Zacarias 10
Magandang Balita Biblia
Ang Pagliligtas ni Yahweh sa Kanyang Bayan
10 Humingi kayo ng ulan kay Yahweh, sa panahon ng tagsibol.
Sa kanya na lumilikha ng ulap at hamog na nagpapasariwa sa mga pananim.
2 Ang(A) mga diyus-diyosan ay wala ng kabuluhan;
ang pangitain ng mga manghuhula ay pawang kasinungalingan;
ang mga panaginip nila'y walang katotohanan;
ang kanilang sinasabi'y wala ring kabuluhan.
Kaya't mga tao'y parang tupang naliligaw,
pagkat walang pastol na sa kanila'y umaakay.
3 Ang mga pastol ay aking kinapopootan,
at ang mga pinuno ay aking paparusahan.
Mahal ko ang Juda, kaya siya'y iingatan,
palalakasin ko silang parang kabayo sa digmaan.
4 Sa kanila magmumula ang batong-panulukan;
sa kanila manggagaling ang tulos ng tolda;
sa kanila magmumula ang panang panudla,
mula rin sa kanila ang pinunong mamamahala.
5 Ang mga anak ng Juda ay mabubuo at sila'y magiging isang malakas na hukbo.
Ang kaaway nila'y kanilang yuyurakan, kanilang tatapakan sa maputik na lansangan.
Sila ay lalaban sapagkat si Yahweh ang kanilang patnubay;
ibabagsak nila ang mga kawal na kabayuhan.
6 “Ang sambahayan ni Juda'y bibigyan ko ng lakas;
ang sambahayan ni Jose'y aking ililigtas.
Ibabalik ko sila sa dating tirahan;
sapagkat sila ay aking kinahabagan, na para bang di ko sila pinabayaan.
Ako si Yahweh, ang kanilang Diyos,
aking diringgin ang kanilang dalangin.
7 Ang mga taga-Efraim ay magdiriwang, katulad nila'y kawal na nagtagumpay.
Aawit sila sa galak na parang nakainom ng alak.
Makikita ito ng mga anak nila at matutuwa,
si Yahweh ay pupurihin sapagkat siya ang gumawa.
8 “Tatawagin ko sila at muling titipunin,
sa mga kaaway sila'y aking tutubusin;
at tulad noong una, sila'y pararamihin.
9 Bagaman(B) sila'y pinangalat ko sa iba't ibang mga bansa,
hindi nila ako malilimutan doon,
sila at ang mga anak nila'y maliligtas at makakabalik sa kanilang tahanan.
10 Sila'y aking ibabalik mula sa Egipto,
at aking titipunin mula sa Asiria;
upang iuwi sa Gilead at Lebanon,
hanggang ang lupain ay mapuno ng tao.
11 Tatawid sila sa dagat ng Egipto,
at papayapain ko ang malalaking alon nito;
aking tutuyuin ang Ilog Nilo.
Ibabagsak ko ang Asiria na palalo,
maging setro ng Egipto'y tiyak na maglalaho.
12 Ang aking bayan ay aking palalakasin,
susundin nila ako at sasambahin.”
Ako si Yahweh, ang nagsabi nito.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.