Zacarias 3
Ang Dating Biblia (1905)
3 At ipinakita niya sa akin si Josue na pangulong saserdote na nakatayo sa harap ng anghel ng Panginoon, at si Satanas na nakatayo sa kaniyang kanan upang maging kaniyang kaaway.
2 At sinabi ng Panginoon kay Satanas, Sawayin ka nawa ng Panginoon, Oh Satanas; oo, ang Panginoon na pumili ng Jerusalem ay sumaway nawa sa iyo: di baga ito'y isang dupong na naagaw sa apoy?
3 Si Josue nga ay nabibihisan ng maruming kasuutan, at nakatayo sa harap ng anghel.
4 At siya'y sumagot at nagsalita sa mga yaon na nangakatayo sa harap niya, na nagsabi, Hubarin ninyo ang mga maruming suot sa kaniya. At sa kaniya'y kaniyang sinabi, Narito, aking pinaram ang iyong kasamaan, at aking susuutan ka ng mainam na kasuutan.
5 At aking sinabi, Suutan siya nila ng isang magandang mitra sa kaniyang ulo. Sa gayo'y sinuutan siya ng magandang mitra sa kaniyang ulo, at sinuutan siya ng mga kasuutan; at ang anghel ng Panginoon ay nakatayo sa siping.
6 At ang anghel ng Panginoon ay tumutol kay Josue, na nagsabi,
7 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Kung ikaw ay lalakad sa aking mga daan, at kung iyong iingatan ang aking bilin, iyo nga ring hahatulan ang aking bayan, at iyo ring iingatan ang aking mga looban, at bibigyan kita ng kalalagyan sa gitna ng mga ito na nangakaharap.
8 Dinggin mo ngayon, Oh Josue, na pangulong saserdote, dinggin mo, at ng iyong mga kasama na nangakaupo sa harap mo; sapagka't sila'y mga taong pinaka tanda: sapagka't narito, aking ilalabas ang aking lingkod na Sanga.
9 Sapagka't, narito, ang bato na aking inilagay sa harap ni Josue; sa ibabaw ng isang bato ay may pitong mata: narito, aking iuukit ang ukit niyaon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, at aking aalisin ang kasamaan ng lupaing yaon sa isang araw.
10 Sa araw na yaon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, tatawagin ng bawa't isa sa inyo ang kaniyang kapuwa sa lilim ng puno ng ubas, at sa lilim ng puno ng igos.