Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the Gospels in 40 Days

Read through the four Gospels--Matthew, Mark, Luke, and John--in 40 days.
Duration: 40 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mateo 15-16

Mga Minanang Katuruan(A)

15 Pagkatapos, lumapit kay Jesus ang ilang Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan na galing sa Jerusalem, at siya'y tinanong nila, “Bakit nilalabag ng mga alagad mo ang mga katuruang minana natin sa ating mga ninuno? Kumakain sila nang hindi muna naghuhugas ng kamay ayon sa tamang paraan!”

Sinagot sila ni Jesus, “Bakit naman ninyo nilalabag ang utos ng Diyos dahil sa inyong mga tradisyon? Sinabi(B) ng Diyos, ‘Igalang mo ang iyong ama at ina’ at, ‘Ang sinumang lumait sa kanyang ama o ina ay dapat patayin.’ Ngunit itinuturo ninyo na kapag sinabi ng isang tao sa kanyang ama o ina, ‘Ang anumang maitutulong ko sa inyo ay naihandog ko na sa Diyos,’ hindi na niya kailangang tulungan ang kanyang ama [at ang kanyang ina].[a] Pinawawalang-kabuluhan ninyo ang salita ng Diyos masunod lamang ninyo ang inyong minanang mga katuruan. Mga mapagkunwari! Tama nga ang sinabi ni propeta Isaias tungkol sa inyo,

‘Ang(C) paggalang sa akin ng bayang ito ay pakunwari lamang,
    sapagkat sa bibig at hindi sa puso ito bumubukal.
Walang kabuluhan ang kanilang pagsamba,
    sapagkat itinuturo nilang galing sa Diyos ang kanilang mga utos.’”

Ang Nagpaparumi sa Tao(D)

10 Pinalapit ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Pakinggan ninyo at unawain ang aking sasabihin. 11 Ang lumalabas sa bibig ng tao, hindi ang pumapasok, ang siyang nagpaparumi sa kanya sa paningin ng Diyos.”

12 Pagkatapos, lumapit naman ang mga alagad at sinabi sa kanya, “Hindi po ba ninyo alam na nasaktan ang mga Pariseo sa sinabi ninyo?”

13 Sumagot siya, “Ang bawat halamang hindi itinanim ng aking Ama na nasa langit ay bubunutin. 14 Hayaan(E) ninyo sila. Sila'y mga bulag na taga-akay [ng mga bulag;][b] at kapag bulag ang umakay sa kapwa bulag, pareho silang mahuhulog sa hukay.”

15 Sinabi sa kanya ni Pedro, “Ipaliwanag nga po ninyo sa amin ang talinghagang [ito.]”[c]

16 At sinabi ni Jesus, “Pati ba kayo'y wala ring pang-unawa? 17 Hindi ba ninyo nalalaman na anumang pumapasok sa bibig ay tumutuloy sa tiyan at pagkatapos ay idinudumi? 18 Ngunit(F) ang lumalabas sa bibig ay nanggagaling sa puso. Iyan ang nagpaparumi sa tao. 19 Sapagkat sa puso nanggagaling ang masasamang kaisipan, pagpatay, pangangalunya, pakikiapid, pagnanakaw, pagiging saksi para sa kasinungalingan, at paninirang-puri. 20 Iyan ang nagpaparumi sa tao sa paningin ng Diyos. Hindi nagiging marumi ang isang tao kung siya man ay kumain nang hindi muna naghuhugas ng kamay.”

Ang Pananalig ng Isang Cananea(G)

21 Umalis doon si Jesus at nagpunta sa lupaing malapit sa Tiro at Sidon. 22 Isang Cananea na nakatira doon ang lumapit sa kanya na sumisigaw, “Panginoon, Anak ni David, maawa po kayo sa akin! Ang anak kong babae ay sinasapian ng demonyo at labis na pinapahirapan nito.”

23 Ngunit hindi sumagot si Jesus. Lumapit ang kanyang mga alagad at sinabi kay Jesus, “Paalisin na nga po ninyo siya. Napakaingay niya at sunod nang sunod sa atin.” 24 Sumagot si Jesus, “Sa mga naliligaw na tupa ng sambahayan ng Israel lamang ako isinugo.” 25 Ngunit lumapit sa kanya ang babae, lumuhod ito at nagmakaawa, “Tulungan po ninyo ako, Panginoon.”

26 Sumagot si Jesus, “Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga bata at ibigay sa mga aso.”

27 “Totoo nga, Panginoon. Ngunit ang mga aso man po ay kumakain ng mumong nalalaglag sa hapag ng kanilang panginoon,” tugon ng babae. 28 At sinabi sa kanya ni Jesus, “Ginang, napakalaki ng iyong pananampalataya! Mangyayari ang hinihiling mo.” At noon di'y gumaling ang kanyang anak.

Maraming Pinagaling si Jesus

29 Pag-alis doon, naglakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. Umakyat siya sa bundok at naupo roon. 30 Nagdatingan naman ang napakaraming taong may dalang mga pilay, bulag, lumpo, pipi, at marami pang ibang maysakit. Dinala nila ang mga ito sa paanan ni Jesus at sila'y pinagaling niya. 31 Kaya't namangha ang mga tao nang makita nilang nakapagsasalita na ang mga pipi, gumaling ang mga lumpo, nakakalakad na ang mga pilay, at nakakakita na ang mga bulag. Kaya't pinuri nila ang Diyos ng Israel.

Ang Pagpapakain sa Apat na Libo(H)

32 Tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Nahahabag ako sa mga taong ito. Tatlong araw na ngayong kasama natin sila at wala na silang pagkain. Ayokong paalisin sila nang gutom, baka sila mahilo sa daan.”

33 Sinabi naman ng mga alagad, “Saan po tayo kukuha ng sapat na pagkain para sa ganito karaming tao sa ilang na ito?”

34 “Ilan ang tinapay ninyo riyan?” tanong ni Jesus sa kanila.

“Pito po, at mayroon pang ilang maliliit na isda,” sagot nila.

35 Pinaupo ni Jesus sa lupa ang mga tao. 36 Kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda at nagpasalamat siya sa Diyos. Pagkatapos, pinaghati-hati niya ang mga iyon at ibinigay sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. 37 Nakakain at nabusog ang lahat, at nang ipunin ng mga alagad ang tinapay na lumabis, nakapuno pa sila ng pitong kaing. 38 May apat na libong lalaki ang nakakain, bukod pa sa mga babae at mga bata.

39 Nang napauwi na ni Jesus ang mga tao, sumakay siya sa bangka at nagtungo sa lupain ng Magadan.[d]

Hiningan ng Tanda si Jesus(I)

16 Lumapit(J) kay Jesus ang ilang Pariseo at Saduseo. Upang siya'y subukin, humingi sila sa kanya ng isang himala mula sa langit. Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila, [“Kapag dapit-hapon ay sinasabi ninyo, ‘Magiging maganda ang panahon dahil maaliwalas ang langit.’ At kapag umaga nama'y sinasabi ninyo, ‘Uulan ngayon dahil madilim ang langit.’ Nakakabasa kayo ng palatandaan sa langit, ngunit hindi ninyo mabasa ang mga palatandaan ng kasalukuyang panahon.][e] Lahing(K) masama at taksil sa Diyos! Humihingi kayo ng palatandaan, ngunit walang ibibigay sa inyo maliban sa himalang nangyari kay Jonas!”

Pagkatapos nito, umalis si Jesus.

Ang Pampaalsang Ginagamit ng mga Pariseo at mga Saduseo(L)

Nang tumawid sa ibayo ang mga alagad, nakalimutan nilang magdala ng tinapay. Sinabi(M) ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo sa pampaalsang kinakalat ng mga Pariseo at mga Saduseo.”

Nag-usap-usap ang mga alagad, “Wala kasi tayong dalang tinapay, kaya sinabi niya iyon.”

Alam ni Jesus ang pinag-uusapan nila kaya't sila'y tinanong, “Bakit ninyo pinag-uusapang wala kayong dalang tinapay? Napakaliit ng inyong pananampalataya! Hindi(N) pa ba ninyo nauunawaan hanggang ngayon? Nakalimutan na ba ninyo ang limang tinapay na pinaghati-hati para sa limanlibong tao? Ilang kaing na tinapay ang lumabis? 10 Gayundin(O) ang pitong tinapay para sa apat na libo. Ilang kaing na tinapay ang lumabis? 11 Hindi tungkol sa tinapay ang sinasabi ko nang sabihin ko sa inyong mag-ingat kayo sa pampaalsang kinakalat ng mga Pariseo at mga Saduseo! Hindi ba ninyo maunawaan ito?” 12 At naunawaan nila na sila'y pinag-iingat niya sa mga katuruan ng mga Pariseo at mga Saduseo, at hindi sa pampaalsang ginagamit sa tinapay.

Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(P)

13 Nang dumating si Jesus sa bayan ng Cesarea ng Filipos, tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Sino raw ang Anak ng Tao, ayon sa mga tao?” 14 At(Q) sumagot sila, “Ang sabi po ng ilan, kayo si Juan na Tagapagbautismo. Sabi po naman ng iba, kayo si Elias. At may nagsasabi pong kayo si Jeremias, o isa sa mga propeta.” 15 Tinanong ulit sila ni Jesus, “Ngunit para sa inyo, sino ako?” 16 Sumagot(R) si Simon Pedro, “Kayo po ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buháy.” 17 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Pinagpala ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang katotohanang ito'y hindi inihayag sa iyo ng sinumang tao kundi ng aking Ama na nasa langit. 18 At sinasabi ko sa iyo, ikaw ay Pedro,[f] at sa ibabaw ng batong[g] ito ay itatayo ko ang aking iglesya at ang kapangyarihan ng kamatayan ay hindi magtatagumpay laban sa kanya. 19 Ibibigay(S) ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit. Ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot din sa langit.” 20 At mahigpit niyang iniutos sa kanyang mga alagad na huwag sabihin kaninuman na siya nga ang Cristo.

Unang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan at Muling Pagkabuhay(T)

21 Mula noon ay ipinaalam na ni Jesus sa kanyang mga alagad ang mangyayari sa kanya. Sinabi niya, “Dapat akong magtungo sa Jerusalem at magdanas ng maraming hirap sa kamay ng mga pinuno ng bayan, mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Ako'y papatayin, ngunit sa ikatlong araw ako'y muling mabubuhay.”

22 Dinala siya ni Pedro sa isang tabi at pinagsabihan, “Panginoon, huwag nawang itulot ng Diyos! Kailanma'y hindi iyan mangyayari sa inyo.”

23 Ngunit hinarap siya ni Jesus at sinabihan, “Lumayo ka, Satanas! Hadlang ka sa aking landas. Ang iniisip mo'y hindi sa Diyos kundi sa tao.”

24 Sinabi(U) ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kailangang itakwil ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin. 25 Ang(V) naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito. 26 Sapagkat ano ba ang mapapala ng isang tao makamtan man niya ang buong daigdig, ngunit mapapahamak naman ang kanyang sarili? Ano ang maibibigay ng isang tao kapalit ng kanyang buhay? 27 Sapagkat(W) darating ang Anak ng Tao na kasama ang kanyang mga anghel, at taglay ang dakilang kapangyarihan ng kanyang Ama. Sa panahong iyo'y gagantimpalaan niya ang bawat tao ayon sa ginawa nito. 28 Tandaan ninyo: may ilan sa inyong naririto na hindi mamamatay hangga't hindi nila nakikita ang Anak ng Tao na dumarating bilang hari.”