Zefanias 2
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Ang Panawagan na Magsisi
2 Magtipun-tipon kayo at magpulong,
bansang walang-hiya!
2 Bago kayo ipadpad na gaya ng ipang tinatangay ng hangin,
bago ninyo lasapin ang matinding galit ni Yahweh,
bago dumating sa inyo ang araw ng kanyang poot.
3 Manumbalik kayo kay Yahweh, kayong mapagpakumbaba,
kayong sumusunod sa kanyang kautusan.
Gawin ninyo ang tama at kayo'y magpakumbaba kay Yahweh,
baka sakaling kayo'y makaligtas
sa parusa sa araw na iyon!
Hahatulan ang mga Bansa sa Paligid ng Israel
4 Walang(A) matitira sa lunsod ng Gaza,
at walang matitira sa lunsod ng Ashkelon.
Ang mga taga-Asdod ay palalayasin sa katanghaliang-tapat,
at itataboy ang mga taga-Ekron.
5 Kahabag-habag kayong naninirahan sa mga baybay-dagat,
kahabag-habag kayo, mga Queretita!
Ang salita ni Yahweh ay laban sa iyo,
O taga-Canaan, lupain ng mga Filisteo;
lilipulin kong lahat ang inyong mga mamamayan.
6 At ang baybay-dagat ay magiging pastulan,
tahanan ng mga pastol at silungan ng mga kawan.
7 Ang baybay-dagat ay titirhan
ng mga hindi namatay sa lahi ni Juda;
doon sila magpapastol,
at pagsapit ng gabi, sila'y matutulog sa mga bahay sa Ashkelon.
Sapagkat makakasama nila si Yahweh na kanilang Diyos
at ibabalik ang kanilang mga kayamanan.
8 “Narinig(B) ko ang pangungutya ng Moab,
at ang paghamak ng mga Ammonita;
iniinsulto nila ang aking bayan
at ipinagmamalaking sasakupin ang kanilang lupain.”
9 Kaya(C) nga't sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat,
ang Diyos ng Israel,
“Isinusumpa kong mawawasak ang Moab tulad ng Sodoma,
at ang Ammon, tulad ng Gomorra.
Ang lupain nila'y mapupuno ng dawag,
at hindi na ito mapapakinabangan kailanman.
Sasamsaman sila ng mga nakaligtas sa aking bayan,
at aangkinin ang kanilang lupain.”
10 Ito ang parusa sa kanilang kapalaluan,
at sa paghamak nila sa bayan ni Yahweh.
11 Sisindakin sila ni Yahweh.
Pawawalang-kabuluhan niya ang mga diyus-diyosan ng sanlibutan;
at siya ang sasambahin ng lahat ng bansa,
sa kani-kanilang lupain.
12 Kayong(D) mga taga-Etiopia
ay mamamatay rin sa digmaan.
13 Sa(E) kapangyarihan ni Yahweh ay wawasakin ang Asiria;
ibabagsak niya ang Nineve, at ito'y matutulad sa isang disyerto.
14 Maninirahan dito ang mga kawan,
at ang lahat ng uri ng mga hayop sa parang.
Ang mga buwitre ay magpupugad sa mga sirang haligi
at huhuni ang mga kuwago sa may tapat ng bintana;
gayundin ang mga uwak sa may pintuan,
sapagkat malalantad ang mga kahoy na sedar.
15 Ito ang mangyayari sa palalong lunsod
na hindi nababahala, at nagsasabing,
“Wala nang hihigit pa sa akin!”
Anong laking kasawian ang kanyang sinapit;
naging tirahan siya ng mababangis na hayop!
Kukutyain siya at pandidirihan ng lahat ng magdaraan doon.