Add parallel Print Page Options

Lilinisin ang mga Taga-Israel sa Kanilang mga Kasalanan

13 1-2 Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Sa araw na iyon, bubuksan ang bukal para sa mga angkan ni David at ng mga taga-Jerusalem, upang linisin sila sa kanilang mga kasalanan at karumihan. Aalisin ko ang mga dios-diosan sa lupain ng Israel at hindi na sila maaalala. Aalisin ko sa Israel ang mga huwad na propeta at ang masasamang espiritung nasa kanila. At kung mayroon pang magpapanggap na propeta, ang mga magulang niya mismo ang magbibigay ng babala na karapat-dapat siyang patayin, dahil nagsasalita siya ng kasinungalingan at sinasabi pa na ang mensahe niya ay mula sa Panginoon. At kung patuloy pa rin siyang magpapanggap na propeta, ang amaʼt ina niya mismo ang sasaksak sa kanya. Ang mga propetang iyon ay mapapahiya sa mga sinasabi nilang pangitain. Hindi na sila magsusuot ng mabalahibong damit na pampropeta upang manlinlang. Sa halip sasabihin nilang, ‘Hindi ako propeta. Isa akong magbubukid mula noong bata pa ako.’ At kung may magtatanong tungkol sa mga sugat nila sa katawan, sasabihin nila, ‘Nakuha ko ito sa bahay ng aking mga kaibigan.’ ”

Mamamatay ang Pastol at Mangangalat ang Kanyang mga Tupa

Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Ihanda ang espada! Patayin ang pastol[a] ko na aking lingkod. Patayin siya at mangangalat ang mga tupa, ang aba kong mga mamamayan. At parurusahan ko sila. Mamamatay ang dalawa sa tatlong bahagi ng mga tao sa buong lupain ng Israel. At ang ikatlong bahaging matitira ay lilinisin ko tulad ng pilak na pinadadalisay sa apoy. Susubukin ko sila tulad ng gintong sinusubok sa apoy kung tunay o hindi. Tatawag sila sa akin at diringgin ko sila. Sasabihin ko, ‘Sila ang aking mga mamamayan.’ At sasabihin din nila, ‘Ang Panginoon ang aming Dios.’ ”

Footnotes

  1. 13:7 ang pastol: Siguro ang ibig sabihin, ang aking piniling pinuno.