Zacarias 13-14
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Lilinisin ang mga Taga-Israel sa Kanilang mga Kasalanan
13 1-2 Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Sa araw na iyon, bubuksan ang bukal para sa mga angkan ni David at ng mga taga-Jerusalem, upang linisin sila sa kanilang mga kasalanan at karumihan. Aalisin ko ang mga dios-diosan sa lupain ng Israel at hindi na sila maaalala. Aalisin ko sa Israel ang mga huwad na propeta at ang masasamang espiritung nasa kanila. 3 At kung mayroon pang magpapanggap na propeta, ang mga magulang niya mismo ang magbibigay ng babala na karapat-dapat siyang patayin, dahil nagsasalita siya ng kasinungalingan at sinasabi pa na ang mensahe niya ay mula sa Panginoon. At kung patuloy pa rin siyang magpapanggap na propeta, ang amaʼt ina niya mismo ang sasaksak sa kanya. 4 Ang mga propetang iyon ay mapapahiya sa mga sinasabi nilang pangitain. Hindi na sila magsusuot ng mabalahibong damit na pampropeta upang manlinlang. 5 Sa halip sasabihin nilang, ‘Hindi ako propeta. Isa akong magbubukid mula noong bata pa ako.’ 6 At kung may magtatanong tungkol sa mga sugat nila sa katawan, sasabihin nila, ‘Nakuha ko ito sa bahay ng aking mga kaibigan.’ ”
Mamamatay ang Pastol at Mangangalat ang Kanyang mga Tupa
7 Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Ihanda ang espada! Patayin ang pastol[a] ko na aking lingkod. Patayin siya at mangangalat ang mga tupa, ang aba kong mga mamamayan. At parurusahan ko sila. 8 Mamamatay ang dalawa sa tatlong bahagi ng mga tao sa buong lupain ng Israel. 9 At ang ikatlong bahaging matitira ay lilinisin ko tulad ng pilak na pinadadalisay sa apoy. Susubukin ko sila tulad ng gintong sinusubok sa apoy kung tunay o hindi. Tatawag sila sa akin at diringgin ko sila. Sasabihin ko, ‘Sila ang aking mga mamamayan.’ At sasabihin din nila, ‘Ang Panginoon ang aming Dios.’ ”
Darating ang Panginoon at Maghahari
14 Darating ang araw na hahatol ang Panginoon. Paghahatian ng mga kalaban ang mga ari-ariang sinamsam nila sa inyo na mga taga-Jerusalem habang nakatingin kayo. 2 Sapagkat titipunin ng Panginoon ang lahat ng bansang makikipaglaban sa Jerusalem. Sasakupin nila ang lungsod na ito, kukunin nila ang mga ari-arian sa mga bahay, at gagahasain nila ang mga babae. Dadalhin nila sa ibang lugar ang kalahati ng mga mamamayan ng lungsod, pero ang matitira sa kanila ay mananatili sa lungsod. 3 Pagkatapos, makikipaglaban ang Panginoon laban sa mga bansang iyon, katulad ng ginawa niyang pakikipagdigma noon. 4 Sa araw na iyon, tatayo siya sa Bundok ng mga Olibo, sa silangan ng Jerusalem. Mahahati ang bundok na ito mula sa silangan hanggang sa kanluran. Ang kalahati ng bundok ay lilipat pahilaga at ang kalahati naman ay lilipat patimog. At magiging malawak na lambak ang gitna nito. 5 Dito kayo dadaan mga taga-Jerusalem sa inyong pagtakas, dahil ang lambak na ito ay aabot hanggang sa Azel. Tatakas kayo katulad ng ginawa ng inyong mga ninuno noong lumindol sa panahon ni haring Uzia ng Juda. At darating ang Panginoon kong Dios kasama ang lahat niyang mga anghel. 6 Sa araw na iyon ay walang init o lamig. 7 Magiging katangi-tangi ang araw na iyon, dahil walang gabi kundi panay araw lang. Ang Panginoon lamang ang nakakaalam kung kailan ito mangyayari.
8 Sa araw na iyon, dadaloy ang sariwang tubig mula sa Jerusalem. Ang kalahati nito ay dadaloy sa Dagat na Patay[b] at ang kalahati ay sa Dagat ng Mediteraneo.[c] Patuloy itong dadaloy sa panahon ng tag-araw at tag-ulan. 9 Ang Panginoon ang maghahari sa buong mundo. Siya lamang ang kikilalaning Dios at wala nang iba.
10-11 Gagawing kapatagan ang buong lupain mula sa Geba sa hilaga hanggang sa Rimon sa timog ng Jerusalem. Kaya mananatiling mataas ang Jerusalem sa kinaroroonan nito. At titirhan ito mula sa Pintuan ni Benjamin hanggang sa lugar na kinaroroonan ng Unang Pintuan, at hanggang sa Sulok na Pintuan; at mula sa Tore ni Hananel hanggang sa pisaan ng ubas ng hari. Ang Jerusalem ay hindi na muling wawasakin, at ang mga mamamayan nito ay mamumuhay nang ligtas sa panganib.
12 Ang mga bansang sumalakay sa Jerusalem ay padadalhan ng mga salot na ito: Mabubulok ang kanilang mga katawan, mata, at dila kahit buhay pa sila. 13-15 Ganito ring salot ang darating sa lahat ng mga hayop sa kanilang kampo, pati na sa kanilang mga kabayo, mola, kamelyo, at asno.
Sa araw na iyon, lubhang lilituhin ng Panginoon ang mga taong iyon. Ang bawat isa sa kanila ay sasalakay sa kanilang kapwa, at sila mismo ay maglalaban-laban. Makikipaglaban din ang ibang mga lungsod ng Juda. Sasamsamin at titipunin nila ang mga kayamanan ng mga bansa sa palibot nila – ang napakaraming ginto, pilak at mga damit.
16 Pagkatapos, ang lahat ng natitirang mga tao sa mga bansang sumalakay sa Jerusalem ay pupunta sa Jerusalem taun-taon para sumamba sa Hari, ang Panginoong Makapangyarihan, at para makipag-isa sa pagdiriwang ng Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol. 17 Ang mga taong hindi pupunta sa Jerusalem upang sumamba sa Hari, ang Panginoong Makapangyarihan, ay hindi padadalhan ng ulan. 18 Ang mga taga-Egipto na hindi pupunta sa Jerusalem ay padadalhan ng Panginoon ng salot na katulad ng salot na kanyang ipapadala sa mga bansang hindi pupunta para ipagdiwang ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol. 19 Iyan ang parusa sa Egipto at sa lahat ng bansang hindi pupunta sa Jerusalem para ipagdiwang ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol.
20 Sa araw na iyon na sasamba ang mga bansa sa Panginoon, isusulat sa mga kampanilyang palamuti ng mga kabayo ang mga katagang, “Itinalaga sa Panginoon.”[d] Ang mga lutuan sa templo ng Panginoon ay magiging kasimbanal ng mga mangkok na ginagamit sa altar. 21 At ang bawat lutuan sa Jerusalem at Juda ay magiging banal para sa Panginoong Makapangyarihan. Gagamitin ito ng mga naghahandog para paglutuan ng kanilang inihahandog. At sa araw na iyon, wala nang mga negosyante sa templo ng Panginoong Makapangyarihan.
Footnotes
- 13:7 ang pastol: Siguro ang ibig sabihin, ang aking piniling pinuno.
- 14:8 Dagat na Patay: sa Hebreo, dagat sa silangan.
- 14:8 Dagat ng Mediteraneo: sa Hebreo, dagat sa kanluran.
- 14:20 isusulat … Panginoon: Ang ibig sabihin, ang mga kabayo ay hindi na gagamitin sa labanan sa halip ay gagamitin para sa pagdala ng mga tao sa pagsamba sa Panginoon.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®