Zacarias 14
Ang Dating Biblia (1905)
14 Narito ang araw ng Panginoon ay dumarating, na ang iyong samsam ay babahagihin sa gitna mo.
2 Sapagka't aking pipisanin ang lahat na bansa laban sa Jerusalem sa pagbabaka; at ang bayan ay masasakop, at ang mga bahay ay lolooban, at ang mga babae ay dadahasin; at ang kalahati ng bayan ay yayaon sa pagkabihag, at ang nalabi sa bayan ay hindi mahihiwalay sa bayan.
3 Kung magkagayo'y lalabas ang Panginoon, at makikipaglaban sa mga bansang yaon, gaya nang siya'y makipaglaban sa araw ng pagbabaka.
4 At ang kaniyang mga paa ay magsisitayo sa araw na yaon sa bundok ng mga Olivo, na nasa tapat ng Jerusalem sa dakong silanganan; at ang bundok ng mga Olivo ay mahahati sa gitna niya, sa dakong silanganan at sa dakong kalunuran, at magiging totoong malaking libis; at ang kalahati ng bundok ay malilipat sa dakong hilagaan, at ang kalahati ay sa dakong timugan.
5 At kayo'y magsisitakas sa libis ng aking mga bundok; sapagka't ang libis ng mga bundok ay magsisiabot hanggang sa Azel; oo, kayo'y magsisitakas gaya nang kayo'y tumakas mula sa lindol nang mga kaarawan ni Uzzias na hari sa Juda; at ang Panginoon kong Dios ay darating, at ang lahat na banal na kasama niya.
6 At mangyayari sa araw na yaon, na hindi magkakaroon ng liwanag; at ang mga nagniningning ay uurong.
7 Nguni't magiging isang araw na kilala sa Panginoon; hindi araw, at hindi gabi; nguni't mangyayari, na sa gabi ay magliliwanag.
8 At mangyayari sa araw na yaon, na ang buhay na tubig ay magsisibalong mula sa Jerusalem; kalahati niyao'y sa dakong dagat silanganan, at kalahati niyao'y sa dakong dagat kalunuran: sa taginit at sa tagginaw mangyayari.
9 At ang Panginoo'y magiging Hari sa buong lupa: sa araw na yao'y magiging ang Panginoon ay isa, at ang kaniyang pangalan ay isa.
10 Ang buong lupain ay magiging gaya ng Araba, mula sa Geba hanggang sa Rimmon na timugan ng Jerusalem; at siya'y matataas, at tatahan sa kaniyang dako, mula sa pintuang-bayan ng Benjamin hangang sa dako ng unang pintuang-bayan, hanggang sa sulok na pintuang-bayan, at mula sa moog ng Hananel hanggang sa pisaan ng ubas ng hari.
11 At ang mga tao'y magsisitahan doon, at hindi na magkakaroon pa ng sumpa; kundi ang Jerusalem ay tatahang tiwasay.
12 At ito ang salot na ipananalot ng Panginoon sa lahat na bayan na nakipagdigma laban sa Jerusalem: ang kanilang laman ay matutunaw samantalang sila'y nangakatayo ng kanilang mga paa, at ang kanilang mga mata'y mangatutunaw sa kanilang ukit, at ang kanilang dila ay matutunaw sa kanilang bibig.
13 At mangyayari sa araw na yaon, na magkakaroon ng isang malaking kaingay sa gitna nila na mula sa Panginoon; at hahawak ang bawa't isa sa kanila sa kamay ng kaniyang kapuwa, at ang kamay niya'y mabubuhat laban sa kamay ng kaniyang kapuwa.
14 At ang Juda naman ay makikipaglaban sa Jerusalem; at ang kayamanan ng lahat na bansa sa palibot ay mapipisan, ginto, at pilak, at kasuutan, na totoong sagana.
15 At magiging gayon ang salot sa kabayo, sa mula, sa kamelyo, at sa asno, at sa lahat ng hayop na naroroon, sa mga kampamentong yaon, na gaya ng salot na ito.
16 At mangyayari, na bawa't maiwan, sa lahat na bansa na naparoon laban sa Jerusalem ay aahon taon-taon upang sumamba sa Hari, sa Panginoon ng mga hukbo, at upang ipangilin ang mga kapistahan ng mga balag.
17 At mangyayari, na ang sinoman sa mga angkan sa lupa na hindi umahon sa Jerusalem upang sumamba sa Hari, sa Panginoon ng mga hukbo, sila'y mawawalan ng ulan.
18 At kung ang angkan ng Egipto ay hindi umahon at hindi pumaroon, mawawalan din ng ulan sila, magkakaroon ng salot, na ipinanalot ng Panginoon sa mga bansa na hindi magsisiahon upang ipagdiwang ang kapistahan ng mga balag.
19 Ito ang magiging kaparusahan sa Egipto, at kaparusahan sa lahat na bansa na hindi magsisiahon upang ipagdiwang ang kapistahan ng mga balag.
20 Sa araw na yaon ay magkakaroon sa mga kampanilya ng mga kabayo, KABANALAN SA PANGINOON; at ang mga palyok sa bahay ng Panginoon ay magiging gaya ng mga taza sa harap ng dambana.
21 Oo, bawa't palyok sa Jerusalem at sa Juda ay aariing banal sa Panginoon ng mga hukbo; at silang lahat na nangaghahain ay magsisiparoon at magsisikuha niyaon, at magpapakulo roon: at sa araw na yaon ay hindi na magkakaroon pa ng Cananeo sa bahay ng Panginoon ng mga hukbo.