Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the Gospels in 40 Days

Read through the four Gospels--Matthew, Mark, Luke, and John--in 40 days.
Duration: 40 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Juan 17-18

Idinalangin ni Jesus ang Kanyang mga Alagad

17 Pagkasabi ni Jesus ng mga ito, tumingala siya sa langit at kanyang sinabi, “Ama, dumating na ang oras; luwalhatiin mo ang iyong Anak upang luwalhatiin ka niya. Sapagkat binigyan mo siya ng kapangyarihan sa lahat ng tao upang bigyan niya ng buhay na walang hanggan ang lahat ng ibinigay mo sa kanya. At ito(A) ang buhay na walang hanggan: ang makilala ka nila na iisang tunay na Diyos, at si Jesu-Cristo na iyong isinugo. Inihayag ko dito sa lupa ang iyong kaluwalhatian; natapos ko na ang ipinapagawa mo sa akin. Kaya, Ama, ipagkaloob mo sa akin ngayon sa iyong harapan ang kaluwalhatiang taglay ko sa piling mo bago pa likhain ang sanlibutan.

“Ipinahayag ko na kung sino ka sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan. Sila'y iyo at ibinigay mo sila sa akin, at tinupad nila ang iyong salita. Alam na nila na ang lahat ng ibinigay mo sa akin ay mula sa iyo; dahil ibinigay ko sa kanila ang mga salitang ibinigay mo sa akin, at tinanggap nila. Natitiyak nilang ako'y tunay na galing sa iyo, at naniniwala silang ikaw nga ang nagsugo sa akin.

“Idinadalangin ko sila; hindi ang sanlibutang ito ang idinadalangin ko, kundi ang lahat ng ibinigay mo sa akin, sapagkat sila'y sa iyo. 10 Ang lahat ng sa akin ay sa iyo, at ang lahat ng sa iyo ay sa akin; at naluluwalhati ako sa pamamagitan nila. 11 At ngayon, ako'y papunta na sa iyo; iniiwan ko na ang sanlibutang ito, ngunit sila ay nasa sanlibutan pa. Amang banal, ingatan mo po sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng iyong pangalan, ang pangalang ibinigay mo sa akin, upang kung paanong ikaw at ako ay iisa, gayundin naman sila'y maging isa. 12 Habang(B) kasama nila ako, iningatan ko sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng iyong pangalan, ang pangalang ibinigay mo sa akin. Pinangalagaan ko sila at walang napahamak sa kanila, maliban sa taong tiyak na mapapahamak,[a] upang matupad ang kasulatan. 13 Ngunit ngayon, ako'y papunta na sa iyo, at sinasabi ko ito habang ako'y nasa sanlibutan pa upang mapuspos sila ng aking kagalakan. 14 Naibigay ko na sa kanila ang iyong salita, at kinapootan sila ng sanlibutan, sapagkat hindi na sila taga-sanlibutan, tulad ko na hindi taga-sanlibutan. 15 Hindi ko idinadalanging kunin mo sila sa sanlibutan, kundi iligtas mo sila sa Masama! 16 Hindi sila taga-sanlibutan, tulad ko na hindi rin taga-sanlibutan. 17 Ibukod mo sila para sa iyo sa pamamagitan ng katotohanan; ang salita mo ang katotohanan. 18 Kung paanong isinugo mo ako sa sanlibutan, gayundin naman, isinusugo ko sila sa sanlibutan. 19 At alang-alang sa kanila'y itinalaga ko ang aking sarili para sa iyo, upang maitalaga rin sila sa katotohanan.

20 “Hindi lamang sila ang idinadalangin ko, kundi pati ang mga mananalig sa akin dahil sa kanilang pahayag. 21 Ama, maging isa nawa silang lahat. Kung paanong ikaw ay nasa akin at ako'y nasa iyo, gayundin naman, maging isa nawa sila sa atin upang ang sanlibutan ay maniwala na ikaw ang nagsugo sa akin. 22 Ibinigay ko na sa kanila ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin upang sila'y ganap na maging isa, tulad mo at ako na iisa: 23 ako'y nasa kanila at ikaw ay nasa akin, upang lubusan silang maging isa. Dahil dito, malalaman ng sanlibutan na isinugo mo ako at sila'y minamahal mo, katulad ng pagmamahal mo sa akin.

24 “Ama, sila na ibinigay mo sa akin ay nais kong makasama sa kinaroroonan ko upang mapagmasdan nila ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin, sapagkat minahal mo na ako bago pa nilikha ang daigdig. 25 Makatarungang Ama, hindi ka kilala ng sanlibutan, ngunit kilala kita, at alam rin ng mga ibinigay mo sa akin na ikaw ang nagsugo sa akin. 26 Ipinahayag ko na sa kanila kung sino ka, at patuloy ko itong ipapahayag, upang ang pagmamahal mo sa akin ay manatili sa kanila, at ako ay manatili rin sa kanila.”

Ang Pagdakip kay Jesus(C)

18 Pagkatapos ng panalanging ito, umalis si Jesus kasama ang kanyang mga alagad. Pumunta sila sa ibayo ng batis ng Kidron at pumasok sa isang halamanan doon. Alam ng taksil na si Judas ang lugar na iyon sapagkat doon madalas magpunta si Jesus at ang kanyang mga alagad. Isinama roon ni Judas ang ilang mga bantay sa Templo at isang pangkat ng mga kawal Romano na padala ng mga punong pari at mga Pariseo. May dala silang mga lampara, mga sulo at mga sandata. Alam ni Jesus ang lahat ng mangyayari sa kanya kaya't sila ay sinalubong niya at tinanong, “Sino ang hinahanap ninyo?”

“Si Jesus na taga-Nazaret,” sagot nila.

At sinabi niya, “Ako iyon.”

Si Judas na nagkanulo sa kanya ay kaharap nila noon. Nang sabihin ni Jesus na “Ako iyon,” napaurong sila at bumagsak sa lupa.

Muli niyang itinanong, “Sino ba ang hinahanap ninyo?”

“Si Jesus na taga-Nazaret,” sagot nila.

Sumagot si Jesus, “Sinabi ko na sa inyong ako iyon. Kung ako ang hinahanap ninyo, hayaan ninyong umalis ang mga taong ito.” Sa gayon, natupad ang kanyang sinabi, “Ama, walang napahamak kahit isa sa mga ibinigay mo sa akin.”

10 Binunot ni Simon Pedro ang kanyang tabak at tinaga ang alipin ng Pinakapunong Pari, at natagpas ang kanang tainga nito. Ang pangalan ng alipin ay Malco. 11 Sinabi(D) ni Jesus kay Pedro, “Ibalik mo sa lalagyan ang iyong tabak! Sa palagay mo ba'y hindi ko iinuman ang kopa ng pagdurusa na ibinigay sa akin ng Ama?” 12 Dinakip nga si Jesus at iginapos ng mga bantay na Judio at ng mga kawal na Romano na pinamumunuan ng isang kapitan.

Si Jesus sa Harapan ni Anas

13 Siya'y dinala muna kay Anas na biyenan ni Caifas, ang pinakapunong pari nang taong iyon. 14 Si(E) Caifas ang nagpayo sa mga pinuno ng mga Judio na makabubuti para sa kanila na isang tao lamang ang mamatay para sa bayan.

Ikinaila ni Pedro si Jesus(F)

15 Sumunod kay Jesus si Simon Pedro at ang isa pang alagad. Ang alagad na ito ay kilala ng pinakapunong pari kaya't nakapasok siyang kasama ni Jesus hanggang sa patyo ng bahay ng pinakapunong pari. 16 Naiwan naman si Pedro sa labas ng pintuan, kaya lumabas ang alagad na kilala ng pinakapunong pari, kinausap ang utusang babae na nagbabantay sa pinto at pinapasok si Pedro. 17 Si Pedro'y tinanong ng babae, “Hindi ba't isa ka sa mga alagad ng taong iyan?”

“Hindi,” sagot ni Pedro.

18 Maginaw noon, kaya't nagsiga ng uling ang mga utusan at ang mga bantay, at nag-umpukan sila sa paligid ng apoy upang magpainit. Nakihalo sa kanila si Pedro, tumayo roon at nagpainit din.

Tinanong si Jesus sa Harapan ng Pinakapunong Pari(G)

19 Tinanong si Jesus ng Pinakapunong Pari tungkol sa kanyang mga alagad at sa kanyang itinuturo. 20 Sumagot si Jesus, “Hayagan akong nagsasalita sa madla, at lagi akong nagtuturo sa mga sinagoga at sa Templo na pinagtitipunan ng mga Judio. Wala akong sinabi nang palihim. 21 Bakit ako ang tinatanong ninyo? Ang tanungin ninyo'y ang mga nakarinig sa akin; alam nila kung ano ang sinabi ko.”

22 Pagkasabi nito'y sinampal siya ng isa sa mga bantay na naroroon. “Ganyan ba ang pagsagot sa pinakapunong pari?” tanong niya.

23 Sumagot si Jesus, “Kung may sinabi akong masama, patunayan mo! Ngunit kung tama ang sinabi ko, bakit mo ako sinampal?”

24 Matapos ito, si Jesus na nakagapos pa noon ay ipinadala ni Anas kay Caifas, ang pinakapunong pari.

Muling Ikinaila ni Pedro si Jesus(H)

25 Habang nagaganap ito, si Simon Pedro ay nakatayo at nagpapainit pa rin sa tabi ng apoy. Siya'y tinanong ng mga naroon, “Hindi ba't alagad ka rin ng taong iyan?”

Ipinagkaila ito ni Pedro. “Hindi!” sagot niya.

26 Tinanong naman siya ng isa sa mga utusan ng pinakapunong pari at kamag-anak ng lalaking natagpasan niya ng tainga, “Hindi ba nakita kitang kasama ni Jesus sa halamanan?” 27 Muling ikinaila ito ni Pedro, at agad na tumilaok ang manok.

Dinala si Jesus kay Pilato(I)

28 Maaga pa nang dalhin si Jesus sa palasyo ng gobernador mula sa bahay ni Caifas. Hindi pumasok ang mga pinuno ng mga Judio sa palasyo upang sila'y huwag maituring na di karapat-dapat kumain ng hapunang pampaskwa. 29 Kaya't si Pilato ay lumabas sa palasyo at tinanong sila, “Ano ang paratang ninyo laban sa taong ito?”

30 Sila'y sumagot, “Hindi po namin siya dadalhin sa inyo kung hindi siya gumawa ng masama.”

31 Sinabi sa kanila ni Pilato, “Kayo na ang bahala sa kanya at hatulan ninyo siya ayon sa inyong batas.”

Subalit sumagot ang mga Judio, “Hindi ipinapahintulot sa aming humatol ng kamatayan kaninuman.” 32 Sa(J) gayon, natupad ang sinabi ni Jesus nang ipahiwatig niya kung sa anong paraan siya mamamatay.

33 Si Pilato ay pumasok uli sa palasyo at ipinatawag si Jesus. “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” tanong niya.

34 Sumagot si Jesus, “Galing ba sa sarili mo ang tanong na iyan, o may ibang nagsabi sa iyo tungkol sa akin?”

35 Tugon ni Pilato, “Sa tingin mo ba'y Judio ako? Ang mga kababayan mo at ang mga punong pari ang nagdala sa iyo rito. Ano ba ang ginawa mo?”

36 Sumagot si Jesus, “Ang kaharian ko'y hindi sa sanlibutang ito. Kung sa sanlibutang ito ang aking kaharian, ipinaglaban sana ako ng aking mga tauhan upang hindi maipagkanulo sa mga Judio. Ngunit hindi mula sa sanlibutang ito ang aking kaharian!”

37 “Kung ganoon, isa ka ngang hari?” sabi ni Pilato.

Sumagot si Jesus, “Ikaw na ang nagsasabing ako'y hari. Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa sanlibutan, upang magpatotoo tungkol sa katotohanan. Nakikinig sa aking tinig ang sinumang nasa katotohanan.”

38 “Ano ba ang katotohanan?” tanong ni Pilato.

Hinatulang Mamatay si Jesus(K)

Pagkasabi nito, muling lumabas si Pilato at sinabi sa mga Judio, “Wala akong nakikitang dahilan upang hatulan siya. 39 Ngunit ayon sa inyong kaugalian, dapat akong magpalaya ng isang bilanggo sa Pista ng Paskwa. Ibig ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?”

40 “Hindi!” sigaw nila. “Hindi siya, kundi si Barabbas!” Si Barabbas ay isang tulisan.