Read the Gospels in 40 Days
Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(A)
1 Ito ang simula ng Magandang Balita tungkol kay Jesu-Cristo, [ang Anak ng Diyos].[a] 2 Tulad(B) ng nakasulat sa aklat ni propeta Isaias,
“Narito ang sugo ko na aking ipadadalang mauuna sa iyo;
ihahanda niya ang iyong daraanan.
3 Ito(C) ang pahayag ng isang taong sumisigaw sa ilang:
‘Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon,
gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran!’”
4 At dumating nga sa ilang si Juan na Tagapagbautismo na nangangaral,[b] “Pagsisihan ninyo't talikuran ang inyong mga kasalanan at pabautismo kayo, upang kayo'y patawarin ng Diyos.” 5 Halos lahat ng taga-Judea at taga-Jerusalem ay pumunta kay Juan. Ipinahayag nila ang kanilang mga kasalanan at sila'y binautismuhan niya sa Ilog Jordan.
6 Ang(D) damit ni Juan ay yari sa balahibo ng kamelyo, at balat naman ng hayop ang kanyang sinturon. Ang kanya namang pagkain ay balang at pulot-pukyutan. 7 Ito ang ipinapahayag niya sa mga tao, “Ang darating na kasunod ko ay higit na makapangyarihan kaysa sa akin. Ni hindi ako karapat-dapat yumukod at magkalas man lamang ng tali ng kanyang sandalyas.[c] 8 Binautismuhan ko kayo sa tubig, ngunit babautismuhan niya kayo sa Espiritu Santo.”
Ang Pagbautismo kay Jesus(E)
9 Nang panahong iyon, dumating si Jesus mula sa Nazaret sa Galilea, at siya'y binautismuhan ni Juan sa Ilog Jordan. 10 Pagkaahung-pagkaahon ni Jesus sa tubig, nakita niyang bumukas ang kalangitan at bumababa sa kanya ang Espiritu na tulad ng isang kalapati. 11 Narinig(F) niya ang isang tinig na mula sa langit at nagsasabing, “Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan.”
Ang Pagtukso kay Jesus(G)
12 Pagkatapos, dinala agad ng Espiritu si Jesus sa ilang. 13 Nanatili siya roon nang apatnapung araw, at doo'y tinukso siya ni Satanas.[d] Doon ay may mababangis na hayop ngunit si Jesus ay pinaglingkuran ng mga anghel.
Ang Simula ng Pangangaral sa Galilea(H)
14 Nang ibinilanggo si Juan, nagpunta si Jesus sa Galilea at ipinangaral doon ang Magandang Balitang mula sa Diyos. 15 Sinabi(I) niya, “Dumating na ang takdang panahon. Malapit nang maghari ang Diyos![e] Kaya magsisi na kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan. Paniwalaan ninyo ang Magandang Balita!”
Ang Pagtawag sa Apat na Mangingisda(J)
16 Habang naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na Simon at Andres na nanghuhuli ng isda sa pamamagitan ng lambat. Sila'y kapwa mga mangingisda. 17 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at kayo'y gagawin kong mangingisda ng mga tao.” 18 Pagkasabi niya nito'y agad iniwan ng magkapatid ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.
19 Nagpatuloy siya sa paglalakad, at sa di-kalayuan ay nakita naman niya ang magkapatid na Santiago at Juan, na mga anak ni Zebedeo. Sila'y nasa kanilang bangka at nag-aayos ng mga lambat. 20 Tinawag din sila agad ni Jesus at sila ay sumunod din sa kanya. Iniwan nila sa bangka ang kanilang ama na kasama ang kanilang mga upahang manggagawa.
Pinagaling ang Sinasapian ng Masamang Espiritu(K)
21 Nagpunta sina Jesus sa Capernaum, at nang sumunod na Araw ng Pamamahinga ay pumasok si Jesus sa sinagoga at nagturo. 22 Namangha(L) ang mga tao sapagkat nagtuturo siya nang may kapangyarihan, hindi tulad ng mga tagapagturo ng Kautusan.
23 Bigla namang pumasok sa sinagoga ang isang lalaking sinasapian ng masamang espiritu. Ito'y sumigaw, 24 “Ano ang pakay mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang kami'y puksain? Kilala kita! Ikaw ang Banal na mula sa Diyos.”
25 Ngunit iniutos ni Jesus sa masamang espiritu, “Tumahimik ka! Lumabas ka sa kanya!”
26 Pinangisay ng masamang espiritu ang lalaki at sumisigaw itong lumabas sa kanya. 27 Ang lahat ay namangha kaya't sila'y nagtanungan sa isa't isa, “Paanong nangyari iyon? Ito ay isang kakaibang katuruan! Makapangyarihan niyang nauutusan ang masasamang espiritu, at sumusunod naman ang mga ito sa kanya.”
28 Dahil dito, mabilis na kumalat sa buong Galilea ang balita tungkol kay Jesus.
Ang Pagpapagaling sa Maraming Tao(M)
29 Mula sa sinagoga ay nagtungo agad si Jesus at ang kanyang mga alagad, kasama sina Santiago at Juan, sa bahay nina Simon at Andres. 30 Noon ay nakahiga dahil nilalagnat ang biyenan ni Simon at ito'y agad nilang sinabi kay Jesus. 31 Kaya't nilapitan ni Jesus ang babae, hinawakan ito sa kamay at ibinangon. Noon di'y gumaling ito at naghanda ng pagkain para sa kanila.
32 Pagsapit ng gabi, pagkalubog ng araw, dinala kay Jesus ang lahat ng maysakit at ang mga sinasapian ng demonyo. 33 Halos lahat ng mga tagaroon ay nagkatipon sa harap ng bahay. 34 Pinagaling ni Jesus ang maraming maysakit, anuman ang kanilang karamdaman. Pinalayas din niya ang mga demonyo, at hindi niya hinayaang magsalita ang mga ito sapagkat alam nila kung sino siya.
Ang Pangangaral ni Jesus sa Galilea(N)
35 Madaling-araw pa'y bumangon na si Jesus at nagpunta sa isang lugar na walang tao at doon ay nanalangin siya. 36 Hinanap siya ni Simon at ng mga kasama nito, at 37 nang matagpuan siya ay sinabi nila, “Hinahanap po kayo ng mga tao.”
38 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Kailangang pumunta rin tayo sa mga karatig-bayan upang makapangaral ako roon. Ito ang dahilan ng pagparito ko.”[f]
39 Nilibot(O) nga ni Jesus ang buong Galilea. Nangaral siya sa kanilang mga sinagoga at nagpalayas ng mga demonyo.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Ketongin(P)
40 Isang taong may ketong[g] ang lumapit kay Jesus. [Lumuhod ito][h] at nagmakaawa, “Kung nais po ninyo, ako'y inyong mapapagaling at magagawang malinis.”
41 Nahabag si Jesus sa ketongin kaya't hinawakan niya ito at sinabi, “Oo, nais ko! Gumaling ka!” 42 Noon di'y nawala ang ketong ng lalaki at siya'y naging malinis. 43 Matapos mapagbilinan, agad siyang pinaalis ni Jesus 44 at(Q) pinagsabihan ng ganito: “Huwag mong sasabihin ito kaninuman. Sa halip ay magpunta ka at magpasuri sa pari. Pagkatapos, mag-alay ka ng handog para sa Diyos ayon sa iniutos ni Moises bilang patunay sa mga tao na ikaw ay magaling at malinis na.”
45 Ngunit pagkaalis ng lalaki ay kanyang ipinamalita ang nangyari sa kanya. Dahil dito, hindi na nakapasok pa ng bayan si Jesus. Nanatili na lamang siya sa mga hindi mataong lugar, subalit pinupuntahan pa rin siya ng mga tao mula sa iba't ibang dako.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Paralitiko(R)
2 Pagkalipas ng ilang araw, bumalik si Jesus sa Capernaum at kumalat ang balitang siya'y nasa bahay. 2 Nagkatipon doon ang napakaraming tao, kaya't halos wala nang mapwestuhan kahit sa labas ng pintuan. Habang nangangaral si Jesus, 3 may dumating na apat na taong may dalang isang paralitiko. 4 Hindi nila mailapit ang paralitiko kay Jesus dahil sa dami ng tao, kaya't binakbak nila ang bubong sa tapat niya at ibinabâ ang paralitikong nakaratay sa higaan. 5 Nang makita ni Jesus kung gaano kalaki ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, pinatawad na ang mga kasalanan mo.”
6 May nakaupo roong ilang tagapagturo ng Kautusan na nag-isip nang ganito: 7 “Bakit siya nagsasalita nang ganoon? Nilalapastangan niya ang Diyos! Hindi ba't ang Diyos lamang ang makakapagpatawad ng kasalanan?”
8 Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya agad, “Bakit kayo nag-iisip nang ganyan? 9 Alin ba ang mas madali, ang sabihin sa paralitiko, ‘Pinapatawad na ang mga kasalanan mo,’ o ang sabihing, ‘Tumayo ka, bitbitin mo ang iyong higaan at lumakad ka’? 10 Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihan dito sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan…” sinabi niya sa paralitiko, 11 “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka na!”
12 Tumayo nga ang paralitiko habang nakatingin ang lahat. Kaagad niyang binuhat ang kanyang higaan at umalis, kaya ang lahat ng naroroon ay namangha. Sila ay nagpuri sa Diyos at sinabi nila, “Kailanma'y hindi pa kami nakakita ng ganito!”
Ang Pagtawag kay Levi(S)
13 Muling pumunta si Jesus sa baybayin ng Lawa ng Galilea. Sinundan siya roon ng napakaraming tao at sila'y kanyang tinuruan. 14 Habang naglalakad si Jesus ay nakita niyang nakaupo sa tanggapan ng buwis si Levi na anak ni Alfeo. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin.” Tumayo naman si Levi at sumunod nga sa kanya.
15 Nang si Jesus at ang kanyang mga alagad ay kumakain sa bahay ni Levi, kasalo nilang kumakain ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanang sumunod sa kanya. 16 Nang makita ito ng ilang tagapagturo ng Kautusan na kabilang sa pangkat ng mga Pariseo,[i] tinanong nila ang kanyang mga alagad, “Bakit siya kumakaing kasama ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?”
17 Narinig ito ni Jesus kaya't siya ang sumagot, “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang maysakit. Naparito ako upang tawagin ang mga makasalanan, hindi ang mga matuwid.”
Katanungan tungkol sa Pag-aayuno(T)
18 Minsan, nag-aayuno ang mga alagad ni Juan na Tagapagbautismo at ang mga Pariseo. May lumapit kay Jesus at nagtanong, “Bakit po hindi nag-aayuno ang inyong mga alagad, samantalang ang mga alagad ni Juan na Tagapagbautismo at ang mga Pariseo ay nag-aayuno?”
19 Sumagot si Jesus, “Dapat bang mag-ayuno ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikinasal? Hindi! Hangga't kasama nila ito, hindi nila gagawin iyon. 20 Ngunit darating ang araw na kukunin mula sa kanila ang lalaking ikinasal, at saka sila mag-aayuno.
21 “Walang nagtatagpi ng bagong tela sa isang lumang damit sapagkat kapag umurong ang bagong tela, mababatak ang tinagpian at lalong lalaki ang punit. 22 Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat sapagkat papuputukin lamang ng alak ang sisidlang-balat, at kapwa masasayang ang alak at ang sisidlan. [Sa halip, ang bagong alak ay inilalagay sa bagong sisidlang-balat!]”[j]
Katanungan tungkol sa Araw ng Pamamahinga(U)
23 Isang(V)(W) Araw ng Pamamahinga, naparaan si Jesus at ang kanyang mga alagad sa triguhan. Habang sila'y naglalakad, ang mga alagad ay pumipitas ng trigo. 24 Sinabi ng mga Pariseo kay Jesus, “Tingnan mo ang ginagawa ng iyong mga alagad. Mahigpit iyang ipinagbabawal ng Kautusan sa Araw ng Pamamahinga!”
25-26 Sinagot(X) naman sila ni Jesus, “Hindi pa ba ninyo nababasa ang ginawa ni David noong panahong si Abiatar ang pinakapunong pari? Nang si David at ang kanyang mga kasama'y magutom at walang makain, pumasok siya sa bahay ng Diyos at kumain ng tinapay na handog sa Diyos. Binigyan pa niya ang kanyang mga kasamahan. Ayon sa Kautusan, ang mga pari lamang ang may karapatang kumain niyon.”
27 Sinabi rin ni Jesus, “Itinakda ang Araw ng Pamamahinga para sa tao; hindi nilikha ang tao para sa Araw ng Pamamahinga. 28 Ang Anak ng Tao ay Panginoon maging ng Araw ng Pamamahinga.”
Pinagaling ang Lalaking Paralisado ang Isang Kamay(Y)
3 Muling pumasok si Jesus sa sinagoga. Naratnan niya roon ang isang lalaking paralisado ang isang kamay. 2 Pinagmasdan ng ilang taong naroroon kung pagagalingin ni Jesus ang lalaking iyon sa Araw ng Pamamahinga, upang may maiparatang sila laban sa kanya. 3 Tinawag ni Jesus ang lalaking paralisado ang kamay, “Halika rito!” 4 Pagkatapos, tinanong naman niya ang mga tao, “Alin ba ang naaayon sa Kautusan, ang gumawa ng mabuti, o ang gumawa ng masama sa Araw ng Pamamahinga? Ang magligtas ng buhay, o ang pumatay?”
Ngunit hindi sila sumagot. 5 Tiningnan ni Jesus ang mga taong nakapaligid sa kanya. Nagalit siya at nalungkot dahil sa katigasan ng kanilang mga puso. Pagkatapos, sinabi niya sa maysakit, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat naman ng lalaki ang kanyang kamay at ito'y gumaling. 6 Umalis ang mga Pariseo at agad nakipagsabwatan sa mga tagasunod ni Herodes upang maipapatay si Jesus.
Ang Napakaraming Tao sa Tabi ng Lawa
7 Umalis si Jesus at ang kanyang mga alagad at sila'y nagpunta sa tabi ng lawa. Sinundan siya roon ng napakaraming taong buhat sa Galilea, sa Judea, 8 sa Jerusalem, sa Idumea, sa ibayo ng Jordan, at sa palibot ng Tiro at Sidon. Sumunod sila kay Jesus dahil nabalitaan nila ang lahat ng ginagawa niya. 9 Dahil(Z) napakarami ng mga tao, inutusan ni Jesus ang kanyang mga alagad na maghanda ng isang bangkang masasakyan niya upang hindi siya maipit ng mga taong dumaragsa. 10 Sapagkat marami na siyang pinagaling, dinudumog siya ng lahat ng maysakit upang mahawakan man lamang siya. 11 Bawat taong sinasapian ng masamang espiritu na makakita sa kanya ay nagpapatirapa sa harapan niya at sumisigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos!” 12 Ngunit mahigpit na inutusan ni Jesus ang masasamang espiritu na huwag ipagsabi kung sino siya.
Ang Pagpili ni Jesus sa Labindalawang Apostol(AA)
13 Pagkatapos nito, umakyat si Jesus sa bundok at tinawag ang mga taong pinili niya, at lumapit sila sa kanya. 14 Pumili siya ng labindalawa [na tinawag niyang mga apostol].[k] Hinirang niya ang mga ito upang makasama niya at isugo upang mangaral. 15 Sila ay binigyan din niya ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo. 16 [Ito ang labindalawang hinirang niya:][l] si Simon, na pinangalanan niyang Pedro; 17 ang magkapatid na sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo (sila'y tinawag niyang Boanerges, na ang kahulugan ay “mga anak ng kulog”); 18 sina Andres, Felipe, Bartolome, Mateo, Tomas, Santiago na anak ni Alfeo, si Tadeo, si Simon na Makabayan, 19 at si Judas Iscariote na siyang nagkanulo kay Jesus.
Si Jesus at si Beelzebul(AB)
20 Pag-uwi ni Jesus, muling nagkatipon doon ang napakaraming tao kaya't hindi na sila nagkaroon ng pagkakataong kumain pa. 21 Nang mabalitaan iyon ng kanyang mga kamag-anak, pumunta sila roon upang kunin siya dahil maraming nagsasabi na siya'y nasisiraan ng bait.
22 Sinasabi(AC) naman ng mga tagapagturo ng Kautusan na galing sa Jerusalem, “Sinasapian siya ni Beelzebul. Nakapagpapalayas siya ng demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pinuno ng mga demonyo!”
23 Dahil dito, pinalapit ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila ang ilang talinghaga. Sabi niya, “Paanong mapapalayas ni Satanas ang kanyang sarili? 24 Kapag naglaban-laban ang mga mamamayan ng isang kaharian, mawawasak ang kahariang iyon. 25 Kapag naglaban-laban ang mga kaanib ng isang sambahayan, magkakawatak-watak ang sambahayang iyon. 26 Gayundin naman, kapag kinalaban ni Satanas ang kanyang sarili at nagkabaha-bahagi ang kanyang mga kampon, hindi siya magtatagal at iyon na ang kanyang magiging wakas.
27 “Hindi maaaring pasukin at pagnakawan ang bahay ng isang taong malakas, malibang gapusin muna siya. Kapag siya'y nakagapos na, saka pa lamang mapagnanakawan ang kanyang bahay. 28 Tandaan ninyo ito: maaaring patawarin ang tao sa lahat ng kanyang kasalanan at paglapastangan, 29 ngunit(AD) ang sinumang lumapastangan sa Espiritu Santo ay walang kapatawaran, sapagkat siya ay nagkasala ng walang hanggang kasalanan.” 30 Sinabi ito ni Jesus sapagkat sinasabi ng mga tao na siya'y sinasapian ng masamang espiritu.
Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus(AE)
31 Dumating ang ina at mga kapatid ni Jesus. Tumayo sila sa labas ng bahay at ipinatawag siya. 32 Nang oras na iyon ay maraming taong nakaupo sa palibot ni Jesus. May nagsabi sa kanya, “Nasa labas po at naghihintay ang inyong ina at mga kapatid na lalaki [at mga kapatid na babae].[m]”
33 “Sino ang aking ina at mga kapatid?” tanong naman ni Jesus. 34 Tumingin siya sa mga nakaupo sa palibot at sinabi, “Ito ang aking ina at mga kapatid! 35 Sapagkat ang mga sumusunod sa kalooban ng Diyos ang aking mga kapatid at aking ina.”
by