Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the Gospels in 40 Days

Read through the four Gospels--Matthew, Mark, Luke, and John--in 40 days.
Duration: 40 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Lucas 17-18

Mga Sanhi ng Pagkakasala(A)

17 Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Tiyak na darating ang mga sanhi ng pagkakasala; ngunit kakila-kilabot ang sasapitin ng taong panggagalingan niyon! Mabuti pa sa kanya ang bitinan sa leeg ng isang gilingang-bato at itapon sa dagat, kaysa maging sanhi ng pagkakasala ng sinuman sa mga maliliit na ito. Kaya't(B) mag-ingat kayo!

“Kung magkasala sa iyo ang kapatid mo, pagsabihan mo; at kung siya'y magsisi, patawarin mo. Kung pitong ulit siyang magkasala sa iyo sa maghapon, at pitong ulit ding lumapit sa iyo at sabihin niyang, ‘Nagsisisi ako,’ dapat mo siyang patawarin.”

Pananampalataya sa Diyos

Sinabi ng mga apostol sa Panginoon, “Dagdagan po ninyo ang aming pananampalataya!”

Tumugon ang Panginoon, “Kung ang inyong pananampalataya ay sinlaki ng butil ng mustasa, masasabi ninyo sa punong ito ng sikamoro, ‘Mabunot ka at matanim sa dagat!’ at susundin kayo nito.”

Ang Tungkulin ng Alipin

“Kapag nanggaling ang inyong alipin sa pag-aararo o pagpapastol ng mga tupa sa bukid, inaanyayahan ba ninyo siya agad upang kumain? Hindi ba't ang sasabihin ninyo ay, ‘Ipaghanda mo ako ng hapunan, magbihis ka, at pagsilbihan mo ako habang ako'y kumakain. Pagkakain ko, saka ka kumain.’ Pinasasalamatan ba ng amo ang kanyang alipin dahil sinusunod siya nito? 10 Ganoon din naman kayo; kapag nagawa na ninyo ang lahat ng iniuutos sa inyo, sabihin ninyo, ‘Kami'y mga aliping walang kabuluhan; tumutupad lamang kami sa aming tungkulin.’”

Pinagaling ang Sampung Ketongin

11 Sa paglalakbay ni Jesus papuntang Jerusalem, nagdaan siya sa hangganan ng Samaria at Galilea. 12 Habang papasok na siya sa isang nayon, sinalubong siya ng sampung ketongin. Tumigil ang mga ito sa may kalayuan 13 at sumigaw, “Jesus! Panginoon! Mahabag po kayo sa amin!”

14 Pagkakita(C) sa kanila ay sinabi ni Jesus, “Lumakad na kayo at magpatingin sa mga pari.”

Habang sila'y naglalakad, silang lahat ay gumaling at luminis. 15 Nang mapuna ng isa na siya'y magaling na, nagbalik siyang sumisigaw ng pagpupuri sa Diyos. 16 Nagpatirapa siya sa paanan ni Jesus at nagpasalamat. Ang taong ito'y isang Samaritano.

17 “Hindi ba't sampu ang pinagaling?”

tanong ni Jesus. “Nasaan ang siyam? 18 Wala bang nagbalik upang magpuri sa Diyos kundi ang dayuhang ito?” 19 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Tumayo ka na at umuwi. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.”

Ang Pagdating ng Kaharian ng Diyos(D)

20 Minsan, si Jesus ay tinanong ng mga Pariseo kung kailan darating ang kaharian ng Diyos. Sumagot siya, “Walang makikitang palatandaan ng pagdating ng kaharian ng Diyos, 21 at wala ring magsasabing ‘Narito na!’ o ‘Naroon!’ Sapagkat ang kaharian ng Diyos ay nasa inyo.”

22 At sinabi niya sa mga alagad, “Darating ang panahon na hahangarin ninyong makita ang isa sa mga araw ng Anak ng Tao, ngunit hindi ninyo ito makikita. 23 May magsasabi sa inyo, ‘Naroon!’ o, ‘Narito!’ Huwag kayong pupunta at huwag kayong maniniwala sa kanila. 24 Sapagkat [pagsapit ng takdang araw,][a] ang Anak ng Tao ay darating na parang kidlat na nagliliwanag sa buong kalangitan. 25 Ngunit kailangan munang magdanas siya ng maraming hirap at itakwil ng salinlahing ito. 26 Ang(E) pagparito ng Anak ng Tao ay matutulad sa kapanahunan ni Noe. 27 Ang(F)(G) mga tao noo'y nagsisikain, nagsisiinom at nagsisipag-asawa hanggang sa araw na sumakay si Noe sa barko. Dumating ang baha at namatay silang lahat. 28 Gayundin ang nangyari noong panahon ni Lot. Ang mga tao'y nagsisikain, nagsisiinom, bumibili, nagtitinda, nagtatanim at nagtatayo ng bahay. 29 Ngunit nang araw na umalis si Lot sa Sodoma, umulan ng apoy at asupre at natupok silang lahat. 30 Ganoon din ang mangyayari sa pagdating ng Anak ng Tao.

31 “Sa(H) araw na iyon, ang nasa bubungan ay huwag nang bumabâ pa upang kunin ang kanyang mga kasangkapan sa loob ng bahay, at ang nasa bukid ay huwag nang umuwi pa. 32 Alalahanin(I) ninyo ang asawa ni Lot. 33 Ang(J) sinumang magsikap na iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang sinumang mawalan ng kanyang buhay ay siyang makakapagligtas nito. 34 Sinasabi ko sa inyo, sa gabing iyon, may dalawang taong nasa isang higaan; kukunin ang isa at iiwan ang isa. 35 May dalawang babaing magkasamang nagtatrabaho sa gilingan; kukunin ang isa at iiwan ang isa. [36 May dalawang lalaking nagtatrabaho sa bukid; kukunin ang isa at iiwan ang isa.]”[b]

37 “Saan po ito mangyayari, Panginoon?” tanong ng kanyang mga alagad.

Sumagot siya, “Kung nasaan ang bangkay, doon nagkakatipon ang mga buwitre.”

Ang Biyuda at ang Hukom

18 Isinalaysay ni Jesus ang isang talinghaga upang ituro sa kanila na dapat silang laging manalangin at huwag mawalan ng pag-asa. Sinabi niya, “Sa isang lungsod ay may isang hukom na walang takot sa Diyos at walang iginagalang na tao. Sa lungsod ding iyon ay may isang biyuda. Lagi siyang pumupunta sa hukom at sinasabi, ‘Bigyan po ninyo ako ng katarungan sa aking usapin.’ Tinanggihan siya ng hukom sa loob ng mahabang panahon, ngunit nang magtagal ay sinabi ng hukom sa sarili, ‘Kahit ako'y walang takot sa Diyos at walang iginagalang na tao, ibibigay ko na ang katarungang hinihingi ng biyudang ito, sapagkat lagi niya akong ginagambala at baka mainis pa ako sa kapupunta niya rito.’” At nagpatuloy ang Panginoon, “Pakinggan ninyo ang sabi ng masamang hukom na iyon. Ngayon,(K) ipagkakait kaya ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na dumaraing sa kanya araw-gabi? Sila kaya'y paghihintayin niya nang matagal? Sinasabi ko sa inyo, agad niyang ibibigay sa kanila ang katarungan. Ngunit sa pagbabalik ng Anak ng Tao, may daratnan pa kaya siyang mga taong may pananampalataya?”

Ang Talinghaga ng Pariseo at ng Maniningil ng Buwis

Sinabi rin niya ang talinghagang ito sa mga taong matuwid ang tingin sa sarili at hinahamak naman ang iba. 10 “May dalawang lalaking pumasok sa Templo upang manalangin, ang isa ay Pariseo at ang isa ay maniningil ng buwis. 11 Tumayo ang Pariseo at nanalangin nang ganito: ‘O Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo sapagkat hindi ako katulad ng iba na mga magnanakaw, mandaraya, mangangalunya, o kaya'y katulad ng maniningil ng buwis na ito. 12 Dalawang beses akong nag-aayuno sa isang linggo at nagbibigay rin ako ng ikasampung bahagi mula sa lahat ng aking kinikita.’ 13 Samantala, ang maniningil ng buwis nama'y nakatayo sa malayo at di man lamang makatingin sa langit. Dinadagukan niya ang kanyang dibdib at sinasabi, ‘O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan!’ 14 Sinasabi(L) ko sa inyo, ang lalaking ito'y umuwing matuwid sa harapan ng Diyos, at hindi ang Pariseo. Sapagkat ang sinumang nagmamataas ay ibababa at ang nagpapakababa ay itataas.”

Binasbasan ni Jesus ang Maliliit na Bata(M)

15 Inilalapit ng mga tao kay Jesus pati ang kanilang mga sanggol upang ipatong niya sa mga ito ang kanyang mga kamay. Nang ito'y makita ng mga alagad, sinaway nila ang mga tao. 16 Ngunit tinawag ni Jesus ang mga bata at sinabi, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pagbawalan sapagkat para sa mga katulad nila ang kaharian ng Diyos. 17 Tandaan ninyo: ang sinumang hindi tumatanggap sa kaharian ng Diyos gaya ng pagtanggap ng isang bata ay hindi makakapasok doon.”

Ang Lalaking Mayaman(N)

18 May isang pinuno ng bayan na nagtanong kay Jesus, “Mabuting Guro, ano po ba ang dapat kong gawin upang makamtan ko ang buhay na walang hanggan?”

19 Sumagot si Jesus, “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Ang Diyos lamang ang mabuti! 20 Alam(O) mo ang mga utos, ‘Huwag kang mangangalunya; huwag kang papatay; huwag kang magnanakaw; huwag kang tatayong saksi para sa kasinungalingan; at igalang mo ang iyong ama at ina.’”

21 Sinabi ng lalaki, “Ang lahat pong iyan ay tinupad ko na mula pa sa pagkabata.”

22 Pagkarinig nito ay sinabi ni Jesus, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Ipagbili mo ang lahat ng iyong ari-arian at ipamahagi ang pinagbilhan sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos ay bumalik ka, at sumunod ka sa akin.” 23 Nalungkot ang lalaki nang marinig iyon, sapagkat siya'y napakayaman.

24 Nakita ni Jesus na nalulungkot ang lalaki kaya't sinabi niya, “Napakahirap para sa mga mayayaman ang makapasok sa kaharian ng Diyos! 25 Mas madali pang makaraan sa butas ng karayom ang isang kamelyo kaysa makapasok sa kaharian ng Diyos ang isang mayaman.”

26 Nagtanong ang mga taong nakarinig nito, “Kung gayon, sino ang maliligtas?”

27 “Ang mga bagay na hindi kayang gawin ng tao ay kayang gawin ng Diyos,” tugon ni Jesus.

28 Sinabi naman ni Pedro, “Tingnan po ninyo, iniwan na namin ang aming mga tahanan at sumunod sa inyo.”

29 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Tandaan ninyo: kapag iniwan ninuman ang kanyang tahanan, asawa, mga kapatid, mga magulang, o mga anak alang-alang sa kaharian ng Diyos, 30 tatanggap siya ng higit pa sa panahong ito. At sa panahong darating, tatanggap siya ng buhay na walang hanggan.”

Ikatlong Pagsasabi ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(P)

31 Ibinukod ni Jesus ang Labindalawa at sinabi sa kanila, “Pupunta tayo sa Jerusalem at doo'y matutupad ang lahat ng isinulat ng mga propeta tungkol sa Anak ng Tao. 32 Siya'y ibibigay sa kamay ng mga Hentil; kukutyain, hahamakin, at duduraan. 33 Siya'y hahagupitin at papatayin, ngunit sa ikatlong araw ay muli siyang mabubuhay.” 34 Subalit ang Labindalawa ay walang naunawaan sa kanilang narinig; inilihim sa kanila ang kahulugan niyon, at hindi nila nalalaman ang sinasabi ni Jesus.

Pinagaling ang Lalaking Bulag(Q)

35 Nang malapit na si Jesus sa Jerico, may isang lalaking bulag na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos. 36 Nang marinig niyang nagdaraan ang maraming tao, itinanong niya kung ano ang nangyayari.

37 “Nagdaraan si Jesus na taga-Nazaret,” sabi nila sa kanya.

38 At siya'y sumigaw, “Jesus, Anak ni David! Mahabag po kayo sa akin!” 39 Sinaway siya ng mga taong nasa unahan, ngunit lalo pa niyang nilakasan ang pagsigaw, “Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!”

40 Tumigil si Jesus at ipinatawag ang bulag. Paglapit ng bulag ay tinanong siya ni Jesus, 41 “Ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo?” “Panginoon, gusto ko po sanang makakitang muli,” sagot niya.

42 At sinabi ni Jesus, “Makakita ka! Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.”

43 Noon di'y nakakita ang bulag at nagpupuri sa Diyos na sumunod kay Jesus. Nang makita ito ng mga tao, silang lahat ay nagpuri sa Diyos.