Old/New Testament
Ang Pagtakas ni David sa Adullam
22 Mula(A) sa Gat, tumakas si David at nagtago sa kuweba ng Adullam. Nabalitaan ito ng kanyang mga kapatid at ng kanyang buong pamilya kaya silang lahat ay nagpunta roon at sumama sa kanya. 2 Sumama rin sa kanya ang mga inaapi, pati ang mga nakalubog sa utang, at ang mga hindi nasisiyahan sa kanilang pamumuhay. Ang lahat ng ito'y umabot sa apatnaraang lalaki, at siya ang ginawa nilang pinuno.
3 Mula roon, nagtuloy sila sa Mizpa ng Moab. Sinabi niya sa hari doon, “Ipinapakiusap ko po na pabayaan muna ninyo rito sa Moab ang aking mga magulang hangga't hindi ko tiyak kung ano ang gagawin sa akin ng Diyos.” 4 Ipinagkatiwala nga niya ang kanyang mga magulang sa hari ng Moab at ang mga ito'y nanatili roon habang nagtatago si David sa kuweba.
5 Sinabi ni Propeta Gad kay David, “Huwag kang manatili rito, magpunta ka sa sakop ng Juda.” Sumunod naman si David at siya'y nagpunta sa kagubatan ng Heret.
6 Nabalitaan ni Saul kung saan nagtatago si David at ang mga kasama nito. Nakaupo siya noon sa ilalim ng punong tamarisko sa ibabaw ng isang burol sa Gibea; hawak niya ang kanyang sibat at nakapaligid sa kanya ang kanyang mga tauhan. 7 Sinabi niya sa mga ito, “Sagutin ninyo ako sa itatanong ko sa inyo, mga Benjaminita. Mabibigyan ba kayo ni David ng kahit isang pirasong bukid o ubasan? Gagawin ba niya kayong mga opisyal ng kanyang hukbo? 8 Bakit kayo nakikipagsabwatan sa kanya laban sa akin? Bakit isa man sa inyo'y walang nagsabi sa akin tungkol sa kasunduan ng anak kong si Jonatan at ni David? Bakit isa ma'y walang nakapagsabi sa akin tungkol sa pakikiisa ni Jonatan kay David laban sa akin?”
9 Sumagot(B) si Doeg, isa sa mga tauhan ni Saul, “Nakita ko po si David nang magpunta sa Nob, kay Ahimelec na anak ni Ahitob. 10 Sumangguni pa si Ahimelec kay Yahweh para kay David at binigyan pa ito ng pagkain; ibinigay rin dito ang espada ni Goliat.”
Ang Pagpatay sa mga Pari
11 Ipinatawag ng hari si Ahimelec at ang lahat ng kasambahay nito, na pawang mga pari sa Nob; humarap sila sa hari. 12 Tinawag ni Saul si Ahimelec at kanyang sinabi, “Ahimelec, makinig ka.”
“Nakikinig po ako, mahal na hari,” sagot ni Ahimelec.
13 Sinabi ni Saul, “Bakit ka nakipagsabwatan kay David laban sa akin? Bakit mo siya binigyan ng sandata at pagkain? Bakit mo siya isinangguni sa Diyos? Hindi mo ba alam na pinagtatangkaan niya ako ng masama?”
14 Sumagot si Ahimelec, “Hindi po ba si David ay manugang ninyo at pinakamatapat ninyong tauhan? Hindi po ba siya ang pinakapuno sa inyong mga kawal at iginagalang ng lahat sa buong kaharian? 15 At ngayon ko lamang po ba siya isinangguni sa Diyos? Huwag po kayong magalit sa amin, mahal na hari. Wala po kaming nalalaman sa ibinibintang ninyo sa amin.”
16 Sinabi ni Saul, “Mamamatay ka ngayon, Ahimelec, pati ang iyong buong angkan.” 17 At inutusan ng hari ang mga tauhan na malapit sa kanya, “Patayin ninyo ang mga pari ni Yahweh! Kasabwat sila ni David. Alam nila nang ito'y tumakas ngunit hindi sinabi sa akin.” Ngunit ayaw sumunod ang mga inutusan sapagkat natatakot silang pagbuhatan ng kamay ang mga pari ni Yahweh. 18 Kaya, si Doeg ang inutusan ni Saul, “Ikaw ang pumatay sa kanila.” Sumunod naman si Doeg at nang araw na iyon, pinatay niya ang walumpu't limang paring nakasuot ng efod. 19 At ipinapatay rin ni Saul ang lahat ng mga taga-Nob, isang lunsod ng mga pari: mga babae't lalaki, ang mga bata at mga sanggol, ang mga baka, asno at mga tupa.
20 Ngunit nakatakas si Abiatar na anak ni Ahimelec, at siya'y nagpunta kay David. 21 Ibinalita niya rito na ipinapatay ni Saul ang lahat ng mga pari ni Yahweh. 22 Sinabi ni David kay Abiatar, “Nakita ko noon si Doeg at noon pa'y alam ko nang magsusumbong siya kay Saul na ako'y nakita niya roon. Ako tuloy ang naging dahilan ng pagkalipol ng iyong angkan. 23 Ngunit huwag kang matakot. Sumama ka na sa amin dahil iisa ang nagtatangka sa buhay nating dalawa. Dito ay ligtas ka.”
Umalis si David sa Keila
23 Dumating ang araw na sinalakay ng isang pangkat ng mga Filisteo ang Keila at sinamsam ang trigo sa giikan. Nalaman ito ni David 2 kaya siya'y sumangguni kay Yahweh, “Lalabanan ko po ba ang mga Filisteong ito?”
“Oo,” sagot ni Yahweh. “Labanan mo sila at iligtas mo ang Keila.”
3 Ngunit sinabi ng mga kawal kay David, “Kung kay Saul lang ay takot tayo, kaya tayo nagtatago dito sa Juda, paano natin malalabanan ang napakaraming Filisteong ito?” 4 Kaya't muling sumangguni si David kay Yahweh.
Ang sagot naman sa kanya, “Pumunta kayo sa Keila at pagtatagumpayin ko kayo laban sa mga Filisteo.” 5 Kaya't nagpunta si David at ang kanyang mga tauhan sa Keila at nilabanan ang mga Filisteo. Marami silang napatay sa mga ito; sinamsam nila ang mga kawan at nailigtas ni David ang bayan ng Keila.
6 Nang si Abiatar ay tumakas at magpunta kay David sa Keila, dala niya ang efod.
7 Nabalitaan naman ni Saul na si David ay nasa Keila at sinabi nito, “Sa wakas, niloob din ng Diyos na mahulog sa mga kamay ko si David sapagkat pumasok siya sa isang lugar na napapaligiran ng pader at bakal ang mga pintuan.” 8 Tinipon niya ang lahat niyang tauhan at pinapunta sa Keila upang palibutan si David at ang mga tauhan nito.
9 Nalaman ito ni David kaya sinabi niya sa paring si Abiatar, “Dalhin mo rito ang efod.” 10 At sumangguni siya sa Diyos, “Yahweh, Diyos ng Israel, nabalitaan ko pong wawasakin ni Saul ang Keila sapagkat nalaman niyang narito ako. 11 Totoo po ba ito? Pababayaan po kaya ng mga taga-Keila na dakpin ako ni Saul? Isinasamo ko po, Yahweh, Diyos ng mga Israelita, na sagutin n'yo ako sa bagay na ito.”
Sumagot si Yahweh, “Oo, lulusubin nga ni Saul ang Keila.”
12 Nagtanong muli si David, “Pababayaan po ba ng mga taga-Keila na ako'y dakpin ni Saul, pati ang aking mga kasama?”
“Oo, pababayaan nila kayo,” sagot ni Yahweh.
13 Dahil dito, iniutos niya sa kanyang mga tauhan na noo'y halos animnaraang katao na umalis na doon at magpalipat-lipat ng lugar. Nang malaman ni Saul na si David ay nakatakas, hindi na niya itinuloy ang balak na pagsalakay sa Keila.
Si David sa Ilang
14 Si David ay nagtago sa ilang at maburol na lugar ng Zif. Araw-araw, hinahanap siya ni Saul, ngunit hindi itinulot ng Diyos na makita siya nito.
15 Nanatili ang pangamba ni David sapagkat alam niyang siya'y talagang gustong patayin ni Saul. Nang siya'y nasa Hores sa ilang ng Zif, 16 pinuntahan siya ni Jonatan at pinalakas ang kanyang loob sa pangalan ni Yahweh. 17 Sinabi nito, “David, huwag kang matakot at hindi ka mapapatay ng aking ama. Ikaw ay magiging hari ng Israel, magiging kanang kamay mo naman ako; alam na ito ng aking ama.” 18 At(C) ang kanilang pagiging magkaibigan ay muli nilang pinagtibay sa harapan ni Yahweh. Pagkatapos, umuwi na si Jonatan at naiwan naman sa Hores si David.
19 Ang(D) mga taga-Zif ay nagpunta kay Saul sa Gibea. Sinabi nila, “Si David po ay doon nagtatago sa lugar namin sa Hores, sa kaburulan ng Haquila sa gawing timog ng kagubatan ng Jesimon. 20 Alam po naming gustung-gusto ninyo siyang mahuli. Puntahan ninyo siya roon kung kailan ninyo gusto at tutulungan namin kayo sa paghuli sa kanya.”
21 At sinabi ni Saul, “Pagpalain nawa kayo ni Yahweh dahil sa pagmamalasakit ninyong ito sa akin. 22 Mauna kayo roon at tiyakin ninyo kung saan siya nagtatago at kung sino ang nakakita sa kanya. Alam kong mahirap siyang hulihin, 23 kaya't tiyakin ninyong mabuti kung saan siya nagtatago, saka ninyo ibalita sa akin. Kung naroon pa siya, sasama ako sa inyo para dakpin siya kahit na halughugin ko ang buong Juda.”
24 At sila'y nauna kay Saul papuntang Zif. Si David naman at ang kanyang mga kasama ay nasa ilang noon ng Maon, sa Araba, gawing timog ng Jesimon. 25 Lumakad si Saul at ang kanyang mga tauhan upang hanapin si David. Hindi lingid kay David na hinahanap siya ni Saul kaya nagtago siya sa ilang ng Maon, ngunit sinundan pa rin siya ni Saul. 26 Samantalang nasa kabilang panig ng bundok sina Saul, sina David naman ay nasa kabila at walang ibang mapuntahan. Masusukol na lamang sila nina Saul, 27 nang dumating ang isang tagabalita at sinabi kay Saul, “Magbalik na po kayo at sinasalakay tayo ng mga Filisteo.” 28 Kaya, tinigilan ni Saul ang paghabol kay David at hinarap ang mga Filisteo. Kaya't ang lugar na iyon ay tinawag na Bato ng Paghihiwalay. 29 Mula roon, si David ay nagpunta sa En-gedi at doon muna nanirahan.
Hindi Pinatay ni David si Saul
24 Nang magbalik si Saul mula sa pagtugis sa mga Filisteo, may nagsabi sa kanyang si David ay nasa ilang ng En-gedi. 2 Kaya, kumuha siya ng tatlong libong mahuhusay na kawal mula sa Israel at isinama ang mga ito sa paghahanap kay David sa Kaburulan ng Maiilap na Kambing. 3 Nang(E) mapatapat sila sa isang kulungan ng tupa sa tabi ng daan, dumumi si Saul sa loob ng kuweba sa tapat ng mga kulungan ng tupa. Nagkataon namang si David at ang kanyang mga tauhan ay nagtatago sa loob ng kuwebang iyon. 4 Sinabi kay David ng kanyang mga tauhan, “Ito na ang katuparan ng sinabi ni Yahweh na, ‘Ibibigay ko sa iyo ang iyong kaaway at maaari mong gawin sa kanya ang gusto mo.’” Dahan-dahang lumapit si David at pinutol ang laylayan ng kasuotan ni Saul. 5 Nang magawâ niya ito, inusig siya ng kanyang budhi sapagkat para na niyang nilapastangan ang hari. 6 Sinabi(F) niya sa kanyang mga tauhan, “Huwag nawang itulot ni Yahweh na gawan ko ng masama ang hari na kanyang hinirang.” 7 Pinakiusapan ni David ang kanyang mga kasama na huwag saktan si Saul. Tumayo na si Saul at umalis.
8 Nang malayu-layo na si Saul, lumabas ng kuweba si David at sumigaw, “Mahal kong hari!” Nang lumingon si Saul, buong paggalang na yumukod si David. 9 Sinabi niya, “Bakit po kayo naniniwala sa mga nagsasabi sa inyo na gusto ko kayong patayin? 10 Mapapatunayan ko sa inyo na hindi totoo iyon. Kanina sa yungib ay binigyan ako ni Yahweh ng pagkakataong mapatay kayo. Gusto na ng mga tauhan kong patayin kayo ngunit hindi ko ginawa. Sinabi ko sa kanila na hindi ko maaaring pagbuhatan ng kamay ang aking hari sapagkat siya'y pinili ni Yahweh. 11 Narito, ama ko, ang kapiraso ng laylayan ng inyong balabal. Kung ito'y naputol ko sa inyong kasuotan, magagawa ko ring patayin kayo noon kung gusto ko. Ito ang katunayan na hindi ko kayo gagawan ng masama kahit pinagpipilitan ninyo akong patayin. 12 Hatulan nawa tayong dalawa ni Yahweh. Siya na ang magpaparusa sa inyo ngunit hindi ko kayo maaaring pagbuhatan ng kamay. 13 Gaya ng kasabihan ng matatanda, ‘Masamang tao lamang ang gumagawa ng masama,’ kaya't hindi ko kayo pagbubuhatan ng kamay. 14 Sino(G) ba ako upang hanapin ng hari ng Israel? Isang patay na aso o pulgas lamang ang aking katulad! 15 Si Yahweh nawa ang humatol sa ating dalawa. Magsiyasat nawa siya, at ipaglaban ako at iligtas sa iyong mga kamay.”
16 Pagkatapos magsalita ni David, sinabi ni Saul, “David, anak ko, ikaw nga ba iyan?” At siya'y tumangis. 17 Sinabi pa ni Saul, “Tama ka, David, at ako'y mali. Sinusuklian mo ng mabuti ang masamang ginagawa ko sa iyo. 18 Ito'y pinatunayan mo ngayon; hindi mo ako pinatay kahit inilagay na ako ni Yahweh sa iyong mga kamay. 19 Bihira sa tao ang makakagawa ng ginawa mo, ang pawalan pa ang kaaway na nasa ilalim na ng kanyang kapangyarihan. Pagpalain ka nawa ni Yahweh sa ginawa mong ito sa akin. 20 Ngayon, alam kong ikaw ay magiging hari ng Israel at sigurado akong magiging matatag ang kaharian sa ilalim ng iyong kapangyarihan. 21 Ipangako mo sa pangalan ni Yahweh, na hindi mo uubusin ang aking lahi at hindi mo buburahin sa daigdig ang pangalan ng aking angkan.” 22 Ipinangako naman ito ni David kay Saul.
Pagkatapos nito'y umuwi na si Saul. Sila David naman ay nagbalik sa kanilang pinagtataguan.
Babala Laban sa Pagkukunwari(A)
12 Samantala,(B) dumaragsa ang libu-libong tao, at sa sobrang dami ay nagkakatapakan na sila. Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Mag-ingat kayo sa pampaalsang ginagamit ng mga Pariseo. Ang tinutukoy ko ay ang kanilang pagkukunwari. 2 Walang(C) natatago na di malalantad at walang nalilihim na di mabubunyag. 3 Ang sinabi ninyo sa dilim ay maririnig sa liwanag at ang ibinulong ninyo sa loob ng silid ay ipagsisigawan sa lansangan.
Ang Dapat Katakutan(D)
4 “Sinasabi ko sa inyo, mga kaibigan, huwag kayong matakot sa mga taong pumapatay ng katawan at wala nang kayang gawin higit pa rito. 5 Sasabihin ko sa inyo kung sino ang dapat ninyong katakutan. Katakutan ninyo siya na pagkatapos pumatay ay may kapangyarihan ding magtapon sa impiyerno. Sinasabi ko sa inyo, ang Diyos ang dapat ninyong katakutan!
6 “Hindi ba't ipinagbibili ang limang maya sa halaga lamang ng dalawang salaping tanso? Gayunman, kahit isa sa kanila'y hindi kinakalimutan ng Diyos. 7 Maging ang buhok ninyo'y bilang niyang lahat. Kaya't huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa maraming maya.”
Pagkilala kay Cristo(E)
8 “Sinasabi ko rin sa inyo, ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilalanin din naman ng Anak ng Tao sa harapan ng mga anghel ng Diyos. 9 Ngunit ang magkaila sa akin sa harap ng mga tao ay ikakaila ko rin naman sa harap ng mga anghel ng Diyos.
10 “Ang(F) sinumang magsalita laban sa Anak ng Tao ay patatawarin, ngunit ang sinumang lumapastangan sa Espiritu Santo ay hindi patatawarin.
11 “Kapag(G) kayo'y dinala nila sa sinagoga, o sa harap ng mga pinuno at ng mga may kapangyarihan upang litisin, huwag kayong mabahala kung paano ninyo ipagtatanggol ang inyong sarili o kung ano ang inyong sasabihin 12 sapagkat sa oras na iyon, ang Espiritu Santo ang magtuturo sa inyo kung ano ang dapat ninyong sabihin.”
Maling Pag-iipon ng Kayamanan
13 Sinabi kay Jesus ng isa sa mga naroroon, “Guro, iutos nga po ninyo sa kapatid ko na paghatian namin ang aming mana.”
14 Sumagot siya, “Sino ang naglagay sa akin bilang hukom o tagapaghati ng mana ninyo?” 15 At sinabi niya sa kanilang lahat, “Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman; sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa dami ng kanyang kayamanan.”
16 Pagkatapos, isinalaysay ni Jesus ang isang talinghaga. “Isang mayaman ang umani nang sagana sa kanyang bukirin. 17 Kaya't nasabi niya sa sarili, ‘Ano ang gagawin ko ngayon? Wala na akong paglagyan ng aking mga ani! 18 Alam ko na! Ipagigiba ko ang aking mga kamalig at magpapatayo ako ng mas malalaki. Doon ko ilalagay ang aking ani at ibang ari-arian. 19 Pagkatapos,(H) ay sasabihin ko sa aking sarili, marami ka nang naipon para sa mahabang panahon. Kaya't magpahinga ka na lamang, kumain, uminom, at magpakasaya!’
20 “Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal! Sa gabi ring ito'y babawian ka na ng buhay. Kanino ngayon mapupunta ang mga inilaan mo para sa iyong sarili?’ 21 Ganyan ang sasapitin ng sinumang nag-iipon ng kayamanan para sa sarili, ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos.”
Pananalig sa Diyos(I)
22 Sinabi pa ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Kaya't sinasabi ko sa inyo: huwag kayong mabalisa tungkol sa inyong buhay, sa inyong kakainin, o tungkol sa damit na kailangan ng inyong katawan. 23 Sapagkat ang buhay ay higit pa kaysa pagkain at ang katawan kaysa damit. 24 Tingnan ninyo ang mga uwak, hindi sila nagtatanim ni umaani man; wala rin silang imbakan o kamalig; ngunit pinapakain sila ng Diyos. Higit kayong mahalaga kaysa mga ibon! 25 Sino sa inyo ang makakapagdagdag sa kanyang buhay[a] ng kahit isang oras dahil sa pagkabalisa? 26 Kung hindi ninyo magawâ ang ganoong kaliit na bagay, bakit kayo nababalisa tungkol sa ibang mga bagay? 27 Tingnan(J) ninyo ang mga bulaklak sa parang kung paano sila lumalago. Hindi sila nagtatrabaho ni humahabi man. Ngunit sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon sa kanyang karangyaan ay hindi nakapagdamit ng singganda ng isa sa mga bulaklak na ito. 28 Kung dinadamitan ng Diyos ang mga damo sa parang na buháy ngayon at kinabukasa'y iginagatong sa kalan, kayo pa kaya? Kay liit ng inyong pananampalataya! 29 Kaya't huwag kayong labis na mag-isip kung saan kayo kukuha ng kakainin at iinumin. Huwag na kayong mangamba. 30 Ang mga bagay na ito ang pinagkakaabalahan ng mga taong di nananalig sa Diyos. Alam ng inyong Ama na kailangan ninyo ang lahat ng iyan. 31 Subalit, bigyang halaga ninyo nang higit sa lahat ang kaharian ng Diyos, at ibibigay niya sa inyo ang mga bagay na ito.”
by