Old/New Testament
Si Jefta
11 Si Jefta na taga-Gilead ay isang matapang na mandirigma. Si Gilead ang kanyang ama at ang ina niya'y isang babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw. 2 May iba pang anak si Gilead sa kanyang tunay na asawa, at nang lumaki ang mga ito ay pinalayas nila si Jefta. Sinabi nila, “Wala kang mamanahin mula sa aming ama sapagkat ikaw ay anak sa labas.” 3 Kaya, umalis si Jefta at nanirahan sa Tob. Doon ay nagbuo siya ng pangkat ng mga taong itinakwil din ng lipunan at sama-sama sila sa pandarambong.
4 Pagkalipas ng ilang panahon, nilusob ng mga Ammonita ang Israel. 5 Dahil dito, si Jefta ay ipinasundo mula sa lupain ng Tob ng mga pinuno ng Gilead. 6 Sinabi nila, “Ikaw ang manguna sa amin sa pakikipaglaban sa mga Ammonita.”
7 Sumagot si Jefta, “Hindi ba't nasusuklam kayo sa akin kaya ninyo ako pinaalis sa Gilead? Bakit lalapitan ninyo ako ngayong nahaharap kayo sa panganib?”
8 Ngunit sinabi nila, “Ikaw ang nilalapitan namin ngayon sapagkat gusto naming makasama ka sa pakikipaglaban sa mga Ammonita. Gusto rin naming ikaw ang mamuno sa Gilead.”
9 Sinabi ni Jefta, “Kapag isinama ninyo ako sa pakikipaglaban sa kanila at niloob ni Yahweh na ako'y magtagumpay, ako ang kikilalanin ninyong pinuno.”
10 Sumagot sila, “Oo, ikaw ang gagawin naming pinuno, saksi natin si Yahweh.” 11 Sumama nga si Jefta sa matatandang pinuno patungong Gilead at ginawa siyang pinuno at tagapamahala ng mga tagaroon. Ipinahayag ni Jefta sa Mizpa sa harapan ni Yahweh ang mga patakaran niya bilang pinuno.
12 Si Jefta ay nagpadala ng mga sugo sa hari ng mga Ammonita at kanyang ipinatanong, “Ano ba ang atraso namin sa inyo? Bakit ninyo nilulusob ang aming bayan?”
13 Ganito ang sagot ng hari ng mga Ammonita sa mga sugo ni Jefta: “Gusto naming maibalik sa amin ang aming lupain, sapagkat nang dumating dito ang mga Israelita buhat sa Egipto, kinamkam nila ang aming lupain mula sa Ilog Arnon hanggang sa Ilog Jabboc at ng Jordan.”
14 Pinabalik ni Jefta ang kanyang mga sugo sa hari ng mga Ammonita 15 at ipinasabi, “Hindi namin kinamkam ang lupain ng Moab o ng Ammon. 16 Nang umalis sa Egipto ang aming mga ninuno, naglakbay sila sa disyerto patungong Dagat na Pula[a] hanggang sa Kades. 17 Pagkatapos,(A) nagpadala sila ng mga sugo sa hari ng Edom upang humingi ng pahintulot na dumaan sa lupaing ito, ngunit hindi sila pinayagan nito. Ganoon din ang ginawa ng hari ng Moab. Kaya, ipinasya nilang tumigil sa Kades. 18 Nagpatuloy(B) sila sa paglalakbay sa disyerto. Iniwasan nila ang Edom at Moab hanggang sa sumapit sila sa gawing silangan ng Moab, sa ibayo ng Ilog Arnon. Nagkampo sila roon. Hindi sila tumawid ng ilog sapagkat iyon ang hangganan ng Moab. 19 At(C) nagpadala sila ng mga sugo sa Hesbon, kay Haring Sihon ng mga Amoreo, upang humingi ng pahintulot na dumaan sa lupain nito. 20 Ngunit hindi pumayag si Sihon. Sa halip, tinipon nito sa Jahaz ang kanyang hukbo at sinalakay ang mga Israelita. 21 Ngunit sila'y ibinigay ni Yahweh sa kamay ng mga Israelita. Kaya, ang lahat ng lupain ng mga Amoreo sa dakong iyon ay nasakop ng mga Israelita: 22 buhat sa Ilog Arnon, sa timog, hanggang sa Jabboc sa hilaga, at buhat naman sa disyerto, sa silangan hanggang sa Jordan, sa kanluran. 23 Kaya si Yahweh ang nagtaboy sa mga Amoreo upang ang lupain nila'y tirhan ng mga Israelita. 24 At ngayo'y gusto ninyo itong kunin? Inyo nang lahat ang ibinigay sa inyo ng diyus-diyosan ninyong si Cemos ngunit huwag ninyong papakialaman ang ibinigay sa amin ni Yahweh na aming Diyos. 25 Sa(D) palagay mo ba'y mas magaling ka kaysa kay Balac na hari ng Moab? Ni minsa'y hindi niya tinangkang digmain ang Israel. 26 Tatlong daang taon nang naninirahan ang mga Israelita sa Hesbon, Aroer, sa mga bayan sa paligid nito, at sa mga lunsod sa palibot ng Ilog Arnon. Bakit ngayon lamang ninyo naisipang bawiin ang mga ito? 27 Wala akong kasalanan sa iyo, ikaw itong may kasalanan sa akin dahil sinasalakay mo ako. Si Yahweh, ang Hukom, ang magpapasya ngayon sa Israel at Ammon.” 28 Ngunit ang pasabing ito ni Jefta ay hindi pinansin ng hari ng mga Ammonita.
29 Ang Espiritu[b] ni Yahweh ay lumukob kay Jefta. Tinipon niya ang mga tao sa Gilead at Manases, pagkatapos ay nagbalik sa Mizpa, Gilead at saka nagtuloy upang salakayin ang mga Ammonita. 30 Sumumpa si Jefta kay Yahweh ng ganito: “Kapag pinagtagumpay ninyo ako laban sa mga Ammonita, 31 susunugin ko bilang handog sa inyo ang unang lalabas sa aking bahay at sasalubong sa akin pag-uwi ko.” 32 Sinalakay nga ni Jefta ang mga Ammonita at pinagtagumpay siya ni Yahweh. 33 Nagapi nila ang mga kalaban at nasakop ang dalawampung lunsod mula sa Aroer, sa palibot ng Minit hanggang sa Abelqueramim. Marami silang napatay na Ammonita.
Ang Anak ni Jefta
34 Nang magbalik si Jefta sa Mizpa, sinalubong siya ng anak niyang babae na sumasayaw sa saliw ng tamburin. Siya ang kaisa-isang anak ni Jefta. 35 Nang(E) makita siya ni Jefta, pinunit niya ang kanyang damit at buong paghihinagpis na sinabi, “Anak ko, kay bigat na bagay nitong ginawa mo sa akin ngayon. Ang panata ko kay Yahweh ay hindi ko na mababawi pa!”
36 Sumagot ang anak ni Jefta, “Kung may panata kayo kay Yahweh, tuparin ninyo iyon sapagkat ipinaghiganti niya kayo laban sa inyong mga kaaway na mga Ammonita. 37 Ngunit may isa lamang po akong ipapakiusap sa inyo: bayaan ninyong isama ko sa bundok ang aking mga kaibigan upang ipagluksa ko nang dalawang buwan ang aking pagkabirhen.” 38 Pumayag naman si Jefta na umalis ng dalawang buwan ang anak niya. Nagpunta nga ito sa bundok, kasama ang kanyang mga kaibigan upang ipagluksa ang kanyang pagkabirhen sapagkat mamamatay siya nang hindi makakapag-asawa. 39 Pagkaraan ng dalawang buwan, nagbalik siya sa kanyang ama at isinagawa naman nito ang kanyang panata kay Yahweh. At siya nga'y namatay na isang birhen. Mula noon, naging kaugalian na sa Israel 40 na taun-taon ay apat na araw na ipagluksa ng mga kababaihan ang dalagang anak ni Jefta.
Si Jefta at ang Lipi ni Efraim
12 Ang mga kalalakihan ng Efraim ay tinipon upang makipagdigma. Sama-sama silang tumawid ng Ilog Jordan at nagpunta sa Zafon upang kalabanin si Jefta. Itinanong nila sa kanya, “Bakit hindi mo kami tinawag bago ka nakipagdigma sa mga taga-Ammon? Dahil sa ginawa mong iyan, susunugin namin ang bahay mo at itatambak ka namin doon.”
2 Sumagot si Jefta, “Kami at ang mga Ammonita ay nagkaroon ng matinding alitan. Humingi kami ng tulong sa inyo ngunit hindi ninyo kami pinansin. 3 Kaya, itinaya ko na ang buhay ko sa pakikipagdigma sa kanila. Pinagtagumpay naman ako ni Yahweh. Bakit gusto ninyo akong salakayin ngayon?” 4 Tinipon ni Jefta ang kanyang mga tauhan at nilabanan ang mga taga-Efraim sapagkat sinabi ng mga ito, “Kayong mga taga-Gilead, mga takas lang kayo mula sa Efraim! Nakikitira lang kayo sa Efraim at Manases!” Ang mga taga-Efraim ay tinalo ng mga taga-Gilead. 5 Binantayan nila ang mga lugar ng Ilog Jordan na maaaring tawiran ng tao upang hindi makatawid ang mga taga-Efraim. Ang sinumang nais tumawid ay tinatanong nila kung taga-Efraim. Kapag sumagot ng, “Hindi,” 6 ipinapasabi nila ang salitang, “Shibolet.” Kung hindi ito mabigkas nang tama at sa halip ay sinasabing, “Sibolet,” papatayin nila ito sa may tawiran ng Ilog Jordan. At nang panahong iyon, umabot sa 42,000 taga-Efraim ang kanilang napatay.
7 Si Jefta ay anim na taóng naging hukom at pinuno ng Israel. Nang siya'y mamatay, inilibing siya sa kanyang sariling bayan sa Gilead.[c]
Sina Ibzan, Elon at Abdon
8 Nang mamatay si Jefta, si Ibzan na taga-Bethlehem naman ang naging hukom at pinuno ng Israel. 9 Animnapu ang kanyang anak: tatlumpung lalaki at tatlumpung babae. Ang pinili niyang maging asawa ng kanyang mga anak ay pawang di kabilang sa kanilang angkan. Pitong taon siyang naging hukom at pinuno ng Israel. 10 Nang siya'y mamatay, inilibing siya sa Bethlehem.
11 Nang mamatay si Ibzan, si Elon na taga-Zebulun naman ang naging hukom at pinuno ng Israel sa loob ng sampung taon. 12 Nang siya'y mamatay, inilibing siya sa Ayalon, sakop ng Zebulun.
13 Pagkatapos, ang sumunod na naging hukom at pinuno ng Israel ay si Abdon na anak ni Hillel na taga-Piraton. 14 Ang mga anak niyang lalaki ay apatnapu at siya'y may tatlumpung apo; bawat isa sa kanila'y may sari-sariling asno. Siya ay naging hukom at pinuno ng Israel sa loob ng walong taon. 15 Nang siya'y mamatay, inilibing siya sa Piraton, sakop ng Efraim, sa kaburulang sakop ng mga Amalekita.
Katanungan tungkol sa Araw ng Pamamahinga(A)
6 Isang(B) Araw ng Pamamahinga,[a] nagdaraan sina Jesus sa isang triguhan. Ang kanyang mga alagad ay pumitas ng mga trigo, kinuskos sa kanilang mga kamay at kanila itong kinain. 2 “Bakit kayo gumagawa ng ipinagbabawal ng Kautusan sa Araw ng Pamamahinga?” tanong ng ilang Pariseo.
3 Sinagot(C) sila ni Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang minsang magutom sila ng kanyang mga kasama? 4 Di(D) ba't pumasok siya sa bahay ng Diyos at kumain ng tinapay na handog, na bawal kainin ninuman maliban sa mga pari lamang? Binigyan pa niya ang kanyang mga kasama.” 5 At sinabi pa ni Jesus, “Ang Anak ng Tao ay Panginoon ng Araw ng Pamamahinga.”
Ang Taong Paralisado ang Kamay(E)
6 Noong isa pang Araw ng Pamamahinga,[b] pumasok si Jesus sa sinagoga at nagturo. Doon ay may isang lalaking paralisado ang kanang kamay. 7 Sa hangad ng mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo na magkaroon ng maipaparatang kay Jesus, binantayan nila si Jesus upang tingnan kung siya'y magpapagaling ng maysakit sa Araw ng Pamamahinga. 8 Subalit alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya sa lalaking paralisado ang kamay, “Halika, tumayo ka rito.” Lumapit ang lalaki at tumayo nga roon. 9 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, “Tatanungin ko kayo. Alin ba ang naaayon sa Kautusan, ang gumawa ng mabuti o ang gumawa ng masama sa Araw ng Pamamahinga? Ang magligtas ng buhay o ang pumatay?” 10 Tiningnan niyang isa-isa ang mga taong nakapaligid at pagkatapos ay sinabi sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay!” Iniunat nga ng lalaki ang kanyang kamay at ito'y gumaling.
11 Nagngitngit naman sa galit ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, at pinag-usapan nila kung ano ang maaari nilang gawin kay Jesus.
Pinili ang Labindalawa(F)
12 Nang panahong iyon, umakyat si Jesus sa isang bundok at magdamag siyang nanalangin sa Diyos. 13 Kinaumagahan, tinawag niya ang kanyang mga alagad. Mula sa kanila ay pumili siya ng labindalawa na tinawag niyang mga apostol. 14 Sila ay sina Simon, na pinangalanan niyang Pedro, si Andres na kapatid nito, sina Santiago, Juan, Felipe, Bartolome, 15 Mateo, Tomas, Santiago na anak ni Alfeo, si Simon na Makabayan, 16 si Judas na anak ni Santiago, at si Judas Iscariote na naging taksil.
Nagturo at Nagpagaling si Jesus(G)
17 Pagbaba ni Jesus kasama ang mga apostol, nadatnan nila sa isang patag na lugar ang marami sa kanyang mga alagad, kasama ang napakaraming taong buhat sa Judea, Jerusalem, at mga bayan sa baybaying-dagat ng Tiro at Sidon. 18 Pumaroon sila upang makinig, at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Pinagaling nga sila ni Jesus, pati na rin ang mga pinapahirapan ng masasamang espiritu. 19 Sinisikap ng lahat ng maysakit na makahawak man lamang sa kanya, sapagkat may kapangyarihang nanggagaling sa kanya na nagpapagaling sa lahat.
Ang Pinagpala at ang Kahabag-habag(H)
20 Tumingin si Jesus sa mga alagad, at sinabi,
“Pinagpala kayong mga dukha,
sapagkat sa inyo ang kaharian ng Diyos!
21 “Pinagpala kayong mga nagugutom ngayon,
sapagkat kayo'y bubusugin.
“Pinagpala kayong mga tumatangis ngayon,
sapagkat kayo'y magsisitawa!
22 “Pinagpala(I) kayo kung dahil sa inyong pagsunod sa Anak ng Tao ay kinapopootan kayo, ipinagtatabuyan at nilalait ng mga tao, at pinaparatangang kayo ay masama. 23 Magalak(J) kayo at lumukso sa tuwa kung gayon ang mangyari sa inyo, sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit. Gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta.
24 “Ngunit kahabag-habag kayong mga mayayaman ngayon,
sapagkat natamasa na ninyo ang kaginhawahan.
25 “Kahabag-habag kayong mga busog ngayon,
sapagkat kayo'y magugutom!
“Kahabag-habag kayong mga tumatawa ngayon,
sapagkat kayo'y magdadalamhati at magsisitangis!
26 “Kahabag-habag kayo, kung kayo'y pinupuri ng lahat ng tao, sapagkat gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga huwad na propeta.”
by