M’Cheyne Bible Reading Plan
Sumamba ang Israel kay Baal-peor
25 Samantalang nakahimpil sa Sitim ang Israel, ang mga kalalakihan nila'y nakipagtalik sa mga babaing Moabita na naroroon. 2 Inanyayahan sila ng mga ito sa paghahandog nila sa mga diyus-diyosan. Ang mga Israelita'y nakikain sa mga atang na iyon at sumamba rin sa mga diyus-diyosan doon. 3 Sumali sa pagsamba kay Baal-peor ang mga Israelita kaya nagalit sa kanila si Yahweh. 4 Sinabi niya kay Moises, “Tipunin mo ang mga pinuno ng Israel at patayin mo sila sa harap ng madla para mapawi ang galit ko sa Israel.” 5 Iniutos ni Moises sa mga hukom ng Israel, “Patayin ninyo ang lahat ng kasamahan ninyong sumamba kay Baal-peor.”
6 Samantalang si Moises at ang buong bayan ay nananangis sa harap ng Toldang Tipanan, dumating ang isang Israelita. May kasama itong Midianita, at hayagang ipinasok sa kanyang tolda. 7 Nang makita ito ni Finehas na anak ni Eleazar at apo ni Aaron, umuwi siya at kumuha ng sibat. 8 Sinundan niya sa tolda ang Israelitang may kasamang Midianita at tinuhog silang dalawa ng sibat. Dahil dito, tumigil ang salot na sumasalanta sa Israel. 9 Gayunman, dalawampu't apat na libo na ang namatay sa salot na iyon.
10 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 11 “Dahil sa ginawa ni Finehas, pinahalagahan niya ang aking karangalan. Kaya, hindi ko nilipol ang mga Israelita dahil sa aking galit. 12 Sabihin mo sa kanyang ako'y gumagawa ng isang kasunduan sa kanya; ipinapangako kong hindi ko siya pababayaan kailanman. 13 Mananatili ang walang katapusang pagkapari sa kanya at sa kanyang angkan sapagkat ipinagtanggol niya ang aking karangalan, at ginawa niya ang pagtubos sa kasalanan ng sambayanang Israel.”
14 Ang Israelitang nagsama ng Midianita at napatay ni Finehas ay si Zimri na anak ni Salu at isa sa mga pinuno ng angkan sa lipi ni Simeon. 15 Ang Midianita naman ay si Cozbi na anak ni Zur, na isa sa mga pinuno ng angkan sa Midian.
16 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 17 “Salakayin ninyo ang mga Midianita at puksain sila 18 dahil sa kasamaang ginawa nila sa inyo nang akitin nila kayong sumamba sa mga diyus-diyosan sa Peor, at sa ginawa ng kababayan nilang si Cozbi na pinatay ni Finehas noong sinasalanta kayo ng salot sa Peor.”
Pambansang Awit ng Pagtatagumpay
Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
68 Magbangon ka, O Diyos, kaaway ay pangalatin,
at ang mga namumuhi'y tumakas sa kanyang piling!
2 Kung paanong yaong usok tinatangay noong hangin, gayon sila itataboy, gayon sila papaalisin;
at kung paanong kandila sa apoy ay natutunaw,
sa harap ng Panginoon ang masama ay papanaw.
3 Ngunit lahat magagalak, matutuwa ang matuwid;
sa harapan nitong Diyos, galak nila'y di malirip.
4 Awitan natin ang Diyos, purihin ang kanyang ngalan,
maghanda ng isang landas upang kanyang maraanan;
ang pangalan niyang Yahweh, magalak na papurihan.
5 Ang Diyos na naroroon sa tahanan niyang templo,
tumitingin sa ulila't sanggalang ng mga balo.
6 May tahanan siyang laan sa sinumang nalulungkot,
ang bilanggo'y hinahango upang sila ay malugod;
samantalang ang tirahan ng suwail ay malungkot.
7 Diyos, nang ang iyong mga lingkod samahan sa paglalakbay,
sa pagbagtas sa malawak na lupaing mga ilang, (Selah)[a]
8 ang(A) lupa ay nayayanig, bumubuhos pati ulan; ganito ang nangyayari kapag ika'y dumaratal.
Maging ang bundok ng Sinai, nayanig din sa pagdating,
nang dumating na si Yahweh, itong Diyos ng Israel.
9 Dahil sa iyo, yaong ulang masagana ay pumatak,
lupain mong natuyo na'y nanariwa at umunlad.
10 At doon mo pinatira yaong iyong mga lingkod,
ang mahirap nilang buhay sa pagpapala'y pinuspos.
11 May utos na pinalabas na si Yahweh ang nagbigay,
ang nagdala ng balita ay babaing karamihan;
12 ang balitang sinasabi: “Nang dahil sa takot, mga hari't hukbo nila'y tumatakas sa labanan!”
Kaya ang mga babae na ang nagparte ng samsam.
13 Para silang kalapati, nararamtan noong pilak,
parang gintong kumikinang kapag gumalaw yaong pakpak;
(Bakit mayro'ng sa kulungan ng tupa napasadlak?)
14 Mga haring nagsitakas pagsapit ng Bundok Zalmon,
ang yelo ay pinapatak ni Yahweh sa dakong iyon.
15 O kay laki niyong bundok, yaong bundok nitong Bashan;
ito'y bundok na kay raming taluktok na tinataglay.
16 Sa taluktok mong mataas, bakit kinukutya wari
yaong bundok na maliit na ang Diyos ang pumili?
Doon siya mananahan upang doon mamalagi.
17 Ang kasama'y libu-libong matitibay na sasakyan,
galing Sinai, si Yahweh ay darating sa dakong banal.
18 At(B) sa dakong matataas doon siya nagpupunta,
umaahon siya roon, mga bihag ang kasama;
kaloob mang nagbubuhat sa tauhang nag-aalsa,
tinatanggap ng Panginoong Yahweh na doon na tumitira.
19 Purihin ang Panginoon, ang Diyos nating nagliligtas,
dinadala araw-araw, ang pasanin nating hawak. (Selah)[b]
20 Ang ating Diyos ay isang Diyos na ang gawa ay magligtas,
si Yahweh ang Panginoon, Panginoon nating lahat!
Sa bingit ng kamataya'y hinahango tayo agad.
21 Mga ulo ng kaaway ay babasagin ng Diyos,
kapag sila ay nagpilit sa kanilang gawang buktot.
22 Si Yahweh ang nagsalita: “Ibabalik ko sa iyo kaaway na nasa Bashan;
hahanguin ko nga sila sa gitna ng karagatan,
23 upang kayo'y magtampisaw sa dugo na bubuhos,
sa dugo nilang yaon, pati aso ay hihimod.”
24 Mamamasdan ng marami ang lakad mong matagumpay,
pagpasok ng Diyos kong hari, sa may dako niyang banal.
25 Sa unaha'y umaawit, tumutugtog sa hulihan,
sa gitna'y nagtatamburin ang babaing karamihan.
26 “Ang Diyos ay papurihan, kung magtipong sama-sama,
buong lahi ng Israel papurihan ninyo siya!”
27 Yaong lahi ni Benjamin, maliit ma'y nangunguna,
kasunod ay mga puno at pulutong nitong Juda;
mga puno ng Zebulun at Neftali'y kasunod na.
28 Sana'y iyong ipadama ang taglay mong kalakasan,
ang lakas na ginamit mo noong kami'y isanggalang.
29 Magmula sa Jerusalem, sa iyong tahanang templo,
na pati ang mga hari doo'y naghahandog sa iyo,
30 pagwikaan mo ang hayop, ang mailap na Egipto;
sabihan ang mga bansang parang torong may bisiro;
hanggang sila ay sumuko, maghandog ng pilak sa iyo.
Ang lahat ng maibigin sa digmaa'y ikalat mo!
31 Mula roon sa Egipto, mga sugo ay darating,
ang Etiopia'y[c] daup-palad na sa Diyos dadalangin.
32 Umawit sa Panginoon ang lahat ng kaharian,
awitin ang pagpupuri't si Yahweh ay papurihan! (Selah)[d]
33 Purihin ang naglalakbay sa matandang kalangitan;
mula roo'y maririnig ang malakas niyang sigaw!
34 Ipahayag ng balana, taglay niyang kalakasan,
siya'y hari ng Israel, maghahari siyang tunay;
'yang taglay niyang lakas ay buhat sa kalangitan.
35 Kahanga-hanga ang Diyos sa santuwaryo niyang banal,
siya ang Diyos ng Israel na sa tana'y nagbibigay
ng kapangyariha't lakas na kanilang kailangan.
Ang Diyos ay papurihan!
Wawasakin ng Diyos ang Moab
15 Ito(A) ang pahayag tungkol sa Moab:
Noong gabing gibain ang Ar,
gumuho na ang Moab,
noong gabing wasakin ang Kir,
bumagsak na ang Moab.
2 Umahon sa mga templo ang mga taga-Dibon,[a]
upang sa mga burol sila ay manangis;
iniiyakan ng Moab ang Nebo at Medeba.
Bawat isa sa kanila'y nagpakalbo
at nag-ahit ng balbas dahil sa pagdadalamhati.
3 Lahat ay nagluluksa sa mga lansangan,
nanaghoy sila sa mga bubungan ng bahay
at sa mga liwasang-bayan.
4 Nananaghoy ang Hesbon at ang Eleale,
dinig hanggang Jahaz ang kanilang iyakan,
nasisindak pati mga mandirigma ng Moab,
silang mga kawal, ngayo'y naduduwag.
5 Nahahabag ako sa Moab,
nagsisitakas ang kanyang mamamayan
patungo sa lupain ng Zoar, hanggang Eglat-selisiya.
Lumuluha silang umahon sa gulod ng Luhit,
humahagulgol sa daang patungo sa Horonaim,
dahil sa kapahamakang kanilang sinapit.
6 Natuyo ang mga batis ng Nimrim,
natuyo ang mga damo, natigang ang mga kaparangan,
walang natirang sariwang halaman.
7 Kaya itinawid nila sa kabila ng Batis Herabim
ang lahat nilang kayamanan at ari-arian.
8 Laganap sa buong Moab ang iyakan,
abot sa Eglaim ang hagulgulan,
dinig na dinig hanggang sa Beer-elim.
9 Pumula sa dugo ang mga batis ng Dibon;
ngunit may iba pang sakunang inihanda ko para sa kanya:
Papatayin ng leon ang lahat ng matitira sa Moab.
Katuruan para sa mga Mag-asawa
3 Kayo(A) namang mga babae, pasakop kayo sa inyu-inyong asawa. Sa gayon, kung mayroon sa kanila na hindi pa naniniwala sa salita ng Diyos, mahihikayat din silang sumampalataya dahil sa inyong magandang asal. Kahit hindi na kayo magpaliwanag pa sa kanila, 2 sapat nang makita nila ang inyong maka-Diyos at malinis na pamumuhay. 3 Ang(B) inyong ganda ay huwag maging panlabas lamang tulad ng pag-aayos ng buhok at pagsusuot ng mga gintong alahas at mamahaling damit. 4 Sa halip, pagyamanin ninyo ang kagandahang nakatago sa puso, ang kagandahang walang kupas na likha ng maamo at mapayapang diwa, na lubhang mahalaga sa paningin ng Diyos. 5 Iyan ang pagpapagandang ginawa noong unang panahon ng mga babaing banal na umasa sa Diyos. At sila'y nagpasakop sa kanilang mga asawa. 6 Tulad(C) ni Sara, sinunod niya at tinawag na panginoon ang asawa niyang si Abraham. Kayo rin ay mapapabilang sa kanyang mga anak kung matuwid ang inyong mga gawa, at kung wala kayong anumang kinatatakutan.
7 Kayo(D) namang mga lalaki, unawain ninyo at pakitunguhang mabuti ang inyong asawa, sapagkat sila'y mas mahina. At sila'y kasama ninyong tatanggap ng buhay na kaloob ng Diyos. Gawin ninyo ito upang walang maging sagabal sa inyong mga panalangin.
Paghihirap Dahil sa Paggawa ng Matuwid
8 Sa madaling salita, magkaisa kayo at magdamayan, magmahalan bilang magkakapatid at maging maunawain at mapagpakumbaba. 9 Huwag ninyong gantihan ng masama ang masama. Huwag ninyong sumpain ang sumusumpa sa inyo. Sa halip, pagpalain ninyo sila dahil pinili kayo upang tumanggap ng pagpapala ng Diyos. 10 Ayon(E) sa nasusulat,
“Ang mga nagnanais ng payapa at saganang pamumuhay,
dila nila'y pigilan sa pagsasabi ng kasamaan.
Ang anumang panlilinlang at madayang pananalita
sa kanyang mga labi ay di dapat mamutawi.
11 Ang masama'y iwasan na, at ang gawin ay ang tama;
at ang laging pagsikapan ay buhay na mapayapa.
12 Ang mga mata ng Panginoon, sa matuwid nakatuon,
ang kanilang panalangin ay kanyang pinakikinggan,
ngunit ang masasama ay kanyang sinasalungat.”
13 At sino naman ang gagawa sa inyo ng masama kung masigasig kayo sa paggawa ng mabuti? 14 At(F)(G) sakali mang usigin kayo dahil sa pagsunod sa kalooban ng Diyos, pinagpala kayo! Huwag kayong matakot sa kanila at huwag kayong mabagabag. 15 Igalang ninyo si Cristo mula sa inyong puso bilang Panginoon. Lagi kayong maging handang sumagot sa sinumang humihingi ng paliwanag sa inyo tungkol sa pag-asang nasa inyo. 16 Ngunit gawin ninyo ito nang mahinahon at may paggalang. Panatilihin ninyong malinis ang inyong budhi upang mapahiya ang mga nanlalait at humahamak sa inyong magandang pag-uugali bilang mga lingkod ni Cristo. 17 Higit na mainam ang kayo'y magdusa dahil sa paggawa ng mabuti, sakali mang ito'y ipahintulot ng Diyos, kaysa magdusa kayo dahil sa paggawa ng masama. 18 Sapagkat si Cristo na walang kasalanan ay namatay[a] nang minsan para sa inyo na mga makasalanan, upang iharap kayo[b] sa Diyos. Siya'y pinatay sa laman, at muling binuhay sa espiritu. 19 Sa kalagayang ito, nagpunta siya at nangaral sa mga espiritung nakabilanggo. 20 Sila(H) ang mga espiritung ayaw sumunod noong matiyagang naghihintay ang Diyos nang panahon ni Noe, habang ginagawa nito ang daong. Doon ay iilang tao, walo lamang, ang nakaligtas sa tubig. 21 Ang tubig ay larawan ng bautismong nagliligtas sa inyo ngayon. Hindi nito nililinis ang dumi ng katawan; ito'y pangako sa Diyos buhat sa isang malinis na budhi. Inililigtas kayo ng bautismo sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo, 22 na umakyat sa langit at ngayo'y nasa kanan ng Diyos. Naghahari siya roon sa mga anghel at sa mga kapangyarihan sa langit.
by