Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the Gospels in 40 Days

Read through the four Gospels--Matthew, Mark, Luke, and John--in 40 days.
Duration: 40 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Lucas 7-9

Pinagaling ang Alipin ng Kapitang Romano(A)

Matapos sabihin ni Jesus ang mga ito sa mga tao, pumunta siya sa bayan ng Capernaum. Doon ay may isang kapitang Romano na may aliping mahal sa kanya. May sakit ang aliping ito at nasa bingit ng kamatayan. Nang mabalitaan ng kapitan ang tungkol kay Jesus, nagsugo siya ng ilang mga pinuno ng mga Judio upang pakiusapan si Jesus na dalawin at pagalingin ang alipin. Paglapit ng mga sugo kay Jesus, taimtim silang nakiusap sa kanya at sinabi, “Siya po'y karapat-dapat na pagbigyan ninyo sapagkat mahal niya ang ating bansa. Sa katunayan nga po, ipinagpatayo niya tayo ng isang sinagoga.”

Sumama sa kanila si Jesus, ngunit nang malapit na siya sa bahay ay nasalubong niya ang mga kaibigan ng kapitan. Sila ay sinugo ng kapitan upang ipasabi kay Jesus ang ganito: “Ginoo, huwag na po kayong mag-abala. Hindi po ako karapat-dapat na puntahan pa ninyo sa aking tahanan, ni hindi rin po ako karapat-dapat na humarap sa inyo. Ngunit magsalita lamang po kayo at gagaling na ang aking alipin. Ako po ay nasa ilalim ng mga nakakataas sa akin at may nasasakupan naman akong mga kawal. Kapag sinabi ko sa isa, ‘Pumunta ka roon!’ pumupunta siya; at kapag sinabi ko naman po sa isa, ‘Halika!’ siya'y lumalapit. Kapag sinabi ko po sa aking alipin, ‘Gawin mo ito!’ ginagawa niya iyon.”

Namangha si Jesus nang marinig ito, kaya't humarap siya sa napakaraming taong sumusunod sa kanya at sinabi, “Kahit na sa Israel ay hindi ako nakakita ng ganito kalaking pananampalataya.”

10 Pagbalik nila sa bahay, naratnan ng mga isinugo na magaling na nga ang alipin.

Muling Binuhay ang Anak ng Isang Biyuda

11 Pagkatapos nito, nagpunta naman si Jesus sa isang bayang tinatawag na Nain. Sumama sa kanya ang mga alagad at ang napakaraming tao. 12 Nang malapit na siya sa pintuan ng bayan, may isang lalaking namatay na dala ng mga tao patungo sa libingan. Ito ay kaisa-isang anak na lalaki ng isang biyuda. Napakaraming tao mula sa bayan ang sumama upang makipaglibing. 13 Nahabag ang Panginoon nang kanyang makita ang ina ng namatay kaya't sinabi niya rito, “Huwag kang umiyak.” 14 Nilapitan niya at hinipo ang kabaong at tumigil ang mga may pasan nito. Sinabi niya, “Binata, sinasabi ko sa iyo, bumangon ka!”

15 Bumangon ang patay at nagsalita; at siya'y ibinigay ni Jesus sa kanyang ina.

16 Natakot ang lahat at sila'y nagpuri sa Diyos. Sabi nila, “Dumating sa atin ang isang dakilang propeta! Dinalaw ng Diyos ang kanyang bayan!”

17 At kumalat sa buong Judea at sa palibot na lupain ang balitang ito tungkol sa ginawa ni Jesus.

Ang mga Sugo ni Juan na Tagapagbautismo(B)

18 Ibinalita kay Juan ng kanyang mga alagad ang lahat ng mga pangyayaring ito. Kaya't tinawag ni Juan ang dalawa sa kanila 19 at pinapunta sa Panginoon[a] upang itanong kung siya na nga ang ipinangakong darating, o kung maghihintay pa sila ng iba. 20 Pagdating doo'y sinabi nila kay Jesus, “Pinapunta po kami dito ni Juan na Tagapagbautismo upang itanong kung kayo na nga ang darating, o maghihintay pa kami ng iba.” 21 Nang oras na iyon, pinagaling ni Jesus ang maraming taong may sakit, may karamdaman at sinasapian ng masasamang espiritu. Maraming mga bulag ang binigyan niya ng paningin. 22 Kaya't(C) sinabi niya sa mga sugo ni Juan, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin ninyo sa kanya ang inyong nakita at narinig; nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga pilay, gumagaling at lumilinis ang mga ketongin, nakakarinig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinapangaral sa mga dukha ang Magandang Balita. 23 Pinagpala ang taong hindi nag-aalinlangan sa akin!”

24 Pagkaalis ng mga sugo, nagsalita si Jesus sa mga tao tungkol kay Juan, “Bakit kayo pumunta sa ilang? Ano ang ibig ninyong makita? Isang halamang tambo na inihahapay ng hangin? 25 Ano nga ba ang inyong dinayo roon? Isang taong may magarang damit? Ang mga nagdaramit ng mamahalin at namumuhay sa karangyaan ay nasa palasyo ng mga hari. 26 Ano nga ang inyong dinayo? Isang propeta? Oo. At sinasabi ko sa inyo, siya'y higit pa sa isang propeta. 27 Sapagkat(D) si Juan ang tinutukoy ng kasulatan:

‘Narito, ipinapadala ko ang aking sugo na mauuna sa iyo,
    upang ihanda ang iyong daraanan.’

28 Sinasabi ko sa inyo, wala pang isinilang na mas dakila kaysa kanya. Ngunit mas dakila kay Juan ang pinakamababa sa kaharian ng Diyos.”

29 Ang(E) lahat ng mga taong nakarinig sa kanya, pati na ang mga maniningil ng buwis ay nagpuri sa Diyos. Ang mga ito'y binautismuhan ni Juan. 30 Ngunit ang mga Pariseo at ang mga dalubhasa sa Kautusan ay tumanggi sa layunin ng Diyos para sa kanila sapagkat ayaw nilang magpabautismo kay Juan.

31 Sinabi pa ni Jesus, “Kanino ko maihahambing ang mga tao ngayon? Ano ang nakakatulad nila? 32 Ang katulad nila'y mga batang nakaupo sa palengke at sumisigaw sa kanilang mga kalaro,

‘Tinugtugan namin kayo ng plauta, ngunit hindi kayo sumayaw!
Umawit kami ng panaghoy, ngunit hindi kayo umiyak!’

33 Sapagkat nang dumating si Juan na Tagapagbautismo, siya'y nag-aayuno at hindi umiinom ng alak; at ang sabi ninyo, ‘Sinasapian ng demonyo ang taong iyan!’ 34 Nang dumating naman ang Anak ng Tao, siya'y kumakain at umiinom, ngunit sinasabi naman ninyo, ‘Tingnan ninyo ang taong iyan! Matakaw, lasenggo at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan!’ 35 Ngunit ang karunungan ng Diyos ay napatutunayang tama sa pamamagitan ng mga tumatanggap nito.”

Binuhusan ng Pabango ang mga Paa ni Jesus

36 Inanyayahan si Jesus ng isa sa mga Pariseo upang makasalo niya. Pumunta naman siya sa bahay nito at dumulog sa hapag. 37 Sa(F) bayang iyon ay may isang babaing makasalanan. Nabalitaan niyang kumakain si Jesus sa bahay ng Pariseo, kaya't nagdala siya ng pabangong nasa sisidlang alabastro. 38 Lumapit siya sa likuran ni Jesus sa gawing paanan. Umiiyak na binasâ niya ng kanyang mga luha ang mga paa ni Jesus. Pinunasan niya ng kanyang sariling buhok, hinalikan, at binuhusan ng pabango ang mga paa nito. 39 Nang ito'y makita ng Pariseong nag-anyaya kay Jesus, nasabi nito sa sarili, “Kung totoong propeta ang taong ito, dapat ay alam niya na ang babaing humahawak sa kanyang paa ay isang makasalanan.”

40 Bilang tugon sa iniisip ni Simon, sinabi ni Jesus, “Simon, may sasabihin ako sa iyo.”

“Ano po iyon, Guro?” sagot niya.

41 Sinabi ni Jesus, “May dalawang taong may utang sa isang nagpapahiram ng pera; limang daang salaping pilak ang inutang ng isa, at limampung salaping pilak naman ang sa ikalawa. 42 Nang hindi sila makabayad, kapwa sila pinatawad. Ngayon, sino kaya sa kanila ang higit na magmamahal sa pinagkautangan?”

43 Sumagot si Simon, “Sa palagay ko po'y ang pinatawad sa mas malaking utang.”

“Tama ang sagot mo,” tugon ni Jesus. 44 Nilingon niya ang babae at sinabi kay Simon, “Nakikita mo ba ang babaing ito? Pumasok ako sa iyong bahay at hindi mo man lamang ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa; ngunit hinugasan niya ng luha ang aking mga paa at pinunasan ang mga ito ng sarili niyang buhok. 45 Hindi mo ako hinalikan; ngunit siya, mula nang pumasok ay hindi tumigil ng kahahalik sa aking mga paa. 46 Hindi mo nilagyan ng langis ang aking ulo, subalit binuhusan niya ng pabango ang aking mga paa. 47 Kaya't sinasabi ko sa iyo, malaki ang kanyang pagmamahal sapagkat maraming kasalanan ang pinatawad sa kanya; ngunit ang pinatawad ng kaunti ay kaunti rin ang pagmamahal.”

48 At sinabi niya sa babae, “Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.”

49 At ang kanyang mga kasalo sa pagkain ay nagsimulang magtanong sa sarili, “Sino ba itong nangangahas na magpatawad ng kasalanan?”

50 Ngunit sinabi ni Jesus sa babae, “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya. Umuwi ka na.”

Mga Babaing Naglilingkod kay Jesus

Pagkatapos nito, nilibot ni Jesus ang mga bayan at nayon sa paligid. Nangangaral siya at nagtuturo ng Magandang Balita tungkol sa kaharian ng Diyos. Kasama niya ang Labindalawa at(G) ilang babaing pinagaling niya sa masasamang espiritu at sa kanilang mga karamdaman: si Maria na tinatawag na Magdalena (mula sa kanya'y pitong demonyo ang pinalayas), si Juana na asawa ni Cusa na katiwala ni Herodes, si Susana, at marami pang iba. Tinustusan ng mga ito mula sa sarili nilang ari-arian ang mga pangangailangan ni Jesus at ng kanyang mga alagad.

Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik(H)

Nagdatingan ang mga tao mula sa iba't ibang bayan at sila'y lumapit kay Jesus. Isinalaysay ni Jesus ang talinghagang ito:

“Isang magsasaka ang pumunta sa bukid upang maghasik. Sa kanyang paghahasik, may binhing nalaglag sa daan, natapakan ng mga tao at tinuka ng mga ibon. May binhi namang nalaglag sa batuhan at tumubo, ngunit agad na natuyo dahil sa kakulangan sa tubig. May nalaglag naman sa may damuhang matinik, at nang lumago ang mga damo, sinakal nito ang mga binhing tumubo roon. Mayroon namang binhing nalaglag sa matabang lupa. Ito'y sumibol, lumago at namunga ng tig-iisandaan.”

At pagkatapos ay sinabi niya nang malakas, “Makinig ang may pandinig!”

Ang Layunin ng mga Talinghaga(I)

Itinanong ng mga alagad kung ano ang kahulugan ng talinghagang ito. 10 Sumagot(J) si Jesus, “Ipinagkaloob sa inyo na maunawaan ang mga hiwaga tungkol sa kaharian ng Diyos, ngunit sa iba'y sa pamamagitan ng talinghaga. Nang sa gayon,

‘Tumingin man sila'y hindi sila makakakita;
    at makinig man sila'y hindi sila makakaunawa.’”

Ang Paliwanag tungkol sa Talinghaga(K)

11 “Ito ang kahulugan ng talinghaga: ang binhi ay ang Salita ng Diyos. 12 Ang mga binhing nalaglag sa tabi ng daan ay ang mga taong nakikinig. Dumating ang diyablo at inalis nito ang Salita mula sa puso ng mga nakikinig upang hindi sila manalig at maligtas. 13 Ang mga nalaglag naman sa batuhan ay ang mga nakarinig ng Salita at tumanggap nito nang may kagalakan, ngunit hindi ito nag-ugat sa kanilang puso. Sandali lamang silang naniwala, kaya't pagdating ng pagsubok, sila'y tumitiwalag. 14 Ang mga nahasik naman sa may matitinik na damuhan ay ang mga nakinig sa salita ng Diyos, ngunit nang tumagal, nadaig sila ng mga alalahanin sa buhay at ng pagkahumaling sa kayamanan at kalayawan. Dahil dito, hindi nahihinog ang kanilang mga bunga. 15 Ang mga nahasik naman sa matabang lupa ay ang mga nakikinig ng salita ng Diyos at nag-iingat nito sa kanilang pusong tapat at malinis, at sila'y namumunga dahil sa pagtitiyaga.”

Ang Talinghaga tungkol sa Ilaw(L)

16 “Walang(M) taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay tinatakluban ng banga o kaya'y itinatago sa ilalim ng higaan. Sa halip, inilalagay iyon sa talagang patungan upang magkaroon ng liwanag para sa mga pumapasok sa bahay. 17 Walang(N) natatago na di malalantad, at walang lihim na di mabubunyag.

18 “Kaya't(O) pagbutihin ninyo ang inyong pakikinig, sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala ay aalisan pati ng inaakala niyang nasa kanya.”

Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus(P)

19 Dumating ang ina at mga kapatid ni Jesus, ngunit hindi sila makalapit sa kanya dahil sa dami ng tao. 20 Kaya't may nagsabi sa kanya, “Nasa labas po ang inyong ina at mga kapatid; nais nilang makita kayo.”

21 Ngunit sinabi ni Jesus, “Ang mga nakikinig at tumutupad ng salita ng Diyos ang aking ina at mga kapatid.”

Pinatigil ang Bagyo(Q)

22 Isang araw, sumakay sa isang bangka si Jesus at ang kanyang mga alagad. Sinabi niya sa kanila, “Tumawid tayo sa ibayo.” At ganoon nga ang ginawa nila. 23 Nang sila ay naglalayag na, nakatulog si Jesus. Bumugso ang isang malakas na unos at ang bangka ay pinasok ng tubig, kaya't sila'y nanganib na lumubog. 24 Nilapitan siya ng mga alagad at ginising. “Panginoon, Panginoon, mamamatay tayo!” sabi nila.

Bumangon si Jesus at sinaway ang hangin at ang malalaking alon. Tumahimik ang mga ito at bumuti ang panahon. 25 Pagkatapos, sinabi niya, “Nasaan ang inyong pananampalataya?”

Ngunit sila'y natakot at namangha. Sinabi nila sa isa't isa, “Sino kaya ito? Inuutusan niya pati ang hangin at ang tubig, at sinusunod naman siya ng mga ito!”

Ang Pagpapagaling sa Geraseno(R)

26 Dumaong sila sa lupain ng mga Geraseno,[b] katapat ng Galilea sa kabilang ibayo ng lawa. 27 Pagbaba ni Jesus sa bangka, sinalubong siya ng isang lalaking tagaroon na sinasapian ng mga demonyo. Matagal na itong hindi nagsusuot ng damit, ni ayaw ring tumira sa bahay kundi sa mga kuwebang libingan namamalagi. 28 Nang makita si Jesus ay nagsisisigaw ang lalaki, nagpatirapa at sinabi nang malakas, “Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos, ano ang pakialam mo sa akin? Nakikiusap ako sa iyo, huwag mo akong pahirapan!” 29 Ganoon ang sinabi nito sapagkat inutusan ni Jesus na lumabas ang masamang espiritu. Madalas itong sinasapian ng masasamang espiritu, at kahit ito'y bantayan at tanikalaan ang paa't kamay, pinaglalagut-lagot lamang nito ang mga iyon. Siya'y dinadala ng demonyo sa mga liblib na pook.

30 Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?”

“Batalyon,” sagot niya, sapagkat marami ang demonyong pumasok sa kanya. 31 Nagmakaawa kay Jesus ang mga demonyo na huwag silang itapon sa kalalimang walang hanggan.

32 Samantala, may malaking kawan ng baboy na nagsisikain sa isang bundok na malapit doon. Nakiusap ang mga demonyo na papasukin sila sa mga iyon, at pinahintulutan naman sila ni Jesus. 33 Lumabas sa tao ang mga demonyo at pumasok sa mga baboy. Ang kawan ay biglang tumakbo papunta sa bangin at tuluy-tuloy na nahulog sa lawa at nalunod.

34 Nang makita ito ng mga tagapag-alaga ng mga baboy, tumakbo sila at ipinamalita ito sa bayan at sa mga nayon. 35 Lumabas ang mga tao upang tingnan ang nangyari. Paglapit nila kay Jesus, nakita nila ang taong dating sinasapian ng mga demonyo. Nakaupo siya sa paanan ni Jesus, nakadamit na at matino na ang isip. Sila'y lubhang natakot. 36 Isinalaysay sa kanila ng mga nakakita kung paanong gumaling ang dating sinasapian ng mga demonyo. 37 Kaya't nakiusap kay Jesus ang mga Geraseno[c] na umalis na lamang siya sa kanilang lupain, sapagkat sila'y takot na takot. Kaya't sumakay siya sa bangka at umalis sa pook na iyon. 38 Nakiusap kay Jesus ang taong inalisan ng mga demonyo na siya'y isama nito.

Ngunit sinabi sa kanya ni Jesus, 39 “Umuwi ka na at ipamalita mo ang dakilang bagay na ginawa sa iyo ng Diyos.”

Umuwi nga ang lalaki at ipinamalita sa buong bayan ang ginawa sa kanya ni Jesus.

Binuhay ang Anak ni Jairo at Pinagaling ang Babaing Cananea(S)

40 Pagbalik ni Jesus, masaya siyang tinanggap ng mga tao sapagkat siya'y hinihintay nila. 41 Dumating noon ang isang lalaking nagngangalang Jairo, isang tagapamahala ng sinagoga. Nagpatirapa ito at nakiusap kay Jesus na sumama sa kanyang bahay, 42 sapagkat ang kaisa-isa niyang anak na babae na maglalabindalawang taong gulang na ay naghihingalo.

Habang naglalakad si Jesus papunta sa bahay ni Jairo, sinisiksik siya ng mga tao. 43 Kabilang sa mga ito ang isang babaing labindalawang taon nang dinudugo at hindi mapagaling ninuman. [Naubos na ang kanyang kabuhayan sa mga manggagamot.][d] 44 Lumapit siya sa likuran ni Jesus at hinawakan ang laylayan ng damit nito. Noon di'y tumigil ang kanyang pagdurugo. 45 Nagtanong si Jesus, “Sino ang humawak sa damit ko?”

Nang walang umamin, sinabi ni Pedro, “Panginoon, napapaligiran po kayo at sinisiksik ng mga tao!”

46 Ngunit sinabi ni Jesus, “May humawak sa damit ko! Naramdaman kong may kapangyarihang lumabas sa akin.”

47 Nang malaman ng babae na hindi pala maililihim ang kanyang ginawa, siya'y nanginginig na lumapit at nagpatirapa sa paanan ni Jesus. Pagkatapos, sinabi niya sa lahat ng naroon kung bakit niya hinawakan ang damit ni Jesus, at kung paanong siya'y agad na gumaling.

48 Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Umuwi ka nang mapayapa.”

49 Nagsasalita pa si Jesus nang dumating ang isang lalaking galing sa bahay ni Jairo. “Patay na po ang inyong anak!” sabi niya kay Jairo. “Huwag na po ninyong abalahin ang Guro.”

50 Nang ito'y marinig ni Jesus, sinabi niya kay Jairo, “Huwag kang matakot. Manalig ka lamang at siya'y gagaling.”

51 Pagdating sa bahay, wala siyang isinama sa loob kundi sina Pedro, Juan at Santiago, at ang mga magulang ng dalagita. 52 Nag-iiyakan ang lahat ng naroroon at kanilang tinatangisan ang bata. Ngunit sinabi ni Jesus, “Huwag kayong umiyak. Hindi patay ang bata; natutulog lamang.”

53 Pinagtawanan nila si Jesus sapagkat alam nilang patay na ang dalagita. 54 Ngunit hinawakan ni Jesus ang kamay nito at sinabi, “Bumangon ka, bata!” 55 Nagbalik ang hininga ng dalagita at ito'y agad na bumangon. Pagkatapos, pinabigyan siya ni Jesus ng pagkain. 56 Manghang-mangha ang mga magulang ng bata, ngunit pinagbilinan sila ni Jesus na huwag sabihin kaninuman ang pangyayaring ito.

Isinugo ang Labindalawa(T)

Tinipon ni Jesus ang Labindalawa at binigyan sila ng kapangyarihan at karapatang magpalayas ng mga demonyo at magpagaling ng mga may sakit. Isinugo sila ni Jesus upang mangaral tungkol sa kaharian ng Diyos at upang magpagaling ng mga maysakit. Sila'y(U) pinagbilinan niya, “Huwag kayong magbabaon ng anuman sa inyong paglalakbay, kahit tungkod, balutan, tinapay, salapi, o bihisan man. Makituloy kayo sa sinumang tumanggap sa inyo, at manatili kayo sa bahay nito hanggang sa pag-alis ninyo sa bayang iyon. Kung(V) hindi naman kayo tanggapin ng mga tao sa isang bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa bilang babala laban sa kanila.”

Kaya't humayo ang mga alagad at pumunta sa mga nayon. Ipinangaral nila ang Magandang Balita at pinagaling ang mga maysakit sa lahat ng dako.

Ang Pagkabalisa ni Herodes(W)

Nabalitaan(X) ni Herodes na pinuno ng Galilea ang lahat ng mga nangyayari. Nabagabag siya sapagkat may nagsasabing muling nabuhay si Juan na Tagapagbautismo. Sinasabi naman ng iba, “Nagpakita si Elias.” May nagsasabi pang, “Ang isa sa mga propeta noong unang panahon ay muling nabuhay.” Ngunit sinabi ni Herodes, “Pinapugutan ko na si Juan. Sino kaya ang lalaking ito? Marami na akong nababalitaan tungkol sa kanya.” Kaya sinikap niyang makita si Jesus.

Ang Pagpapakain sa Limanlibo(Y)

10 Pagbalik ng mga apostol, isinalaysay nila kay Jesus ang lahat ng kanilang ginawa. Pagkatapos, umalis si Jesus kasama ang mga alagad papunta sa bayan ng Bethsaida. 11 Sinundan siya ng mga tao nang malaman ito, at malugod naman silang tinanggap ni Jesus. Nagsalita siya sa mga tao tungkol sa kaharian ng Diyos at pinagaling niya ang mga may karamdaman.

12 Nang malapit nang lumubog ang araw, nilapitan siya ng Labindalawa at sinabi nila, “Paalisin na po ninyo ang mga tao upang makahanap sila ng makakain at matutuluyan sa mga nayon sa paligid. Nasa liblib na lugar po tayo.”

13 Ngunit sinabi niya, “Kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.”

Sumagot naman ang mga alagad, “Wala po tayong pagkain kundi limang tinapay at dalawang isda. Bibili po ba kami ng pagkain para sa lahat ng taong ito?” 14 Halos limanlibo ang mga lalaking naroon.

Sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Paupuin ninyo ang mga tao nang lima-limampu.”

15 Pinaupo nga nila ang lahat. 16 Kinuha ni Jesus ang limang tinapay at dalawang isda, tumingin sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Pinaghati-hati niya ang mga tinapay at isda at ibinigay sa kanyang mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. 17 Silang lahat ay nakakain at nabusog. Nang ipunin ng mga alagad ang lumabis na pagkain, nakapuno pa sila ng labindalawang kaing.

Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(Z)

18 Isang araw, habang si Jesus ay nananalanging mag-isa, lumapit sa kanya ang mga alagad. Tinanong sila ni Jesus, “Ano ang sinasabi ng mga tao tungkol sa akin? Sino raw ako?”

19 Sumagot(AA) sila, “Ang sabi po ng ilan, kayo si Juan na Tagapagbautismo; sabi naman po ng iba, kayo si Elias; may nagsasabi namang muling nabuhay ang isa sa mga propeta noong unang panahon.”

20 “Kayo(AB) naman, ano ang sabi ninyo?” tanong niya sa kanila. “Kayo po ang Cristo ng Diyos!” sagot ni Pedro.

21 Mahigpit na itinagubilin ni Jesus sa kanyang mga alagad na huwag nilang sasabihin ito kaninuman.

Ipinahayag ni Jesus ang tungkol sa Kanyang Kamatayan(AC)

22 Sinabi pa niya sa kanila, “Ang Anak ng Tao'y dapat magdanas ng matinding hirap. Itatakwil siya ng mga pinuno ng bayan, ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Siya ay papatayin ngunit sa ikatlong araw ay muli siyang mabubuhay.”

23 At(AD) sinabi niya sa kanilang lahat, “Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kinakailangang itakwil ang kanyang sarili, pasanin araw-araw ang kanyang krus, at sumunod sa akin. 24 Ang(AE) naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito. 25 Ano nga ang mapapala ng tao, makamtan man niya ang buong daigdig kung mapapahamak naman at mawawala ang kanyang buhay? 26 Kapag ako at ang aking mga salita ay ikakahiya ninuman, ikakahiya rin siya ng Anak ng Tao pagparito niya na taglay ang kanyang karangalan at ang karangalan ng Ama at ng mga banal na anghel. 27 Sinasabi ko sa inyo ang totoo: may ilan sa inyo ritong hindi mamamatay hangga't hindi nila nakikita ang kaharian ng Diyos.”

Ang Pagbabagong-anyo ni Jesus(AF)

28 Makalipas(AG) ang halos walong araw pagkatapos sabihin ni Jesus ang mga ito, umakyat siya sa bundok upang manalangin. Isinama niya sina Pedro, Juan at Santiago. 29 Habang siya'y nananalangin, nagbago ang anyo ng kanyang mukha at ang kanyang kasuotan ay nagningning sa kaputian. 30 Biglang may lumitaw na dalawang lalaki na nakikipag-usap sa kanya, sina Moises at Elias, 31 na nagpakitang may kaningningan. Pinag-usapan nila ang pagpanaw ni Jesus na malapit na niyang isakatuparan sa Jerusalem.

32 Natutulog sina Pedro noon at paggising nila ay nakita nila si Jesus na nakakasilaw ang anyo at may dalawang lalaking nakatayo sa tabi niya. 33 Nang papaalis na ang mga lalaki, sinabi ni Pedro, “Panginoon, mabuti po at nandito kami. Magtatayo po kami ng tatlong tolda, isa para sa inyo, isa kay Moises, at isa kay Elias.”—ngunit hindi niya nalalaman ang kanyang sinasabi. 34 Nagsasalita pa siya nang liliman sila ng ulap, at natakot sila nang matakpan sila nito. 35 May isang(AH) tinig na nagsalita mula sa ulap, “Ito ang aking Anak, ang aking Hinirang.[e] Pakinggan ninyo siya!” 36 Nang mawala ang tinig, nakita nilang nag-iisa na si Jesus. Hindi muna ipinamalita ng mga alagad ang kanilang nakita.

Pinagaling ang Sinasaniban ng Masamang Espiritu(AI)

37 Kinabukasan, bumabâ sila mula sa bundok at si Jesus ay sinalubong ng napakaraming tao. 38 Mula sa karamihan ay may isang lalaking sumigaw, “Guro, nakikiusap ako sa inyo, tingnan po ninyo ang kaisa-isa kong anak na lalaki! 39 Sinasaniban siya ng isang espiritu at bigla na lamang siyang nagsisisigaw at nangingisay hanggang sa bumula ang bibig. Lubha po siyang pinapahirapan at halos ayaw nang tigilan nito. 40 Nakiusap po ako sa inyong mga alagad na palayasin nila ito ngunit hindi nila magawa.”

41 Sumagot si Jesus, “Lahing napakasama at walang pananampalataya! Hanggang kailan pa ako dapat manatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan?” At sinabi niya sa lalaki, “Dalhin ninyo rito ang iyong anak.”

42 Nang papalapit na ang bata, pinangisay na naman ito ng demonyo at bumagsak sa lupa. Ngunit sinaway ni Jesus ang masamang espiritu at pinagaling ang bata; pagkatapos ay ibinigay sa ama nito. 43 At namangha ang mga tao sa nakita nilang kapangyarihan ng Diyos.

Muling Binanggit ni Jesus ang Kanyang Kamatayan(AJ)

Hangang-hanga ang lahat ng mga tao sa ginawa ni Jesus, ngunit sinabi niya sa kanyang mga alagad, 44 “Pakinggan ninyo at tandaan itong sasabihin ko: ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa kamay ng mga tao.” 45 Ngunit hindi nila ito naunawaan sapagkat inilihim sa kanila ang kahulugan nito. Natakot naman silang magtanong sa kanya kung ano ang ibig niyang sabihin.

Ang Pinakadakila(AK)

46 At(AL) nagtalu-talo ang mga alagad kung sino sa kanila ang pinakadakila. 47 Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't tinawag niya ang isang maliit na bata at pinatayo sa tabi niya. 48 Pagkatapos(AM) ay sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang tumatanggap sa batang ito alang-alang sa akin ay tumatanggap sa akin; at ang sinumang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. Ang pinakaaba sa inyong lahat ay siyang pinakadakila.”

Kakampi Natin ang Hindi Laban sa Atin(AN)

49 Sinabi ni Juan, “Panginoon, nakakita po kami ng isang taong nagpapalayas ng mga demonyo sa inyong pangalan. Pinagbawalan po namin siya sapagkat hindi natin siya kasamahan.”

50 Ngunit sinabi ni Jesus, “Huwag ninyo siyang pagbawalan, sapagkat ang hindi laban sa inyo ay kakampi ninyo.”

Hindi Tinanggap si Jesus sa Isang Nayon sa Samaria

51 Nang nalalapit na ang panahong iaakyat si Jesus sa langit, buo na ang kanyang kapasyahang pumunta sa Jerusalem. 52 Sinugo niya ang ilan upang mauna sa kanya. Pumunta sila sa isang nayon sa Samaria upang ipaghanda siya ng matutuluyan. 53 Ngunit ayaw siyang patuluyin ng mga Samaritano dahil buo na ang kanyang kapasyahang pumunta sa Jerusalem. 54 Nang(AO) makita ito nina Santiago at Juan, sinabi nila, “Panginoon, gusto ba ninyong magpaulan kami ng apoy mula sa langit upang sila'y lipulin [tulad ng ginawa ni Elias]?[f]

55 Ngunit hinarap sila ni Jesus at sila'y pinagalitan. [“Hindi ninyo alam kung anong espiritu ang nasa inyo. Ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang ipahamak kundi iligtas ang mga tao.”][g] 56 At nagpunta sila sa ibang nayon.

Pagsunod kay Jesus(AP)

57 Samantalang sila'y naglalakad, may isang lalaking lumapit at nagsabi kay Jesus, “Susunod po ako sa inyo kahit saan kayo pumunta.” 58 Sumagot si Jesus, “May lungga ang asong-gubat, at may pugad ang mga ibon, ngunit ang Anak ng Tao ay wala man lamang mapagpahingahan.” 59 At sinabi naman niya sa isa, “Sumunod ka sa akin.” Ngunit sumagot ito, “Panginoon, hayaan lang po muna ninyong maipalibing ko ang aking ama.” 60 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Hayaan mo na ang mga patay ang maglibing sa kanilang mga patay. Ngunit humayo ka at ipahayag mo ang kaharian ng Diyos.” 61 May(AQ) isa namang nagsabi sa kanya, “Susunod po ako sa inyo, Panginoon, ngunit hayaan ninyong magpaalam muna ako sa aking pamilya.” 62 At ganito naman ang tugon ni Jesus, “Sinumang nagsimulang mag-araro ngunit panay ang lingon ay hindi karapat-dapat sa kaharian ng Diyos.”