Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
1 Samuel 27-29

Si David sa Lupain ng mga Filisteo

27 Sinabi ni David sa kanyang sarili, “Balang araw ay mahuhuli rin ako ni Saul kapag hindi ako umalis dito. Ang mabuti pa'y magtago na lang ako sa lupain ng mga Filisteo. Baka hindi na niya ako habulin kung hindi na niya ako makita sa lupain ng Israel. Ito na lamang ang paraan upang makaligtas ako sa kanya.” Kaya, isinama niya ang animnaraan niyang tauhan at nagpunta sila kay Aquis na anak ni Maoc at hari ng Gat. Doon nanirahan sina David, kasama ang mga asawa niyang si Ahinoam na taga-Jezreel at si Abigail na biyuda ni Nabal na taga-Carmel. Kasama naman ng kanyang mga tauhan ang kani-kanilang pamilya. Nang mabalitaan ni Saul na si David ay nasa Gat, itinigil nga niya ang paghahanap dito.

Sinabi ni David kay Aquis, “Kung mamarapatin mo, bigyan mo kami ng isang maliit na bayan sa lalawigan upang doon manirahan. Hindi nararapat na kami ay kasama mong naninirahan dito sa iyong maharlikang lunsod.” Ibinigay naman sa kanya ni Aquis ang Ziklag, kaya hanggang ngayon, ito ay sakop ng hari ng Juda. At sila'y isang taon at apat na buwang nanirahan sa lupain ng mga Filisteo.

Sa loob ng panahong iyon, sinalakay nina David ang mga Gesureo, ang mga Girzita at ang mga Amalekita na matagal nang naninirahan doon; umabot sila sa Shur at hanggang sa Egipto. Bawat lugar na salakayin nila ay wala silang itinitirang buháy, maging lalaki man o babae. At bago bumalik kay Aquis, sinasamsam nila ang lahat ng kanilang makita: tupa, baka, asno, kamelyo at mga damit. 10 Kapag tinatanong siya ni Aquis kung alin ang sinalakay nila, sinasabi niyang ang gawing timog ng Juda, timog ng Jerameel o kaya'y ang lupain ng Cineo. 11 Pinapatay nga niyang lahat ang nakatira sa alinmang lugar na salakayin niya para walang makapagbalita sa Gat na ang lugar na iyon ang kanilang nilusob. Palaging ganoon ang ginagawa nina David sa buong panahon ng paninirahan nila sa lupain ng mga Filisteo. 12 Si Aquis naman ay labis na nagtiwala sa kanya, sapagkat akala niya'y masamang-masama na si David sa mga Israelita at dahil doo'y maaalipin na niya ito habang panahon.

28 Nang panahong iyon, inihahanda ng mga Filisteo ang kanilang hukbong sandatahan upang digmain ang Israel. Sinabi ni Aquis kay David, “Inaasahan kong ikaw at ang mga tauhan mo'y sasanib sa aking hukbo.”

Sumagot si David, “Maaasahan po ninyo. Ngayon ko ipapakita sa inyo kung ano ang magagawa ko.”

Sinabi ni Aquis, “Mabuti kung gayon. Ikaw ang gagawin kong pansariling bantay ko habang buhay.”

Sumangguni si Saul sa Isang Kumakausap sa Espiritu ng mga Namatay na

Patay(A) na noon si Samuel at ipinagluksa siya ng buong Israel. Siya'y inilibing nila sa Rama, sa kanyang sariling bayan. Noon ay pinalayas na ni Saul ang mga sumasangguni sa espiritu ng mga namatay na at ang mga manghuhula.

Ang mga Filisteo ay nagkampo sa Sunem at sina Saul naman ay sa Gilboa. Nanginig sa takot si Saul nang makita niya ang hukbo ng mga Filisteo. Nang(B) sumangguni siya kay Yahweh, hindi sumagot si Yahweh kahit sa pamamagitan ng panaginip, ni sa pamamagitan man ng Urim o ng mga propeta. Dahil dito, iniutos niya sa kanyang mga tagapaglingkod na ihanap siya ng isang babaing kumakausap sa mga espiritu ng namatay na upang siya'y tanungin. Sinabi naman sa kanya ng kanyang mga lingkod na mayroong ganoong babae sa Endor.

Nagbalatkayo si Saul, isinama ang dalawa niyang tagapaglingkod at sila'y lumakad. Gabi na nang dumating sila sa Endor. Sinabi niya sa babae, “Tingnan mo nga kung ano ang magiging kapalaran ko; kausapin mo ang espiritu ng sinumang sasabihin ko sa iyo.”

Sinabi sa kanya ng babae, “Hindi mo ba alam na pinalayas na ni Saul sa Israel ang mga sumasangguni sa mga espiritu ng patay at ang mga manghuhula? Bakit mo inilalagay sa panganib ang aking buhay?”

10 Kaya't nangako si Saul sa pangalan ni Yahweh. Sinabi niya, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[a] hindi ka mapaparusahan dahil sa gagawin mong ito.”

11 Itinanong(C) ng babae, “Kaninong espiritu ang gusto mong tawagin ko?”

“Kay Samuel,” sagot niya.

12 Nang makita ng babae si Samuel, napasigaw ito. Sinabi niya kay Saul, “Bakit ninyo ako nilinlang? Kayo pala si Haring Saul!”

13 Sinabi ni Saul, “Huwag kang matakot. Ano ba ang nakita mo?”

“Isang espiritu na lumilitaw mula sa lupa,” sagot ng babae.

14 Itinanong ni Saul, “Ano ang hitsura?”

“Isa siyang matandang lalaking nakabalabal,” sagot ng babae. Natiyak ni Saul na si Samuel ang tinutukoy ng babae, kaya siya'y nagpatirapa at nagbigay-galang.

15 Itinanong ni Samuel kay Saul, “Bakit mo ginagambala ang aking pamamahinga?”

Sumagot siya, “May malaki akong suliranin. Sinasalakay kami ng mga Filisteo. Tinalikuran na ako ng Diyos at ayaw na niyang magpahayag sa akin, maging sa mga propeta o sa mga panaginip. Ipinatawag nga kita upang itanong kung ano ang dapat kong gawin.”

16 Sinabi ni Samuel, “Bakit magtatanong ka pa sa akin gayong tinalikuran ka na ni Yahweh at siya'y kaaway mo na? 17 Iyan(D) na ang katuparan ng ipinasabi niya sa iyo. Inalis na sa iyo ang pagiging hari, at ibinigay na kay David. 18 Hindi(E) mo sinunod ang kanyang utos na lipulin ang mga Amalekita, kaya ginagawa niya ito sa iyo. 19 Ikaw at ang buong Israel ay ibibigay ni Yahweh sa kamay ng mga Filisteo. Bukas, ikaw at ang iyong mga anak ay mamamatay rin sapagkat niloob na ni Yahweh na mahulog kayo sa kamay ng mga Filisteo.”

20 Dahil sa matinding takot sa sinabi ni Samuel, biglang nabuwal si Saul sa lupa. Bukod dito, hinang-hina na siya dahil sa pagod at gutom sapagkat maghapo't magdamag na siyang hindi kumakain. 21 Nilapitan siya ng babae at nakita niyang takot na takot si Saul. Kaya, sinabi niya, “Pinagbigyan ko po ang inyong kahilingan kahit alam kong nakataya ang aking buhay. 22 Ngayon po, ako naman ang hihiling sa inyo. Ipaghahanda ko kayo ng pagkain para lumakas kayo at makapagpatuloy sa inyong lakad.”

23 Sumagot si Saul, “Ayokong kumain.” Ngunit pinilit siya ng kanyang mga tauhan at ng babae. Pumayag na rin siya at pagkatapos ay naupo sa isang higaan. 24 Ang babae ay may isang pinatabang guya. Dali-dali niya itong kinatay. Nagmasa siya ng harina, ginawa itong tinapay na walang pampaalsa, 25 saka inihain kay Saul at sa mga kasamahan nito. Pagkakain, nagmamadali silang umalis.

Si David ay Tinanggihan ng mga Filisteo

29 Ang mga Filisteo'y nagtipun-tipon sa Afec at ang mga Israelita naman ay sa tabi ng malaking bukal sa libis ng Jezreel. Nang ang mga pinunong Filisteo ay patungo na sa labanan kasama ang kani-kanilang pangkat na may daan-daan at may libu-libo, nakita nila ang pangkat ni David; ang mga ito'y nasa hulihan at kahanay ng pangkat ni Aquis. Itinanong ng mga prinsipeng Filisteo, “Sino ang mga Hebreong ito? Ano ang ginagawa nila rito?”

Sumagot si Aquis, “Si David iyan na lingkod ni Haring Saul. Siya'y mahigit nang isang taong kasa-kasama ko. Buhat nang magkasama kami, wala akong maipipintas sa kanya.”

Nagalit ang mga pinunong Filisteo. Sinabi nila kay Aquis, “Pabalikin mo na sila sa lugar na ibinigay mo sa kanila. Hindi natin sila isasama sa labanan. Baka kung nandoon na, tayo pa ang labanan nila. Baka samantalahin niya ang pagkakataon upang maalis ang galit sa kanya ni Saul. Hindi(F) ba iyan ang David na kanilang binabanggit sa awit na:

‘Pumatay si Saul ng libu-libo
    si David nama'y sampu-sampung libo?’”

Tinawag ni Aquis si David. Sinabi niya, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[b] ikaw ay naging tapat sa akin. At para sa akin, nais kong kasama ka sa pakikidigma naming ito sapagkat buhat nang magkasama tayo'y wala akong masasabing masama laban sa iyo. Ngunit ayaw kang isama ng ibang pinuno. Kaya, magbalik ka na para hindi magalit sa iyo ang mga pinuno ng mga Filisteo.”

Itinanong ni David, “Ano ba ang nagawa kong masama buhat nang sumama ako sa inyo at ayaw ninyo akong isama sa pakikipaglaban sa inyong mga kaaway?”

Sumagot si Aquis, “Alam kong wala kang ginawang masama. Natitiyak kong ikaw ay tapat, tulad ng isang anghel ng Diyos, ngunit ayaw kang isama ng mga pinunong Filisteo. 10 Kaya, pagliwanag bukas ng umaga, isama mong lahat ang mga tauhan mo at bumalik na kayo sa lugar na ibinigay ko sa inyo. Huwag sasama ang loob mo. Wala akong masasabing anuman laban sa iyo.”

11 Kinabukasan ng umaga, si David at ang mga tauhan nito'y nagbalik sa lupain ng mga Filisteo; nagpatuloy naman ang mga Filisteo ng pagsugod sa Jezreel.

Lucas 13:1-22

Magsisi Upang Hindi Mapahamak

13 Dumating noon ang ilang tao at ibinalita kay Jesus na ipinapatay ni Pilato ang ilang mga taga-Galilea habang ang mga ito'y naghahandog sa Diyos. Sinabi niya sa kanila, “Akala ba ninyo, dahil sa sinapit nilang iyon, higit silang masama kaysa sa ibang mga taga-Galilea? Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo, malibang magsisi kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong tulad nila. At ang labingwalong namatay nang mabagsakan ng tore sa Siloe, sa akala ba ninyo'y higit silang makasalanan kaysa sa ibang naninirahan sa Jerusalem? Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo, malibang magsisi kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong tulad nila.”

Ang Talinghaga ng Puno ng Igos

Sinabi pa sa kanila ni Jesus ang talinghagang ito. “May isang taong may tanim na puno ng igos sa kanyang ubasan. Minsan, tiningnan niya kung may bunga ang puno, ngunit wala siyang nakita. Dahil dito, sinabi niya sa tagapag-alaga ng ubasan, ‘Tatlong taon na akong pumaparito at naghahanap ng bunga sa punong ito, ngunit wala akong makita. Putulin mo na't nakakasikip lang iyan!’ Ngunit sumagot ang tagapag-alaga, ‘Huwag po muna nating putulin ngayon. Huhukayan ko po ang palibot at lalagyan ng pataba, baka sakaling mamunga na sa susunod na taon. Kung hindi pa, saka po ninyo ipaputol.’”

Pinagaling ni Jesus ang Babaing Kuba

10 Isang Araw ng Pamamahinga, si Jesus ay nagtuturo sa isang sinagoga. 11 May isang babae roon na labingwalong taon nang may karamdamang sanhi ng isang masamang espiritu. Siya'y nakukuba at hindi na makaunat. 12 Nang siya'y makita ni Jesus, tinawag siya at sinabi, “Malaya ka na sa iyong karamdaman.” 13 Ipinatong ni Jesus ang kanyang mga kamay sa babae, at noon di'y nakatayo siya nang tuwid at nagpuri sa Diyos.

14 Ngunit(A) nagalit ang tagapamahala ng sinagoga sapagkat nagpagaling si Jesus sa Araw ng Pamamahinga. Kaya't sinabi ng tagapamahala sa mga tao, “May anim na araw na inilaan upang kayo'y magtrabaho. Sa mga araw na iyon kayo pumarito upang pagalingin at huwag sa Araw ng Pamamahinga.”

15 Sinagot siya ng Panginoon, “Mga mapagkunwari! Hindi ba't kinakalag ninyo sa sabsaban ang inyong baka o asno at dinadala sa painuman kahit sa Araw ng Pamamahinga? 16 Ang anak na ito ni Abraham ay ginapos ni Satanas sa loob ng labingwalong taon. Hindi ba dapat siyang kalagan kahit na sa Araw ng Pamamahinga?” 17 Napahiya ang lahat ng kumakalaban kay Jesus dahil sa isinagot niya. Natuwa naman ang mga tao dahil sa lahat ng mga kahanga-hangang bagay na ginawa niya.

Ang Talinghaga ng Buto ng Mustasa(B)

18 Sinabi ni Jesus, “Ano ang katulad ng kaharian ng Diyos? Saan ko ito maihahambing? 19 Ang katulad nito'y isang buto ng mustasa na itinanim ng isang tao sa kanyang halamanan. Ito'y lumaki hanggang sa maging isang punongkahoy, at ang mga ibon ay nagpugad sa mga sanga nito.”

Ang Talinghaga ng Pampaalsa(C)

20 Sinabi pa ni Jesus, “Saan ko ihahambing ang kaharian ng Diyos? 21 Ito ay katulad ng pampaalsa na inihalo ng isang babae sa tatlong takal na harina,[a] kaya't umalsa ang buong masa.”

Ang Makipot na Pintuan(D)

22 Habang nagpapatuloy si Jesus papuntang Jerusalem, siya'y nagtuturo sa bawat bayan at nayon na kanyang dinaraanan.