Add parallel Print Page Options

Ang Dios ay Higit sa Lahat ng Pinuno

97 Ang Panginoon ay naghahari!
    Kaya magalak ang mundo, pati na ang mga isla.
Napapalibutan siya ng makakapal na ulap
    at naghahari nang may katuwiran at katarungan.
May apoy sa unahan niya at sinusunog nito ang mga kaaway niyang nakapalibot sa kanya.
Ang kanyang mga kidlat ay lumiliwanag sa mundo.
    Nakita ito ng mga tao at nanginig sila sa takot.
Natutunaw na parang kandila ang mga kabundukan sa presensya ng Panginoon, ang Panginoon na naghahari sa buong mundo.
Ipinapahayag ng langit na matuwid siya
    at nakikita ng lahat ng tao ang kanyang kaluwalhatian.
Mapapahiya ang lahat ng sumasamba sa mga dios-diosan at ang mga nagmamalaki sa mga ito.
    Ang lahat ng mga dios ay lumuhod at sambahin ang Dios.
Panginoon, narinig ng mga taga-Zion[a] at ng mga taga-Juda ang tungkol sa inyong wastong pamamaraan ng pamamahala,
    kaya tuwang-tuwa sila.
Dahil kayo, Panginoon, ang Kataas-taasang Dios ay naghahari sa buong mundo.
    Higit kayong dakila kaysa sa lahat ng mga dios.
10 Kayong mga umiibig sa Panginoon ay dapat mamuhi sa kasamaan.
    Dahil iniingatan ng Panginoon ang buhay ng kanyang mga tapat na mamamayan
    at inililigtas niya sila sa masasama.
11 Ang kabutihan ng Dios ay parang araw na sumisinag sa matutuwid
    at nagbibigay ito ng kagalakan sa kanila.
12 Kayong matutuwid, magalak kayo sa Panginoon.
    Pasalamatan siya at purihin ang kanyang pangalan!

Footnotes

  1. 97:8 Zion: o, Jerusalem.