Old/New Testament
Ang Paghahanda para sa Paskwa
30 Inanyayahan ni Ezequias ang buong Israel at Juda upang idaos sa Jerusalem ang Paskwa ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. Pinadalhan din niya ng sulat ang mga taga-Efraim at Manases. 2 Pinag-usapan(A) ng hari, ng mga pinuno at ng buong kapulungan na idaos ang Paskwa sa ikalawang buwan. 3 Hindi ito naidaos sa takdang panahon sapagkat maraming pari ang hindi pa nakakapaglinis ng sarili ayon sa Kautusan at kaunti lamang ang taong natipon noon sa Jerusalem. 4 Nagkaisa ang hari at ang buong kapulungan sa ganoong panukala. 5 Kaya't ibinalita nila sa buong Israel mula Beer-seba hanggang Dan na kailangang dumalo ang lahat sa Jerusalem upang idaos ang paskwa ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. Ayon sa ulat, ito ang pagtitipong dinaluhan ng pinakamaraming tao. 6 Ganito ang nakasaad sa paanyaya na ipinadala ng hari at ng mga pinuno: “Mga taga-Israel, magbalik-loob kayo kay Yahweh, ang Diyos nina Abraham, Isaac at Israel upang kalingain niyang muli ang mga nakaligtas sa inyo na di nabihag ng mga hari ng Asiria. 7 Huwag ninyong tularan ang ugali ng inyong mga ninuno at mga kababayan na nagtaksil sa Panginoong Yahweh. Kaya matindi ang parusa sa kanila ng Diyos tulad ng inyong nakikita ngayon. 8 Huwag maging matigas ang ulo ninyo katulad nila. Sa halip, maging masunurin kayo kay Yahweh. Dumulog kayo sa kanyang Templo na inilaan niya para sa kanyang sarili magpakailanman. Paglingkuran ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh upang mapawi ang galit niya sa inyo. 9 Kung manunumbalik kayo sa kanya, ang inyong mga kababayan at kamag-anak na dinalang-bihag sa ibang bansa ay kahahabagan ng mga bumihag sa kanila at pababalikin sila sa lupaing ito. Mahabagin at mapagpala ang Diyos ninyong si Yahweh at tatanggapin niya kayo kung kayo'y manunumbalik sa kanya.”
10 Pinuntahan ng mga sugo ang lahat ng lunsod sa lupain ng Efraim at Manases hanggang sa Zebulun ngunit pinagtawanan lamang sila ng mga ito. 11 Mayroon din namang ilan mula sa Asher, Manases at Zebulun na nagpakumbaba at pumunta sa Jerusalem. 12 Ngunit niloob ng Diyos na dumalong lahat ang mga taga-Juda at magkaisa silang sumunod sa utos ng hari at ng mga pinuno nila ayon sa salita ni Yahweh.
Ang Pagdiriwang ng Paskwa
13 Napakaraming pumunta sa Jerusalem noong ikalawang buwan upang ipagdiwang ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. 14 Inalis nila ang mga altar sa Jerusalem na pinagsunugan ng mga handog at ng insenso at itinapon ang mga ito sa Libis ng Kidron. 15 Pinatay nila ang mga korderong pampaskwa noong ikalabing apat na araw ng ikalawang buwan. Napahiya ang mga pari at Levita kaya naglinis sila ng sarili at nagdala ng mga handog na susunugin sa Templo ni Yahweh. 16 Muli nilang ginampanan ang dati nilang tungkulin ayon sa Kautusan ni Moises na lingkod ng Diyos. Iwinisik ng mga pari sa altar ang dugong ibinigay sa kanila ng mga Levita. 17 Marami sa kapulungan ang hindi pa nakakapaglinis ng kanilang sarili ayon sa Kautusan kaya nagpatay ang mga Levita ng mga korderong pampaskwa upang maging banal ang mga ito para kay Yahweh. 18 Kahit marami ang hindi pa nakakapaglinis ng kanilang sarili ayon sa Kautusan, kumain na rin sila ng korderong pampaskwa. Karamihan sa mga ito ay buhat sa Efraim, Manases, Isacar at Zebulun. Gayunman, nanalangin ng ganito si Ezequias para sa kanila: 19 “O Yahweh, Diyos ng aming mga ninuno, patawarin po ninyo ang lahat nang sumasamba sa inyo nang buong puso kahit hindi sila nakapaglinis ng sarili ayon sa kautusan.” 20 Pinakinggan ni Yahweh si Ezequias at pinatawad ang mga tao. 21 Pitong araw nilang ipinagdiwang ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Buong lakas na umawit ng papuri araw-araw ang mga pari at ang mga Levita kay Yahweh. 22 Pinuri ni Haring Ezequias ang mga Levita dahil sa maayos nilang pangangasiwa ng pagsamba kay Yahweh. Pitong araw na ipinagdiwang ng bayan ang kapistahang iyon. Nag-alay sila ng mga handog pangkapayapaan, kumain ng mga handog at nagpuri kay Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno.
23 Nagkaisa ang kapulungan na ipagpatuloy ng pitong araw pa ang pista. Kaya, pitong araw pa silang nagsaya. 24 Nagkaloob si Haring Ezequias ng sanlibong toro at pitong libong tupa para sa pagtitipong iyon. Ang mga pinuno naman ay nagkaloob ng sanlibong toro at sanlibong tupa para sa mga tao. Dahil dito, maraming mga pari ang naglinis ng kanilang sarili ayon sa Kautusan. 25 Masayang-masaya ang lahat, ang mga mamamayan ng Juda, ang mga pari at ang mga Levita. Gayundin ang lahat ng dumalo buhat sa Israel at ang mga dayuhang nakikipanirahan sa Israel at sa Juda. 26 Noon lamang nagkaroon ng ganoong pagdiriwang sa Jerusalem mula noong panahon ni Solomon na anak ni Haring David ng Israel. 27 Tumayo ang mga pari at ang mga Levita at binasbasan ang mga tao. Ang panalangin nila'y nakaabot sa tahanan ng Diyos sa langit.
31 Pagkatapos ng pagdiriwang na ito, ang lahat ng Israelitang dumalo ay pumunta sa mga lunsod ng Juda, at pinutol nila ang mga haliging sinasamba at dinurog ang mga imahen ng diyus-diyosang si Ashera. Winasak din nila ang mga sambahan at dambana ng mga pagano. Ginawa rin nila ito sa buong Juda, Benjamin, Efraim at Manases. Pagkatapos ay umuwi na sila sa kanilang mga tahanan.
2 Pinagpangkat-pangkat muli ni Ezequias ang mga pari at Levita at binigyan ng kanya-kanyang gawain: may para sa handog na susunugin, at may para sa handog na pagkain. Ang iba'y tutulong sa pagdaraos ng pagsamba. Ang iba'y taga-awit ng pagpupuri at pasasalamat at ang iba nama'y mangangasiwa sa mga pintuan ng Templo ni Yahweh. 3 Lahat(B) ng handog na susunugin sa umaga at sa gabi, at sa mga Araw ng Pamamahinga, Pista ng Bagong Buwan at mga takdang panahon ay kaloob ng hari, ayon sa itinakda ng Kautusan. 4 Iniutos(C) ni Ezequias sa mga taga-Jerusalem na ibigay sa mga pari at Levita ang para sa mga ito upang ang buong panahon nila ay maiukol sa kanilang tungkulin ayon sa Kautusan ni Yahweh. 5 Pagkatanggap ng utos, ang mga Israelita ay nagbigay ng kanilang mga kaloob mula sa pangunahin nilang ani ng trigo, alak, langis at pulot at iba pang bunga ng kanilang bukid. Nagbigay din sila ng ikasampung bahagi ng lahat ng kanilang kinita. 6 Ang mga taga-Juda at mga Israelitang naninirahan sa mga lunsod ng Juda ay nagbigay rin ng ikasampung bahagi ng kanilang mga baka, tupa at lahat ng mga inani sa kanilang lupain. Nagdala rin sila ng napakaraming mga handog na inialay nila kay Yahweh na kanilang Diyos. 7 Nagsimula ang pagdating ng mga kaloob noong ikatlong buwan at nagpatuloy hanggang sa ikapito. 8 Nang makita ni Ezequias at ng kanyang mga pinuno ang dami ng mga kaloob, pinuri nila si Yahweh at pinasalamatan ang buong bayan. 9 Tinanong ni Ezequias ang mga pari at mga Levita tungkol sa napakaraming handog. 10 Ganito ang sagot ni Azarias, ang pinakapunong pari mula sa angkan ni Zadok: “Mula nang magdala ng handog sa Templo ni Yahweh ang mga tao, saganang-sagana kami sa pagkain at marami pang natitira. Nangyari ito dahil sa pagpapala ni Yahweh.”
11 Iniutos ni Ezequias na gumawa ng mga bodega sa Templo, 12 upang doon ilagay ang mga kaloob at mga ikasampung bahagi. Si Conanias na isang Levita ang ginawa nilang katiwala sa lahat ng ito, at katulong niya ang kanyang kapatid na si Simei. 13 Ang iba pang mga katulong nila ay sina Jehiel, Azazias, Nahat, Asael, Jerimot, Josabad, Eliel, Ismaquias, Mahat at Benaias. Pinili sila ni Haring Ezequias at ni Azarias, ang namamahala sa Templo ni Yahweh. 14 Si Korah na anak ni Imna at isang Levita ang bantay sa pintuan sa gawing silangan, ang pinamahala sa pagtanggap at pamamahagi ng mga kusang-loob na handog. Siya ang nagbibigay sa mga pari ng bahagi ng handog ng pasasalamat na para kay Yahweh at ng bahagi ng handog para sa kasalanan na kakainin ng mga pari sa banal na lugar. 15 Ang katulong naman niya sa mga lunsod ng mga pari ay sina Eden, Minyamin, Jeshua, Semaya, Amarias at Secanias. Sila ang namamahagi sa mga kapatid, matanda o bata, ayon sa kanya-kanyang pangkat. 16 Bawat isa'y tumatanggap ng nauukol sa sarili—lahat ng lalaki mula sa gulang na tatlong taon pataas na may pang-araw-araw na tungkulin sa Templo. 17 Ang mga pari ay pangkat-pangkat na inilagay sa kanya-kanyang tungkulin ayon sa kanilang angkan at ang mga Levita namang mula sa dalawampung taon pataas ay ayon sa kanilang tungkulin. 18 Itinalang kasama ng mga pari ang kanilang pamilya sapagkat kailangang maging handa sila anumang oras sa pagtupad ng kanilang tungkulin. 19 Ang mga pari na naninirahan sa mga lunsod na ibinigay sa angkan ni Aaron, o sa mga bukiring nasa lunsod ng mga ito ay nilagyan din ng mga tagapamahagi ng pagkain para sa lahat ng lalaki sa mga pamilya ng mga pari at sa lahat ng nakatala sa angkan ng mga Levita.
20 Sa buong Juda, ginawa ni Haring Ezequias ang mabuti at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos niyang si Yahweh. 21 Naging matagumpay siya, sapagkat ang lahat ng ginawa niya para sa Templo at sa kanyang pagtupad sa Kautusan, ay ginawa niya nang buong puso at katapatan sa kanyang Diyos.
Ang Pagdakip kay Jesus(A)
18 Pagkatapos ng panalanging ito, umalis si Jesus kasama ang kanyang mga alagad. Pumunta sila sa ibayo ng batis ng Kidron at pumasok sa isang halamanan doon. 2 Alam ng taksil na si Judas ang lugar na iyon sapagkat doon madalas magpunta si Jesus at ang kanyang mga alagad. 3 Isinama roon ni Judas ang ilang mga bantay sa Templo at isang pangkat ng mga kawal Romano na padala ng mga punong pari at mga Pariseo. May dala silang mga lampara, mga sulo at mga sandata. 4 Alam ni Jesus ang lahat ng mangyayari sa kanya kaya't sila ay sinalubong niya at tinanong, “Sino ang hinahanap ninyo?”
5 “Si Jesus na taga-Nazaret,” sagot nila.
At sinabi niya, “Ako iyon.”
Si Judas na nagkanulo sa kanya ay kaharap nila noon. 6 Nang sabihin ni Jesus na “Ako iyon,” napaurong sila at bumagsak sa lupa.
7 Muli niyang itinanong, “Sino ba ang hinahanap ninyo?”
“Si Jesus na taga-Nazaret,” sagot nila.
8 Sumagot si Jesus, “Sinabi ko na sa inyong ako iyon. Kung ako ang hinahanap ninyo, hayaan ninyong umalis ang mga taong ito.” 9 Sa gayon, natupad ang kanyang sinabi, “Ama, walang napahamak kahit isa sa mga ibinigay mo sa akin.”
10 Binunot ni Simon Pedro ang kanyang tabak at tinaga ang alipin ng Pinakapunong Pari, at natagpas ang kanang tainga nito. Ang pangalan ng alipin ay Malco. 11 Sinabi(B) ni Jesus kay Pedro, “Ibalik mo sa lalagyan ang iyong tabak! Sa palagay mo ba'y hindi ko iinuman ang kopa ng pagdurusa na ibinigay sa akin ng Ama?” 12 Dinakip nga si Jesus at iginapos ng mga bantay na Judio at ng mga kawal na Romano na pinamumunuan ng isang kapitan.
Si Jesus sa Harapan ni Anas
13 Siya'y dinala muna kay Anas na biyenan ni Caifas, ang pinakapunong pari nang taong iyon. 14 Si(C) Caifas ang nagpayo sa mga pinuno ng mga Judio na makabubuti para sa kanila na isang tao lamang ang mamatay para sa bayan.
Ikinaila ni Pedro si Jesus(D)
15 Sumunod kay Jesus si Simon Pedro at ang isa pang alagad. Ang alagad na ito ay kilala ng pinakapunong pari kaya't nakapasok siyang kasama ni Jesus hanggang sa patyo ng bahay ng pinakapunong pari. 16 Naiwan naman si Pedro sa labas ng pintuan, kaya lumabas ang alagad na kilala ng pinakapunong pari, kinausap ang utusang babae na nagbabantay sa pinto at pinapasok si Pedro. 17 Si Pedro'y tinanong ng babae, “Hindi ba't isa ka sa mga alagad ng taong iyan?”
“Hindi,” sagot ni Pedro.
18 Maginaw noon, kaya't nagsiga ng uling ang mga utusan at ang mga bantay, at nag-umpukan sila sa paligid ng apoy upang magpainit. Nakihalo sa kanila si Pedro, tumayo roon at nagpainit din.
by