Zacarias 1
Ang Biblia, 2001
Nanawagan ang Panginoon sa Kanyang Bayan
1 Nang(A) ikawalong buwan, nang ikalawang taon ni Dario, dumating ang salita ng Panginoon kay Zacarias na anak ni Berequias, na anak ni Iddo, ang propeta, na sinasabi,
2 “Ang Panginoon ay galit na galit sa inyong mga ninuno.
3 Kaya't sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Manumbalik kayo sa akin, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, at ako'y manunumbalik sa inyo, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
4 Huwag kayong maging gaya ng inyong mga ninuno, na sa kanila'y sinabi ng mga unang propeta, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Manumbalik kayo mula sa inyong masasamang lakad, at sa inyong masasamang gawa.’ Ngunit hindi nila ako pinakinggan o pinansin man, sabi ng Panginoon.
5 Ang inyong mga ninuno, nasaan sila? At ang mga propeta, nabubuhay ba sila magpakailanman?
6 Ngunit ang aking mga salita at mga tuntunin na aking iniutos sa aking mga lingkod na mga propeta, hindi ba inabutan ng mga ito ang inyong mga ninuno? Kaya't sila'y nagsisi at nagsabi, ‘Kung paano ang inisip na gawin sa amin ng Panginoon ng mga hukbo, ayon sa aming mga lakad, at ayon sa aming mga gawa, gayon ang ginawa niya sa amin.’”
Ang mga Kabayo sa Pangitain ni Zacarias
7 Nang ikadalawampu't apat na araw nang ikalabing-isang buwan, na buwan ng Sebat, nang ikalawang taon ni Dario, dumating ang salita ng Panginoon kay Zacarias, na anak ni Berequias, na anak ni Iddo, na propeta, na sinasabi:
8 “Nakita(B) ko noong gabi at narito, isang lalaking nakasakay sa isang pulang kabayo! Siya'y nakatayo sa gitna ng mga puno ng mirto na nasa lambak. Sa likuran niya'y may mga kabayong pula, hubero at puti.
9 Nang magkagayo'y aking sinabi, ‘O panginoon ko, ano ang mga ito?’ At ang anghel na nakipag-usap sa akin ay nagsabi sa akin, ‘Aking ipapakita sa iyo kung anu-ano ang mga ito.’
10 Ang lalaking nakatayo sa gitna ng mga puno ng mirto ay sumagot, ‘Ang mga iyon ang mga sinugo ng Panginoon upang manmanan ang lupa.’
11 Sila'y sumagot sa anghel ng Panginoon na nakatayo sa gitna ng mga puno ng mirto, ‘Nalibot na namin ang lupa, at narito, ang buong lupa ay mapayapa at tahimik.’
12 Nang magkagayo'y sinabi ng anghel ng Panginoon, ‘O Panginoon ng mga hukbo, hanggang kailan ka mawawalan ng habag sa Jerusalem at sa mga lunsod ng Juda, na sa kanila'y nagalit ka nitong pitumpung taon?’
13 Ang Panginoon ay sumagot ng malumanay at nakaaaliw na mga salita sa anghel na nakipag-usap sa akin.
14 Kaya't sinabi sa akin ng anghel na nakipag-usap sa akin, ‘Sumigaw ka, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Ako'y lubos na naninibugho para sa Jerusalem at sa Zion.
15 Ako'y galit na galit sa mga bansang tiwasay, sapagkat habang kakaunti pa ang aking galit, kanilang ipinagpatuloy ang pagwasak.
16 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, Ako'y bumalik sa Jerusalem na may pagkahabag. Ang aking bahay ay matatayo roon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, at ang pising panukat ay iuunat sa ibabaw ng Jerusalem.
17 Muli kang sumigaw, na iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: ‘Ang aking mga lunsod ay muling aapawan ng kasaganaan, at muling aaliwin ng Panginoon ang Zion, at muling pipiliin ang Jerusalem.’”
Ang Pangitain tungkol sa mga Sungay at mga Panday
18 Aking itinaas ang aking paningin at aking nakita, at narito, apat na sungay!
19 Aking sinabi sa anghel na nakipag-usap sa akin, “Ano ang mga ito?” At siya'y sumagot sa akin, “Ito ang mga sungay na nagpakalat sa Juda, Israel, at sa Jerusalem.”
20 Ipinakita sa akin ng Panginoon ang apat na panday.
21 Nang magkagayo'y sinabi ko, “Ano ang ipinaritong gawin ng mga ito?” Siya'y sumagot, “Ito ang mga sungay na nagpakalat sa Juda, na walang lalaki na nagtaas ng kanyang ulo at ang mga ito'y dumating upang takutin sila, upang ibagsak ang mga sungay ng mga bansa na nagtaas ng kanilang mga sungay laban sa lupain ng Juda upang ito'y pangalatin.”