Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Hukom 13-15

Ipinanganak si Samson

13 Muling gumawa ng kasamaan ang mga Israelita laban kay Yahweh kaya sila'y hinayaan niyang masakop ng mga Filisteo sa loob ng apatnapung taon.

Nang panahong iyon, sa bayan ng Zora ay may isang lalaking nagngangalang Manoa na kabilang sa lipi ni Dan. Ang asawa niya ay hindi magkaanak sapagkat ito'y baog. Minsan, nagpakita sa babae ang anghel ni Yahweh at sinabi, “Hindi ka pa nagkakaanak. Ngunit hindi magtatagal, maglilihi ka at manganganak. Kaya, mula ngayon ay huwag kang iinom ng anumang uri ng alak ni titikim ng anumang ipinagbabawal na pagkain. Kapag(A) naisilang mo na ang iyong anak na lalaki, huwag mo siyang puputulan ng buhok sapagkat mula pa sa kanyang pagsilang ay ilalaan na siya sa Diyos bilang isang Nazareo. Siya ang magsisimulang magligtas sa Israel mula sa mga Filisteo.”

Lumapit ang babae sa kanyang asawa at sinabi, “Nagpakita sa akin ang isang lingkod ng Diyos, at ang hitsura niya'y kakila-kilabot na parang anghel ng Diyos. Hindi ko tinanong kung saan siya galing at hindi naman niya sinabi kung sino siya. Huwag daw akong iinom ng alak ni titikim ng anumang ipinagbabawal na pagkain sapagkat ang sanggol na isisilang ko'y ilalaan sa Diyos bilang isang Nazareo.”

Dahil dito, nanalangin si Manoa, “Yahweh, kung maaari'y pabalikin ninyo sa amin ang nasabing lingkod ng Diyos upang sabihin ang lahat ng nararapat naming gawin sa magiging anak namin.” Tinugon naman ni Yahweh ang kahilingan ni Manoa. Nagpakita muli ang anghel sa asawa ni Manoa nang ito'y nag-iisang nakaupo sa bukid. 10 Dali-dali niyang hinanap ang kanyang asawa at sinabi, “Manoa, halika! Naritong muli ang lalaking nagpakita sa akin noong isang araw.”

11 Sumunod naman si Manoa. Nang makita niya ang lalaki, tinanong niya ito, “Kayo po ba ang nakausap ng aking asawa?”

“Oo,” sagot nito.

12 “Kung magkakatotoo ang sinabi ninyo, ano ang magiging buhay ng bata at ano ang dapat niyang gawin?” tanong ni Manoa.

13 Sumagot ang anghel ni Yahweh, “Kailangang sundin ng asawa mo ang lahat ng sinabi ko sa kanya. 14 Huwag siyang kakain ng anumang mula sa puno ng ubas. Huwag rin siyang iinom ng anumang uri ng alak ni titikim ng anumang ipinagbabawal na pagkain. Kailangan niyang sundin ang lahat ng sinabi ko sa kanya.”

15 “Huwag po muna kayong aalis at ipagluluto ko kayo ng isang batang kambing,” pakiusap ni Manoa.

16 “Huwag mo na akong ipaghanda at hindi ko naman kakainin. Kung gusto mo, sunugin mo na lamang ang kambing na iyon bilang handog kay Yahweh,” sagot ng anghel. Hindi alam ni Manoa na anghel pala ni Yahweh ang kausap niya.

17 Sinabi ni Manoa, “Kung gayo'y sabihin man lang ninyo sa amin ang inyong pangalan para malaman namin kung sino ang pasasalamatan namin sa sandaling magkatotoo itong sinasabi ninyo.”

18 Sinabi ng anghel ni Yahweh, “Bakit gusto pa ninyong malaman ang aking pangalan? Ito'y kamangha-manghang pangalan.”

19 Noon din, si Manoa'y kumuha ng kambing at handog na pagkaing butil. Sinunog niya ang mga ito sa ibabaw ng isang malaking bato bilang handog kay Yahweh, na gumagawa ng kababalaghan.[a] 20 Nang nagliliyab na ang apoy, nakita ng mag-asawang Manoa na ang anghel ay umakyat sa langit sa pamamagitan ng apoy. Nagpatirapa ang mag-asawa, 21 sapagkat noon nila naunawaan na ang nakausap pala nila'y isang anghel ni Yahweh. Hindi na nila muling nakita ang anghel.

22 Makalipas ang ilang sandali, sinabi ni Manoa sa kanyang asawa, “Tiyak na mamamatay tayo sapagkat nakita natin ang Diyos.”

23 Ngunit ang sagot ng kanyang asawa, “Kung papatayin tayo ni Yahweh, hindi sana niya tinanggap ang ating handog. Hindi rin sana niya pinahintulutang masaksihan natin ang lahat ng ito, ni sabihin ang mga narinig natin.”

24 Dumating ang araw at nanganak ang asawa ni Manoa. Lalaki ang sanggol at pinangalanan nilang Samson. Lumaki ang batang patuloy na pinagpapala ni Yahweh. 25 At nagsimulang udyukan ng Espiritu[b] ni Yahweh si Samson at siya'y pinakilos nito sa kampo ng Dan na nasa pagitan ng Zora at ng Estaol.

Nag-asawa si Samson ng Dalagang Taga-Timna

14 Minsan, nagpunta si Samson sa Timna at nakakita siya roon ng isang dalagang Filistea. Nang siya'y umuwi, sinabi niya sa kanyang mga magulang, “Mayroon po akong nakitang isang dalagang Filistea sa Timna. Kunin po ninyo siya para sa akin. Gusto ko siyang mapangasawa.”

“Bakit naman gusto mo pang sa angkan ng mga hindi tuling iyon ka pipili ng mapapangasawa? Wala ka bang mapili sa ating angkan, sa ating mga kababayan?” tanong ng mga ito.

Sumagot si Samson, “Basta siya po ang gusto kong mapangasawa.”

Hindi alam ng mga magulang ni Samson na ang ginagawa niya ay kalooban ni Yahweh upang bigyan ito ng pagkakataong digmain ang mga Filisteo. Ang Israel noon ay nasasakop ng mga Filisteo.

Pumunta si Samson sa Timna kasama ang kanyang mga magulang. Habang dumaraan sa isang ubasan, may isang batang leon na umungal kay Samson. Kaya't pinalakas siya ng Espiritu[c] ni Yahweh at pinatay niya sa pamamagitan lamang ng kanyang mga kamay ang leon na para lamang isang batang kambing. Ngunit hindi niya ito ipinaalam sa kanyang mga magulang.

Pagkatapos ay pinuntahan ni Samson ang dalaga at kinausap. Lalo niya itong nagustuhan. Pagkalipas ng ilang araw, nagbalik siya upang pakasalan na ang babae. Pagdating niya sa pinagpatayan niya ng leon, naisipan niyang tingnan ito. Ang nakita niya'y isang malaking bahay ng pukyutan sa loob ng katawan ng napatay niyang leon. Sinalok niya ng kanyang mga kamay ang pulot at kinain saka nagpatuloy sa kanyang lakad. Pagbalik niya, inuwian pa niya ng pulot ang kanyang mga magulang. Kinain naman nila ito, ngunit hindi alam kung saan galing. Hindi sinabi ni Samson na iyon ay galing sa bangkay ng napatay niyang leon.

10 Pumunta ang ama ni Samson sa bahay ng kanyang mapapangasawa. Tulad ng kaugalian ng mga binata noon, naghanda si Samson doon ng salu-salo. 11 Nang makita siya ng mga Filisteo, siya'y binigyan nila ng tatlumpung abay na kabataang lalaki. 12 Naisipan ni Samson na sila'y bigyan ng palaisipan. Ang sabi niya, “Mayroon akong bugtong. Kapag nahulaan ninyo bago matapos ang pitong araw na handaan, bibigyan ko kayo ng tatlumpung piraso ng pinong lino at tatlumpung magagarang damit. 13 Ngunit kung hindi ninyo ito mahulaan, ako naman ang bibigyan ninyo ng tatlumpung pinong lino at tatlumpung magagarang damit.”

Sumagot sila, “Payag kami.”

14 Sinabi ni Samson,

“Mula sa kumakain ay lumabas ang pagkain;
at mula sa malakas, matamis ay lumabas.”

Tatlong araw na ang nakararaa'y hindi pa nila ito mahulaan.

15 Nang ikaapat na araw,[d] sinabi nila sa asawa ni Samson, “Suyuin mo ang iyong asawa para malaman namin ang sagot sa bugtong niya. Kung hindi, susunugin ka namin at ang iyong pamilya. Inanyayahan ba ninyo kami para mamulubi?”

16 Kaya, lumapit ang babae kay Samson at lumuluhang sinabi, “Hindi mo ako mahal. Nagpapahula ka ng bugtong sa aking mga kaibigan ngunit hindi mo sinasabi sa akin ang sagot.”

Sumagot si Samson, “Kung sa aking mga magulang ay hindi ko ito ipinaalam, sa iyo pa?” 17 Ang babae'y patuloy sa pag-iyak at panunuyo kay Samson sa loob ng pitong araw nilang handaan. Kaya, nang ikapitong araw, sinabi rin niya ang sagot sa bugtong dahil sa kakulitan nito. Ang sinabi ni Samson ay sinabi naman nito sa kanyang mga kaibigan.

18 At bago dumilim nang ikapitong araw, ang mga taga-Timna ay nagpunta kay Samson at kanilang sinabi,

“May tatamis pa ba sa pulot-pukyutan?
At may lalakas pa ba sa leon?”

Sinabi sa kanila ni Samson,

“Kung ang aking asawa'y di ninyo tinakot,
hindi sana nalaman ang tamang sagot.”

19 At si Samson ay pinalakas ng Espiritu[e] ni Yahweh. Nagpunta siya sa Ashkelon at pumatay ng tatlumpung kalalakihan. Kinuha niya ang magagarang kasuotan ng mga ito at ibinigay sa mga nakasagot sa kanyang bugtong. Pagkatapos, umuwi siyang galit na galit dahil sa nangyari. 20 At ang asawa naman niya'y ibinigay sa pangunahing abay na lalaki.

15 Hindi nagtagal at dumating ang panahon ng anihan. Dala ang isang batang kambing, dinalaw ni Samson ang kanyang asawa, ngunit ayaw siyang papasukin ng biyenan niyang lalaki. Sa halip ay sinabi, “Akala ko'y galit na galit ka sa kanya, kaya ibinigay ko siya sa kaibigan mo. Ngunit kung gusto mo, nariyan ang mas batang kapatid niya at mas maganda pa sa kanya. Maaari mo na siyang kunin.”

Sumagot si Samson, “Sa ginawa ninyong iyan, hindi ninyo ako maaaring sisihin sa gagawin ko sa inyong mga Filisteo.” Umalis si Samson at humuli ng tatlong daang asong-gubat. Pinagtatali niya ang mga ito sa buntot nang dala-dalawa at kinabitan ng sulo. Pagkatapos ay sinindihan niya ang sulo at pinakawalan sa triguhan ang mga asong-gubat. Kaya nasunog lahat ang trigo, hindi lamang ang mga naani na kundi pati iyong hindi pa naaani. Ganoon din ang ginawa niya sa taniman ng olibo. Ipinagtanong ng mga Filisteo kung sino ang may kagagawan niyon, at nalaman nilang si Samson, sapagkat ibinigay ng biyenan niyang taga-Timna ang kanyang asawa sa kasamahan ni Samson. Kaya't pinuntahan nila ang babae at sinunog siya pati ang ama nito.[f] Sinabi ni Samson sa mga Filisteo, “Dahil sa ginawa ninyong ito sa akin, hindi ako titigil hangga't hindi ako nakakaganti sa inyo.” Sila'y sinalakay niya at marami ang kanyang napatay. Pagkatapos, umalis siya at tumira muna sa yungib ng Etam.

Nilupig ni Samson ang mga Filisteo

Isang araw, kinubkob ng mga Filisteo ang Juda at sinalakay ang bayan ng Lehi. 10 Nagtanong ang mga taga-Juda, “Bakit ninyo kami sinasalakay?”

“Upang hulihin si Samson at gawin sa kanya ang ginawa niya sa amin,” sagot nila. 11 Kaya't ang tatlong libong kalalakihan ng Juda ay nagpunta sa yungib sa Etam. Tinanong nila si Samson, “Hindi mo ba alam na tayo'y sakop ng mga Filisteo? Bakit mo ginawa ito sa kanila? Pati kami'y nadadamay!”

“Ginantihan ko lang sila sa ginawa nila sa akin,” sagot niya.

12 Sinabi nila, “Naparito kami para gapusin ka! Isusuko ka namin sa mga Filisteo.”

Sumagot si Samson, “Payag ako kung ipapangako ninyong hindi ninyo ako papatayin.”

13 Sinabi nila, “Hindi ka namin papatayin. Gagapusin ka lang namin at ibibigay sa kanila.” Kaya't siya'y ginapos nila ng dalawang bagong lubid at inilabas sa yungib.

14 Pagdating nila sa Lehi, sinalubong sila ng naghihiyawang mga Filisteo. Ngunit si Samson ay pinalakas ng Espiritu[g] ni Yahweh at ang kanyang gapos ay pinatid niya na para lamang nasusunog na sinulid. 15 May nakita siyang panga ng asno. Dinampot niya ito at siyang ginamit sa pagpatay sa may sanlibong Filisteo. 16 Pagkatapos, umawit siya ng ganito:

“Sa pamamagitan ng panga ng asno, pumatay ako ng sanlibo;
sa pamamagitan ng panga ng asno, nakabunton ang mga bangkay ng tao.”

17 Pagkatapos, itinapon niya ang panga ng asno; at ang lugar na iyon ay tinawag na Burol ng Panga.

18 Pagkatapos, si Samson ay nakadama ng matinding uhaw. Kaya tumawag siya kay Yahweh at sinabi, “Pinagtagumpay ninyo ako, ngunit ngayo'y mamamatay naman ako sa uhaw at mabibihag ng mga hindi tuling ito.” 19 Kaya't ang Diyos ay nagpabukal ng tubig sa Lehi. Uminom si Samson at nanumbalik ang kanyang lakas. Ang bukal na iyon ay tinawag niyang Bukal ng Tumawag sa Diyos. Naroon pa ito hanggang ngayon.

20 Si Samson ay naging hukom at pinuno ng Israel sa loob ng dalawampung taon, bagama't sakop pa rin ng mga Filisteo ang lupain ng Israel.

Lucas 6:27-49

Ang Pag-ibig sa Kaaway(A)

27 “Subalit sinasabi ko sa inyong mga nakikinig sa akin: Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at gawan ng mabuti ang mga napopoot sa inyo. 28 Pagpalain ninyo ang sumusumpa sa inyo at ipanalangin ang mga nang-aapi sa inyo. 29 Kapag sinampal ka sa isang pisngi, iharap mo rin ang kabila. Kapag inagaw ang iyong balabal, huwag mong ipagkait ang iyong damit. 30 Bigyan mo ang bawat humihingi sa iyo; at kung may kumuha ng iyong ari-arian, huwag mo nang bawiin pa ang mga iyon. 31 Gawin(B) ninyo sa inyong kapwa ang nais ninyong gawin nila sa inyo.

32 “Kung ang nagmamahal lamang sa inyo ang inyong mamahalin, anong pagpapala ang nararapat sa inyo? Ang mga makasalanan man ay nagmamahal din sa mga nagmamahal sa kanila. 33 Kung ang mga gumagawa lamang ng mabuti sa inyo ang gagawan ninyo ng mabuti, anong pagpapala ang nararapat sa inyo? Kahit ang masasamang tao ay gumagawa rin niyan! 34 At kung ang makakabayad lamang ang inyong pauutangin, anong pagpapala ang nararapat sa inyo? Kahit ang masasamang tao ay nagpapautang din sa kapwa nila masama, sa pag-asang sila'y mababayaran. 35 Sa(C) halip, mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at gumawa kayo ng mabuti sa kanila. Magpahiram kayo na hindi umaasa ng anumang kabayaran. Sa gayon, malaking gantimpala ang tatamuhin ninyo, at kayo'y magiging mga anak ng Kataas-taasang Diyos. Sapagkat siya'y mabuti kahit sa masasama at sa mga hindi marunong magpasalamat. 36 Maging mahabagin kayo tulad ng inyong Ama na mahabagin.”

Ang Paghatol sa Kapwa(D)

37 “Huwag kayong humatol at hindi kayo hahatulan. Huwag kayong magparusa at hindi kayo parurusahan. Magpatawad kayo at kayo'y patatawarin. 38 Magbigay kayo at kayo'y bibigyan din; hustong takal, siksik, liglig, at umaapaw pa ang ibibigay sa inyo. Sapagkat ang panukat na ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamiting panukat sa inyo.”

39 Tinanong(E) sila ni Jesus nang patalinghaga, “Maaari kayang mag-akay ang isang bulag ng kapwa niya bulag? Pareho silang mahuhulog sa hukay kapag ginawa nila ang ganoon! 40 Walang(F) alagad na nakakahigit sa kanyang guro, ngunit matapos maturuang lubos, ang alagad ay makakatulad ng kanyang guro.

41 “Bakit mo pinapansin ang puwing ng iyong kapatid ngunit hindi mo pinapansin ang troso sa iyong mata? 42 Paano mo masasabi sa iyong kapatid, ‘Kapatid, hayaan mong alisin ko ang iyong puwing,’ gayong hindi mo nakikita ang trosong nasa iyong mata? Mapagkunwari! Alisin mo muna ang troso sa iyong mata, nang makakita kang mabuti; sa gayon, maaalis mo na ang puwing ng iyong kapatid.”

Sa Bunga Makikilala ang Puno(G)

43 “Walang mabuting punongkahoy na namumunga ng masama, at wala ring masamang puno na namumunga ng mabuti. 44 Nakikilala(H) ang bawat puno sa pamamagitan ng kanyang bunga. Sapagkat hindi nakakapitas ng igos sa matitinik na halaman o ng ubas sa mga dawag. 45 Ang(I) mabuting tao ay naglalabas ng mabuti mula sa kanyang pusong sagana sa kabutihan, samantalang ang masamang tao naman ay naglalabas ng masama mula sa kanyang pusong puno ng kasamaan. Sapagkat kung ano ang nag-uumapaw sa puso ay siyang sinasabi ng labi.”

Ang Dalawang Uri ng Taong Nagtayo ng Bahay(J)

46 “Bakit ninyo ako tinatawag na ‘Panginoon, Panginoon,’ gayong hindi naman ninyo tinutupad ang sinasabi ko? 47 Sasabihin ko sa inyo kung ano ang katulad ng taong lumalapit sa akin, nakikinig sa aking mga salita, at nagsasagawa ng mga ito. 48 Siya ay katulad ng isang taong humukay nang malalim at nagtayo ng bahay sa pundasyong bato. Nang bumaha at bumugso ang tubig, hindi natinag ang bahay na itinayo, sapagkat matibay ang pagkakatayo nito. 49 Ngunit ang nakikinig naman ng aking mga salita at hindi tumutupad nito ay katulad ng isang taong nagtayo ng bahay nang walang pundasyon. Nang bumaha at bumugso ang tubig sa bahay na iyon, kaagad itong bumagsak at lubusang nawasak.”