Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
Genesis 38

38 At nangyari nang panahong yaon, na humiwalay si Juda sa kaniyang mga kapatid, (A)at nagdaan sa isang Adullamita na ang pangalan ay Hira.

At nakita roon ni Juda ang anak na babae ng isang Cananeo, na tinatawag na (B)Sua; at kinuha niya at kaniyang sinipingan.

At naglihi, at nanganak ng lalake; at tinawag niya ang kaniyang pangalang (C)Er.

At naglihi uli, at nanganak ng lalake; at tinawag niya ang kaniyang pangalang Onan.

At muling naglihi at nanganak ng lalake; at tinawag niya ang kaniyang pangalang Selah: at si Juda ay nasa sa Chezib nang siya'y manganak.

At pinapag-asawa ni Juda si Er na kaniyang panganay, at ang pangalan niyao'y Thamar.

At si Er, na panganay ni Juda, ay naging masama sa paningin ng Panginoon; (D)at siya'y pinatay ng Panginoon.

At sinabi ni Juda kay Onan, (E)Sumiping ka sa asawa ng iyong kapatid, at tuparin mo sa kaniya ang tungkulin ng kapatid ng asawa, at ipagbangon mo ng binhi ang iyong kapatid.

At nalalaman ni Onan na hindi magiging kaniya ang binhi; at nangyari, na pagka sisiping siya sa asawa ng kaniyang kapatid, ay pinatutulo niya sa lupa, nang huwag lamang niyang bigyan ng binhi ang kaniyang kapatid.

10 At ang bagay na ginawa niya ay masama sa paningin ng Panginoon, at siya'y pinatay rin naman.

11 Nang magkagayo'y sinabi ni Juda kay Thamar na kaniyang manugang na babae: (F)Manatili kang bao sa bahay ng iyong ama, hanggang sa lumaki si Selah na aking anak: sapagka't sinabi niya, Marahil ay hindi siya mamamatay ng gaya ng kaniyang mga kapatid. At yumaon si Thamar (G)at tumahan sa bahay ng kaniyang ama.

12 At nagdaan ang maraming araw; at namatay ang anak na babae ni Sua, na asawa ni Juda; (H)at nag-aliw si Juda, at umahon sa Timnath sa mga manggugupit sa kaniyang mga tupa, siya at ang kaniyang kaibigang si Hira na Adullamita.

13 At naibalita kay Thamar, na sinasabi, Narito, ang iyong biyanang lalake ay umaahon sa Timnath upang pagupitan ang kaniyang mga tupa.

14 At siya'y nagalis ng (I)suot pagkabao, at nagtakip ng kaniyang lambong, at pagkapagtakip ay naupo sa pasukan ng Enaim, na nasa daan ng Timnath; (J)sapagka't kaniyang nakikita, na si Selah ay malaki na, at hindi pa siya ibinibigay na asawa.

15 Nang makita siya ni Juda ay ipinalagay siyang patutot, sapagka't siya'y nagtakip ng kaniyang mukha.

16 At lumapit sa kaniya, sa tabi ng daan, at sinabi, Narito nga, ipinamamanhik ko sa iyo na ako'y pasipingin mo sa iyo: sapagka't hindi niya nakilalang kaniyang manugang. At kaniyang sinabi, Anong ibibigay mo sa akin sa iyong pagsiping sa akin?

17 At kaniyang sinabi, Padadalhan kita ng isang anak ng kambing na mula sa kawan. At kaniyang sinabi, Bibigyan mo ba ako ng sangla hanggang sa maipadala mo?

18 At kaniyang sinabi, Anong sangla ang ibibigay ko sa iyo? At kaniyang sinabi, (K)Ang iyong singsing, at ang iyong pamigkis, at ang tungkod na dala mo sa kamay. At kaniyang ipinagbibigay sa kaniya, at sumiping sa kaniya; at siya'y naglihi sa pamamagitan niya.

19 At siya'y bumangon, at yumaon, (L)at siya'y nagalis ng kaniyang lambong, at isinuot ang mga kasuutan ng kaniyang pagkabao.

20 At ipinadala ni Juda ang anak ng kambing sa pamamagitan ng kamay ng kaniyang kaibigan, na Adullamita, upang tanggapin ang sangla sa kamay ng babae: datapuwa't hindi niya nasumpungan.

21 Nang magkagayo'y kaniyang itinanong sa mga tao sa dakong yaon na sinasabi, Saan nandoon ang patutot na nasa tabi ng daan sa Enaim? At kanilang sinabi, Walang naparitong sinomang patutot.

22 At nagbalik siya kay Juda, at sinabi, Hindi ko nasumpungan: at sinabi rin naman ng mga tao sa dakong yaon, Walang naging patutot rito.

23 At sinabi ni Juda, Pabayaang ariin niya, baka tayo'y mapahiya: narito, aking ipinadala itong anak ng kambing at hindi mo siya nasumpungan.

Mga anak ni Juda kay Thamar.

24 At nangyari, na pagkaraan ng tatlong buwan, humigit kumulang, ay naibalita kay Juda, na sinasabi, Ang iyong manugang na si Thamar ay (M)nagpatutot; at, narito, siya'y buntis sa pakikiapid. At sinabi ni Juda, Siya'y ilabas (N)upang sunugin.

25 Nang siya'y ilabas, ay nagpasabi siya sa kaniyang biyanan. Sa lalaking may-ari ng mga ito, ay nagdalang-tao ako: at kaniyang sinabi pang, Ipinamamanhik ko sa iyo, na kilalanin mo kung kanino ang mga ito, (O)ang singsing, ang pamigkis, at ang tungkod.

26 At nangakilala ni Juda, at sinabi, (P)Siya'y matuwid kay sa akin; (Q)sapagka't hindi ko ibinigay sa kaniya si Selah na aking anak. At hindi na niya muling sinipingan pa.

27 At nangyari, na sa pagdaramdam niya, na, narito, kambal ang nasa kaniyang tiyan.

28 At nangyari, nang nanganganak siya, na inilabas ng isa ang kamay: at hinawakan ng hilot at tinalian sa kamay ng isang sinulid na mapula, na sinasabi, Ito ang unang lumabas.

29 At nangyari, na pagkaurong ng kaniyang kamay, na, narito, ang kaniyang kapatid ang lumabas. At kaniyang sinabi, Bakit nagpumiglas ka? (R)kaya't tinawag ang pangalan niyang Phares.

30 At pagkatapos ay lumabas ang kaniyang kapatid, na siyang may sinulid na mapula sa kamay: at tinawag na Zara ang kaniyang pangalan.

Marcos 8

Nang mga araw na yaon, (A)nang magkaroong muli ng maraming tao, at wala silang mangakain, ay tinawag niya ang kaniyang mga alagad, at sinabi sa kanila,

(B)Nahahabag ako sa karamihan, sapagka't tatlong araw nang sila'y nangatira sa akin, at walang mangakain:

At kung sila'y pauwiin kong nangagugutom sa kanilang mga tahanan, ay magsisipanglupaypay sila sa daan; at nagsipanggaling sa malayo ang ilan sa kanila.

At nagsisagot sa kaniya ang kaniyang mga alagad, Paanong mabubusog ninoman ang mga taong ito ng tinapay dito sa isang ilang na dako?

At kaniyang tinanong sila, Ilang tinapay mayroon kayo? At sinabi nila, Pito.

At iniutos niya sa karamihan na magsiupo sa lupa; at kinuha niya ang pitong tinapay, at pagkapagpasalamat, ay pinagputolputol niya, at ibinigay sa kaniyang mga alagad, upang ihain sa kanila; at inihain nila sa karamihan.

At mayroon silang ilang maliliit na isda: at nang mapagpala ang mga ito, ay ipinagutos niya na ihain din naman ang mga ito sa kanila.

At sila'y nagsikain, at nangabusog: at kanilang pinulot ang lumabis sa mga pinagputolputol, na pitong bakol na puno.

At sila'y may mga apat na libo: at pinayaon niya sila.

10 At (C)pagdaka'y lumulan siya sa daong na kasama ang kaniyang mga alagad, at napasa mga sakop ng Dalmanuta.

11 At nagsilabas ang mga Fariseo, at nangagpasimulang makipagtalo sa kaniya, na hinahanapan siya ng isang tandang mula sa langit, na tinutukso siya.

12 At (D)nagbuntong-hininga siya ng malalim sa kaniyang espiritu, at nagsabi, Bakit humahanap ng tanda ang lahing ito? katotohanang sinasabi ko sa inyo, Walang tandang ibibigay sa lahing ito.

13 At sila'y iniwan niya, at muling pagkalulan sa daong ay tumawid sa kabilang ibayo.

14 At nangalimutan nilang magsipagdala ng tinapay; at wala sila kundi isang tinapay sa daong.

15 At ipinagbilin niya sa kanila, na nagsabi, Tingnan ninyo, mangag-ingat kayo sa lebadura ng mga Fariseo at sa lebadura ni (E)Herodes.

16 At nangagkatuwiranan sila-sila rin, na nangagsasabi, Wala tayong tinapay.

17 At pagkahalata nito ni Jesus ay sinabi sa kanila, Bakit nangagbubulaybulay kayo, sapagka't wala kayong tinapay? (F)hindi pa baga ninyo napaghahalata, ni napaguunawa man? nangagmatigas na baga ang inyong puso?

18 Mayroon kayong mga mata, hindi baga kayo nangakakakita? at mayroon kayong mga tainga, hindi baga kayo nangakakarinig? at hindi baga ninyo nangaaalaala?

19 Nang aking pagputolputulin (G)ang limang tinapay sa limang libong lalake, ilang bakol na puno ng mga pinagputolputol ang inyong binuhat? Sinabi nila sa kaniya, Labingdalawa.

20 At (H)nang pagputolputulin ang pitong tinapay sa apat na libo, ilang bakol na puno ng mga pinagputolputol ang binuhat ninyo? At sinabi nila sa kaniya, Pito.

21 At sinabi niya sa kanila, Hindi pa baga ninyo napaguunawa?

22 At nagsidating sila sa Betsaida. At dinala nila sa kaniya ang isang lalaking bulag, at ipinamanhik sa kaniya na siya'y hipuin.

23 At hinawakan niya sa kamay ang lalaking bulag, at dinala niya sa labas ng nayon; (I)at nang maluraan ang kaniyang mga mata, at maipatong ang kaniyang mga kamay sa kaniya, ay kaniyang tinanong siya, Nakakakita ka baga ng anoman?

24 At siya'y tumingala, at nagsabi, Nakakakita ako ng mga tao; sapagka't namamasdan ko silang tulad sa mga punong kahoy, na nagsisilakad.

25 Saka ipinatong na muli sa kaniyang mga mata ang mga kamay niya; at siya'y tumitig, at gumaling, at nakita niyang maliwanag ang lahat ng mga bagay.

26 At pinauwi niya siya sa kaniyang tahanan, na sinasabi, Huwag kang pumasok kahit sa nayon.

27 At (J)pumaroon si Jesus, at ang kaniyang mga alagad sa mga nayon ng Cesarea ni Filipo: at sa daan ay itinanong niya sa kaniyang mga alagad, na sinabi sa kanila, Ano baga ang sabi ng mga tao kung sino ako?

28 At sinaysay nila sa kaniya, na sinasabi, Si Juan Bautista; at ang mga iba, si Elias; datapuwa't ang mga iba, Isa sa mga propeta.

29 At tinanong niya sila, Datapuwa't ano ang sabi ninyo kung sino ako? Sumagot si Pedro at nagsabi sa kaniya, Ikaw ang Cristo.

30 At ipinagbilin niya sa kanila na huwag (K)sabihin kanino man ang tungkol sa kaniya.

31 At (L)siya'y nagpasimulang magturo sa kanila, na ang Anak ng tao ay kinakailangang magbata na maraming mga bagay, at itakuwil ng matatanda, at ng mga pangulong saserdote, at ng mga eskriba, at patayin, at pagkaraan ng tatlong araw ay muling magbangon.

32 At hayag na sinabi niya ang pananalitang ito. At isinama siya ni Pedro, at pinasimulang siya'y pagwikaan.

33 Datapuwa't paglingap niya sa palibot, at pagtingin sa kaniyang mga alagad, ay pinagwikaan si Pedro, at sinabi, Lumagay ka sa likuran ko, Satanas; sapagka't hindi mo pinagiisip ang mga bagay na ukol sa Dios, kundi ang mga bagay na ukol sa mga tao.

34 At pinalapit niya sa kaniya ang karamihan pati ng kaniyang mga alagad, at sa kanila'y sinabi, (M)Kung ang sinomang tao ay ibig sumunod sa akin, ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin ang kaniyang krus, at sumunod sa akin.

35 Sapagka't ang sinomang magibig iligtas ang kaniyang buhay ay mawawalan nito: at ang sinomang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin at sa evangelio ay maililigtas yaon.

36 Sapagka't ano ang mapapakinabang ng tao, na makamtan ang buong sanglibutan, at mapapahamak ang kaniyang buhay?

37 Sapagka't anong ibibigay ng tao na katumbas sa kaniyang buhay?

38 Sapagka't ang (N)sinomang magmakahiya sa akin at sa aking mga salita sa lahing ito na mapangalunya at makasalanan, ay ikahihiya rin naman siya ng Anak ng tao, pagparito niyang nasa kaluwalhatian ng kaniyang Ama na (O)kasama ng mga banal na anghel.

Job 4

Ang unang pagsasalita ni Eliphaz. Kaniyang pinatunayan ang katarungan ng Dios.

Nang magkagayo'y sumagot si (A)Eliphaz na Temanita, at nagsabi,

Kung tikman ng isa na makipagusap sa iyo, ikababalisa mo ba?
Nguni't sinong makapipigil ng pagsasalita?
Narito, ikaw ay nagturo sa marami,
At iyong pinalakas (B)ang mahinang mga kamay.
Ang iyong mga salita ay nagsialalay sa nangabubuwal,
At iyong pinalakas ang mahinang mga tuhod.
Nguni't ngayo'y dinaratnan ka ng kasamaan, at ikaw ay nanglulupaypay;
Ginagalaw ka, at ikaw ay nababagabag.
Hindi ba ang (C)iyong takot sa Dios ay (D)ang iyong tiwala,
At ang iyong pagasa ay ang pagtatapat ng iyong mga lakad?
Iyong alalahanin, isinasamo ko sa iyo, kung sino ang namatay, na walang malay?
O saan nangahiwalay ang mga matuwid?
Ayon sa aking pagkakita (E)yaong nagsisipagararo ng kasamaan,
At nangaghahasik ng kabagabagan ay gayon din ang inaani.
Sa hinga ng Dios sila'y nangamamatay,
At (F)sa bugso ng kaniyang galit sila'y nangalilipol.
10 Ang ungal ng leon, at ang tinig ng mabangis na leon,
At (G)ang mga ngipin ng mga batang leon, ay nangabali.
11 Ang matandang leon ay namamatay dahil sa kawalan ng huli,
At ang mga batang leong babae ay nagsisipangalat.

Ang pagkawalang kabuluhan ng tao sa harapan ng Dios.

12 Ngayo'y nadalang lihim sa akin ang isang bagay,
At ang aking pakinig ay nakakaulinig ng bulong niyaon.
13 (H)Sa mga pagiisip na mula sa mga pangitain sa gabi,
Pagka ang mahimbing na tulog ay nahuhulog sa mga tao,
14 Takot ay dumating sa akin, at panginginig,
Na nagpapanginig ng lahat ng aking mga buto.
15 Nang magkagayo'y dumaan ang isang espiritu sa aking mukha.
Ang balahibo ng aking balat ay nanindig.
16 Tumayong nakatigil, nguni't hindi ko mawari ang anyo niyaon;
Isang anyo ang nasa harap ng aking mga mata:
Tahimik, at ako'y nakarinig ng tinig, na nagsasabi,
17 (I)Magiging ganap pa ba ang taong may kamatayan kay sa Dios?
Lilinis pa ba kaya ang tao kay sa Maylalang sa kaniya?
18 Narito, siya'y hindi naglalagak ng tiwala sa kaniyang mga lingkod;
At inaari niyang mga mangmang ang kaniyang mga anghel:
19 Gaano pa kaya sila na nagsisitahan sa mga (J)bahay na putik,
Na ang patibayan ay nasa (K)alabok,
Na napipisang gaya ng (L)paroparo!
20 Sa pagitan ng umaga at hapon, ay nangagigiba;
Nangapaparam magpakailan man na walang pumupuna.
21 (M)Hindi ba nalalagot ang tali ng kanilang tolda sa loob nila?
Sila'y nangamamatay at walang karunungan.

Roma 8

Ngayon nga'y wala nang anomang hatol sa mga na kay Cristo Jesus.

Sapagka't ang kautusan (A)ng Espiritu ng buhay na na kay Cristo Jesus ay pinalaya (B)ako sa (C)kautusan ng kasalanan at ng kamatayan.

Sapagka't (D)ang hindi magawa ng kautusan, na mahina sa pamamagitan ng laman, sa pagsusugo ng (E)Dios sa kaniyang sariling Anak na naganyong lamang salarin (F)at dahil sa kasalanan, ay hinatulan ng Dios sa laman ang kasalanan:

Upang ang kahilingan ng kautusan ay matupad sa atin, na hindi nangagsisilakad ayon sa laman, kundi ayon sa Espiritu.

Sapagka't ang mga ayon sa laman ay nangagsisitalima (G)sa mga bagay ng laman; datapuwa't ang mga ayon sa Espiritu ay sa (H)mga bagay ng Espiritu.

Sapagka't (I)ang kaisipan ng laman ay kamatayan; datapuwa't ang kaisipan ng Espiritu ay buhay at kapayapaan.

Sapagka't (J)ang kaisipan ng laman ay pakikipagalit laban sa Dios; sapagka't hindi napasasaklaw sa kautusan ng Dios, ni hindi nga maaari:

At ang nangasa laman ay hindi makalulugod sa Dios.

Datapuwa't kayo'y wala sa laman kundi nasa sa Espiritu, kung gayo'y tumitira sa inyo ang Espiritu ng Dios. Datapuwa't kung ang sinoma'y walang (K)Espiritu ni Cristo, siya'y hindi sa kaniya.

10 At kung si Cristo ay nasa sa inyo, ang katawan ay patay dahil sa kasalanan; datapuwa't (L)ang espiritu ay buhay dahil sa katuwiran.

11 Nguni't kung ang Espiritu (M)niyaong bumuhay na maguli kay Jesus ay tumira sa inyo, ang bumuhay na maguli kay Cristo Jesus sa mga patay ay magbibigay buhay naman sa inyong mga katawang may kamatayan, sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu na tumitira sa inyo.

12 Kaya nga, mga kapatid, mga may utang tayo, hindi sa laman, upang mabuhay ayon sa laman:

13 Sapagka't kung mangabuhay kayo ng ayon sa laman, ay mangamamatay kayo; datapuwa't kung sa pamamagitan ng Espiritu ay (N)pinapatay ninyo ang mga gawa ng laman, ay mangabubuhay kayo.

14 Sapagka't ang lahat (O)ng mga pinapatnubayan ng Espiritu ng Dios, ay sila ang mga anak ng Dios.

15 Sapagka't (P)hindi ninyo muling tinanggap (Q)ang espiritu ng pagkaalipin sa ikatatakot; datapuwa't tinanggap ninyo ang (R)espiritu ng pagkukupkop, na dahil dito'y sumisigaw tayo, (S)Abba, Ama.

16 Ang Espiritu rin ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu, na tayo'y mga anak ng Dios:

17 At kung mga anak, ay mga tagapagmana nga; (T)mga tagapagmana sa Dios, at mga kasamang tagapagmana ni Cristo; (U)kung gayon nga makipagtiis tayo sa kaniya, upang tayo'y lumuwalhati namang kasama niya.

18 Sapagka't napatutunayan ko na (V)ang pagtitiis sa panahong ito'y hindi karapatdapat maitumbas sa kaluwalhatiang mahahayag sa atin.

19 Sapagka't (W)ang maningas na pagmimithi ng buong nilalang ay naghihintay ng pagkahayag ng mga anak ng Dios.

20 Sapagka't ang buong nilalang ay nasakop ng (X)kawalang kabuluhan, hindi sa kaniyang kalooban, kundi (Y)dahil doon sa sumakop sa kaniya, sa pagasa

21 Na ang buong nilalang naman ay magiging laya mula sa pagkaalipin ng (Z)kabulukan sa kalayaang maluwalhati ng mga anak ng Dios.

22 Sapagka't nalalaman natin na ang buong nilalang ay humihibik at nagdaramdam na may kahirapan na kasama natin hanggang ngayon.

23 At hindi lamang gayon, kundi pati naman tayo na mayroong (AA)mga pangunahing bunga ng Espiritu, sa makatuwid baga'y (AB)tayo nama'y nangagsisihibik din sa ating sarili, sa paghihintay (AC)ng pagkukupkop, na dili iba't, (AD)ang pagtubos sa ating katawan.

24 Sapagka't tayo'y iniligtas sa pagasa: datapuwa't ang pagasa na nakikita ay hindi pagasa: kaya't sino nga ang umaasa sa nakikita?

25 Datapuwa't kung nagsisiasa tayo sa hindi natin nakikita, kung magkagayo'y hinihintay nating may pagtitiis.

26 At gayon din naman ang Espiritu ay tumutulong sa ating kahinaan: (AE)sapagka't hindi tayo marunong manalangin ng nararapat; nguni't (AF)ang Espiritu rin ang namamagitan dahil sa atin ng mga hibik na hindi maisasaysay sa pananalita;

27 At ang nakasisiyasat ng mga puso'y nakakaalam kung ano ang kaisipan ng Espiritu, sapagka't siya ang (AG)namamagitan dahil sa mga banal (AH)alinsunod sa kalooban ng Dios.

28 At nalalaman natin na ang lahat ng mga bagay ay nagkakalakip na gumagawa sa ikabubuti ng mga nagsisiibig sa Dios, sa makatuwid baga'y niyaong mga tinawag (AI)alinsunod sa kaniyang nasa.

29 Sapagka't (AJ)yaong mga nang una pa'y kaniyang nakilala, (AK)ay itinalaga naman niya (AL)na maging katulad (AM)ng larawan ng kaniyang Anak, (AN)upang siya ang maging panganay sa maraming magkakapatid:

30 At yaong mga itinalaga niya, ay kaniyang (AO)tinawag naman: at ang mga tinawag ay (AP)inaring-ganap naman niya: at ang mga inaring-ganap ay (AQ)niluwalhati din naman niya.

31 Ano ang ating sasabihin sa mga bagay na ito? Kung ang Dios ay kakampi natin, sino ang laban sa atin?

32 Siya, na hindi ipinagkait (AR)ang kaniyang sariling anak kundi ibinigay dahil sa ating lahat, bakit hindi naman ibibigay sa atin ng walang bayad ang lahat ng mga bagay?

33 Sino ang magsasakdal ng anoman laban sa (AS)mga hirang ng Dios? (AT)Ang Dios ay ang umaaring-ganap;

34 Sino (AU)ang hahatol? Si Cristo Jesus na namatay, oo, yaong nabuhay na maguli sa mga patay na (AV)siyang nasa kanan ng Dios, (AW)na siya namang namamagitan dahil sa atin.

35 Sino ang maghihiwalay sa atin sa pagibig ni Cristo? ang kapighatian, o ang kahapisan, o ang paguusig, o ang kagutum, o ang kahubaran, o ang panganib, o ang tabak?

36 Gaya ng nasusulat,

(AX)Dahil sa iyo kami'y pinapatay sa buong araw;
Kami ay nabilang na parang mga tupa sa patayan.

37 Hindi, kundi sa lahat ng mga bagay na ito (AY)tayo'y higit pa sa mga mapagtagumpay sa pamamagitan niyaong sa atin ay umibig.

38 Sapagka't ako'y naniniwalang lubos, na kahit ang kamatayan man, kahit ang buhay, kahit ang mga anghel, kahit ang mga (AZ)pamunuan, kahit (BA)ang mga bagay na kasalukuyan, kahit ang mga bagay na darating, kahit ang mga kapangyarihan,

39 Kahit ang kataasan, kahit ang kababaan, kahit ang alin mang ibang nilalang, ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa (BB)pagibig ng Dios, na nasa kay Cristo Jesus na Panginoon natin.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978