Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 25

Panalangin Upang Patnubayan at Ingatan

Katha ni David.

25 Sa iyo, Yahweh, dalangin ko'y ipinapaabot;
    sa iyo, O Diyos, ako'y tiwalang lubos.
Huwag hayaang malagay ako sa kahihiyan,
    at pagtawanan ako ng aking mga kaaway!
Mga may tiwala sa iyo'y huwag malagay sa kahihiyan,
    at ang mga taksil sa iyo'y magdanas ng kasawian.
Ituro mo sa akin, Yahweh, ang iyong kalooban,
    at ang iyong landas, sa akin ay ipaalam.
Turuan mo akong mamuhay ayon sa katotohanan,
    sapagkat ikaw ang Diyos ng aking kaligtasan;
    sa buong maghapo'y ikaw ang inaasahan.
Alalahanin mo, Yahweh, ang pag-ibig mong wagas,
    na ipinakita mo na noong panahong lumipas.
Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, sa mga kamalian ko noong aking kabataan;
ayon sa pag-ibig mong walang katapusan,
    ako sana, Yahweh, ay huwag kalimutan!

Si Yahweh ay mabuti at siya'y makatarungan,
    itinuturo niya sa makasalanan ang tamang daan.
Sa mapagpakumbaba siya ang gumagabay,
    sa kanyang kalooban kanyang inaakay.
10 Tapat ang pag-ibig, siya ang patnubay,
    sa lahat ng mga taong sumusunod, sa utos at tipan siya'ng sumusubaybay.

11 Ang iyong pangako, Yahweh, sana'y tuparin,
    ang marami kong sala'y iyong patawarin.
12 Ang taong kay Yahweh ay gumagalang,
    matututo ng landas na dapat niyang lakaran.
13 Ang buhay nila'y palaging sasagana,
    mga anak nila'y magmamana sa lupa.
14 Sa mga masunurin, si Yahweh'y isang kaibigan,
    ipinapaunawa niya sa kanila, kanyang kasunduan.

15 Si Yahweh lang ang laging inaasahan,
    na magliligtas sa akin sa kapahamakan.
16 Lingapin mo ako, at ako'y kahabagan,
    pagkat nangungulila at nanlulupaypay.
17 Pagaanin mo ang aking mga pasanin,
    mga gulo sa buhay ko'y iyong payapain.
18 Alalahanin mo ang hirap ko at suliranin,
    at lahat ng sala ko ay iyong patawarin.

19 Tingnan mo't napakarami ng aking kaaway,
    at labis nila akong kinamumuhian!
20 Ipagtanggol mo ako't iligtas ang aking buhay,
    huwag tulutang ako'y malagay sa kahihiyan,
    pagkat kaligtasan ko'y sa iyo nakasalalay.
21 Iligtas nawa ako ng kabutihan ko't katapatan,
    sapagkat ikaw ang aking pinagtitiwalaan.

22 Hanguin mo, O Diyos, ang bayang Israel,
    sa kanilang kaguluhan at mga suliranin!

Mga Awit 9

Pasasalamat sa Diyos Dahil sa Kanyang Katarungan

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng Muth-labben.[a]

Pupurihin kita, Yahweh, nang buong puso ko,
    mga kahanga-hangang ginawa mo'y ipahahayag ko.
Dahil sa iyo, ako ay aawit na may kagalakan,
    pupurihin kita, O Diyos na Kataas-taasan.

Makita ka lang ay umuurong na ang aking mga kaaway,
    sila'y nabubuwal at namamatay sa iyong harapan.
Patas at makatarungan ka sa iyong paghatol,
    matuwid kong panig ay iyong ipinagtanggol.

Binalaan mo ang mga bansa, nilipol ang masasama;
    binura mo silang lahat sa balat ng lupa.

Ang mga kalaban nami'y naglaho nang lubusan,
    ang kanilang mga lunsod, iyo nang winakasan,
    at sa aming alaala'y nalimot nang tuluyan.

Ngunit si Yahweh ay naghaharing walang putol,
    itinatag niya ang kanyang trono para sa paghahatol.
Pinapamahalaan niya ang daigdig ayon sa katuwiran,
    hinahatulan niya ang mga bansa ayon sa katarungan.

Si Yahweh ang takbuhan ng mga pinahihirapan,
    matibay na kanlungan sa oras ng kaguluhan.
10 Nananalig sa iyo, Yahweh, ang kumikilala sa iyong pangalan,
    dahil wala pang lumapit sa iyo na iyong tinanggihan.

11 Kay Yahweh na hari ng Zion ay umawit tayo ng papuri,
    sa lahat ng bansa ang ginawa niya'y ipagbunyi!
12 Inaalala ng Diyos ang mga nahihirapan,
    mga karaingan nila'y di niya nakakalimutan.

13 O(A) Yahweh, ako sana'y iyong kahabagan,
    masdan ang pahirap na dinaranas ko mula sa kaaway!
Iligtas mo ako sa bingit ng kamatayan,
14     upang sa harapan ng Lunsod ng Zion, aking isalaysay.
Dahil sa iyong pagliligtas, papuri ko'y ibibigay.

15 Nahulog ang mga bansa, sa patibong na gawa nila;
    sa bitag para sa akin, ang nahuli ay sila!
16 Sa matuwid niyang hatol si Yahweh ay nagpakilala,
    at ang masasama'y nahuhuli sa mga bitag na gawa nila. (Higgaion,[b] Selah[c])

17 Sa daigdig ng mga patay doon sila matatapos,
    pati ang lahat ng bansang nagtakwil sa Diyos.
18 Hindi habang panahong pababayaan ang dukha;
    hindi na rin mawawala, pag-asa ng maralita.

19 Huwag mong tulutan, Yahweh, na labanan ka ng mga tao!
    Tipunin mong lahat ang mga bansa at sila'y hatulan mo.
20 Takutin mo, O Yahweh, ang lahat ng bayan,
    at iyong ipabatid na sila'y tao lamang. (Selah)[d]

Mga Awit 15

Ang Hinihiling ng Diyos

Awit ni David.

15 O Yahweh, sino kayang makakapasok sa iyong Templo?
    Sinong karapat-dapat sumamba sa iyong burol na sagrado?

Ang taong masunurin sa iyo sa lahat ng bagay,
    at laging gumagawa ayon sa katuwiran,
mga salita'y bukal sa loob at pawang katotohanan,
    at ang kapwa'y hindi niya sisiraan.
Di siya gumagawa ng masama sa kanyang kaibigan,
    tungkol sa kapwa'y di nagkakalat ng kasinungalingan.
Ang itinakwil ng Diyos ay di niya pinapakisamahan,
    mga may takot kay Yahweh, kanyang pinaparangalan.
Sa pangakong binitiwan, siya'y laging tapat,
    anuman ang mangyari, salita'y tinutupad.
Hindi nagpapatubo sa kanyang mga pinautang,
    di nasusuhulan para ipahamak ang walang kasalanan.

Ang ganitong tao'y di matitinag kailanman.

Jeremias 44:1-14

Ang Pahayag ni Yahweh sa mga Judio sa Egipto

44 Si Jeremias ay kinausap ni Yahweh tungkol sa mga Judiong naninirahan sa Egipto, sa Migdol, sa Tafnes, sa Memfis, at sa lupain ng Patros. Ito ang kanyang sinabi: “Nakita ninyo ang kapahamakang nangyari sa Jerusalem at sa mga lunsod ng Juda. Ngayon ay wasak na ang mga ito, at wala nang naninirahan doon. Ginawa ko ito dahil sa kasamaan nila. Nagsunog sila ng insenso at naglingkod sa mga diyos na hindi nila nakikilala, maging kayo o ng inyong mga ninuno. Gayunman, patuloy kong sinugo sa inyo ang aking mga lingkod na propeta. Sinabi nila sa inyo, ‘Huwag ninyong gawin ang kasuklam-suklam na bagay na iyan.’ Subalit hindi sila nakinig; hindi nila pinagsisihan at tinalikuran ang kanilang kasamaan at patuloy rin silang nagsunog ng handog sa mga diyus-diyosan. Napoot ako sa kanila kaya winasak ko ang kanilang mga lunsod hanggang ngayon.”

Ngayon nga'y sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: “Bakit ninyo ginawa ang kasamaang ito? Nais ba ninyong mamatay ang mga lalaki't babae, mga bata at sanggol? Nais ba ninyong lubusang maubos ang mga taga-Juda? Bakit ninyo ako ginagalit sa pamamagitan ng inyong pagsamba at pagsusunog ng handog sa mga diyus-diyosan sa Egipto na inyong tinatahanan? Winawasak ninyo ang inyong sarili at kayo'y magiging tampulan ng paghamak at pagsumpa ng lahat ng bansa. Nakalimutan na ba ninyo ang kasamaang ginawa ng inyong mga ninuno, ng mga hari at ng kanilang mga asawa, ang mga ginawa ninyo at ng inyong mga asawa, sa lupain ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem? 10 Hanggang ngayo'y hindi kayo nagpapakumbaba o natatakot man, hindi sumusunod sa aking utos at mga tuntuning ibinigay sa inyo at sa inyong mga magulang.

11 “Kaya akong si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, ang nagsasabi: Nakapagpasya na akong kayo'y padalhan ng kapahamakan upang wakasan na ang buong Juda. 12 Paparusahan ko rin ang mga nalabi sa Juda na nagpumilit na manirahan sa Egipto; doon nila sasapitin ang kanilang wakas. Ang iba'y mamamatay sa digmaan; sa gutom naman ang iba. Dakila't hamak ay sama-samang mamamatay sa labanan, sa gutom o sa salot. At pagtatawanan, pandidirihan, hahamakin at susumpain. 13 Paparusahan ko ang mga nakatira sa Egipto, tulad ng ginawa kong parusa sa mga taga-Jerusalem; ito'y sa pamamagitan ng digmaan, taggutom, at salot. 14 Ang mga nalabi sa Juda ay nagpunta upang manirahan sa Egipto, at nagtitiwala silang makakabalik upang muling manirahan sa Juda. Ngunit hindi na sila makakabalik; isa man sa kanila'y walang mabubuhay o makakatakas.”

1 Corinto 15:30-41

30 At bakit pa kami nalalagay sa panganib sa lahat ng oras? 31 Walang araw na di ako nabibingit sa kamatayan, [mga kapatid!][a] Sinasabi ko ito sapagkat ikinararangal ko kayo alang-alang kay Cristo Jesus na ating Panginoon! 32 Kung(A) ang pakikipaglaban ko sa mababangis na kaaway[b] sa Efeso ay para sa tao lamang, ano ang mapapala ko? Kung hindi rin lamang bubuhaying muli ang mga patay, mabuti pa'y sundin na lamang natin ang kasabihang ito, “Kumain tayo at uminom, sapagkat bukas tayo'y mamamatay.”

33 Huwag kayong paloloko. “Ang masasamang kasama ay nakakasira ng mabuting pagkatao.” 34 Magpakatino kayo at talikuran ang pagkakasala. Ang iba sa inyo'y hindi kilala ang Diyos. Sinasabi ko ito upang mapahiya kayo.

Ang Uri ng Katawan sa Muling Pagkabuhay

35 Subalit may magtatanong, “Paano bubuhaying muli ang mga patay? Ano ang magiging uri ng katawan nila?”

36 Hangal! Hindi mabubuhay ang binhing itinatanim hangga't hindi iyon namamatay. 37 At ang itinatanim ay hindi halamang malaki na, kundi binhi, tulad ng butil ng trigo, o ng ibang binhi. 38 Ang Diyos ang nagbibigay ng katawan sa binhing iyon, ayon sa kanyang kagustuhan; bawat binhi'y binigyan niya ng angkop na katawan.

39 At hindi pare-pareho ang laman ng mga nilikhang may buhay; iba ang laman ng tao, iba ang laman ng hayop, iba ang sa mga ibon, at iba ang sa mga isda.

40 May mga katawang panlangit at mayroon namang panlupa; iba ang kagandahang panlupa at iba ang kagandahang panlangit. 41 Iba ang liwanag ng araw, iba naman ang liwanag ng buwan, at iba rin ang ningning ng mga bituin, at maging ang mga bituin ay magkakaiba ang ningning.

Mateo 11:16-24

16 “Saan ko ihahambing ang mga tao sa panahong ito? Ang katulad nila'y mga batang nakaupo sa lansangan at sumisigaw sa kanilang mga kalaro: 17 ‘Tinugtugan namin kayo ng plauta ngunit ayaw ninyong sumayaw! Umawit kami ng awit ng pagluluksa, ngunit ayaw ninyong tumangis!’ 18 Sapagkat nakita nila si Juan na nag-aayuno at di umiinom ng alak, at ang sabi nila, ‘Sinasaniban ng demonyo ang taong iyan.’ 19 Nakita naman nila ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom, at ang sabi naman nila, ‘Tingnan ninyo ang taong ito! Matakaw, lasenggo at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at makasalanan.’ Gayunman, ang karunungan ng Diyos ay napapatunayang tama sa pamamagitan ng mga gawa nito.”

Babala sa mga Bayang Ayaw Magsisi(A)

20 Pagkatapos, sinumbatan ni Jesus ang mga bayang nakasaksi sa maraming himalang ginawa niya roon sapagkat hindi sila nagsisi't tumalikod sa kanilang mga kasalanan. Sinabi niya, 21 “Kawawa(B) kayo, mga taga-Corazin! Kawawa kayo, mga taga-Bethsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon ginawa ang mga himalang ginawa sa inyo, matagal na sanang nagdamit ng sako at naupo sa abo ang mga tagaroon bilang tanda ng kanilang pagsisisi. 22 Ngunit sinasabi ko sa inyo, sa Araw ng Paghuhukom ay mas kahahabagan pa ang mga taga-Tiro at taga-Sidon kaysa inyo. 23 At(C) kayong mga taga-Capernaum, nais pala ninyong itaas ang inyong sarili hanggang langit? Ibabagsak kayo[a] hanggang sa daigdig ng mga patay! Sapagkat kung sa Sodoma ginawa ang mga himalang ginawa sa inyo, sana'y nananatili pa ang bayang iyon magpahanggang ngayon. 24 Ngunit(D) sinasabi ko sa inyo, mas kahahabagan pa ang mga taga-Sodoma kaysa inyo sa Araw ng Paghuhukom!”