Read the Gospels in 40 Days
Ang Labindalawang Alagad(A)
10 Tinipon ni Jesus ang labindalawang alagad at binigyan sila ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu at magpagaling ng lahat ng uri ng sakit at karamdaman. 2 Ito ang mga pangalan ng labindalawang apostol: Una ay si Simon na tinatawag ding Pedro, at si Andres na kanyang kapatid, sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo; 3 si Felipe, si Bartolome, si Tomas, si Mateo na maniningil ng buwis, si Santiago na anak ni Alfeo, at si Tadeo, 4 si Simon na Makabayan, at si Judas Iscariote na nagkanulo kay Jesus.
Sinugo ni Jesus ang Labindalawa(B)
5 Ang labindalawang ito'y isinugo ni Jesus at kanyang pinagbilinan, “Huwag kayong pupunta sa lugar ng mga Hentil, o sa alinmang bayan ng mga Samaritano. 6 Sa halip, hanapin ninyo ang mga nawawalang tupa ng sambahayan ng Israel. 7 Humayo(C) kayo't ipangaral na malapit nang dumating ang kaharian ng langit. 8 Pagalingin ninyo ang mga maysakit at buhayin ang mga patay. Pagalingin at linisin ninyo ang mga may ketong, at palayasin ang mga demonyo. Yamang tumanggap kayo nang walang bayad, magbigay naman kayo nang walang bayad. 9 Huwag kayong magdala ng pera, maging ginto, pilak, o tanso. 10 Sa(D) inyong paglalakbay, huwag din kayong magbaon ng pagkain, bihisan, pampalit na sandalyas, o tungkod, sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat na tumanggap ng mga bagay na kanyang ikabubuhay.
11 “Saanmang bayan o nayon kayo dumating, humanap kayo ng taong karapat-dapat pakituluyan at kayo ay tumuloy sa bahay niya habang kayo'y nasa lugar na iyon. 12 Pagpasok ninyo sa bahay, sabihin ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!’ 13 Kung karapat-dapat ang mga nakatira doon, panatilihin ninyo sa kanila ang inyong pagpapala. Ngunit kung hindi, bawiin ninyo iyon. 14 At(E) kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang tahanan o bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa. 15 Tandaan(F) ninyo: sa Araw ng Paghuhukom ay higit na mabigat ang parusang igagawad sa mga mamamayan ng bayang iyon kaysa sa parusang dinanas ng mga taga-Sodoma at taga-Gomorra.”
Mga Pag-uusig na Darating(G)
16 “Tingnan(H) ninyo; isinusugo ko kayo na parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Kaya't maging matalino kayong gaya ng ahas at maamo na gaya ng kalapati. 17 Mag-ingat(I) kayo sapagkat kayo'y dadakpin at isasakdal sa mga Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio, hahagupitin kayo sa kanilang mga sinagoga. 18 Dadalhin kayo sa mga gobernador at mga hari nang dahil sa pagsunod ninyo sa akin, upang magpatotoo sa kanila at sa mga Hentil. 19 Kapag iniharap na kayo sa hukuman, huwag kayong mabahala kung ano ang inyong sasabihin, o kung paano kayo magsasalita sapagkat ipagkakaloob sa inyo sa oras na iyon ang inyong sasabihin. 20 Hindi kayo ang magsasalita, kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.
21 “Ipagkakanulo(J) ng kapatid ang kanyang sariling kapatid upang ipapatay, gayundin ang gagawin ng ama sa kanyang anak; at lalabanan ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapapatay ang mga ito. 22 Kapopootan(K) kayo ng lahat dahil sa pagsunod sa akin, ngunit ang mananatiling tapat hanggang wakas ang siyang maliligtas. 23 Kapag inusig kayo sa isang bayan, tumakas kayo sa kasunod. Tandaan ninyo: bago ninyo mapuntahan ang lahat ng bayan ng Israel, darating na ang Anak ng Tao.
24 “Walang(L) alagad na nakakahigit sa kanyang guro at walang aliping nakakahigit sa kanyang panginoon. 25 Sapat(M) nang matulad ang alagad sa kanyang guro, at ang alipin sa kanyang panginoon. Kung ang ama ng sambahayan ay tinawag nilang Beelzebul, lalo nang lalaitin nila ang kanyang mga kasambahay.”
Ang Dapat Katakutan(N)
26 “Kaya(O) huwag kayong matakot sa kanila. Walang natatago na di malalantad at walang nalilihim na di mabubunyag. 27 Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim ay ulitin ninyo sa liwanag; at ang ibinubulong sa inyo ay inyong ipagsigawan sa lansangan.[a] 28 Huwag ninyong katakutan ang pumapatay ng katawan ngunit hindi naman nakakapatay ng kaluluwa. Sa halip, ang katakutan ninyo ay ang Diyos na may kakayahang pumuksa ng katawan at kaluluwa sa impiyerno. 29 Hindi ba't ipinagbibili sa halaga ng isang salaping tanso ang dalawang maya? Gayunman, kahit isa sa kanila'y hindi nahuhulog sa lupa kung hindi kalooban ng inyong Ama. 30 At kayo, maging ang buhok ninyo'y bilang niyang lahat. 31 Kaya, huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa maraming maya.”
Pagpapatotoo kay Cristo(P)
32 “Ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilalanin ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit. 33 Ngunit(Q) ang sinumang ikaila ako sa harap ng mga tao ay ikakaila ko rin sa harap ng aking Amang nasa langit.”
Hindi Kapayapaan Kundi Tabak(R)
34 “Huwag ninyong isiping naparito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa; naparito ako upang magdala ng tabak, hindi kapayapaan. 35 Naparito(S) ako upang paglabanin ang anak na lalaki at ang kanyang ama, ang anak na babae at ang kanyang ina, at ang manugang na babae at ang kanyang biyenang babae. 36 At ang magiging kaaway ng isang tao ay kanya na rin mismong mga kasambahay.
37 “Ang umiibig sa kanyang ama o ina nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang umiibig sa kanyang anak nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. 38 Ang(T) hindi nagpapasan ng kanyang krus at hindi sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. 39 Ang(U) nagsisikap magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito.”
Mga Gantimpala(V)
40 “Ang(W) tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. 41 Ang tumatanggap sa isang propeta dahil sa ito'y propeta ay tatanggap ng gantimpalang nauukol sa propeta; at ang tumatanggap sa isang taong matuwid dahil sa ito'y matuwid ay tatanggap ng gantimpalang nauukol sa taong matuwid. 42 Tandaan ninyo: sinumang magbigay ng kahit isang basong malamig na tubig sa isa sa mga maliliit na ito dahil sa siya'y alagad ko, siya'y tiyak na tatanggap ng gantimpala.”
Ang mga Isinugo ni Juan na Tagapagbautismo(X)
11 Pagkatapos ng mga tagubiling ito sa kanyang labindalawang alagad, umalis si Jesus upang magturo at mangaral sa mga bayang malapit doon.
2 Nakabilanggo na noon si Juan na Tagapagbautismo. Nabalitaan niya ang mga ginagawa ni Cristo kaya't nagsugo siya ng ilang mga alagad 3 upang itanong, “Kayo po ba ang ipinangakong darating, o maghihintay pa kami ng iba?” 4 Sumagot si Jesus, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin ninyo sa kanya ang inyong naririnig at nakikita. 5 Nakakakita(Y) ang mga bulag, nakakalakad ang mga pilay, gumagaling[b] ang mga ketongin, nakakarinig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinapangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita. 6 Pinagpala ang taong hindi nag-aalinlangan sa akin!”
7 Nang paalis na ang mga alagad ni Juan, nagsalita si Jesus sa mga tao tungkol kay Juan, “Bakit kayo nagpunta sa ilang? Ano ang nais ninyong makita? Isa bang tambo na hinihipan ng hangin? 8 Bakit kayo pumunta sa ilang? Para makita ang isang taong may mamahaling kasuotan? Ang mga nagdaramit ng ganyan ay nasa palasyo ng mga hari! 9 Ano nga ba ang nais ninyong makita? Isang propeta?[c] Oo, siya'y propeta. At sinasabi ko sa inyo, siya'y higit pa sa isang propeta. 10 Sapagkat(Z) si Juan ang tinutukoy ng kasulatan, ‘Ipadadala ko ang aking sugo na mauuna sa iyo; ihahanda niya ang iyong daraanan.’ 11 Tandaan ninyo: higit na dakila si Juan na Tagapagbautismo kaysa sinumang isinilang sa daigdig, ngunit ang pinakahamak sa kaharian ng langit ay mas dakila kaysa kanya. 12 Mula(AA) nang mangaral si Juan na Tagapagbautismo hanggang ngayon, ang kaharian ng langit ay sapilitang pinapasok ng mga taong mararahas.[d] 13 Sapagkat hanggang sa dumating si Juan, ang mga propeta at ang Kautusan ang siyang nagpahayag tungkol sa kaharian ng langit.[e] 14 Kung(AB) naniniwala kayo sa pahayag na ito, si Juan na nga ang Elias na ipinangakong darating. 15 Makinig ang may pandinig!
16 “Saan ko ihahambing ang mga tao sa panahong ito? Ang katulad nila'y mga batang nakaupo sa lansangan at sumisigaw sa kanilang mga kalaro: 17 ‘Tinugtugan namin kayo ng plauta ngunit ayaw ninyong sumayaw! Umawit kami ng awit ng pagluluksa, ngunit ayaw ninyong tumangis!’ 18 Sapagkat nakita nila si Juan na nag-aayuno at di umiinom ng alak, at ang sabi nila, ‘Sinasaniban ng demonyo ang taong iyan.’ 19 Nakita naman nila ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom, at ang sabi naman nila, ‘Tingnan ninyo ang taong ito! Matakaw, lasenggo at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at makasalanan.’ Gayunman, ang karunungan ng Diyos ay napapatunayang tama sa pamamagitan ng mga gawa nito.”
Babala sa mga Bayang Ayaw Magsisi(AC)
20 Pagkatapos, sinumbatan ni Jesus ang mga bayang nakasaksi sa maraming himalang ginawa niya roon sapagkat hindi sila nagsisi't tumalikod sa kanilang mga kasalanan. Sinabi niya, 21 “Kawawa(AD) kayo, mga taga-Corazin! Kawawa kayo, mga taga-Bethsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon ginawa ang mga himalang ginawa sa inyo, matagal na sanang nagdamit ng sako at naupo sa abo ang mga tagaroon bilang tanda ng kanilang pagsisisi. 22 Ngunit sinasabi ko sa inyo, sa Araw ng Paghuhukom ay mas kahahabagan pa ang mga taga-Tiro at taga-Sidon kaysa inyo. 23 At(AE) kayong mga taga-Capernaum, nais pala ninyong itaas ang inyong sarili hanggang langit? Ibabagsak kayo[f] hanggang sa daigdig ng mga patay! Sapagkat kung sa Sodoma ginawa ang mga himalang ginawa sa inyo, sana'y nananatili pa ang bayang iyon magpahanggang ngayon. 24 Ngunit(AF) sinasabi ko sa inyo, mas kahahabagan pa ang mga taga-Sodoma kaysa inyo sa Araw ng Paghuhukom!”
Lumapit sa Akin at Magpahinga(AG)
25 Nang panahong iyo'y sinabi ni Jesus, “Ama, Panginoon ng langit at lupa, salamat sa iyo, sapagkat inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino, at inihayag mo naman sa mga may kaloobang tulad ng sa bata. 26 Oo, Ama, sapagkat ganoon ang nais mo.
27 “Ibinigay(AH) na sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang mga pinili ng Anak na pagpahayagan niya.
28 “Lumapit(AI) kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at lubhang nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo'y bibigyan ko ng kapahingahan. 29 Pasanin(AJ) ninyo ang aking pamatok at matuto kayo sa akin sapagkat ako'y maamo at may mababang loob. Makakatagpo kayo sa akin ng kapahingahan 30 sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang pasaning ibibigay ko sa inyo.”
Katanungan tungkol sa Araw ng Pamamahinga(AK)
12 Isang(AL) Araw ng Pamamahinga, dumaan sina Jesus sa triguhan. Nagugutom ang kanyang mga alagad noon, kaya't sila'y kumuha ng mga butil ng trigo at kumain niyon. 2 Nang makita ito ng mga Pariseo, sinabi nila sa kanya, “Tingnan mo ang ginagawa ng iyong mga alagad. Mahigpit iyang ipinagbabawal ng Kautusan sa Araw ng Pamamahinga!” 3 Sumagot(AM) si Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang magutom siya at ang kanyang mga kasama? 4 Pumasok(AN) siya sa bahay ng Diyos, kumain ng tinapay na handog at pinakain din niya ang kanyang mga kasama. Labag sa Kautusan ang ginawa nila sapagkat ang mga pari lamang ang may karapatang kumain niyon. 5 Hindi(AO) ba ninyo nababasa sa Kautusan na tuwing Araw ng Pamamahinga, ang mga pari ay may ginagawa sa Templo na bawal gawin sa araw na iyon? Gayunma'y hindi sila nagkakasala! 6 Sinasabi ko sa inyo, may isang naririto na higit na dakila kaysa Templo. 7 Kung(AP) nauunawaan lamang ninyo ang kahulugan ng mga salitang ito, ‘Habag ang nais ko at hindi handog,’ hindi sana ninyo hinatulan ang mga walang sala. 8 Sapagkat ang Anak ng Tao ay Panginoon ng Araw ng Pamamahinga.”
Pinagaling ang Lalaking Paralisado ang Kamay(AQ)
9 Pagkaalis ni Jesus sa pook na iyon, pumasok siya sa sinagoga. 10 May isang lalaki roon na paralisado ang isang kamay. Naroon din ang ilang taong naghahanap ng pagkakataong maparatangan si Jesus. Tinanong nila si Jesus, “Naaayon ba sa Kautusan ang magpagaling ng maysakit kung Araw ng Pamamahinga?”
11 Sumagot(AR) siya, “Kung kayo'y may tupang nahulog sa balon sa Araw ng Pamamahinga, hindi ba ninyo ito iaahon? 12 Higit na mahalaga ang isang tao kaysa isang tupa! Kaya't naaayon sa Kautusan ang gumawa ng mabuti sa Araw ng Pamamahinga.”
13 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat nga ng lalaki ang kanyang kamay at ito'y gumaling gaya ng kabilang kamay. 14 Kaya't umalis ang mga Pariseong naroroon at nag-usap-usap kung paano nila maipapapatay si Jesus.
Ang Lingkod na Hinirang
15 Nang malaman ito ni Jesus, umalis siya sa lugar na iyon. Maraming tao ang sumunod sa kanya, at pinagaling niya ang lahat ng maysakit. 16 Ngunit mahigpit niyang ipinagbilin na huwag nilang ipamalita kung sino siya. 17 Sa gayon, natupad ang sinabi ng Diyos sa pamamagitan ni Propeta Isaias,
18 “Narito(AS) ang lingkod ko na aking hinirang,
ang aking minamahal at lubos na kinalulugdan;
ibubuhos ko sa kanya ang aking Espiritu,
at siya ang magpapahayag ng katarungan sa mga bansa.
19 Hindi siya makikipag-away o maninigaw,
ni magtataas ng boses sa mga lansangan,
20 hindi niya babaliin ang tambong marupok,
hindi rin niya papatayin ang ilawang umaandap,
hanggang katarunga'y hindi nagtatagumpay nang ganap;
21 at ang pag-asa ng mga Hentil, sa kanya ay ilalagak.”
Si Jesus at si Beelzebul(AT)
22 Dinala noon kay Jesus ang isang lalaking bulag at pipi na sinasapian ng demonyo. Pinagaling siya ni Jesus kaya't siya'y nakakita at nakapagsalita. 23 Namangha ang lahat at sinabi nila, “Ito na kaya ang Anak ni David?” 24 Nang(AU) marinig ito ng mga Pariseo, sinabi nila, “Nakapagpapalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Beelzebul, ang pinuno ng mga demonyo.” 25 Subalit alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya, “Ang bawat kahariang naglalaban-laban ang mga mamamayan ay babagsak, at alinmang bayan o sambahayang sila-sila ang naglalaban ay mawawasak. 26 Kaya't kung si Satanas ang nagpapalayas kay Satanas, kinakalaban niya ang kanyang sarili! Kung gayon, paano pa niya mapapanatili ang kanyang kaharian? 27 Kung ako'y nagpapalayas ng mga demonyo sa kapangyarihan ni Beelzebul, sa kaninong kapangyarihan naman nagpapalayas ng demonyo ang inyong mga tagasunod? Ang ginagawa nila ang magpapatunay na maling-mali kayo. 28 Ngunit kung ako'y nagpapalayas ng mga demonyo sa kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos, nangangahulugang dumating na sa inyo ang kaharian ng Diyos.
29 “Hindi(AV) mapapasok ang bahay ng isang taong malakas kung hindi muna siya gagapusin. Kung nakagapos na siya, saka pa lamang malolooban ang bahay niya. 30 Ang(AW) hindi panig sa akin ay laban sa akin, at ang hindi ko kasamang mag-ipon ay nagkakalat. 31 Kaya't sinasabi ko sa inyo, mapapatawad ang anumang kasalanan at paglapastangan, ngunit hindi patatawarin ang paglapastangan sa Espiritu Santo. 32 Sinumang(AX) magsalita laban sa Anak ng Tao ay patatawarin, ngunit sinumang magsalita laban sa Espiritu Santo ay hindi patatawarin, maging sa panahong ito o sa panahong darating.”
Sa Bunga Nakikilala(AY)
33 “Sinasabi(AZ) ninyong mabuti ang punongkahoy kung mabuti ang kanyang bunga at masama ang punongkahoy kung masama ang kanyang bunga, sapagkat sa bunga nakikilala ang puno. 34 Lahi(BA) ng mga ulupong! Paano kayong makakapagsabi ng mabubuting bagay gayong kayo'y masasama? Kung ano ang nag-uumapaw sa puso ay siyang sinasabi ng bibig. 35 Mabuti ang sinasabi ng mabuting tao, sapagkat puno ng kabutihan ang kanyang puso. Masama ang sinasabi ng masamang tao, sapagkat puno ng kasamaan ang kanyang puso.
36 “Tandaan ninyo, sa Araw ng Paghuhukom, pananagutan ng tao ang bawat walang kabuluhang salitang sinabi niya. 37 Pawawalang-sala ka, o paparusahan, batay sa iyong mga salita.”
Hinanapan si Jesus ng Palatandaan(BB)
38 Sinabi(BC) naman sa kanya ng ilang tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, “Guro, maaari po bang magpakita kayo sa amin ng isang palatandaan?” 39 Sumagot(BD) si Jesus, “Lahing masama at taksil sa Diyos! Naghahanap kayo ng palatandaan ngunit walang ipapakita sa inyo maliban sa himalang nangyari kay Propeta Jonas. 40 Kung(BE) paanong si Jonas ay tatlong araw at tatlong gabing nasa tiyan ng dambuhalang isda, ang Anak ng Tao ay tatlong araw at tatlong gabi ring nasa ilalim ng lupa. 41 Sa(BF) Araw ng Paghuhukom, tatayo ang mga taga-Nineve at sasaksi laban sa lahing ito, sapagkat nagsisi sila matapos pangaralan ni Jonas. Ngunit higit pa kay Jonas ang naririto. 42 Sa(BG) araw na iyon, sasaksi rin ang Reyna ng Sheba laban sa lahing ito. Naglakbay siya mula pa sa dulo ng daigdig upang masaksihan ang karunungan ni Solomon, ngunit higit pa kay Solomon ang naririto ngayon!”
Ang Pagbabalik ng Masamang Espiritu(BH)
43 “Kapag ang masamang espiritu ay lumabas mula sa isang tao, siya'y gumagala sa mga lupaing tigang upang maghanap ng mapagpapahingahan. Kung wala itong matagpuan 44 ay sinasabi sa sarili, ‘Babalik ako sa tahanang aking pinanggalingan.’ Pagbalik niya at makita itong walang laman, malinis at maayos, 45 aalis muna siya't magsasama pa ng pitong espiritung mas masama pa kaysa kanya at papasok sila at maninirahan doon. Dahil dito, ang kanyang magiging kalagayan ay mas masama pa kaysa dati. Ganyan ang mangyayari sa masamang lahing ito.”
Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus(BI)
46 Habang si Jesus ay nagsasalita sa maraming tao, dumating ang kanyang ina at mga kapatid. Naghihintay sila sa labas dahil nais nila siyang makausap. [47 May nagsabi kay Jesus, “Nasa labas po ang inyong ina at mga kapatid. Ibig nila kayong makausap.”][g] 48 Ngunit sinabi niya, “Sino ang aking ina at sinu-sino ang aking mga kapatid?” 49 Itinuro niya ang kanyang mga alagad at sinabi, “Sila ang aking ina at mga kapatid. 50 Sapagkat ang sinumang sumusunod sa kalooban ng aking Ama na nasa langit, iyon ang aking ina at mga kapatid.”
by