Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Obadias

Ang aklat na ito ay naglalaman ng pangitaing ibinigay ng Panginoong Yahweh kay Propeta Obadias tungkol sa Edom.

Paparusahan ni Yahweh ang Edom

May narinig kaming ulat buhat sa Panginoong Yahweh;
    may isang sugo na ipinadala sa mga bansa:
    “Humanda kayo at ang Edom ay salakayin!”
Sinabi ni Yahweh sa Edom,
    “Gagawin kitang pinakamahinang bansa,
    at kamumuhian ka ng lahat ng mga tao.
Nilinlang ka ng iyong kayabangan;
dahil ang kapitolyo mo'y nakatayo sa batong buháy;
    dahil ang tahanan mo'y nasa matataas na kabundukan.
Kaya't sinasabi mo,
    ‘Sinong makakapagpabagsak sa akin?’”
Kasintaas man ng pugad ng agila ang iyong bahay,
    o maging ang mga bituin man ay iyong kapantay,
    hahatakin kitang pababa at ikaw ay babagsak.

“Kung sa gabi'y dumating ang magnanakaw,
    ang kinukuha lamang nila'y ang kanilang magustuhan.
Kapag ang mga tao'y namimitas ng ubas,
    kahit kaunting bunga'y nagtitira sila.
Ngunit ang mga kaaway mo'y walang ititira kahit isa.
O lahi ni Esau, ang yaman mo'y sasamsamin;
    at ang lahat ng sa iyo'y kukuhanin.
Nilinlang ka ng iyong mga kapanalig,
    itinaboy ka mula sa iyong lupain.
Nasasakop ka na ngayon ng iyong mga kakampi.
    Ang iyong mga kaibigang noo'y kasalo, ngayo'y naglagay ng patibong para sa iyo;
    at kanila pang sinasabi, ‘Nasaan na ang kanyang katusuhan?’”
Sinabi ni Yahweh:
“Darating ang araw na paparusahan ko ang Edom,
    lilipulin ko ang kanyang mga matatalinong tao,
    at ang kaalaman nila'y aking papawiin.
Mga mandirigma ng Teman ay pawang nasisindak,
    at ang mga kawal ng Edom ay malilipol na lahat.

Bakit Pinarusahan ang Edom

10 “Dahil sa ginawa mong karahasan sa angkan ng kapatid mong si Jacob,
    sa kahihiya'y malalagay ka,
    at mahihiwalay sa akin magpakailanman.
11 Pinanood mo lamang sila,
    nang araw na pasukin ng mga kaaway.
Kasinsama ka ng mga dayuhan
    na nananamsam at naghahati-hati
    sa kayamanan ng Jerusalem na kanilang tinangay.
12 Hindi mo dapat ikinatuwa ang[a] kapahamakang sinapit
    ng iyong mga kapatid sa lupain ng Juda.
Hindi ka dapat nagalak sa araw ng kanilang pagkawasak;
hindi ka dapat naging palalo sa araw ng kanilang kasawian.
13 Hindi mo dapat pinasok ang lunsod ng aking bayan,
    ni pinagtawanan ang kanilang kasawian.
At sinamsam mo pa ang kanilang kayamanan
    sa panahon ng kanilang kapahamakan.
14 Hindi(A) ka dapat nag-abang sa mga sangang-daan
    upang ang mga pugante doon ay hadlangan.
Hindi mo na dapat sila ibinigay sa kalaban
    sa araw na iyon ng kanilang kapahamakan.

Hahatulan ng Diyos ang mga Bansa

15 “Malapit na ang araw ng aking paghatol sa lahat ng bansa,” sabi ni Yahweh.
“Ang ginawa mo Edom, sa iyo'y gagawin din;
    ang ibinigay mo sa iba, siya mo ring tatanggapin.
16 Sa banal na bundok ko ay nalasap ng aking bayan
    ang mapait na alak na sa kanila'y kaparusahan.
Ngunit ang mga bayan na dito'y nakapaligid,
    higit na parusa ang kanilang matitikman;
    iinom sila nito at lubos na mapaparam.

Ang Tagumpay ng Israel

17 “Ngunit sa Bundok Zion ay may ilang makakatakas,
    at ang bundok na ito'y magiging banal na dako.
Muling aariin ng lahi ni Jacob
    ang lupaing sa kanila ay ipinagkaloob.
18 At maglalagablab naman ang lahi ni Jose.
    Lilipulin nila ang lahi ni Esau,
    at susunugin ito na parang dayami.
    Walang matitira isa man sa kanila.
Akong si Yahweh ang maysabi nito.

19 “Sasakupin ng mga taga-Negeb ang Bundok ng Edom.
    Sasakupin ng mga nasa kapatagan ang lupain ng mga Filisteo.
Makukuha nila ang lupain ng Efraim at Samaria.
    Ang Gilead nama'y sasakupin ng lahi ni Benjamin.
20 Magbabalik ang hukbong binubuo ng mga dinalang-bihag, sila na nagmula sa hilagang Israel.
    Sila ang sasakop sa lupain ng Fenicia hanggang sa Zarefat doon sa hilaga.
Ang mga taga-Jerusalem na itinapon sa Sardis[b]
    ang siya namang sasakop sa mga lunsod sa timog ng Juda.
21 Ang matagumpay na hukbo ng Jerusalem,
    sasalakay sa Edom at doo'y mamamahala.
Si Yahweh mismo ang doo'y maghahari.”

Pahayag 9

Hinipan ng ikalimang anghel ang kanyang trumpeta at nakita kong nahulog sa lupa ang isang bituin; ibinigay rito ang susi sa bukana ng napakalalim na hukay. Binuksan(A) ng bituin ang napakalalim na hukay at may lumabas na makapal na usok, tulad ng usok ng malaking hurno, kaya't nagdilim ang araw at ang himpapawid. Mula sa usok ay(B) may naglabasang mga balang na kumalat sa lupa. Binigyan sila ng kapangyarihang tulad ng sa mga alakdan. Ipinagbilin(C) sa kanila na huwag sirain ang mga damo, punongkahoy o anumang halaman. Ang mga tao lamang na walang tatak ng Diyos sa noo ang maaari nilang saktan. Hindi pinahintulutan ang mga balang na patayin ang mga taong ito, kundi pahirapan lamang sa loob ng limang buwan. Parang kagat ng alakdan ang kirot na dulot ng mga balang na ito. Sa(D) loob ng panahong iyon, hahanapin ng mga tao ang kamatayan ngunit hindi ito matatagpuan. Nanaisin nila ang kamatayan ngunit lalayuan sila nito.

Ang(E) anyo ng mga balang ay tulad sa mga kabayong handa na sa pakikipagdigma. Sa kanilang ulo ay may parang koronang ginto, at parang mukha ng tao ang kanilang mukha. Parang(F) buhok ng babae ang kanilang buhok at parang ngipin ng leon ang kanilang mga ngipin. Natatakpan(G) ng parang mga baluting bakal ang kanilang dibdib at ang pagaspas ng kanilang pakpak ay parang dagundong ng maraming karwaheng hila ng mga kabayong lulusob sa labanan. 10 Sila ay may mga buntot na may tulis gaya ng sa alakdan. Nasa buntot nila ang kapangyarihang manakit ng mga tao sa loob ng limang buwan. 11 Ang pinuno nila'y ang anghel na bantay sa napakalalim na hukay. Ang kanyang pangalan sa wikang Hebreo ay Abadon,[a] at sa wikang Griego'y Apolion.[b]

12 Nakaraan na ang unang lagim; dalawa pang lagim ang darating.

13 Hinipan(H) ng ikaanim na anghel ang kanyang trumpeta at nakarinig ako ng tinig mula sa mga sulok ng gintong dambana na nasa harapan ng Diyos. 14 Iniutos nito sa ikaanim na anghel na may trumpeta, “Kalagan mo ang apat na anghel na nakagapos sa tabi ng malaking Ilog Eufrates.” 15 At pinalaya ang apat na anghel upang patayin nila ang ikatlong bahagi ng sangkatauhan; talagang inihanda sila para sa oras, araw, buwan at taóng ito. 16 Narinig ko na ang bilang ng hukbong nakakabayo ay dalawandaang milyon (200,000,000). 17 Sa(I) aking pangitain ay nakita ko ang mga kabayo, at ang mga dibdib ng mga sakay nito ay may mapulang baluti na gaya ng apoy, asul na gaya ng safiro, at dilaw na parang asupre. Ang mga ulo ng mga kabayo ay parang ulo ng leon, at ang kanilang bibig ay bumubuga ng apoy, usok at asupre. 18 Ang ikatlong bahagi ng sangkatauhan ay pinatay ng tatlong salot na ito: ang apoy, usok at asupre na nagmula sa bibig ng mga kabayo. 19 Sapagkat ang kapangyarihan ng mga kabayo'y nasa kanilang mga bibig at mga buntot. Ang kanilang mga buntot ay parang ahas na may ulo, na siyang ginagamit nila sa pananakit ng tao.

20 Ang(J) natira sa sangkatauhan na hindi namatay sa mga salot na ito ay hindi nagsisi. Hindi sila tumalikod ni tumigil man sa pagsamba sa mga demonyo at sa mga diyus-diyosang ginawa ng kanilang kamay, mga larawang ginto, pilak, tanso, bato at kahoy, na di nakakakita, nakakarinig o nakakalakad man. 21 Ni hindi rin nila pinagsisihan ang kanilang mga pagpatay, pangkukulam, pakikiapid at pagnanakaw.