Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CEV. Switch to the CEV to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Levitico 14

Paglilinis Matapos Gumaling sa Sakit sa Balat

14 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Ganito(A) naman ang tuntunin sa paglilinis ng taong may sakit sa balat na parang ketong. Sa araw na siya'y lilinisin, haharap siya sa pari sa labas ng kampo at susuriin. Kung magaling na ang maysakit, magpapakuha ang pari ng dalawang ibong buháy at malinis, kapirasong kahoy na sedar, pulang lana at hisopo. Ipapapatay sa kanya ng pari ang isang ibon sa tapat ng isang bangang may tubig na galing sa bukal. Itutubog niya sa dugo nito ang ibong buháy, ang kahoy na sedar, ang pulang lana at ang hisopo. Ang dugo ay iwiwisik nang pitong beses sa taong may sakit sa balat at ipahahayag siya ng pari bilang malinis. Pagkatapos, paliliparin niya sa kabukiran ang ibong buháy. Lalabhan ng nagkasakit ang kanyang damit, siya'y magpapakalbo at maliligo, sa gayon, ituturing na siyang malinis. Pahihintulutan na siyang makapasok sa kampo ngunit mananatili pang pitong araw sa labas ng kanyang tolda. At sa ikapitong araw, aahitin niyang muli ang lahat ng buhok niya sa ulo, ang kanyang balbas at kilay at lahat ng balahibo sa katawan. Lalabhan niya ang kanyang damit at siya'y maliligo; sa gayon, magiging malinis siya.

10 “Sa ikawalong araw, magdadala siya ng tatlong tupa na isang taóng gulang at walang kapintasan; dalawa nito'y lalaki. Magdadala rin siya ng isa't kalahating salop ng mainam na harina na may halong langis at 1/3 litrong langis bilang handog na pagkaing butil. 11 Dala ang kanyang handog, isasama siya ng pari sa harapan ni Yahweh sa may pintuan ng Toldang Tipanan. 12 Itataas ng pari sa harapan ni Yahweh ang isang lalaking tupa at ang 1/3 litrong langis bilang natatanging handog na pambayad sa kasalanan. 13 Papatayin ang tupa doon sa lugar na pinagpapatayan ng mga handog para sa kapatawaran ng kasalanan at handog na susunugin sa loob ng lugar na banal. Ang handog na pambayad sa kasalanan, tulad ng handog para sa kapatawaran ng kasalanan, ay para sa pari at napakabanal. 14 Kukuha ang pari ng dugo ng handog na pambayad sa kasalanan at papahiran niya ang lambi ng kanang tainga at ang hinlalaki ng kanang kamay at paa ng taong nililinis. 15 Pagkatapos, kukunin ng pari ang langis at magbubuhos ng kaunti sa kanyang kaliwang palad. 16 Isasawsaw niya rito ang isang daliri sa kanyang kanang kamay at pitong beses niyang wiwisikan ang harap ng altar. 17 Kukuha pa siya ng kaunting langis sa kanyang palad at kaunting dugo mula sa handog na pambayad sa kasalanan at ipapahid niya ito sa lambi ng tainga at sa hinlalaki ng kamay at paa ng taong nililinis. 18 Ang natirang langis sa kanyang palad ay ipapahid niya sa ulo ng taong nililinis bilang handog kay Yahweh para sa kapatawaran ng kasalanan.

19 “Iaalay ng pari ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan at sa pamamagitan nito'y tutubusin ang taong nililinis. Pagkatapos, papatayin niya ang handog na susunugin 20 at ihahandog niya ito sa altar kasama ng handog na pagkaing butil. Sa gayon, matutubos ang taong iyon at magiging malinis.

21 “Kung dukha ang taong maghahandog, mag-aalay siya ng isang tupang lalaki bilang natatanging handog na pambayad sa kasalanan, kalahating salop ng harinang may halong langis bilang handog na pagkaing butil at 1/3 litrong langis. 22 Mag-aalay rin siya ng dalawang batu-bato o kalapati, ayon sa kanyang kaya; ang isa'y handog para sa kasalanan at handog na susunugin naman ang isa. 23 Pagdating ng ikawalong araw, dadalhin niya ang kanyang mga handog sa harapan ni Yahweh sa may pintuan ng Toldang Tipanan. 24 Kukunin at itataas ng pari sa harapan ni Yahweh ang tupang lalaki at ang 1/3 litrong langis bilang handog na pambayad sa kasalanan. 25 Ang tupa'y papatayin ng pari, kukuha siya ng dugo nito at ipapahid sa lambi ng kanang tainga at hinlalaki ng kanang kamay at paa ng maghahandog. 26 Magbubuhos ang pari ng kaunting langis sa kaliwang palad niya, 27 isasawsaw ang isang daliri sa kanyang kanang kamay at pitong beses niyang wiwisikan ang harap ng altar. 28 Papahiran din niya ng kaunting langis ang lambi ng kanang tainga at ang hinlalaki ng kanang kamay at paa ng taong gumaling sa sakit, doon sa mismong bahaging pinahiran ng dugong galing sa handog na pambayad sa kasalanan. 29 Ang natirang langis sa kanyang palad ay ipapahid niya sa ulo ng taong iyon bilang pantubos sa kanya sa harapan ni Yahweh. 30 Ihahandog din niya ang dalawang batu-bato o kalapati na kanyang nakayanan; 31 ang isa nito'y para sa kasalanan at ang isa naman ay para sa handog na susunugin kasama ang handog na pagkaing butil. Ito ang gagawin ng pari upang linisin ang nagkasakit. 32 Ganito ang tuntunin na dapat sundin para sa taong may sakit sa balat na parang ketong at hindi kayang maghandog ng ukol dito.”

Ang Paglilinis ng Amag na Kumakalat sa Bahay

33 Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron: 34 “Pagdating ninyo sa Canaan, sa lupaing ibibigay ko sa inyo, at magkaroon ng amag[a] na kumakalat ang bahay na tinitirhan ninyo, 35 kailangang ipagbigay-alam agad ito sa pari. 36 Ipapaalis ng pari ang lahat ng kasangkapan doon bago siya magsiyasat; kung hindi, ituturing ding marumi ang mga bagay na naroon. Pagkatapos, papasok na siya upang magsiyasat. 37 Kung makita niyang may mga palatandaang bahid sa mga dingding, maging ang kulay ay berde o pula, 38 lalabas agad siya at pitong araw niyang ipasasara ang bahay na iyon. 39 Babalik siya sa ikapitong araw at kung ang bahid ay humawa sa dingding ng bahay, 40 ipapabakbak niya ang mga batong may bahid at ipapatapon sa labas ng bayan, sa tambakan ng dumi. 41 Ipapabakbak din ang palitada ng loob ng bahay at itatapon sa tambakan ng basura ang lahat ng duming makukuha. 42 Ang mga batong binakbak sa loob ng bahay ay papalitan ng bago at papalitadahan nang panibago ang loob ng bahay.

43 “Kung ang amag ay lumitaw na muli sa bahay matapos gawin ang lahat ng ito, 44 magsisiyasat muli ang pari. Kung ang amag ay kumalat, ipahahayag na niyang marumi ang bahay na iyon. 45 Ipasisira na niya ito nang lubusan at ipatatambak sa labas ng bayan sa tapunan ng basura. 46 Ang sinumang pumasok sa tahanang iyon habang nakasara ay ituturing na marumi hanggang gabi. 47 Ang sinumang kumain o matulog doon ay dapat magbihis at maglaba ng damit na kanyang sinuot.

48 “Kung makita ng pari na hindi naman kumakalat ang amag pagkatapos palitadahang muli ang bahay, ipahahayag niyang ito'y malinis na. 49 Upang lubos itong luminis, kukuha ang pari ng dalawang ibon, kapirasong kahoy na sedar, pulang lana at hisopo. 50 Papatayin niya ang isa sa mga ibon at ang dugo nito'y patutuluin sa isang bangang may tubig na galing sa bukal. 51 Ang kapirasong sedar, ang pulang lana, ang hisopo at ang buháy na ibon ay itutubog niya sa banga. Pagkatapos, wiwisikan niya ng pitong beses ang bahay. 52 Sa gayon, magiging malinis na ito. 53 Pakakawalan naman niya sa kaparangan ang buháy na ibon. Sa gayon, matutubos ang bahay at muling ituturing na malinis.”

54 Ito ang mga tuntunin tungkol sa sakit sa balat na parang ketong at pangangati: 55 sa amag sa damit o sa bahay, at 56 sa namamaga o anumang tumutubong sugat. 57 Ito ang mga tuntunin upang malaman kung ang isang tao o bagay ay malinis o marumi.

Marcos 6:30-56

Ang Pagpapakain sa Limanlibo(A)

30 Bumalik kay Jesus ang mga apostol at iniulat nila sa kanya ang lahat ng kanilang ginawa at itinuro. 31 Subalit napakaraming taong dumarating at umaalis, at hindi na nila makuhang kumain. Kaya't sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Magpunta tayo sa hindi mataong lugar upang makapagpahinga kayo nang kaunti.” 32 Umalis nga silang sakay ng isang bangka, at nagpunta sa isang liblib na lugar.

33 Ngunit maraming nakakita sa kanilang pag-alis at nakaalam kung saan sila pupunta. Kaya't ang mga tao mula sa lahat ng bayan ay patakbong pumunta sa lugar na iyon at naunahan pa nila sina Jesus. 34 Pagbaba(B) ni Jesus sa bangka, nakita niya ang napakaraming tao. Nahabag siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol, kaya't sila'y tinuruan niya ng maraming bagay. 35 Nang dapit-hapon na, lumapit sa kanya ang mga alagad at sinabi, “Liblib ang pook na ito at malapit nang lumubog ang araw. 36 Paalisin na po ninyo ang mga tao upang makapunta sila sa mga karatig-nayon at bayan upang makabili ng pagkain.”

37 Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus, “Bigyan ninyo sila ng makakain.”

Sumagot ang mga alagad, “Nais po ba ninyong bumili kami ng pagkain sa halagang dalawandaang salaping pilak?”[a]

38 “Ilan ang dala ninyong tinapay? Tingnan nga ninyo,” utos niya.

Pagkatapos tingnan ay kanilang sinabi, “Lima po, at dalawang isda.”

39 Iniutos ni Jesus sa mga alagad na paupuin nang pangkat-pangkat ang mga tao sa damuhan. 40 Kaya't naupo ang mga tao nang tig-iisang daan at tiglilimampu bawat grupo. 41 Kinuha ni Jesus ang limang tinapay at dalawang isda; tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Hinati-hati niya ang mga tinapay at ibinigay sa kanyang mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. Hinati-hati rin niya ang dalawang isda at ipinamahagi rin nila. 42 Ang lahat ay nakakain at nabusog, 43 at nang tipunin ng mga alagad ang lumabis na tinapay at isda, nakapuno pa sila ng labindalawang kaing. 44 May limanlibong lalaki ang kumain [ng tinapay].[b]

Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(C)

45 Agad pinasakay ni Jesus sa bangka ang kanyang mga alagad. Sila ay pinauna niya sa Bethsaida, sa kabilang ibayo ng lawa, habang pinapauwi naman niya ang mga tao. 46 Matapos magpaalam, umakyat siya sa bundok upang manalangin.

47 Pagsapit ng gabi, nasa laot na ang bangka, habang si Jesus ay nag-iisa sa pampang. 48 Nakita niyang nahihirapan sa pagsagwan ang kanyang mga alagad dahil pasalungat sila sa ihip ng hangin. Nang madaling-araw na, sumunod sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Nang malalampasan na niya ang mga alagad,[c] 49 nakita ng mga ito na siya ay lumalakad sa ibabaw ng tubig. Akala nila siya ay isang multo kaya sila ay nagsisigaw. 50 Takot na takot silang lahat, ngunit agad na sinabi ni Jesus sa kanila, “Huwag kayong matakot. Ako ito! Lakasan ninyo ang inyong loob!” 51 Sumakay siya sa bangka at pumayapa ang hangin. Sila'y lubhang namangha 52 sapagkat hindi pa nila nauunawaan ang tungkol sa pagpapakain ng tinapay; hindi pa ito abot ng kanilang isip.

Pinagaling ni Jesus ang mga Maysakit sa Genesaret(D)

53 Tumawid sila sa ibayo at pagdating sa Genesaret ay dumaong sila sa pampang. 54 Pagbabang-pagbaba nila, nakilala agad siya ng mga tao. 55 Kaya't nagmadaling nagpuntahan ang mga tao sa mga karatig-pook. Saanman nila mabalitaang naroon si Jesus, dinadala nila ang mga maysakit na nakaratay sa higaan. 56 At saan man siya pumunta, sa nayon, sa lungsod, o sa kabukiran, agad na inilalapit sa kanya ang mga may karamdaman at ipinapakiusap sa kanya na mahawakan man lamang nila ang laylayan ng kanyang damit. At ang lahat ng makahawak dito ay gumagaling.

Mga Awit 40:1-10

Awit ng Pagpupuri

Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

40 Sa Diyos na si Yahweh, mat'yagang naghintay,
    ang aking panaghoy, kanyang pinakinggan;
sa balong malalim na lubhang maputik,
    iniahon niya at doo'y inalis.
Ligtas na dinala sa malaking bato,
    at naging panatag, taglay na buhay ko.
Isang bagong awit, sa aki'y itinuro,
    papuri sa Diyos, ang awit ng puso;
matatakot ang bawat makakasaksi,
    at magtitiwala sa Diyos na si Yahweh.
Mapalad ang taong, kay Yahweh'y tiwala,
    at sa diyus-diyosa'y hindi dumadapa;
    hindi sumasama sa nananambahan, sa mga nagkalat na diyus-diyosan.
Yahweh, aking Diyos, wala kang katulad
    sa maraming bagay na iyong ginanap;
kung pangahasan kong sabihin ang lahat,
    nangangamba akong may makalimutan.

Ang(A) mga pang-alay, pati mga handog, at ang mga hayop na handang sunugin,
    hindi mo na ibig sa dambana dalhin, handog na sinusunog at mga kaloob
    hindi mo naisin, upang sala'y iyong patawarin.
Sa halip, ang iyong kaloob sa akin ay pandinig ko upang ika'y dinggin.
    Kaya ang tugon ko, “Ako'y naririto;
    nasa Kautusan ang mga turo mo.
Ang nais kong sundi'y iyong kalooban;
    aking itatago sa puso ang aral.”

Ang pagliligtas mo'y aking inihayag,
    saanman magtipon ang iyong mga anak;
    di ako titigil ng pagpapahayag.
10 Ang pagliligtas mo'y ipinagsasabi,
    di ko inilihim, hindi ko sinarili;
pati pagtulong mo't pag-ibig na tapat,
    sa mga lingkod mo'y isinisiwalat.

Mga Kawikaan 10:11-12

11 Ang bibig ng matuwid ay bukal ng buhay,
    ngunit labi ng masama ay nagtatakip ng karahasan.
12 Sari-saring(A) kaguluhan ang bunga ng kapootan,
    ngunit ang pag-ibig ay pumapawi sa lahat ng kasalanan.