Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Deuteronomio 30-31

Mga Kondisyon sa mga Pagpapala at Panunumbalik ng Bansa

30 “Naipahayag ko na sa inyo ang mga pagpapala at ang mga sumpa; piliin ninyo kung alin ang gusto ninyo. Kapag nangyari na sa inyo ang mga ito at naninirahan na kayo sa mga bansang bumihag sa inyo, maaalala ninyo ang bagay na ito. Kapag kayo at ang mga anak ninyo ay manunumbalik kay Yahweh upang buong puso't kaluluwang sundin ang kanyang mga utos na aking binabanggit sa inyo ngayon, kahahabagan niya kayo at ibabalik sa magandang kalagayan. Titipunin niya kayong muli mula sa mga bansang pinagtapunan sa inyo at muli kayong pasasaganain. Kahit saang sulok ng daigdig kayo mapatapon, muli niya kayong titipunin at ibabalik sa lupain ng inyong mga ninuno upang muli ninyong angkinin iyon. Kayo'y higit niyang pararamihin at pasasaganain kaysa inyong mga ninuno. Babaguhin niya at lilinisin ang inyong puso at gayundin ng inyong mga anak upang ibigin ninyo siya nang buong katapatan. Sa ganoon mabubuhay kayo nang matagal. At ang mga sumpang ito'y ipapataw ni Yahweh sa inyong mga kaaway na nagpahirap sa inyo. Muli ninyong papakinggan ang kanyang tinig at susundin ang kanyang mga utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon. Pagpapalain niya ang lahat ng inyong gawain. Pararamihin niya ang inyong mga anak at mga hayop at pasasaganain ang ani ng inyong lupain. Muli siyang malulugod sa inyo at pagpapalain niya kayo, tulad ng ginawa niya sa inyong mga ninuno. 10 Ngunit kailangang makinig kayo sa kanya at buong puso't kaluluwang sumunod sa kanyang mga utos.

11 “Ang kautusang ibinibigay ko sa inyo ngayon ay hindi naman napakahirap sundin at unawain. 12 Wala(A) ito sa langit, kaya hindi na ninyo dapat itanong, ‘Sino ang aakyat sa langit para sa atin upang kunin ang kautusan upang marinig natin ito at maisagawa?’ 13 Wala rin ito sa ibayong-dagat kaya hindi ninyo dapat itanong, ‘Sino ang tatawid sa dagat para sa atin upang kunin ang kautusan upang marinig natin ito at maisagawa?’ 14 Napakalapit ng kautusan sa inyo, nasa inyong mga labi at nasa inyong mga puso. Kailangan lang ninyo itong tuparin.

15 “Binibigyan(B) (C) ko kayo ngayon ng pagpipilian: buhay o kamatayan; kasaganaan o kahirapan; 16 kapag sinunod ninyo ang mga utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon mula kay Yahweh na inyong Diyos,[a] at kung mahal ninyo siya at ginagawa ang kanyang kagustuhan, pagpapalain niya kayo sa lupaing ibibigay niya sa inyo. Bibigyan niya kayo ng mahabang buhay at gagawing isang malaking bansa. 17 Ngunit kapag tumalikod kayo at ayaw nang makinig sa kanya, sa halip ay naglingkod sa ibang mga diyos, 18 ngayon pa'y sinasabi ko sa inyong malilipol kayo. Hindi kayo magtatagal sa lupaing sasakupin ninyo sa ibayo ng Jordan. 19 Saksi ko ang langit at ang lupa na ngayo'y inilahad ko sa inyo ang buhay o kamatayan, at ang pagpapala o sumpa. Kaya, piliin ninyo ang buhay para kayo at ang inyong lahi ay mabuhay nang matagal. 20 Ibigin ninyo si Yahweh, sundin siya at manatiling tapat sa kanya upang kayo at ang inyong salinlahi ay mabuhay nang matagal sa lupaing ipinangako niya sa ninuno ninyong sina Abraham, Isaac at Jacob.”

Si Josue ang Kahalili ni Moises

31 Nagpatuloy si Moises sa pagsasalita sa mga Israelita. Ang(D) sabi niya, “Sandaa't dalawampung taon na ako ngayon at hindi ko na kayo kayang pamunuan. Bukod dito, sinabi sa akin ni Yahweh na hindi ako maaaring tumawid sa Jordan. Ang Diyos ninyong si Yahweh mismo ang mangunguna sa inyo. Pupuksain niya ang mga bansang daraanan ninyo upang mapasainyo ang lupain nila. Si Josue ang inyong magiging pinuno gaya ng sinabi ni Yahweh. Ang(E) mga bansang iyon ay lilipulin ni Yahweh tulad ng ginawa niya sa mga haring Amoreo na sina Sihon at Og, at sa kani-kanilang kaharian. Sila'y ipapabihag ni Yahweh sa inyo at gagawin naman ninyo sa kanila ang sinabi ko sa inyo. Magpakatatag kayo at lakasan ninyo ang inyong loob. Huwag kayong matakot sa kanila sapagkat sasamahan kayo ni Yahweh na inyong Diyos. Hindi niya kayo iiwan ni pababayaan man.”

Ipinatawag ni Moises si Josue at sa harapan ng sambayanan ng Israel ay sinabi ang ganito: “Magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob sapagkat ikaw ang mangunguna sa bayang ito sa pagsakop sa lupaing ipinangako ni Yahweh sa kanilang mga ninuno. Si(F) Yahweh ang mangunguna sa iyo. Sasamahan ka niya. Hindi ka niya bibiguin o pababayaan man, kaya't huwag kang matakot ni panghinaan ng loob.”

Dapat Basahin ang Kautusan Tuwing Ikapitong Taon

Isinulat ni Moises ang mga utos at ibinigay ito sa mga paring tagadala ng Kaban ng Tipan, at sa matatandang namumuno sa bayan. 10 Sinabi(G) niya, “Sa Pista ng mga Tolda tuwing katapusan ng ikapitong taon na siyang taon ng pagpapatawad ng utang, 11 basahin ninyo ang kautusang ito sa harap ng buong Israel sa lugar na pipiliin ni Yahweh upang doo'y sambahin siya. 12 Tipunin ninyong lahat ang mga lalaki, babae, bata, pati ang mga dayuhang kasama ninyo upang marinig nila ang kautusang ito. Sa ganoon, matututo silang matakot sa Diyos ninyong si Yahweh at sumunod sa kanyang mga utos. 13 Pati ang inyong mga anak na hindi pa nakaaalam nito ay magkakaroon ng takot kay Yahweh habang sila'y nabubuhay sa lupaing titirhan ninyo sa ibayo ng Jordan.”

Ang Huling Tagubilin ni Yahweh kay Moises

14 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Malapit ka nang mamatay. Tawagin mo si Josue at pumunta kayo sa Toldang Tipanan upang bigyan siya ng mga bilin.” Gayon nga ang ginawa nila. 15 Si Yahweh ay bumabâ sa Toldang Tipanan sa anyong haliging ulap at tumayo sa pintuan.

16 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, “Nalalapit na ang iyong kamatayan. Kapag nangyari na ito, ang Israel ay magpapakasama at maglilingkod sa mga diyus-diyosan sa lupaing pupuntahan nila. Tatalikod sila sa akin at sisira sa aming kasunduan. 17 Kung magkaganoon, magagalit ako sa kanila. Itatakwil ko sila't tatalikuran, at sila'y madaling mabibihag ng kaaway. Daranas sila ng mga kaguluhan at kapahamakan hanggang sa mapag-isip-isip nilang ito'y dahil sa akong Diyos nila ay hindi nila kasama.

18 “Pababayaan ko sila dahil sa kasamaang ginawa nila, ang pagsamba nila sa mga diyus-diyosan. 19 Kaya nga, isulat mo ang awiting ito at ituro sa bansang Israel upang maging tagapagpaalala sa kanila. 20 Kapag nadala ko na sila sa lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay, tulad ng aking pangako sa kanilang mga ninuno, mamumuhay na sila nang sagana at tiwasay. Ngunit sasamba sila at maglilingkod sa mga diyus-diyosan. Tatalikod sila sa akin at sisira sa aming kasunduan. 21 Kung dumating na sa kanila ang matinding kahirapan at kaguluhan, ang awit na ito ang siyang susumbat sa kanila sapagkat matatanim ito sa isipan ng magiging lahi nila. Hindi ko pa sila nadadala sa lugar na ibibigay ko sa kanila ay alam ko na ang kanilang binabalak.”

22 Nang araw ring iyon, sinulat niya ang isang awit at itinuro ito sa mga Israelita.

23 Itinalaga(H) ni Yahweh si Josue na anak ni Nun. Sinabi niya, “Magpakatatag at lakasan mo ang loob mo sapagkat ikaw ang mangunguna sa Israel sa pagpunta nila sa lupaing ipinangako ko sa kanila. Hindi kita pababayaan.”

24 Matapos isulat ni Moises sa isang aklat ang buong kautusan, 25 sinabi niya sa mga pari, 26 “Dalhin ninyo ang aklat na ito at itabi sa Kaban ng Tipan upang maging babala sa inyo. 27 Alam kong kayo'y mapaghimagsik at matigas ang ulo. Kung ngayong buháy pa ako ay lagi kayong naghihimagsik kay Yahweh, lalo na kung patay na ako. 28 Pupulungin ko ang inyong matatanda at ang inyong mga pinuno. Ipapaliwanag ko sa kanila ang mga bagay na ito, at gagawin kong saksi ang langit at lupa laban sa kanila. 29 Sapagkat natitiyak kong kayo'y magpapakasama pagkamatay ko, lilihis kayo sa daang itinuro ko sa inyo. Darating ang araw na magagalit sa inyo si Yahweh dahil gagawin ninyo ang pinakaaayawan niya.”

Ang Awit ni Moises

30 Ito ang kabuuan ng awit na ipinarinig ni Moises sa mga Israelita:

Marcos 15:1-25

Sa Harapan ni Pilato(A)

15 Kinaumagahan, nagpulong agad ang mga punong pari, mga pinuno ng bayan, mga tagapagturo ng Kautusan, at iba pang bumubuo ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio. Ipinagapos nila si Jesus, at dinala kay Pilato.

“Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” tanong sa kanya ni Pilato.

“Ikaw na ang may sabi,” tugon naman ni Jesus.

Nagharap ng maraming paratang ang mga punong pari laban kay Jesus kaya't siya'y muling tinanong ni Pilato, “Wala ka bang isasagot? Narinig mo ang marami nilang paratang laban sa iyo.”

Ngunit hindi pa rin sumagot si Jesus, kaya't nagtaka si Pilato.

Hinatulang Mamatay si Jesus(B)

Tuwing Pista ng Paskwa ay nagpapalaya si Pilato ng isang bilanggo, sinumang hilingin sa kanya ng mga taong-bayan. May isang bilanggo noon na ang pangalan ay Barabbas. Kasama siya sa mga nagrebelde, at nakapatay siya noong panahon ng pag-aalsa. Nang lumapit ang mga tao kay Pilato upang hilingin sa kanya na gawin niya ang dati niyang ginagawa, tinanong sila ni Pilato, “Ibig ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?” 10 Sinabi niya ito sapagkat batid ni Pilato na inggit lamang ang nag-udyok sa mga punong pari upang isakdal si Jesus.

11 Ngunit sinulsulan ng mga punong pari ang mga tao na si Barabbas ang hilinging palayain. 12 Kaya't muli silang tinanong ni Pilato, “Ano naman ang gagawin ko sa taong ito na tinatawag ninyong Hari ng mga Judio?”

13 “Ipako siya sa krus!” sigaw ng mga tao.

14 “Bakit, ano ba ang kasalanan niya?” tanong ni Pilato. Ngunit lalo pang sumigaw ang mga tao, “Ipako siya sa krus!”

15 Sa paghahangad ni Pilato na mapagbigyan ang mga tao, pinalaya niya si Barabbas at si Jesus naman ay kanyang ipinahagupit, at pagkatapos ay ibinigay sa kanila upang ipako sa krus.

Hinamak ng mga Kawal si Jesus(C)

16 Dinala ng mga kawal si Jesus sa bakuran ng palasyo ng gobernador, at kanilang tinipon doon ang buong batalyon. 17 Sinuotan nila si Jesus ng balabal na kulay ube. Kumuha sila ng halamang matinik, ginawa iyong korona at ipinutong sa kanya. 18 Pagkatapos, sila'y pakutyang nagpugay at bumati sa kanya, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” 19 Siya'y pinaghahampas sa ulo, pinagduduraan at pakutyang niluhud-luhuran. 20 Matapos kutyain, hinubad nila sa kanya ang balabal na kulay ube, sinuotan ng sarili niyang damit, at inilabas upang ipako sa krus.

Ipinako sa Krus si Jesus(D)

21 Nasalubong(E) nila sa daan ang isang lalaking galing sa bukid, si Simon na taga-Cirene na ama nina Alejandro at Rufo. Pilit nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Jesus. 22 Kanilang dinala si Jesus sa lugar na tinatawag na Golgotha, na ang ibig sabihi'y “Pook ng Bungo.” 23 Siya'y binibigyan nila ng alak na may kahalong mira, ngunit hindi niya ito ininom. 24 Ipinako(F) siya sa krus at saka pinaghati-hatian ang kanyang damit sa pamamagitan ng palabunutan. 25 Ikasiyam ng umaga nang ipako siya sa krus.