Add parallel Print Page Options

Babala Laban sa Mapang-aping Mayayaman

Halikayo ngayon, kayong mayayaman, tumangis kayo at humagulhol dahil sa mga kahirapan na sa inyo'y darating.

Ang(A) inyong mga kayamanan ay bulok na, at ang inyong mga damit ay kinakain na ng bukbok.

Ang inyong ginto at ang inyong pilak ay kinakalawang na, at ang mga kalawang ng mga ito ay magiging patotoo laban sa inyo, at gaya ng apoy ay lalamunin nito ang inyong laman. Kayo'y nag-imbak ng mga kayamanan para sa mga huling araw.

Tingnan(B) ninyo, ang sahod ng mga manggagawa na gumapas sa inyong mga bukid na inyong ipinagkakait ay umiiyak; at ang pag-iyak ng mga umani ay nakarating sa pandinig ng Panginoon ng mga hukbo.

Kayo'y namuhay na may pagpapasasa sa ibabaw ng lupa, at namuhay kayong may karangyaan. Pinataba ninyo ang inyong mga puso sa araw ng katayan.

Inyong hinatulan at pinaslang ang taong matuwid na hindi lumalaban sa inyo.

Katiyagaan sa Kahirapan

Kaya, maging matiyaga kayo, mga kapatid, hanggang sa pagdating ng Panginoon. Hinihintay ng magsasaka ang mahalagang bunga ng lupa, na siya'y nagtitiis para dito hanggang sa ito ay tumanggap ng una at huling ulan.

Maging matiyaga rin kayo. Patatagin ninyo ang inyong mga puso, sapagkat ang pagdating ng Panginoon ay malapit na.[a]

Mga kapatid, huwag kayong magbulung-bulungan laban sa isa't isa, upang huwag kayong mahatulan. Tingnan ninyo, ang hukom ay nakatayo sa harapan ng mga pintuan.

10 Mga kapatid, kunin ninyong halimbawa ng pagtitiis at ng pagtitiyaga ang mga propeta na nagsalita sa pangalan ng Panginoon.

11 Tunay(C) na tinatawag nating mapapalad ang mga nagtiis. Narinig ninyo ang tungkol sa pagtitiis ni Job, at inyong nakita ang layunin ng Panginoon, kung paanong ang Panginoon ay punô ng pagkahabag at pagkamaawain.

12 Ngunit(D) higit sa lahat, mga kapatid ko, huwag ninyong ipanumpa ang langit o ang lupa, o ang anumang ibang panunumpa, kundi ang inyong “Oo” ay maging oo; at ang inyong “Hindi” ay maging hindi, upang kayo'y huwag mahulog sa ilalim ng kahatulan.

Ang Mabisang Panalangin

13 Mayroon ba sa inyong nagdurusa? Manalangin siya. Mayroon bang masaya? Umawit siya ng papuri.

14 May(E) sakit ba ang sinuman sa inyo? Ipatawag niya ang matatanda ng iglesya, at kanilang ipanalangin siya, at siya'y pahiran nila ng langis sa pangalan ng Panginoon.

15 Ang panalangin na may pananampalataya ay magliligtas sa maysakit, at ibabangon siya ng Panginoon; at kung siya ay nagkasala, siya ay patatawarin.

16 Kaya't ipahayag ninyo sa isa't isa ang inyong mga kasalanan, at ipanalangin ninyo ang isa't isa, upang kayo'y gumaling. Ang panalangin ng taong matuwid ay makapangyarihan at mabisa.

17 Si(F) Elias ay isang taong may likas na gaya rin ng sa atin, at siya'y taimtim na nanalangin upang huwag umulan, at hindi umulan sa lupa sa loob ng tatlong taon at anim na buwan.

18 At(G) muli siyang nanalangin, at ang langit ay nagbigay ng ulan, at ang lupa ay sinibulan ng bunga nito.

19 Mga kapatid ko, kung ang sinuman sa inyo ay naliligaw mula sa katotohanan, at siya'y pinapanumbalik ng sinuman,

20 dapat(H) niyang malaman na ang nagpapanumbalik sa isang makasalanan mula sa pagkaligaw sa kanyang landas ay magliligtas ng kaluluwa mula sa kamatayan, at magtatakip ng napakaraming kasalanan.

Footnotes

  1. Santiago 5:8 o papalapit na .