhay tulad ng isang inuming-handog. 7 Nakipaglaban ako nang mabuti, natapos ko na ang aking takbuhin, nanatili ako sa pananampalataya. 8 Ngayon ay nakalaan na sa akin ang koronang inilaan sa mga matuwid, na sa araw na iyon ay igagawad sa akin ng Panginoon, ang makatarungang hukom. Ngunit ito'y hindi lamang sa akin, kundi sa lahat ng nananabik sa kanyang muling pagdating.
Mga Personal na Tagubilin
9 Sikapin mong makapunta rito sa akin sa lalong madaling panahon. 10 Iniwan (H) na ako ni Demas, dahil sa kanyang pag-ibig sa kasalukuyang buhay. Pumunta siya sa Tesalonica. Si Crescente nama'y nagtungo sa Galacia, at si Tito ay sa Dalmacia. 11 Si (I) Lucas na lamang ang kasama ko. Himukin mong sumama sa iyo si Marcos papunta rito, sapagkat malaking tulong siya sa aking gawain. 12 Pinapunta (J) ko si Tiquico sa Efeso. 13 Dalhin (K) mo rito ang aking balabal na iniwan ko kay Carpo sa Troas. Dalhin mo rin ang aking mga aklat, lalo na iyong mga yari sa balat. 14 Napakasama (L) ng ginawa sa akin ng panday-tansong si Alejandro. Ang Panginoon na ang bahalang gumanti sa kanyang ginawa. 15 Mahigpit ang pagtutol niya sa ating ipinapangaral, kaya mag-ingat ka sa kanya. 16 Sa unang paglilitis ay walang sumama sa akin; pinabayaan ako ng lahat. Huwag nawa itong ibilang ng Panginoon laban sa kanila. 17 Ngunit hindi ako pinabayaan ng Panginoon! Sinamahan niya ako at binigyan ng lakas upang maipahayag ang mensahe at mapakinggan ito ng lahat ng mga Hentil. At gaya ng pagkaligtas mula sa bibig ng leon, ako'y naligtas mula sa tiyak na kamatayan. 18 Ang Panginoon ang magliligtas sa akin sa bawat masamang gawa at siya rin ang maghahatid sa akin sa kanyang kaharian sa langit. Sa kanya ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.
Huling Pagbati at Basbas
19 Ikumusta (M) mo ako kina Priscila at Aquila at sa sambahayan ni Onesiforo. 20 Nanatili (N) si Erasto sa Corinto, si Trofimo naman ay iniwan kong maysakit sa Mileto. 21 Pilitin mong makapunta dito bago magtaglamig. Kinukumusta ka nina Eubulo, Pudente, Lino, Claudia, at ng lahat ng mga kapatid. 22 Sumaiyo nawa ang Panginoon.[e] Sumainyo ang lahat ng biyaya ng Diyos.[f]
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.