Read the Gospels in 40 Days
Katuruan tungkol sa Paghihiwalay ng Mag-asawa(A)
19 Pagkatapos niyang ipangaral ang mga bagay na ito, umalis si Jesus sa Galilea at nagtungo sa lupain ng Judea, sa kabila ng Ilog Jordan. 2 Sinundan siya ng napakaraming tao, at doo'y pinagaling niya ang mga maysakit.
3 May ilang Pariseong lumapit sa kanya na humanap ng maipaparatang sa kanya. Tanong nila, “Naaayon ba sa Kautusan na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa sa kahit anong dahilan?” 4 Sumagot(B) si Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa na sa pasimula'y nilalang ng Diyos ang tao na lalaki at babae? 5 At(C) siya rin ang nagsabi, ‘Dahil dito'y iiwan ng lalaki ang kanyang ama't ina, at magsasama sila ng kanyang asawa at sila'y magiging isa.’ 6 Hindi na sila dalawa kundi iisa, kaya't ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.”
7 Tinanong(D) siya ng mga Pariseo, “Kung gayon, bakit iniutos ni Moises na bigyan ng lalaki ang kanyang asawa ng isang kasulatan ng paghihiwalay bago niya ito palayasin?”
8 Sumagot si Jesus, “Ipinahintulot ni Moises na hiwalayan ninyo ang inyong asawa dahil sa katigasan ng inyong ulo. Subalit hindi ganoon sa pasimula. 9 Ito(E) ang sinasabi ko sa inyo, sinumang lalaking humiwalay sa kanyang asawa, maliban kung ang asawa niya'y nakikiapid, [itinutulak niya ang kanyang asawa na mangalunya][a] at siya'y mag-asawa ng iba ay nagkakasala ng pangangalunya [at ang mag-asawa sa babaing hiniwalayan ay nagkakasala rin ng pangangalunya].”[b]
10 Sinabi naman ng mga alagad, “Kung ganyan po ang kalagayan ng lalaki sa kanyang asawa, mabuti pang huwag nang mag-asawa.”
11 Sumagot si Jesus, “Hindi lahat ay kayang tumanggap ng aral na ito kundi sila lamang na pinagkalooban ng Diyos. 12 Sapagkat may iba't ibang dahilan kung bakit may mga lalaking hindi makapag-asawa: ang ilan ay isinilang na may ganitong kapansanan; ang iba nama'y dahil sa kagagawan ng ibang tao; mayroon namang hindi nag-aasawa alang-alang sa kaharian ng langit. Hayaang tanggapin ang aral na ito ng may kakayahang tumanggap nito.”
Ipinanalangin ni Jesus ang mga Bata(F)
13 May nagdala ng mga bata kay Jesus upang ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay at sila'y ipanalangin. Ngunit pinagalitan sila ng mga alagad. 14 Sinabi ni Jesus, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pagbawalan sapagkat ang mga katulad nila ang mapapabilang sa kaharian ng langit.” 15 Ipinatong nga niya sa mga bata ang kanyang kamay, at pagkatapos, siya'y umalis.
Ang Binatang Mayaman(G)
16 May isa namang lalaking lumapit kay Jesus at nagtanong, “Guro, anong mabuting bagay ang dapat kong gawin upang makamtan ko ang buhay na walang hanggan?”
17 Sumagot si Jesus, “Bakit mo ako tinatanong kung ano ang mabuti? Iisa lang ang mabuti. Ngunit kung nais mong magkamit ng buhay na walang hanggan, sundin mo ang mga utos ng Diyos.”
18 “Alin(H) sa mga iyon?” tanong niya.
Sumagot si Jesus, “Huwag kang papatay; huwag kang mangangalunya; huwag kang magnanakaw; huwag kang sasaksi nang walang katotohanan; 19 igalang(I) mo ang iyong ama at ina; at ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.”
20 Sinabi ng binata, “Sinunod ko na po ang lahat ng iyan. Ano pa po ang dapat kong gawin?”
21 Sumagot si Jesus, “Kung ibig mong maging ganap, ipagbili mo ang lahat ng iyong ari-arian at ipamahagi sa mga mahihirap. At magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod ka sa akin.” 22 Pagkarinig nito, malungkot na umalis ang binata sapagkat siya'y napakayaman.
23 Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Tandaan ninyo: napakahirap sa isang mayaman ang makapasok sa kaharian ng langit! 24 Sinasabi ko rin sa inyo: mas madali pang makadaan sa butas ng karayom ang isang kamelyo, kaysa makapasok sa kaharian ng Diyos ang isang mayaman.”
25 Lubhang nagtaka ang mga alagad sa kanilang narinig kaya't nagtanong sila, “Kung gayon, sino po ang maliligtas?” 26 Tiningnan sila ni Jesus at sinabi, “Hindi ito magagawa ng tao, ngunit magagawa ng Diyos ang lahat ng bagay.”
27 Nagsalita naman si Pedro, “Tingnan po ninyo, iniwan namin ang lahat at kami'y sumunod sa inyo. Ano po naman ang para sa amin?”
28 Sinabi(J) sa kanila ni Jesus, “Tandaan ninyo: kapag naghahari na ang Anak ng Tao sa kanyang trono ng kaluwalhatian sa bagong daigdig, kayong sumunod sa akin ay uupo din sa labindalawang trono upang mamuno sa labindalawang lipi ng Israel. 29 Kapag iniwan ninuman ang kanyang tahanan, mga kapatid na lalaki at babae, ama, ina, [asawa,][c] mga anak, o mga lupain alang-alang sa akin ay tatanggap siya ng sandaang ibayo at pagkakalooban siya ng buhay na walang hanggan. 30 Ngunit(K) maraming nauuna na magiging huli, at maraming nahúhulí na mauuna.”
Ang Talinghaga tungkol sa mga Manggagawa sa Ubasan
20 “Ang kaharian ng langit ay maitutulad sa isang taong lumabas nang maagang-maaga upang kumuha ng manggagawa para sa kanyang ubasan. 2 Nang magkasundo na sila sa upa na isang salaping pilak[d] sa maghapon, ang mga manggagawa ay pinapunta niya sa kanyang ubasan. 3 Lumabas siyang muli nang mag-aalas nuwebe ng umaga at nakakita siya ng iba pang tatayu-tayo lamang sa palengke. 4 Sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta rin kayo at magtrabaho sa aking ubasan, at bibigyan ko kayo ng karampatang upa.’ 5 At pumunta nga sila. Lumabas na naman siya nang mag-aalas dose ng tanghali at nang mag-aalas tres ng hapon, at ganoon din ang ginawa niya. 6 Nang mag-aalas singko na ng hapon, siya'y lumabas muli at nakakita pa ng mga ibang wala ring ginagawa. Sinabi niya sa kanila, ‘Bakit tatayu-tayo lang kayo dito sa buong maghapon?’ 7 ‘Wala po kasing magbigay sa amin ng trabaho,’ sagot nila. Kaya't sinabi niya, ‘Kung gayon, pumunta rin kayo sa aking ubasan.’
8 “Nang(L) gumagabi na, sinabi ng may-ari ng ubasan sa kanyang katiwala, ‘Tawagin mo na ang mga manggagawa at bayaran mo sila magmula sa huli hanggang sa unang nagtrabaho.’ 9 Ang mga nagsimula nang mag-aalas singko ng hapon ay tumanggap ng tig-iisang salaping pilak. 10 Nang lumapit ang mga nauna, inakala nilang tatanggap sila nang higit doon; ngunit ang bawat isa'y binayaran din ng tig-iisang salaping pilak. 11 Nang magkagayo'y nagreklamo sila sa may-ari ng ubasan. 12 Sinabi nila, ‘Isang oras lamang nagtrabaho ang mga ito na huling dumating, samantalang maghapon kaming nagtrabaho at nagtiis sa nakakapasong init ng araw. Bakit naman pinagpare-pareho ninyo ang aming upa?’ 13 Sumagot ang may-ari ng ubasan sa isa sa kanila, ‘Kaibigan, hindi kita dinadaya. Hindi ba't pumayag ka sa isang salaping pilak? 14 Kunin mo ang para sa iyo at umalis ka na. Ano sa iyo kung ibig kong bayaran ang nahuli nang tulad ng ibinayad ko sa iyo? 15 Wala ba akong karapatang gawin sa ari-arian ko ang aking maibigan? Kayo ba'y naiinggit dahil ako'y nagmagandang-loob sa iba?’”
16 At(M) sinabi ni Jesus, “Ang nahúhulí ay mauuna, at ang nauuna ay mahuhuli.”
Ikatlong Pagpapahayag ni Jesus ng Kanyang Kamatayan(N)
17 Nang nasa daan na sila papuntang Jerusalem, ibinukod ni Jesus ang labindalawang alagad at sinabi sa kanila, 18 “Pupunta tayo sa Jerusalem. Doo'y ipagkakanulo ang Anak ng Tao sa mga punong pari at sa mga tagapagturo ng Kautusan. Hahatulan siya ng kamatayan 19 at ibibigay sa mga Hentil. Siya'y kukutyain, hahagupitin at ipapako sa krus ngunit muli siyang bubuhayin ng Diyos sa ikatlong araw.”
Ang Kahilingan ng Ina nina Santiago at Juan(O)
20 Lumapit kay Jesus ang asawa ni Zebedeo, kasama ang dalawa niyang anak na lalaki. Lumuhod siya sa harapan ni Jesus upang sabihin ang kanyang kahilingan.
21 “Ano ang gusto mo?” tanong ni Jesus.
Sumagot siya, “Kapag naghahari na po kayo, paupuin ninyo sa inyong tabi ang dalawa kong anak, isa sa kanan at isa sa kaliwa.”
22 “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi,” sabi ni Jesus sa kanila. “Kaya ba ninyong tiisin ang hirap na malapit ko nang danasin?”
“Opo,” tugon nila.
23 At sinabi ni Jesus, “Daranasin nga ninyo ang hirap na titiisin ko. Ngunit wala sa akin ang pagpapasya kung sino ang mauupo sa aking kanan at sa aking kaliwa. Ang mga upuang iyo'y para sa pinaglalaanan ng aking Ama.”
24 Nang marinig ito ng sampung alagad, nagalit sila sa magkapatid. 25 Dahil(P) dito, pinalapit ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Alam ninyo na ang mga pinuno ng mga Hentil ay itinataas ang kanilang sarili bilang mga panginoon sa kanila, at ang kagustuhan ng mga nasa kapangyarihan ang siyang nasusunod. 26 Hindi(Q) ganyan ang dapat umiral sa inyo. Sa halip, kung nais ninyong maging dakila, dapat kayong maging lingkod sa iba, 27 at kung sinuman sa inyo ang nagnanais maging una, ay dapat maging alipin ninyo. 28 Sapagkat maging ang Anak ng Tao ay naparito, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ialay ang kanyang buhay sa ikatutubos ng marami.”
Pinagaling ang Dalawang Bulag(R)
29 Pag-alis nila sa Jerico, si Jesus ay sinundan ng napakaraming tao. 30 Doon ay may dalawang bulag na nakaupo sa tabi ng daan. Nang marinig nilang dumaraan si Jesus, sila'y nagsisigaw, “Panginoon, Anak ni David,[e] mahabag po kayo sa amin!”
31 Pinagsabihan sila ng mga tao at pinatahimik, ngunit lalo silang nagsisigaw, “Panginoon, Anak ni David, mahabag po kayo sa amin!”
32 Tumigil si Jesus, tinawag sila at tinanong, “Ano ang gusto ninyong gawin ko sa inyo?”
33 Sumagot sila, “Panginoon, gusto po naming makakita!”
34 Nahabag si Jesus sa kanila at hinipo ang kanilang mga mata. Agad silang nakakita,[f] at sila'y sumunod sa kanya.
by