Old/New Testament
Ang Tagumpay ng mga Judio
9 Nang(A) dumating ang ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan ng taon, ang utos ng hari ay ipinatupad. 2 Nang araw na iyon, nalipol ang mga kalaban ng mga Judio; natakot nang husto ang mga tao sa kanila kaya wala ni isa mang nagtangkang lusubin sila. 3 Tinulungan pa sila ng mga gobernador at ng lahat ng pinuno sa bawat lalawigan dahil naman sa takot kay Mordecai 4-5 na noon ay isa nang makapangyarihang tao sa kaharian. Bantog na sa buong kaharian ang kanyang pangalan at patuloy pang lumalaki ang kanyang kapangyarihan.[a] 6 Sa lunsod lamang ng Susa, limandaan ang kanilang napatay. 7 Kasama sa napatay sina Farsanestain, Delfon, Fasga, 8 Faradata, Barea, Sarbaca, 9 Marmasima, Arufeus, Arseus, at Zabuteus, 10 pawang mga anak ni Haman na anak ni Hamedata at kaaway ng mga Judio. At sinamsam nila[b] ang ari-arian ng kanilang mga kaaway.
11 Nang araw ring iyon, umabot sa kaalaman ng hari ang bilang ng napatay sa Lunsod ng Susa. 12 Sinabi ng hari kay Reyna Ester, “Sa Susa lamang, limandaan na ang napatay. Ano kaya ang nangyari sa ibang lalawigan? Ngayon, sabihin mo sa akin kung ano pa ang gusto mo at ibibigay ko sa iyo.”
13 Sinabi ni Ester, “Kung mamarapatin po ng hari ay pahintulutan ang mga Judio rito sa Susa na ituloy hanggang bukas ang inyong utos. At kung maaari, ipabitin sa bitayan ang bangkay ng mga anak ni Haman!” 14 Iniutos nga ng hari na ibitin ang bangkay ng sampung anak ni Haman. 15 Kinabukasan, muling nagsama-sama ang mga Judio sa Susa at nakapatay pa sila ng tatlong daan. Subalit hindi nila sinamsam ang kanilang ari-arian.
16 Ang mga Judio sa iba't ibang panig ng kaharian ay nagsama-sama rin upang ipagtanggol ang kanilang sarili at lupigin ang kanilang mga kalaban. Umabot sa labing limanlibo ang kanilang napatay ngunit hindi nila sinamsam ang ari-arian ng mga ito. 17 Kinabukasan, ang ikalabing apat na araw, nagpahinga ang mga Judio at masayang nagdiwang. 18 Sa Lunsod ng Susa, dalawang araw nagtipon ang mga Judio noong ikalabintatlo at ikalabing apat na araw. Ikalabing limang araw nang sila'y tumigil at nagdiwang buong maghapon. 19 Ito ang dahilan kung bakit ang mga Judio sa labas ng Susa ay nagdiwang nang ikalabing apat na araw ng ikalabindalawang buwan samantalang ang mga naninirahan sa mga malalaking lunsod ay sa ikalabing limang araw. Maghapon silang nagpipista at nagbibigayan ng mga pagkain sa bawat isa.
20 Ang mga pangyayaring ito'y isinulat ni Mordecai, at sinulatan niya ang lahat ng Judio sa kaharian ni Haring Xerxes. 21 Ipinag-utos niya na ipagdiwang taun-taon ang ikalabing apat at ikalabing limang araw ng ikalabindalawang buwan. 22 Itatangi ito ng mga Judio sapagkat sa mga araw na ito nila nalipol ang kanilang mga kaaway. Sa mga araw na iyon, ang kalungkutan nila'y naging kagalakan at naging pagdiriwang ang kanilang pagdadalamhati. Sa mga araw ding iyon, nagbibigayan ng mga pagkain at namamahagi ng mga regalo sa mga dukha. 23 Sinunod nga ng mga Judio ang utos ni Mordecai.
24 Ang(B) paglipol na ito sa mga kaaway ay ginawa ng mga Judio dahil sa masamang balak na lipulin sila ni Haman na Agagita, anak ni Hamedata, kaaway ng mga Judio. Naitakda ang petsa ng paglipol sa pamamagitan ng palabunutang tinatawag na Pur. 25 Ngunit nabaligtad nga ang lahat nang umabot ito sa kaalaman ni Haring Xerxes; si Haman at ang kanyang mga anak ay pinabitay ng hari. 26 Kaya, ang pistang ito'y tinawag nilang Pista ng Purim, buhat sa salitang Pur. At dahil sa utos na ito ni Mordecai at sa pagkaligtas nila sa panganib, 27 ipinasiyang ipagdiwang ang dalawang araw na ito taun-taon. Ito'y gagawin nila, ng lahat ng sambahayan, at ng bawat salinlahi sa lahat ng lunsod at mga bayan. 28 Ang mga araw na ito ng Purim ay ipagdiriwang ng lahat ng mga Judio magpakailanman.
29-30 Upang pagtibayin ang sulat ni Mordecai tungkol sa Purim, sumulat din si Reyna Ester na anak ni Aminadab.[c] 31 Mismong sina Mordecai at Reyna Ester ang nagtakda ng desisyong ito, at nangako silang ipatutupad ito ano man ang mangyari. 32 Pinagtibay ng sulat ni Ester ang mga tuntunin sa pagdiriwang ng Pista ng Purim at isinulat ito sa isang aklat.
Ang Kadakilaan ni Mordecai
10 Pinagbuwis ni Haring Xerxes ang mga mamamayan sa kanyang kaharian, sila ma'y naninirahan sa mga pulo o sa mga lalawigan. 2 Ang kapangyarihan ng hari, ang lahat ng ginawa niya, pati ng pagkataas sa katungkulan ni Mordecai at ang malaking karangalang ibinigay niya rito ay pawang nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga Hari ng Media at Persia. 3 Si Mordecai ay naging kanang kamay ni Haring Xerxes. Siya ay mahal na mahal at iginalang ng mga kapwa niya Judio sapagkat ginawa niya ang lahat para sa kapakanan at kabutihan nila.
Naalala ni Mordecai ang Kanyang Panaginip[d]
G At sinabi ni Mordecai: “Niloob ng Diyos na mangyari ang lahat ng ito. 2 Naalala ko tuloy ang aking panaginip, at nagkatotoo ang lahat. 3 Ang batis ay naging ilog, dumaloy ang tubig at sumikat ang araw. Ang batis na naging ilog ay si Ester na napangasawa ng hari at naging reyna. 4 Ang dalawang dragon ay si Haman at ako. 5 Ang mga bansa ay ang mga taong naghangad lipulin ang mga Judio. 6 Ang aking bansa ay ang Israel. Tumawag siya sa Diyos na siya ay iligtas. Iniligtas nga siya ng Panginoon sa kapahamakan, sa pamamagitan ng maraming himala na kailanma'y di nangyari sa mga bansa. 7 Nangyari ito sapagkat magkaiba ang kapalarang itinalaga niya para sa kanyang bayan at para sa mga bansa. 8 Dumating ang sandali ng pagpapasya sa dalawang kapalarang ito, at kailangan nang hatulan ang mga bansa. 9 Naalala ng Diyos ang kanyang bayan at iniligtas niya sila sa kapahamakan. 10 Kaya mula ngayon, tuwing ikalabing apat at ikalabing lima ng ikalabindalawang buwan, magtitipon sila at ipagdiriwang ang mga araw na iyon nang buong kagalakan. Patuloy na gaganapin ang pagdiriwang na ito taun-taon, sa habang panahon.”
Pahabol
Ang nasabing sulat tungkol sa Kapistahan ng Purim ay dala ni Dositeo, isang paring Levita, noong ika-4 na taon ng paghahari ni Tolomeo at Cleopatra. Kasama niya ang anak niyang si Tolomeo, at pinatotohanan nilang tunay ang sulat na iyon. Ang nagsalin ng sulat ay si Lisimaco na anak ni Tolomeo, na taga-Jerusalem.
Ang Talumpati ni Esteban
7 Si Esteban ay tinanong ng pinakapunong pari, “Totoo ba ang lahat ng ito?”
2 Sumagot(A) si Esteban, “Mga kapatid at mga magulang, pakinggan ninyo ang sasabihin ko. Ang dakila at makapangyarihang Diyos ay nagpakita sa ating ninunong si Abraham nang siya'y nasa Mesopotamia pa, bago siya nanirahan sa Haran. 3 Sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Iwan mo ang iyong lupain at mga kamag-anak at pumunta ka sa lupaing ituturo ko sa iyo.’
4 “Kaya't(B) umalis siya sa lupain ng mga Caldeo at nanirahan sa Haran. Pagkamatay ng kanyang ama, siya'y pinalipat ng Diyos sa lupaing ito na inyong tinitirhan ngayon. 5 Gayunman,(C) hindi pa siya binigyan dito ng Diyos ng kahit na kapirasong lupa, ngunit ipinangako sa kanya na ang lupaing ito ay magiging pag-aari niya at ng magiging lahi niya, kahit na wala pa siyang anak noon. 6 Ganito(D) ang sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Makikitira sa ibang lupain ang iyong magiging lahi. Aalipinin sila roon at pahihirapan sa loob ng apatnaraang taon, 7 ngunit(E) paparusahan ko ang bansang aalipin sa kanila. Aalis sila roon at sasamba sa akin sa lugar na ito.’ 8 At(F) iniutos ng Diyos kay Abraham ang pagtutuli bilang palatandaan ng kanilang kasunduan. Kaya't nang isilang si Isaac, tinuli niya ito sa ikawalong araw. Ganoon din ang ginawa ni Isaac sa anak niyang si Jacob, at ginawa naman ni Jacob sa labindalawa niyang anak na lalaki, na naging mga ninuno ng ating lahi.
9 “Ang(G) mga ninuno nating ito ay nainggit kay Jose, kaya't siya'y ipinagbili nila upang maging alipin sa Egipto. Ngunit kasama niya ang Diyos, 10 at(H) hinango siya ng Diyos sa lahat ng kanyang kahirapan. Pinagpala siya ng Diyos at pinagkalooban ng karunungan nang humarap siya sa Faraon, ang hari ng Egipto. Siya'y ginawa nitong gobernador ng Egipto at tagapamahala ng buong sambahayan ng hari.
11 “Nagkaroon(I) ng taggutom at matinding paghihirap sa buong Egipto at Canaan. Maging ang ating mga ninuno ay walang makunan ng pagkain. 12 Kaya't nang mabalitaan ni Jacob na may trigo sa Egipto, pinapunta niya roon ang ating mga ninuno sa unang pagkakataon. 13 Sa(J) ikalawang pagpunta nila, nagpakilala si Jose sa kanyang mga kapatid, at nalaman naman ng Faraon ang tungkol sa kanyang pamilya. 14 Dahil(K) dito'y ipinasundo ni Jose ang kanyang amang si Jacob at ang buong pamilya nito, pitumpu't limang katao silang lahat. 15 Pumunta(L) nga si Jacob sa Egipto at doon siya namatay, gayundin ang ating mga ninuno. 16 Ang(M) kanilang mga labî ay dinala sa Shekem at inilagay sa libingang binili ni Abraham sa mga anak ni Hamor.
17 “Nang sumapit ang panahon para tuparin ng Diyos ang kanyang pangako kay Abraham, maraming-marami(N) na ang mga Israelita sa Egipto. 18 Sa panahong iyon, hindi na kilala ng hari [ng Egipto][a] si Jose. 19 Dinaya at pinahirapan ng hari ang ating mga ninuno at sapilitan niyang ipinatapon ang kanilang mga sanggol upang mamatay. 20 Noon(O) ipinanganak si Moises, isang batang kinalulugdan ng Diyos. Tatlong buwan siyang inalagaan sa kanilang tahanan, 21 at(P) nang siya'y itapon, inampon siya ng anak na babae ng Faraon, at pinalaking parang sariling anak.
by