Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 119:1-24

Ang Kautusan ni Yahweh

(Alef)[a]

119 Mapalad ang mga taong malinis ang pamumuhay,
    kautusan ni Yahweh ang sinusunod araw-araw.
Mapalad ang sumusunod sa kanyang patakaran,
    buong pusong naghahanap sa kanyang kalooban;
ang gawain ay matuwid, namumuhay silang ganap,
    sa kanyang kalooban ay doon sila lumalakad.
Ibinigay mo nga sa amin ang iyong mga utos,
    upang buong pagsisikap na ito'y aming masunod.
Gayon ako umaasa, umaasang magiging tapat,
    susundin ang iyong utos, susundin nang buong ingat.
Kahihiyan ay hindi ko matitikman kailanpaman,
    kung ako ay susunod nang tapat sa iyong kautusan.
Ang matuwid mong tuntunin habang aking tinatarok,
    buong pusong magpupuri, pupurihin kitang lubos.
Ang lahat ng iyong utos ay sisikapin kong sundin,
    huwag mo akong iiwanan, huwag mo akong lilisanin.

Pagiging Masunurin sa Kautusan ni Yahweh

(Bet)

Paano mapapanatiling malinis ang pamumuhay ng sinumang tao, sa kanilang kabataan?
    Sa pamamagitan ng pagsunod sa banal mong kautusan.
10 Buong puso ang hangad kong sambahin ka't paglingkuran,
    huwag mo akong hahayaang sa utos mo ay sumuway.
11 Ang banal mong kautusa'y sa puso ko iingatan,
    upang hindi magkasala laban sa iyo kailanman.
12 Pupurihin kita, Yahweh, ika'y aking pupurihin;
    ang lahat ng tuntunin mo ay ituro po sa akin.
13 Ang lahat mong mga utos na sa aki'y ibinigay,
    palagi kong babanggitin, malakas kong isisigaw.
14 Nagagalak na susundin ko ang iyong kautusan,
    higit pa sa kagalakang dulot nitong kayamanan.
15 Ako'y laging mag-aaral sa lahat ng tuntunin mo,
    nang aking maunawaan, pagbubulay-bulayan ko.
16 Sa bigay mong kautusa'y lubos akong nalulugod,
    iingatan sa puso ko upang iyo'y di malimot.

Kagalakan sa Kautusan ni Yahweh

(Gimmel)

17 Itong iyong abang lingkod, O Yahweh, nawa'y pagpalain,
    upang ako ay mabuhay at ang utos mo ang sundin.
18 Buksan mo ang paningin ko pagkat nananabik masdan,
    kabutihang idudulot sa akin ng iyong aral.
19 Ang buhay ko sa daigdig ay pansamantala lamang,
    kaya huwag mong ikukubli sa akin ang kautusan.
20 Ang puso ko'y nasasabik, at ang laging hinahangad,
    ang lahat ng tuntunin mo ay mabatid oras-oras.
21 Ang mga mapagmataas, iyong pinaparusahan;
    at iyong isinusumpa ang sa utos mo ay laban.
22 Sa ganitong mga tao'y ilayo mo akong ganap,
    yamang ang iyong kautusan ay siya kong tinutupad.
23 Kahit ako ay usigi't labanan ng pamunuan,
    itong iyong abang lingkod sa utos mo'y mag-aaral.
24 Ang buo mong kautusan sa akin ay umaaliw,
    siyang gurong nagpapayo sa lahat kong suliranin.

Mga Awit 12-14

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng Sheminit.[a]

12 O Yahweh, kami sana'y iligtas mo! Pagkat wala na ngayong mabuting tao,
    wala nang taong tapat at totoo.
Nagsisinungaling silang lahat sa isa't isa,
    nagkukunwari at nagdadayaan sila.
Patigilin mo, Yahweh, ang madaldal na dila,
    at sarhan ang bibig ng hambog magsalita;
silang laging nagsasabi,
    “Kami'y magsasalita ng nais namin;
    at sa gusto nami'y walang makakapigil!”
“Darating na ako,” sabi ni Yahweh,
    “Upang saklolohan ang mga inaapi.
    Sa pinag-uusig na walang magkupkop,
hangad nilang tulong ay ipagkakaloob!”

Ang mga pangako ni Yahweh ay maaasahan,
    ang katulad nila'y pilak na lantay;
    tinunaw sa hurnong hinukay, pitong beses na pinadalisay.

Kami, Yahweh, ay lagi mong ingatan,
    sa ganitong mga tao ay huwag pabayaan;
Ang masasamang tao'y nasa lahat ng lugar,
    ang mga gawang liko ay ikinararangal!

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

13 Hanggang kailan, Yahweh, ako'y iyong lilimutin?
    Gaano katagal kang magtatago sa akin?
Gaano katagal pa itong hapdi ng damdamin
    at ang lungkot sa puso kong gabi't araw titiisin?
    Kaaway ko'y hanggang kailan magwawagi sa akin?

Yahweh, aking Diyos, tingnan mo ako at sagutin,
    huwag hayaang mamatay, lakas ko'y panumbalikin.
Baka sabihin ng kaaway ko na ako'y kanilang natalo,
    at sila'y magyabang dahil sa pagbagsak ko.

Nananalig ako sa pag-ibig mong wagas,
    magagalak ako dahil ako'y ililigtas.
O Yahweh, ika'y aking aawitan,
    dahil sa iyong masaganang kabutihan.

Ang Kasamaan ng Tao(A)

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

14 “Wala(B) namang Diyos!” ang sabi ng hangal sa kanyang sarili.
    Silang lahat ay masasama, kakila-kilabot ang kanilang mga gawa;
    walang gumagawa ng mabuti, wala nga, wala!

Nagmamasid si Yahweh mula sa itaas, sangkatauha'y kanyang sinisiyasat;
    tinitingnan kung may taong marunong pa,
    na sa kanya'y gumagalang at sumasamba.
Silang lahat ay naligaw ng landas,
    at naging masasama silang lahat;
walang gumagawa sa kanila ng tama,
    wala ni isa man, wala nga, wala!

Ang tanong ni Yahweh: “Di ba nila alam,
    itong masasama, lahat na ba'y mangmang?
Itong aking baya'y pinagnanakawan
    at akong si Yahweh ay ayaw dalanginan!”

Darating ang araw na sila'y matatakot, sapagkat kakampi ng Diyos ang mga sa kanya'y sumusunod.
Hadlangan man nila ang balak ng mga taong hamak,
    ngunit si Yahweh ang sa kanila'y mag-iingat.

Ang aking hinihiling nawa ay dumating,
    mula sa Zion, ang kaligtasan ng Israel.
Labis na magagalak ang bayang Israel,
    kapag muli silang pasaganain ni Yahweh.

Mga Kawikaan 6:1-19

Mga Dagdag na Babala

Aking(A) anak, sa utang ba ng iba ikaw ay nananagot?
Ikaw ba ay nangako, sa utang niya ay nasangkot?
Kung gayon ay nasasakop ka ng kanyang pagpapasya,
    ngunit ito ang gawin mo nang makaiwas sa problema:
Ikaw ay magmadali sa kanya ay makiusap,
    sabihin mong pawalan ka sa napasukan mong bitag.
Huwag kang titigil, huwag kang maglulubay,
    ni huwag kang iidlip, hanggang walang kalayaan.
Iligtas ang sarili mo parang usang tumatakas,
    at tulad niyong ibong sa kulunga'y umaalpas.

Tingnan mo ang mga langgam, ikaw na taong ubod ng tamad,
    pamumuhay niya'y masdan mo at nang ikaw ay mamulat.
Kahit sila'y walang pinunong sa kanila'y nag-uutos,
    walang tagapamahala o tagamasid na sinusunod,
ngunit nag-iimbak ng pagkain sa tag-araw,
    kailanga'y iniipon kung panahon ng anihan.
Hanggang kailan, taong tamad mananatili sa higaan,
    kailan ka babalikwas sa iyong pagkakahimlay?
10 Kaunting(B) tulog, bahagyang idlip, sandaling pahinga at paghalukipkip,
11 samantalang namamahinga ka ang kahirapa'y darating
    na parang armadong magnanakaw upang kunin ang lahat ng iyong kailangan.

12 Taong walang kuwenta at taong masama,
    kasinungalingan, kanyang dala-dala.
13 Ang(C) mata ay ikikindat o kaya'y ipipikit,
    ikukumpas pa ang kamay upang ikaw ay maakit.
14 Ngunit sa sarili ay may masamang iniisip,
    ang lagi niyang nais ay manggulo sa paligid.
15 Dahil dito, kapahamakan niya'y biglang darating,
    sa sugat na tatamuhi'y hindi na nga siya gagaling.

16 Ang kinamumuhian ni Yahweh ay pitong bagay,
    mga bagay na kanyang kinasusuklaman:
17 kapalaluan, kasinungalingan,
    at mga pumapatay sa walang kasalanan,
18 pusong sa kapwa'y walang mabuting isipan,
    mga paang ubod tulin sa landas ng kasamaan,
19 saksing sinungaling, mapaglubid ng buhangin,
    pag-awayin ang kapwa, laging gusto niyang gawin.

1 Juan 5:1-12

Napagtagumpayan Natin ang Sanlibutan

Ang bawat sumasampalataya na si Jesus ang siyang Cristo ay anak ng Diyos. At ang sinumang umiibig sa ama ay umiibig din sa anak. Ito ang palatandaang iniibig natin ang mga anak ng Diyos: kung iniibig natin ang Diyos at tinutupad ang kanyang mga utos, sapagkat(A) ang tunay na pag-ibig sa Diyos ay ang pagtupad sa kanyang mga utos. Hindi naman napakahirap sundin ang kanyang mga utos, sapagkat napapagtagumpayan ng mga anak ng Diyos ang sanlibutan; at nagtatagumpay tayo sa pamamagitan ng pananampalataya. Sino ang nagtatagumpay laban sa sanlibutan? Ang sumasampalataya na si Jesus ang Anak ng Diyos.

Ang Patotoo tungkol kay Jesu-Cristo

Si Jesu-Cristo ang naparito sa pamamagitan ng tubig at ng dugo. Hindi sa pamamagitan ng tubig lamang kundi sa pamamagitan ng tubig at dugo. Ang Espiritu ang nagpapatotoo tungkol dito, sapagkat ang Espiritu ay katotohanan. 7-8 Tatlo ang nagpapatotoo [sa langit: ang Ama, ang Salita, at ang Espiritu Santo; at ang tatlong ito'y iisa. At mayroong tatlong nagpapatotoo sa lupa:][a] ang Espiritu, ang tubig, at ang dugo; at ang tatlong ito ay nagkakaisa. Kung pinaniniwalaan natin ang patotoo ng mga tao, higit nating dapat paniwalaan ang patotoo ng Diyos, at ito ang patotoo ng Diyos tungkol sa kanyang Anak. 10 Ang sumasampalataya sa Anak ng Diyos ay nagtataglay ng patotoong ito sa kanilang puso. Ang sinumang hindi sumampalataya sa Diyos ay ginagawang sinungaling ang Diyos, sapagkat hindi siya naniwala sa patotoo ng Diyos tungkol sa kanyang Anak. 11 At(B) ito ang patotoo: ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang buhay na walang hanggan at ito'y makakamtan natin sa pamamagitan ng kanyang Anak. 12 Kung ang Anak ng Diyos ay nasa isang tao, mayroon siyang buhay na walang hanggan; ngunit kung wala sa kanya ang Anak ng Diyos ay wala siyang buhay na walang hanggan.

Mateo 11:16-24

16 “Saan ko ihahambing ang mga tao sa panahong ito? Ang katulad nila'y mga batang nakaupo sa lansangan at sumisigaw sa kanilang mga kalaro: 17 ‘Tinugtugan namin kayo ng plauta ngunit ayaw ninyong sumayaw! Umawit kami ng awit ng pagluluksa, ngunit ayaw ninyong tumangis!’ 18 Sapagkat nakita nila si Juan na nag-aayuno at di umiinom ng alak, at ang sabi nila, ‘Sinasaniban ng demonyo ang taong iyan.’ 19 Nakita naman nila ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom, at ang sabi naman nila, ‘Tingnan ninyo ang taong ito! Matakaw, lasenggo at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at makasalanan.’ Gayunman, ang karunungan ng Diyos ay napapatunayang tama sa pamamagitan ng mga gawa nito.”

Babala sa mga Bayang Ayaw Magsisi(A)

20 Pagkatapos, sinumbatan ni Jesus ang mga bayang nakasaksi sa maraming himalang ginawa niya roon sapagkat hindi sila nagsisi't tumalikod sa kanilang mga kasalanan. Sinabi niya, 21 “Kawawa(B) kayo, mga taga-Corazin! Kawawa kayo, mga taga-Bethsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon ginawa ang mga himalang ginawa sa inyo, matagal na sanang nagdamit ng sako at naupo sa abo ang mga tagaroon bilang tanda ng kanilang pagsisisi. 22 Ngunit sinasabi ko sa inyo, sa Araw ng Paghuhukom ay mas kahahabagan pa ang mga taga-Tiro at taga-Sidon kaysa inyo. 23 At(C) kayong mga taga-Capernaum, nais pala ninyong itaas ang inyong sarili hanggang langit? Ibabagsak kayo[a] hanggang sa daigdig ng mga patay! Sapagkat kung sa Sodoma ginawa ang mga himalang ginawa sa inyo, sana'y nananatili pa ang bayang iyon magpahanggang ngayon. 24 Ngunit(D) sinasabi ko sa inyo, mas kahahabagan pa ang mga taga-Sodoma kaysa inyo sa Araw ng Paghuhukom!”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.