Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
1 Samuel 29-30

Si David ay Tinanggihan ng mga Filisteo

29 Ang mga Filisteo'y nagtipun-tipon sa Afec at ang mga Israelita naman ay sa tabi ng malaking bukal sa libis ng Jezreel. Nang ang mga pinunong Filisteo ay patungo na sa labanan kasama ang kani-kanilang pangkat na may daan-daan at may libu-libo, nakita nila ang pangkat ni David; ang mga ito'y nasa hulihan at kahanay ng pangkat ni Aquis. Itinanong ng mga prinsipeng Filisteo, “Sino ang mga Hebreong ito? Ano ang ginagawa nila rito?”

Sumagot si Aquis, “Si David iyan na lingkod ni Haring Saul. Siya'y mahigit nang isang taong kasa-kasama ko. Buhat nang magkasama kami, wala akong maipipintas sa kanya.”

Nagalit ang mga pinunong Filisteo. Sinabi nila kay Aquis, “Pabalikin mo na sila sa lugar na ibinigay mo sa kanila. Hindi natin sila isasama sa labanan. Baka kung nandoon na, tayo pa ang labanan nila. Baka samantalahin niya ang pagkakataon upang maalis ang galit sa kanya ni Saul. Hindi(A) ba iyan ang David na kanilang binabanggit sa awit na:

‘Pumatay si Saul ng libu-libo
    si David nama'y sampu-sampung libo?’”

Tinawag ni Aquis si David. Sinabi niya, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[a] ikaw ay naging tapat sa akin. At para sa akin, nais kong kasama ka sa pakikidigma naming ito sapagkat buhat nang magkasama tayo'y wala akong masasabing masama laban sa iyo. Ngunit ayaw kang isama ng ibang pinuno. Kaya, magbalik ka na para hindi magalit sa iyo ang mga pinuno ng mga Filisteo.”

Itinanong ni David, “Ano ba ang nagawa kong masama buhat nang sumama ako sa inyo at ayaw ninyo akong isama sa pakikipaglaban sa inyong mga kaaway?”

Sumagot si Aquis, “Alam kong wala kang ginawang masama. Natitiyak kong ikaw ay tapat, tulad ng isang anghel ng Diyos, ngunit ayaw kang isama ng mga pinunong Filisteo. 10 Kaya, pagliwanag bukas ng umaga, isama mong lahat ang mga tauhan mo at bumalik na kayo sa lugar na ibinigay ko sa inyo. Huwag sasama ang loob mo. Wala akong masasabing anuman laban sa iyo.”

11 Kinabukasan ng umaga, si David at ang mga tauhan nito'y nagbalik sa lupain ng mga Filisteo; nagpatuloy naman ang mga Filisteo ng pagsugod sa Jezreel.

Ang Pakikipagdigma sa mga Amalekita

30 Ikatlong araw na nang sina David ay makabalik sa Ziklag. Samantalang wala sila, lumusob ang mga Amalekita at sinunog ang buong bayan. Wala silang pinatay isa man ngunit binihag nila ang mga babae, matanda't bata. Nang dumating nga sina David, sunog na ang buong bayan at wala ang kani-kanilang asawa't mga anak. Dahil dito, hindi nila mapigilan ang paghihinagpis; nag-iyakan sila hanggang sa mapagod sa kaiiyak. Binihag(B) din ang dalawang asawa ni David na sina Ahinoam at Abigail.

Balisang-balisa si David sapagkat pinag-uusapan ng kanyang mga tauhan na pagbabatuhin siya dahil sa sama ng loob sa pagkawala ng kanilang mga anak. Ngunit dumulog si David kay Yahweh na kanyang Diyos upang palakasin ang kanyang loob. Sinabi(C) ni David kay Abiatar, “Dalhin mo rito ang efod.” At dinala naman ni Abiatar. Nagtanong si David kay Yahweh, “Hahabulin po ba namin ang mga tulisang iyon? Mahuhuli ko po kaya sila?”

“Sige, habulin ninyo. Maaabutan ninyo sila at maililigtas ang kanilang mga bihag,” sagot ni Yahweh.

Hinabol nga ni David ang mga Amalekita. Kasama niya hanggang sa batis ng Besor ang animnaraan niyang tauhan. 10 Ngunit pagdating doon, apatnaraan na lang ang nagtuloy na sumama kay David. Nagpaiwan na ang dalawandaan dahil sa matinding pagod. 11 Sa daan, may nakita silang isang kabataang Egipcio. Dinala nila ito kay David at binigyan ng pagkain at inumin. 12 Binigyan nila ito ng tinapay na igos at dalawang kumpol ng pasas. Matapos kumain, nanumbalik ang kanyang lakas; tatlong araw at tatlong gabi pala siyang hindi kumakain ni umiinom. 13 Tinanong siya ni David, “Sino ang panginoon mo at tagasaan ka?”

“Ako po'y Egipciong alipin ng isang Amalekita. Iniwan na ako ng aking panginoon sapagkat tatlong araw na akong may sakit. 14 Nilusob po namin ang teritoryo ng mga Kereteo sa timog ng Juda at ang teritoryo ng angkan ni Caleb; sinunog pa po namin ang buong Ziklag,” sagot nito.

15 “Maaari mo ba kaming samahan sa mga tulisang iyon?” tanong uli ni David.

“Kung ipapangako po ninyo sa akin sa pangalan ng Diyos na ako'y hindi ninyo papatayin ni ibabalik sa dati kong panginoon, ituturo ko sa inyo ang lugar ng mga Amalekita,” sagot ng Egipcio.

16 Itinuro nga ng alipin ang kampo ng mga Amalekita. Nakita nina David na kalat-kalat ang mga ito. Sila'y masasayang nagkakainan, nag-iinuman at nagsasayawan. Nagpapasasa sila sa kanilang mga samsam sa Filistia at Juda. 17 Kinaumagahan, lumusob sina David at pinagpapatay ang mga Amalekita hanggang gabi. Wala silang itinirang buháy maliban sa apatnaraang kabataan na nakatakas na sakay ng kanilang mga kamelyo. 18 Nabawi nila ang lahat ng sinamsam ng mga Amalekita, pati ang dalawang asawa ni David. 19 Isa man sa kasamahan nila'y walang nabawas, matanda't bata, maging sa kanilang mga anak; nabawi nga nilang lahat ang sinamsam ng mga Amalekita. 20 At sinamsam pa nina David ang mga tupa at mga baka. Ang mga ito'y ipinadala niya sa kanyang mga tauhan pauwi. Sinabi nila, “Ito ay samsam ni David.”

21 Nang makabalik sina David sa batis ng Besor, sinalubong sila ng dalawandaang tauhan niya na hindi nakasama dahil sa matinding pagod at sila'y kinumusta niya. 22 Sa mga nakasama ni David ay may mga makasarili at mararamot. Sinabi ng mga ito, “Huwag nating bibigyan kahit ano 'yung hindi sumama sa atin. Ibigay na lang natin sa kanila ang kanilang asawa't mga anak at paalisin na natin sila.”

23 Ngunit sinabi ni David, “Hindi tama iyan, mga kapatid. Ang mga bagay na ito ay ipinagkaloob sa atin ni Yahweh. Iniligtas niya tayo at ibinigay niya sa ating mga kamay ang mga kaaway na lumusob sa atin. 24 Kaya, pare-pareho ang magiging bahagi ng lahat, maging kasama sa paglusob o naiwan upang magbantay sa ating mga ari-arian.” 25 Mula noon, iyon ang naging patakaran ni David sa paghahati ng mga samsam, at ito'y sinunod ng buong Israel.

26 Pagdating sa Ziklag, pinadalhan ni David ng bahagi ang mga kaibigan niya at ang pinuno ng bayan sa Juda. “Ito ang bahagi ninyo sa mga nasamsam namin sa mga kaaway ni Yahweh,” sabi niya. 27 Pinadalhan din niya ang mga taga-Bethel, Timog Ramat, Jatir, 28 Aroer, Sifmot, Estemoa 29 at Racal. Gayundin ang mga taga-Jerameel at Cineo, 30 pati ang nasa Horma, Borasan, Atac, 31 Hebron at ang lahat ng lugar na narating ni David at ng kanyang mga tauhan.

1 Corinto 10

Mga Babala Laban sa Diyus-diyosan

10 Mga(A) kapatid, nais kong malaman ninyo ang nangyari sa ating mga ninuno noong panahon ni Moises. Silang lahat ay naliliman ng ulap sa kanilang paglalakbay at sa pagtawid sa Dagat na Pula. Sa gayon, nabautismuhan silang lahat[a] sa ulap at sa dagat bilang mga tagasunod ni Moises. Kumain(B) silang lahat ng iisang pagkaing espirituwal, at uminom(C) din ng iisang inuming espirituwal, sapagkat uminom sila sa batong espirituwal na sumubaybay sa kanila, at ang batong iyon ay si Cristo. Gayunman,(D) hindi kinalugdan ng Diyos ang marami sa kanila, kaya't nagkalat ang kanilang mga bangkay sa ilang.

Ang(E) lahat ng mga nangyaring iyon ay babala sa atin upang huwag tayong maghangad ng masasamang bagay, gaya ng ginawa nila. Huwag(F) kayong sasamba sa mga diyus-diyosan, gaya ng ginawa ng ilan sa kanila. Ayon sa nasusulat, “Umupo ang mga tao upang magkainan at mag-inuman, at tumayo upang magsayaw.” Huwag(G) tayong makikiapid, gaya ng ginawa ng ilan sa kanila, kaya't dalawampu't tatlong libong tao ang namatay sa loob lamang ng isang araw. Huwag(H) nating susubukin si Cristo,[b] gaya ng ginawa ng ilan sa kanila; dahil sa ginawa nila, pinuksa sila ng mga ahas. 10 Huwag(I) din tayong magreklamo, tulad ng ilan sa kanila, kaya't nilipol naman sila ng anghel na namumuksa.

11 Nangyari iyon sa kanila bilang babala sa iba, at isinulat upang tayo namang nabubuhay ngayong mga huling araw ay maturuan.

12 Kaya't mag-ingat ang sinumang nag-aakalang siya'y nakatayo, at baka siya mabuwal. 13 Wala(J) pang pagsubok na dumating sa inyo na hindi nararanasan ng ibang tao. Tapat ang Diyos, at hindi niya ipapahintulot na kayo'y subukin nang higit sa inyong makakaya. Sa halip, pagdating ng pagsubok, bibigyan niya kayo ng lakas upang makayanan ito at ng paraan upang malampasan ito.

14 Kaya nga, mga minamahal, iwasan ninyo ang pagsamba sa mga diyus-diyosan. 15 Kinakausap ko kayo bilang matatalinong tao; husgahan ninyo ang sinasabi ko. 16 Hindi(K) ba't ang pag-inom natin sa kopa ng pagpapala na ating ipinagpapasalamat ay pakikibahagi sa dugo ni Cristo? At ang pagkain natin ng tinapay na ating pinipira-piraso ay pakikibahagi naman sa kanyang katawan? 17 Kaya nga, dahil iisa lamang ang tinapay, tayo'y iisang katawan kahit na tayo'y marami, sapagkat nagsasalu-salo tayo sa iisang tinapay.

18 Tingnan(L) ninyo ang bansang Israel. Hindi ba't ang mga kumakain ng mga handog ay nakikibahagi sa ginagawa sa dambana? 19 Anong ibig kong sabihin? Sinasabi ko bang ang diyus-diyosan, o ang pagkaing inihandog sa mga diyus-diyosan ay may kabuluhan? 20 Hindi!(M) Ang ibig kong sabihin, ang mga pagano ay nag-aalay ng kanilang handog sa mga demonyo, at hindi sa Diyos. Ayaw kong maging kaisa kayo ng mga demonyo. 21 Hindi kayo makakainom sa kopa ng Panginoon at gayundin sa kopa ng mga demonyo. Hindi kayo maaaring makisalo sa hapag ng Panginoon at makisalo rin sa hapag ng mga demonyo. 22 Nais(N) ba nating manibugho ang Panginoon? Akala ba ninyo'y mas makapangyarihan tayo kaysa sa kanya?

23 Mayroon(O) namang magsasabi, “Malaya akong gumawa ng anuman,” ngunit hindi lahat ng ito ay nakakabuti. “Malaya akong gumawa ng anuman,” ngunit hindi rin lahat ng ito'y nakakatulong. 24 Huwag ang sariling kapakanan ang unahin ninyo, kundi ang sa iba.

25 Kumain kayo ng anumang nabibili sa tindahan ng karne at huwag nang magtanong pa upang hindi mabagabag ang inyong budhi. 26 Sapagkat(P) sinasabi ng kasulatan, “Ang buong daigdig at lahat ng naroroon, ang Panginoon ang may-ari niyon!”

27 Kung anyayahan kayo ng isang hindi sumasampalataya at nais ninyong dumalo, kainin ninyo ang anumang ihain sa inyo at huwag na kayong magtanong pa kung iyon ay ikagugulo ng inyong budhi. 28 Ngunit kung may magsabi sa inyo, “Ito'y inialay sa mga diyus-diyosan,” huwag ninyong kainin iyon alang-alang sa nagsabi sa inyo, upang di mabagabag ang budhi. 29 Ang aking tinutukoy ay ang budhi ng inyong kapwa, at hindi ang budhi ninyo.

Bakit hahadlangan ng budhi ng iba ang aking kalayaan? 30 Bakit ako susumbatan dahil sa pagkain ko ng mga bagay na ipinagpasalamat ko naman sa Diyos? 31 Kaya nga, kung kayo'y kumakain o umiinom, o anuman ang ginagawa ninyo, gawin ninyo ang lahat sa ikararangal ng Diyos. 32 Huwag kayong maging sanhi ng pagkakasala ninuman, ng mga Judio, ng mga Hentil, o ng mga kaanib sa iglesya ng Diyos, 33 sa halip, tularan ninyo ang ginagawa ko. Sinisikap kong mabigyang kasiyahan ang lahat ng tao sa bawat ginagawa ko. Hindi ko inuuna ang sarili kong kapakanan kundi ang kapakanan ng marami, upang maligtas sila.

Ezekiel 8

Ang Pangitain tungkol sa Kasuklam-suklam na Gawain ng Israel

Ikalimang araw ng ikaanim na buwan ng ikaanim na taon. Kaharap ko noon sa aming bahay ang pinuno ng Juda nang ako'y lukuban ng kapangyarihan ng Panginoong Yahweh. Nagkaroon(A) ako ng pangitain. May nakita akong parang tao. Ang ibaba ng kanyang baywang ay parang apoy at sa itaas ay maningning na parang makinis na tanso. Nakita kong iniunat ang tila kamay. Hinawakan ako nito sa buhok at itinaas sa kalagitnaan ng langit at ng lupa. Dinala ako sa Jerusalem, sa pagpasok sa patyo, sa gawing hilaga, sa may kinalalagyan ng rebulto na naging dahilan ng paninibugho ni Yahweh. At(B) naroon ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel, tulad ng nakita ko sa pangitain sa kapatagan.

Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, tumingin ka sa gawing hilaga.” Tumingin nga ako at sa pagpasok sa altar ay nakita ko ang diyus-diyosang sanhi ng kanyang paninibugho. Sinabi niya sa akin, “Nakita mo na ang kasuklam-suklam na bagay na ginagawa ng bayang Israel upang ako'y palayasin sa aking santuwaryo? Higit pa riyan ang ipapakita ko sa iyo.”

At dinala niya ako sa may pinto ng patyo. Ang nakita ko'y isang butas sa pader. Sinabi niya sa akin, “Lakihan mo ang butas ng pader.” Gayon nga ang ginawa ko at may nakita akong pinto. Sinabi niya sa akin, “Pumasok ka at tingnan mo ang kasuklam-suklam nilang gawain.” 10 Pumasok nga ako at sa palibot ng pader ay nakita ko ang larawan ng lahat ng hayop na gumagapang, nakakapandiring mga halimaw, at ang iba't ibang diyus-diyosan ng Israel. 11 Sa harap ng mga ito, nakatayo ang pitumpung matatanda ng Israel sa pangunguna ni Jaazanias na anak ni Safan. Bawat isa'y nagsusunog ng insenso. 12 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, nakita mo ang ginagawa nila sa madilim na silid na ito? Sinasabi pa nilang hindi ko sila makikita roon sapagkat wala ako roon. 13 Masahol pa riyan ang makikita mo.”

14 Dinala niya ako sa pintuan sa hilaga ng pagpasok sa Templo, at doo'y may mga babaing nananangis para kay Tamuz. 15 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Nakikita mo ba iyan? Masahol pa riyan ang makikita mo.”

16 Dinala niya ako sa patyo sa loob ng Templo. Sa pagitan ng balkonahe at ng altar ay may nakita akong mga dalawampu't limang tao. Nakatalikod sila sa Templo, nakaharap sa silangan at sumasamba sa araw. 17 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Nakikita mo ba iyan? Maliit na bagay ba ang ginagawa ng sambahayan ng Juda na punuin ng karahasan ang buong lupain? Lalo lang nila akong ginagalit sa ginagawa nilang iyan. 18 Kaya nga, paparusahan ko sila. Wala akong patatawarin ni isa man sa kanila. Dumaing man sila sa akin, hindi ko sila diringgin.”

Mga Awit 46-47

Ang Diyos ay Sumasaatin

Katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa Alamot[a]

46 Ang Diyos ang ating lakas at kanlungan,
    at handang saklolo kung may kaguluhan.
Di dapat matakot, mundo'y mayanig man,
    kahit na sa dagat ang bundok matangay;
kahit na magngalit yaong karagatan,
    at ang mga burol mayanig, magimbal. (Selah)[b]

May ilog ng galak sa bayan ng Diyos,
    sa banal na templo'y ligaya ang dulot.
Ang tahanang-lunsod ay di masisira;
    ito ang tahanan ng Diyos na Dakila,
    mula sa umaga ay kanyang alaga.
Nangingilabot din bansa't kaharian,
    sa tinig ng Diyos lupa'y napaparam.

Nasa atin ang Diyos na Makapangyarihan,
    ang Diyos ni Jacob na ating kanlungan. (Selah)[c]

Anuman ang kanyang ginawa sa lupa,
    sapat nang pagmasdan at ika'y hahanga!
Maging pagbabaka ay napatitigil,
    sibat at palaso'y madaling sirain;
    baluting sanggalang ay kayang tupukin!
10 Sinasabi niya, “Ihinto ang labanan, ako ang Diyos, dapat ninyong malaman,
    kataas-taasan sa lahat ng bansa,
    sa buong sanlibuta'y pinakadakila.”

11 Nasa atin ang Diyos na Makapangyarihan;
    ang Diyos ni Jacob na ating kanlungan! (Selah)[d]

Kataas-taasang Hari

Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit.

47 Magdiwang ang lahat ng mga nilikha!
    Pumalakpak kayong may awit at tuwa, bilang pagpupuri sa Diyos na Dakila!
Ang Diyos na si Yahweh, Kataas-taasan, ay dakilang haring dapat na igalang;
    siya'y naghahari sa sangkatauhan.
Tayo'y pinagwagi sa lahat ng tao,
    sa lahat ng bansa'y namahala tayo.
Siya ang pumili ng ating tahanan,
    ang lupang minana ng mga hinirang. (Selah)[e]

Lumuklok sa trono si Yahweh na ating Diyos,
    sigawan at trumpeta ang siyang tumutunog.
Purihin ang Diyos, siya ay awitan,
    awitan ang hari, siya'y papurihan!
Ang Diyos, siyang hari ng lahat ng bansa;
    awita't purihin ng mga nilikha!

Maghahari siya sa lahat ng bansa,
    magmula sa tronong banal at dakila.
Sa mga hinirang ng Diyos ni Abraham,
    sasama ang mga pamunuan ng lahat ng bansa sa sandaigdigan.
Ang mga sandata ng lahat ng kawal,
    lahat ay sa Diyos na kataas-taasan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.