Zacarias 6
Ang Biblia (1978)
Ang pangitain ng mga karo at mga kabayo.
6 At itinanaw ko uli ang aking mga mata, at aking nakita at, narito, lumabas ang apat na karo mula sa pagitan ng dalawang bundok; at ang mga bundok ay mga bundok na tanso.
2 Sa unang karo ay may mga (A)kabayong mapula; at sa ikalawang karo ay mga kabayong maitim;
3 At sa ikatlong karo ay may mga kabayong maputi; at sa ikapat na karo ay mga kabayong kulay abo.
4 Nang magkagayo'y ako'y sumagot at sinabi ko sa anghel na nakikipagusap sa akin, Ano ang mga ito, panginoon ko?
5 At ang anghel ay sumagot at nagsabi sa akin, (B)Ito ang apat na hangin sa himpapawid, na lumalabas na pinakasugo mula sa harapan ng Panginoon ng buong lupa.
6 Ang karo na kinasisingkawan ng mga kabayong maitim ay lumalabas sa dakong lupaing (C)hilagaan; at ang sa mga maputi ay lumabas na kasunod ng mga yaon; at ang mga kulay abo ay nagsilabas sa dakong lupaing timugan.
7 At ang mga malakas ay nagsilabas, at nangagpumilit na (D)yumaon upang malibot ang lupa: at kaniyang sinabi, Kayo'y magsiyaon at magparoo't parito sa buong lupa. Sa gayo'y sila'y nangagparoo't parito sa buong lupa.
8 Nang magkagayo'y hiniyawan niya ako, at nagsalita sa akin, na nagsasabi, Narito, silang nagsiparito sa dakong lupaing hilagaan ay nagpatahimik sa aking (E)diwa sa lupaing hilagaan.
Si Josue ay kumakatawan sa saserdote na hari.
9 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,
10 Kumuha ka sa nangabihag, kay Heldai, kay Tobias, at kay Jedaia; at yumaon ka sa araw ding yaon, at pumasok ka sa bahay ni Josias na anak ni Sefanias, na nagsibalik mula sa Babilonia;
11 Oo, kumuha ka sa kanila ng pilak at ginto, at gawin mong mga (F)putong, at mga iputong mo sa ulo ni (G)Josue na anak ni Josadac, na pangulong saserdote.
12 At salitain mo sa kaniya, na sabihin, Ganito ang salita ng Panginoon ng mga hukbo, na nagsasabi, Narito, ang lalake na ang pangala'y (H)Sanga: at siya'y sisibol (I)sa kaniyang dako; at itatayo niya ang templo ng Panginoon;
13 Sa makatuwid baga'y (J)kaniyang itatayo ang templo ng Panginoon; at siya'y (K)magtataglay ng kaluwalhatian, at mauupo at magpupuno sa kaniyang luklukan; at siya'y (L)magiging saserdote sa kaniyang luklukan: at ang payo ng kapayapaan ay mapapasa pagitan nila kapuwa.
14 At ang mga putong ay magiging pinakaalaala sa templo ng Panginoon kay Helem, at kay Tobias, at kay Jedaia, at kay Hen na anak ni Sefanias.
15 At (M)silang nangasa malayo ay (N)magsisiparito at mangagtatayo sa loob ng templo ng Panginoon, at inyong malalaman na ang Panginoon ng mga hukbo ay siyang nagsugo sa akin sa inyo. At ito'y mangyayari kung inyong tatalimahing masikap ang tinig ng Panginoon ninyong Dios.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978