Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
2 Corinto 5-9

Sapagkat alam namin na kung mawasak ang ating tirahang tolda sa lupa, mayroon tayong gusali mula sa Diyos, isang bahay na hindi gawa ng kamay ng tao, walang hanggan sa sangkalangitan. Sa ngayon tayo ay dumaraing, nasasabik na mabihisan ng ating panlangit na tahanan, sapagkat kapag tayo ay nabihisan na,[a] hindi tayo madadatnang hubad. Sapagkat habang tayo ay nasa toldang ito, tayo ay dumaraing dahil sa pasanin, hindi sa nais naming matagpuang hubad, kundi ang mabihisan, upang ang may kamatayan ay lunukin ng buhay. Ang naghanda sa atin para sa layuning ito ay Diyos, na nagbigay sa atin ng Espiritu bilang katibayan.

Kaya't kami'y laging may lakas ng loob, kahit nalalaman namin na habang kami ay naninirahan sa katawan, kami ay malayo sa Panginoon. Sapagkat lumalakad kami sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng aming nakikita. Kaya't malakas ang aming loob, at mas nanaisin pa naming mapalayo sa katawan at mapunta sa tahanan sa piling ng Panginoon. Kaya't pinakamimithi namin na bigyan siya ng kasiyahan, kami man ay nasa tahanan o malayo sa tahanan. 10 Sapagkat (A) tayong lahat ay kailangang humarap sa hukuman ni Cristo, upang bawat isa ay tumanggap ng kabayaran sa mga bagay na ginawa niya habang nasa katawan, mabuti man o masama.

Ang Paglilingkod Tungo sa Pakikipagkasundo

11 Kaya't yamang nalalaman namin kung paano magkaroon ng takot sa Panginoon, sinisikap naming humikayat ng mga tao. Kung ano kami ay hayag sa Diyos; at ako'y umaasa na kami ay hayag din sa inyong mga budhi. 12 Hindi namin ipinagmamalaking muli ang aming sarili sa inyo, kundi binibigyan namin kayo ng pagkakataon na ipagmalaki kami, upang masagot ninyo ang mga nagmamalaki batay sa nakikita at hindi sa nilalaman ng puso. 13 Sapagkat kung kami ay wala sa aming sarili, ito ay para sa Diyos; kung kami ay nasa katinuan ng pag-iisip, ito ay para sa inyo. 14 Ang pag-ibig ni Cristo ang nag-uudyok sa amin, sapagkat kami'y nakatitiyak na may isang namatay para sa lahat, kaya't ang lahat ay namatay. 15 At siya'y namatay para sa lahat upang ang mga nabubuhay ay huwag nang mabuhay pa para sa kanilang sarili, kundi para sa kanya na alang-alang sa kanila ay namatay at muling nabuhay.

16 Kaya't mula ngayon ay hindi namin kinikilala ang sinuman ayon sa pamantayan ng laman, bagaman noon ay nakilala namin si Cristo ayon sa pamantayan ng laman, ngunit ngayon ay hindi na gayon ang aming pagkakilala sa kanya. 17 Kaya't ang sinumang nakipag-isa na kay Cristo ay isa nang bagong nilikha. Ang mga lumang bagay ay lumipas. Masdan ninyo, ang lahat ay naging bago. 18 Lahat ng ito ay mula sa Diyos, at sa pamamagitan ni Cristo ay pinagkasundo tayo ng Diyos sa kanyang sarili, at siyang nagbigay sa amin ng paglilingkod tungo sa pakikipagkasundo. 19 Samakatuwid, ang Diyos ay na kay Cristo, na ipinagkakasundo ang sanlibutan sa kanyang sarili at hindi ibinibilang sa mga tao ang kanilang mga pagkakasala. Ipinagkatiwala niya sa amin ang mensahe ng pakikipagkasundo. 20 Kaya nga kami ay mga sugo para kay Cristo, na parang ang Diyos mismo ang nakikiusap sa pamamagitan namin. Nakikiusap kami sa inyo, alang-alang kay Cristo: makipagkasundo kayo sa Diyos. 21 Itinuring niyang nagkasala siya na hindi nakaranas ng kasalanan, upang sa pamamagitan niya, tayo'y ituring na matuwid sa harapan ng Diyos.

Bilang mga kamanggagawa ng Diyos, nagsusumamo kami sa inyo na huwag ninyong sayangin ang pagtanggap ninyo ng kanyang biyaya. Sapagkat (B) sinasabi niya,

“Sa tamang panahon ikaw ay aking pinakinggan,
    at sa araw ng kaligtasan ikaw ay aking tinulungan.”

Ngayon na ang tamang panahon; ngayon na ang araw ng kaligtasan. Hindi kami nagbibigay ng dahilan upang ang sinuman ay matisod, upang hindi mapintasan ang aming paglilingkod. Kundi, sa lahat ng mga bagay, bilang mga lingkod ng Diyos, sinisikap naming maging kagalang-galang. Ito'y kahit sa gitna ng maraming pagtitiis, mga pagdurusa, mga paghihirap, at mga kalungkutan, sa (C) mga pagkabugbog, mga pagkabilanggo, mga kaguluhan, mga pagpapagal, mga pagpupuyat, at sa pagkagutom. Maging sa katapatan, kaalaman, pagtitiyaga, at kagandahang-loob; sa Banal na Espiritu at sa pag-ibig na hindi pakunwari; sa pagsasalita ng katotohanan at sa kapangyarihan ng Diyos. Ginagamit namin ang mga sandata ng katuwiran sa kaliwa't kanan, kahit ito'y humantong sa karangalan o kahihiyan, sa panlalait o sa papuri ng kapwa. Nananatili kaming tapat kahit itinuturing kaming mga huwad; kahit kilala, itinuturing na mga hindi kilala; tulad sa mga naghihingalo, gayunma'y nabubuhay; tulad sa mga pinaparusahan, ngunit hindi pinapatay; 10 tulad sa mga nalulungkot, subalit laging natutuwa; tulad sa mga dukha, subalit maraming pinayayaman, tulad sa mga walang-wala, subalit mayroon ng lahat ng bagay.

11 Matapat kaming nagsalita sa inyo, mga taga-Corinto, maluwang naming binuksan ang aming puso para sa inyo. 12 Hindi namin kayo pinaghihigpitan, kundi pinaghihigpitan kayo ng sarili ninyong damdamin. 13 Kinakausap ko kayo ngayon na parang sarili kong mga anak, buksan din naman ninyo ang inyong mga puso.

Ang Templo ng Diyos na Buháy

14 Huwag kayong makipamatok nang hindi patas sa mga di-mananampalataya. Sapagkat anong samahan mayroon ang katuwiran at kamalian? O anong pakikisama mayroon ang liwanag sa kadiliman? 15 At anong pagkakasundo mayroon si Cristo kay Belial? O anong bahagi mayroon ang mananampalataya sa di-mananampalataya? 16 Anong (D) pakikipagkaisa mayroon ang templo ng Diyos sa mga diyus-diyosan? Sapagkat tayo[b] ay templo ng Diyos na buhay. Gaya ng sinabi ng Diyos,

“Ako'y maninirahan sa kanila, at lalakad na kasama nila,
    ako'y magiging Diyos nila,
    at sila'y magiging bayan ko.
17 Kaya't (E) lumabas kayo sa kanila,
    at humiwalay kayo, sabi ng Panginoon.
Huwag kayong humipo ng anumang bagay na marumi,
    at kayo'y aking tatanggapin,
18 at (F) ako'y magiging ama ninyo,
    at kayo'y magiging mga anak ko,
sabi ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat.”

Mga minamahal, yamang mayroon tayong mga ganitong pangako, linisin natin ang ating mga sarili sa lahat ng nagpaparumi ng katawan at ng espiritu, at gawin nating lubusan ang kabanalan nang may takot sa Diyos.

Ang Kagalakan ni Pablo

Buksan ninyo sa amin ang inyong mga puso. Wala kaming inaping sinuman. Wala kaming sinirang sinuman. Wala kaming pinagsamantalahan. Hindi ko sinasabi ito upang husgahan kayo, sapagkat sinabi ko na nang una pa, na kayo'y nasa aming mga puso, anupa't kami'y handang mamatay at mabuhay na kasama ninyo. Malaki ang tiwala ko sa inyo. Labis ko kayong ipinagmamalaki. Punung-puno ako ng lakas ng loob. Nag-uumapaw ang aking kagalakan sa kabila ng aming paghihirap.

Sapagkat (G) maging nang dumating kami sa Macedonia ay walang pahinga ang aming mga katawan, sa halip ay kabi-kabila ang pagpapahirap sa amin—sa labas ay may pakikipaglaban, sa loob naman ay may takot. Ngunit pinasigla kami ng Diyos, na siyang nagpapasigla sa mga nalulungkot sa pamamagitan ng pagdating ni Tito, at hindi lamang sa pamamagitan ng kanyang pagdating, kundi sa pamamagitan din ng kasiglahang ibinigay ninyo sa kanya. Ibinalita niya sa amin ang inyong pananabik, ang inyong matinding kalungkutan, at ang inyong pagmamalasakit para sa akin, at ang mga ito'y lalo ko pang ikinagalak. Sapagkat kahit pinalungkot ko kayo sa pamamagitan ng aking sulat, hindi ko ito ipinagdaramdam, bagama't nagdamdam din ako, sapagkat nalaman ko na ang sulat na iyon ay nakapagpalungkot sa inyo, kahit sa maikling panahon lamang. Ngayon, ako'y nagagalak hindi dahil sa kayo'y nalungkot, kundi dahil ang inyong kalungkutan ang nagdala sa inyo sa pagsisisi. Sapagkat kayo'y nalungkot nang ayon sa kalooban ng Diyos, upang kayo'y huwag dumanas ng kalugihan sa pamamagitan namin. 10 Sapagkat ang kalungkutang ayon sa kalooban ng Diyos ay nagbubunga ng tunay na pagsisisi tungo sa kaligtasan, ngunit ang kalungkutang ayon sa sanlibutan ay nagbubunga ng kamatayan. 11 Tingnan ninyo ngayon ang nagawa sa inyo ng kalungkutang ito na naaayon sa Diyos: kung anong pagsisikap upang ipagtanggol ang inyong mga sarili, kung anong pagkagalit, kung anong pangamba, pananabik, pagmamalasakit, at pagnanais na maigawad ang katarungan! Lubos ninyong napatunayan na kayo'y walang sala tungkol sa bagay na ito. 12 Kaya't bagaman ako ay sumulat sa inyo, iyon ay hindi dahil sa taong gumawa ng kamalian, at hindi rin dahil sa taong ginawan ng kamalian, kundi upang maging malinaw sa inyo na kayo'y may pagmamalasakit para sa amin sa harapan ng Diyos. 13 Dahil dito'y napasigla kami.

Bukod sa aming sariling kasiglahan ay lalo pa kaming natuwa dahil sa kagalakan ni Tito, sapagkat pinaginhawa ninyo ang kanyang espiritu. 14 Ipinagmalaki ko kayo sa kanya at hindi naman ako napahiya. Kung paanong ang lahat ng aming sinabi sa inyo ay totoo, napatunayan din namang totoo ang aming pagmamalaki tungkol sa inyo kay Tito. 15 At lalo pang lumaki ang pagmamahal niya sa inyo kapag naaalala niya na kayong lahat ay masunurin, at kung paanong tinanggap ninyo siya na may takot at panginginig. 16 Ikinagagalak kong lubos ang pagtitiwala ko sa inyo.

Ang Bukas-Palad na Pagbibigay

Ngayon naman, (H) nais naming malaman ninyo, mga kapatid, ang tungkol sa biyaya ng Diyos na ibinigay sa mga iglesya ng Macedonia. Bagama't dumaranas sila ng napakatinding pagsubok at halos nakalubog sa kahirapan, sila'y may nag-uumapaw na kagalakang namahagi ng yaman ng kanilang kagandahang-loob. Ako ay makapagpapatunay na sila ay kusang-loob na nagbigay ayon sa kanilang kakayahan, at kahit higit pa sa kanilang kakayahan. Masidhi pa silang nakiusap sa amin na mabigyan ng pagkakataong makibahagi sa biyayang ito ng paglilingkod sa mga banal. Ang ginawa nila'y hindi namin inaasahan. Ibinigay muna nila ang kanilang sarili sa Panginoon, at sa amin ayon sa kagustuhan ng Diyos. Kaya't pinakiusapan namin si Tito na yamang mayroon na siyang pinasimulan, nararapat na tapusin din niya sa inyo ang biyayang ito. Ngunit kung paanong kayo'y sumasagana sa lahat ng bagay, sa pananampalataya, sa pananalita, sa kaalaman, sa kasabikang tumulong, at sa inyong pag-ibig sa amin, sikapin din ninyo na kayo ay sumagana sa biyaya ng pagbibigay.

Hindi sa inuutusan ko kayo, ngunit nais kong subukin ang katapatan ng inyong pag-ibig sa pamamagitan ng kasabikan ng iba na tumulong. Sapagkat nalalaman ninyo ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na kahit siya'y mayaman, naging dukha siya alang-alang sa inyo, upang kayo sa pamamagitan ng kanyang kahirapan ay maging mayaman. 10 At tungkol dito'y ito ang maipapayo ko: pinakamabuti para sa inyo ngayon na tapusin ang sinimulan ninyo nang nakaraang taon, hindi lamang ang paggawa kundi ang pagnanais sa inyong gagawin. 11 At ngayon, tapusin ninyo ang gawain, upang ang inyong matinding pagnanais na gawin iyon ay matumbasan ng pagsasagawa ninyo nito, ayon sa inyong makakaya. 12 Sapagkat kung talagang handang magbigay ang isang tao, tinatanggap ang kanyang kaloob batay sa kung anong mayroon siya, at hindi batay sa wala sa kanya. 13 Hindi sa nais kong guminhawa ang iba at kayo naman ay mabigatan, kundi upang magkaroon ng pagkakapantay-pantay. 14 Sa kasalukuyang panahon, ang inyong kasaganaan ang tutustos sa kanilang pangangailangan, upang balang araw ang kanilang kasaganaan naman ang tutustos sa inyong pangangailangan, sa gayon ay magkakaroon ng pagkakapantay-pantay. 15 Gaya (I) ng nasusulat,

“Ang nagtipon ng marami ay hindi nagkaroon ng labis,
    at ang nagtipon ng kaunti ay hindi naman kinapos.”

Si Tito at ang Kanyang mga Kasama

16 Salamat sa Diyos na naglagay sa puso ni Tito ng parehong pagsisikap para sa inyo. 17 Sapagkat hindi lamang niya tinanggap ang aming pakiusap, kundi pupunta pa siya riyan sa inyo nang may buong sigasig, at ito'y sa sarili niyang kapasyahan. 18 Isinusugo naming kasama niya ang kapatid na iginagalang ng mga iglesya dahil sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. 19 Bukod dito, pinili siya ng mga iglesya na maglakbay na kasama namin kaugnay ng biyayang ito sa ilalim ng aming paglilingkod, upang maparangalan ang Panginoon, at upang ipakita ang aming kahandaang tumulong. 20 Iniiwasan naming kami ay mapintasan tungkol sa pangangasiwa namin sa masaganang kaloob na ito. 21 Sapagkat (J) sinisikap naming gawin ang mga bagay nang may katapatan hindi lamang sa paningin ng Panginoon, kundi maging sa paningin ng mga tao. 22 Isinugo rin naming kasama nila ang aming kapatid na subok na subok na namin at napatunayang masigasig sa maraming bagay, at lalo pa ngayon dahil sa kanyang malaking pagtitiwala sa inyo. 23 Tungkol kay Tito, siya'y aking katuwang at kamanggagawa para sa inyo. Tungkol naman sa ating mga kapatid, sila'y mga sugo ng mga iglesya, ang kaluwalhatian ni Cristo. 24 Kaya't sa harapan ng mga iglesya, ipakita ninyo sa mga taong ito ang katibayan ng inyong pag-ibig at kung may dahilan nga ba kaming ipagmalaki kayo.

Ang Ambagan para sa mga Taga-Jerusalem

Tungkol naman sa pag-aambagan para sa mga banal, hindi ko na kailangang sumulat pa sa inyo tungkol dito. Sapagkat alam kong handang-handa na kayong tumulong, na siya ngang aking ipinagmamalaki tungkol sa inyo sa mga taga-Macedonia. Kayong nasa Acaia ay nakapaghanda na noong nakaraang taon pa, at ang inyong sigasig ang gumising sa karamihan sa kanila. Ngunit isinugo ko ang mga kapatid upang ang ipinagmamalaki namin tungkol sa inyo ay huwag mawalan ng kabuluhan, gaya ng aking sinabi na kayo'y maghahanda. Sapagkat kung may mga taga-Macedonia na sumama sa akin at madatnan kayong hindi handa, kami—at kahit hindi ko na sabihin—kami ay lalo nang mapapahiya dahil sa gayong pagtitiwala sa inyo. Kaya't minabuti ko na kailangang pakiusapan ang mga kapatid na ito na maunang pumunta riyan sa inyo, at maihanda agad ang kaloob na nauna ninyong ipinangako. Sa gayon, maihahanda ito bilang isang handog na bukal sa loob at hindi sapilitan.

At ito ang ibig kong sabihin: Ang nagtatanim ng kaunti ay kaunti rin ang aanihin, at ang nagtatanim ng marami ay marami rin ang aanihin. Ang bawat isa ay magbigay ayon sa ipinasya ng kanyang puso, hindi nanghihinayang, o napipilitan lamang sapagkat iniibig ng Diyos ang masayang nagbibigay. Kaya ng Diyos na pagkalooban kayo ng masaganang pagpapala sa lahat ng bagay, upang maging masagana kayo sa lahat ng uri ng mabuting gawa, habang pinupunan ang lahat ng inyong mga pangangailangan sa tuwina. Gaya (K) ng nasusulat,

“Siya'y naghasik ng mga pagpapala sa mga dukha;
    ang kanyang katarungan ay nananatili magpakailanman.”

10 Siyang (L) nagbibigay ng binhi sa magsasaka at ng tinapay upang makain ng tao ay siya ring magbibigay at magdaragdag ng inyong binhing itatanim, at magpaparami ng mga bunga ng inyong mga gawang matuwid. 11 Payayamanin niya kayo sa lahat ng bagay upang lalo kayong makapagbigay at sa pamamagitan namin ay magbunga ito ng pasasalamat sa Diyos. 12 Sapagkat ang pangangasiwa sa paglilingkod na ito ay hindi lamang tumutustos sa pangangailangan ng mga banal, kundi nagiging sanhi rin ng pag-apaw ng pasasalamat sa Diyos. 13 Napatunayan ninyo ang inyong mga sarili sa pamamagitan ng paglilingkod na ito, kaya't niluluwalhati ng mga tao ang Diyos dahil sa inyong pagsunod na naaayon sa inyong pagkilala sa ebanghelyo ni Cristo, at dahil din sa inyong kagandahang-loob sa pamamahagi para sa kanila at sa lahat ng tao. 14 Habang sila naman sa pananalangin alang-alang sa inyo ay nananabik sa inyo dahil sa hindi masukat na biyayang ibinigay sa inyo ng Diyos. 15 Salamat sa Diyos dahil sa kanyang kahanga-hangang kaloob.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.