Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GW. Switch to the GW to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Isaias 57:15-59:21

15 “Ako ang Kataas-taasan at Banal na Diyos,
    ang Diyos na walang hanggan.
Matataas at banal na lugar ang aking tahanan,
    sa mababang-loob at nagsisisi, ako ay sasama,
aking ibabalik ang pagtitiwala nila at pag-asa.
16 Ako ang nagbigay ng buhay sa aking bayan,
    sila'y hindi ko patuloy na uusigin;
at ang galit ko sa kanila'y
    hindi mananatili sa habang panahon.
17 Nagalit ako sa kanila dahil sa kanilang kasalana't kasakiman,
    kaya sila'y aking itinakwil.
Ngunit matigas ang kanilang ulo at patuloy na sumuway sa akin.
18 Sa kabila ng ginawa nila, sila'y aking pagagalingin at tutulungan,
    at ang nagluluksa'y aking aaliwin.
19 Bibigyan(A) ko ng kapayapaan ang lahat, maging nasa malayo o nasa malapit man.
    Aking pagagalingin ang aking bayan.
20 Ngunit ang masasama ay tulad ng dagat na laging maalon,
    walang pahinga sa buong panahon;
    mga burak at putik buhat sa ilalim ang iniaahon.
21 Walang(B) kapayapaan ang mga makasalanan.” Sabi ng aking Diyos.

Ang Tunay na Pagsamba

58 Sinabi ni Yahweh, “Sumigaw ka nang malakas na malakas;
    itaas mo ang iyong tinig gaya ng trumpeta.
Ang kasalanan ng bayan ko sa kanila'y ihayag.
Sinasangguni nila ako sa araw-araw,
    tinatanong nila ako kung paano sila mamumuhay.
Kung kumilos sila ay parang matuwid,
    at hindi sumusuway sa mga tuntuning ibinigay ng kanilang Diyos.
Humihingi sila sa akin ng matuwid na pasya;
    nais nila'y maging malapit sa Diyos.”

Tanong ng mga tao, “Bakit hindi mo pansin ang pag-aayuno namin?
    Bakit walang halaga sa iyo kung kami ma'y magpakumbaba?”
Sagot ni Yahweh, “Pansariling kapakanan pa rin ang pangunahing layunin ninyo sa pag-aayuno,
    at habang nag-aayuno'y patuloy ninyong inaapi ang mga manggagawa.
Ang pag-aayuno ninyo'y humahantong lamang sa karahasan,
    kayo'y nagkakagalit at naglalaban-laban.
Hindi tunay ang pag-aayunong ginagawa ninyo ngayon,
    kaya tiyak na hindi ko papakinggan, ang inyong mga dalangin sa akin.
Ganyan ba ang pag-aayunong aking kaluluguran?
    Iyan ba ang araw na talagang nagpapakumbaba ang mga tao?
Hinihiling ko ba na yumuko kayong tulad ng damong hinihipan ng hangin,
    o mahiga kayo sa sako at abo?
Pag-aayuno na ba ang tawag ninyo diyan,
    isang araw na nakalulugod kay Yahweh?

“Ganitong pag-aayuno ang gusto kong gawin ninyo:
    Palayain ninyo ang mga di-makatarungang ipinabilanggo;
    kalagin ninyo ang tanikala ng inyong mga inalipin.
Palayain ninyo ang mga inaapi,
    at baliin ang mga pamatok ng mga alipin.
Ang(C) mga nagugutom ay inyong pakainin,
    ang mga walang tirahan ay inyong patuluyin.
Ang mga walang maisuot ay inyong bigyan ng mga damit.
    At sa mga nangangailangang mga kamag-anak ay huwag kayong magkakait.
Kung magkagayon, sisikat ang liwanag sa inyo, at matutulad kayo sa bukang-liwayway,
    hindi magtatagal at manunumbalik ang inyong kalusugan.
Mahahayag sa inyong unahan ang mabubuti ninyong gawa,
    at sa inyong hulihan ay papatnubayan kayo ng kaluwalhatian ni Yahweh.
Sa araw na iyon, diringgin ni Yahweh ang inyong dalangin;
    kapag kayo'y humingi ng tulong, sasabihin niya, ‘Naririto ako.’

“Kapag itinakwil ninyo ang pang-aapi,
    maling pagbibintang at pagsisinungaling;
10 kapag ang nagugutom ay kusang-loob ninyong pakakainin,
    at tutulungan ang mahihirap,
sisikat ang liwanag sa inyong nasa kadiliman,
    at ang inyong kapanglawan ay magliliwanag gaya ng sa katanghaliang-tapat.
11 Patuloy kayong papatnubayan ni Yahweh
    at ibibigay ang pangangailangan sa gitna ng disyerto.
    Palalakasin niyang muli ang inyong mga buto.
At magiging tulad kayo ng isang hardin,
    na binubukalan ng masaganang tubig,
    o isang batis na hindi natutuyo.
12 Muli ninyong itatayo ang kutang gumuho,
    at itatatag ito sa dating pundasyon.
Makikilala kayo bilang tagapagtayo ng mga nawasak na pader,
    mga tagapagtatag ng bagong pamayanan.”

13 Sinabi pa ni Yahweh, “Inyong igagalang ang takdang Araw ng Pamamahinga,
    huwag kayong gagawa para sa pansariling kapakanan sa araw na banal.
Sa araw na ito'y mamamahinga kayo at huwag maglalakbay,
    o gagawa o mag-uusap ng tungkol sa mga bagay na walang kabuluhan.
14 At kung magkagayon, madarama ninyo ang kagalakan ng paglilingkod sa akin.
    Bibigyan ko kayo ng karangalan sa harap ng buong daigdig;
at tatamasahin ninyo ang kaligayahan habang naninirahan sa lupaing ibinigay ko sa ninuno ninyong si Jacob.
    Mangyayari ito sapagkat akong si Yahweh ang nagsabi nito.”

Hinatulan ang Pang-aapi at Walang Katarungan

59 Tingnan ninyo, si Yahweh ay may kakayahan upang iligtas ka;
    siya'y hindi bingi upang hindi marinig ang inyong hinaing.
Ang masasama ninyong gawa ang dahilan ng pagkawalay ninyo sa Diyos.
Nagkasala kayo kaya hindi ninyo siya makita,
    at hindi niya kayo marinig.
Natigmak sa dugo ang inyong mga kamay,
    ang inyong mga daliri'y sanhi ng katiwalian.
Ang inyong mga labi ay puno ng kasinungalingan;
    ang sinasabi ng inyong mga dila ay pawang kasamaan.

Hindi makatarungan ang inyong pagsasakdal sa hukuman;
    hindi rin matapat ang hatol ng inyong mga hukom.
Ang inyong batayan ay hindi tamang pangangatuwiran,
    at ang pananalita ninyo'y pawang kasinungalingan.
Ang iniisip ninyo'y pawang kaguluhan
    na nagiging sanhi ng maraming kasamaan.
Mga itlog ng ahas ang kanilang pinipisa,
    mga sapot ng gagamba ang kanilang hinahabi.
Sinumang kumakain ng itlog na ito'y mamamatay;
    bawat napipisa ay isang ulupong ang lumilitaw.
Hindi magagawang damit ang mga sapot,
    hindi nito matatakpan ang kanilang mga katawan.
Ang mga ginagawa nila'y kasamaan,
    pawang karahasan ang gawa ng kanilang mga kamay.
Mabilis(D) ang kanilang paa sa paggawa ng masama,
    nagmamadali sila sa pagpatay ng mga walang sala;
pawang kasamaan ang kanilang iniisip.
    Bakas ng pagkawasak ang kanilang iniiwan sa kanilang malalawak na lansangan.
Hindi nila alam ang landas patungo sa kapayapaan,
    wala silang patnubay ng katarungan;
liku-likong landas ang kanilang ginagawa;
    ang nagdaraan doo'y walang kapayapaan.

Inamin ng mga Tao ang Kanilang Kasalanan

Dahil dito, ang katarungan ay malayo sa amin,
    hindi namin alam kung ano ang katuwiran.
Alam na namin ngayon kung bakit hindi kami iniligtas ng Diyos, sa mga nagpahirap sa amin.
Umasa kaming liwanag ay darating, ngunit kadiliman ang aming kinasadlakan.
10 Tulad nami'y bulag na nangangapa sa paglakad,
    nadarapa kami tulad ng mga walang paningin.
Sa katanghaliang-tapat, kami'y natatalisod na para bang gabi na,
    parang kami'y nasa dilim tulad ng mga patay.
11 Umuungal tayong lahat na gaya ng mga oso;
    dumaraing tayo at nagdadalamhati tulad ng mga kalapati.
Ang hinihintay nating katarungan ay hindi dumarating.
    Nais nating maligtas sa kaapihan at kahirapan ngunit ang kaligtasan ay malayo.
12 Yahweh, maraming beses kaming naghimagsik laban sa iyo;
    inuusig kami ng aming mga kasalanan.
Alam naming kami'y naging makasalanan.
    Nalalaman namin ang aming mga pagkakasala.
13 Naghimagsik kami sa iyo, O Yahweh, at itinakwil ka namin
    at hindi na sumunod sa iyo.
Ang sinasabi namin ay pawang pang-aapi at pagtataksil;
    ang inuusal ng aming mga bibig ay mga kasinungalingan, na katha ng aming mga isip.
14 Itinakwil namin ang katarungan
    at lumayo kami sa katuwiran.
Ang katotohanan ay nahandusay sa mga liwasang-bayan,
    at hindi makapanaig ang katapatan.
15 Hindi matagpuan ang katotohanan,
    kaya nanganganib ang buhay ng mga tao, na ayaw gumawa ng kasamaan.

Humanda si Yahweh para Iligtas ang Kanyang Bayan

Nang makita ni Yahweh na wala nang katarungan,
    siya ay nalungkot.
16 Nakita(E) niya na wala kahit isang magmalasakit sa mga api.
Dahil dito'y gagamitin niya ang kanyang kapangyarihan
    upang sila'y iligtas, at siya'y magtatagumpay.
17 Ang(F) suot niya sa dibdib ay baluti ng katuwiran,
    at sa kanyang ulo naman ang helmet ng kaligtasan.
Paghihiganti ang kanyang kasuotan,
    at poot naman ang kanyang balabal.
18 Paparusahan niya ang mga kaaway ayon sa kanilang ginawa,
    kahit ang nasa malalayong lugar ay kanyang gagantihan.
19 Kaya katatakutan siya ng mga taga-kanluran,
    at dadakilain sa dakong silangan;
darating si Yahweh, tulad ng malakas na agos ng tubig,
    gaya ng ihip ng malakas na hangin.

20 Sinabi(G) ni Yahweh sa kanyang bayan,
“Pupunta ako sa Zion upang tubusin
    ang mga taong mula sa lahi ni Jacob na magsisisi sa kanilang kasalanan.
21 Ito ang aking kasunduan sa inyo,” sabi ni Yahweh.

“Ibinigay ko na ang aking kapangyarihan at mga katuruan upang sumainyo magpakailanman. Mula ngayon ay susundin ninyo ako at tuturuan ang inyong mga anak at salinlahi na sumunod sa akin sa buong panahong darating.”

Filipos 1:1-26

Mula(A) kina Pablo at Timoteo na mga lingkod[a] ni Cristo Jesus,

Para sa mga taga-Filipos na mga hinirang ng Diyos at sumasampalataya kay Cristo Jesus, gayundin sa mga tagapangasiwa[b] at mga tagapaglingkod:[c]

Sumainyo nawa ang kagandahang-loob at kapayapaan ng Diyos na ating Ama at ng Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Panalangin ni Pablo para sa mga Taga-Filipos

Nagpapasalamat ako sa aking Diyos tuwing naaalala ko kayo. Ako'y nagagalak tuwing ako'y nananalangin para sa inyong lahat, dahil sa inyong pakikiisa sa pagpapalaganap ng Magandang Balita tungkol kay Cristo, mula nang ito'y inyong tanggapin hanggang sa kasalukuyan. Natitiyak kong ang mabuting gawang pinasimulan sa inyo ng Diyos ay kanyang lulubusin hanggang sa Araw ni Jesu-Cristo.

Kayo'y laging nasa aking puso, kaya dapat lang na pahalagahan ko kayo nang ganito. Magkasama tayong tumanggap ng pagpapala ng Diyos, noon pa man nang ako'y malayang nagtatanggol at nagpapalaganap ng Magandang Balita at kahit ngayong ako'y nakabilanggo. Saksi ko ang Diyos na ang pananabik ko sa inyong lahat ay kagaya ng pagmamahal sa inyo ni Jesu-Cristo.

Idinadalangin ko sa Diyos na ang inyong pag-ibig ay patuloy na sumagana at masangkapan ng malinaw na kaalaman at pagkaunawa, 10 upang mapili ninyo ang pinakamahalaga sa lahat. Sa gayon, sa Araw ni Cristo ay matagpuan kayong malinis, walang kapintasan, 11 at sagana sa magagandang katangiang kaloob sa inyo ni Jesu-Cristo, sa ikararangal at ikadadakila ng Diyos.

Si Cristo ang Buhay

12 Mga kapatid, nais kong malaman ninyo na ang mga nangyari sa akin ay nakatulong nang malaki sa ikalalaganap ng Magandang Balita. 13 Nalaman(B) ng mga bantay sa palasyo at ng iba pang naririto na ako'y nabilanggo dahil sa pagsunod ko kay Cristo. 14 At ang karamihan sa mga kapatid ay lalong tumibay sa kanilang pananalig sa Panginoon dahil sa aking pagkabilanggo. Hindi lamang iyon, lalo pang lumakas ang kanilang loob na ipangaral ang salita ng Diyos.

15 Totoo nga na may ilang nangangaral tungkol kay Cristo dahil sa pagkainggit at pagkahilig sa pakikipagtalo, ngunit mayroon din namang nangangaral nang may tapat na hangarin. 16 Si Cristo'y ipinapangaral nila dahil sa tunay na pagmamahal, sapagkat alam nilang ako'y hinirang upang ipagtanggol ang Magandang Balita. 17 Ngunit ang iba ay nangangaral nang di tapat sa kalooban, kundi dahil sa udyok ng masamang hangarin, sapagkat hangad nilang dagdagan pa ang paghihirap ko sa aking pagkakabilanggo. 18 Ngunit walang anuman sa akin ang lahat ng iyon. Ikinagagalak ko na si Cristo ay naipapangaral, maging tapat man o hindi ang hangarin ng mga nangangaral.

Ang isa ko pang ikinagagalak 19 ay ang pag-asang ako'y makakalaya sa pamamagitan ng inyong mga panalangin at sa tulong ng Espiritu ni Jesu-Cristo. 20 Ang aking pinakananais at inaasahan ay ang hindi ako mapahiya sa anumang bagay; kundi sa lahat ng panahon, at lalo na ngayon, ay buong tapang kong maparangalan si Cristo sa buhay man o sa kamatayan. 21 Sapagkat para sa akin, ang buhay ay para kay Cristo at ang kamatayan ay pakinabang. 22 Kung ako'y mananatiling buháy, ito'y kapaki-pakinabang sapagkat marami pa akong magagawang mabubuting bagay. Hindi ko ngayon malaman kung alin ang aking pipiliin. 23 May pagtatalo sa loob ko; nais ko nang pumanaw sa mundong ito upang makapiling ni Cristo, sapagkat ito ang lalong mabuti. 24 Ngunit alang-alang sa inyo, mas kailangan pang manatili ako sa buhay na ito. 25 Dahil dito, natitiyak kong ako'y mabubuhay pa at makakasama ninyong lahat upang matulungan kayong magpatuloy nang may kagalakan sa inyong pananalig sa Panginoon. 26 Kung magkagayon, lalo ninyo akong maipagmamalaki at lalo ninyong pupurihin si Cristo Jesus dahil sa aking pagbabalik sa inyo.

Mga Awit 71

Panalangin ng Isang Matanda Na

71 Sa iyo lang, Panginoon, lubos akong nananalig,
    huwag mo akong pabayaang mapahiya at malupig.
Tulungan mo po ako sapagkat ikaw ay matuwid,
    ako sana ay sagipin, sa daing ko ay makinig.
Ikaw nawa ang muog ko, aking ligtas na kanlungan,
    matatag na kublihan ko at matibay na sanggalang.

Sa lahat ng masasama, O Diyos, ako'y ipaglaban,
    sa kuko ng mababagsik, huwag mo akong pabayaan.
Panginoon, sa iyo ko inilagak ang pag-asa,
    maliit pang bata ako, sa iyo'y may tiwala na.
Sa simula at mula pa wala akong inasahang
    sa akin ay mag-iingat, kundi tanging ikaw lamang;
    kaya naman ikaw, Yahweh, pupurihin araw-araw.

Sa marami ang buhay ko ay buhay na mahiwaga,
    malakas kang katulong ko na di nila maunawa;
kaya ako'y nagpupuri, nagpupuri buong araw,
    akin ngayong ihahayag ang taglay mong karangalan.
Ngayong ako'y matanda na huwag mo akong pabayaan,
    katawan ko'y mahina na kaya ako'y huwag iiwan.
10 Ang lahat ng kaaway ko, nais ako ay patayin,
    ang palaging balak nila ay ako ang kalabanin.
11 Ang kanilang sinasabi, ako raw ay iniwanan,
    iniwan na ako ng Diyos, kaya nila sinusundan;
    ako raw ay mabibihag dahil wala nang sanggalang.

12 Panginoon at aking Diyos, huwag mo akong lalayuan,
    lumapit ka sa piling ko't ako ngayon ay tulungan!
13 Nawa silang naghahangad na ako ay salakayin,
    lahat sila ay mawasak, at mabigo ang layunin!
Maging yaong mga taong tanging nais ako'y saktan,
    mapahamak sanang lahat, mag-ani ng kahihiyan.
14 Ako naman, samantala ay patuloy na aasa,
    patuloy na magpupuri, pupurihin ka tuwina.
15 Pagkat ikaw ay dakila, patuloy kong isasaysay,
    maghapon kong ihahayag ang dulot mong kaligtasan;
    hindi ko man nalalaman kung paanong ito'y gawin.
16 Pagkat ikaw, Panginoong Yahweh, malakas at makatuwiran,
    ihahayag ko sa madla, katangiang iyo lamang.
17 Mula pa sa pagkabata ako'y iyong tinuruan,
    hanggang ngayo'y hinahayag ang gawa mong kabutihan.
18 Matanda na't puti na ang aking buhok,
    huwag akong iiwanan, ang samo ko sa iyo, O Diyos.
Hayaan mong ihayag ko ang lakas mong tinataglay,
    samahan sa bawat lahing sa daigdig ay lilitaw.

19 Dakila ka, Panginoon, matuwid ka hanggang langit,
    dakila ang ginawa mo at wala kang makaparis.
20 Kahit na nga dinanas ko ang hirap at madlang sakit,
    subalit ang aking lakas ay muli mong ibinalik,
    upang ako'y di tuluyang sa libingan ay mabulid.
21 Tutulungan mo po ako at karangala'y dadagdagan,
    ako'y muli mong aliwin; iahon sa kahirapan.

22 Tutugtugin ko ang alpa't pupurihin kitang tunay,
    pupurihin kita, O Diyos, dahil sa iyong katapatan.
Mga imno ng papuri sa alpa ko'y tutugtugin,
    iuukol ko ang tugtog sa iyo, Banal na Diyos ng Israel.
23 Habang ako'y tumutugtog ay sisigaw na may galak,
    masigla kong aawiting: “Ako'y iyong iniligtas.”
24 Maghapon kong isasaysay, O Diyos, ang iyong katarungan,
    yamang lahat na nagtangka, sa lingkod mo ay nasaktan,
    lahat sila ay nabigo't humantong sa kahihiyan.

Mga Kawikaan 24:9-10

Anumang pakana ng masama ay kasalanan, at kinamumuhian ng tao ang nanunuya sa kapwa.

-24-

10 Kung hindi ka makatagal sa panahon ng kahirapan ay nangangahulugan ngang ikaw ay mahina.