Santiago 3
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Ang Dila
3 Mga kapatid ko, huwag magnais maging guro ang marami sa inyo sapagkat alam ninyo na mas mahigpit ang gagawing paghatol sa ating mga nagtuturo. 2 Sapagkat tayong lahat ay nagkakamali sa iba't ibang paraan. Sinumang hindi nagkakamali sa kanyang pagsasalita ay taong ganap at kayang rendahan ang kanyang sarili. 3 Kapag nilagyan ng renda[a] ang bibig ng kabayo, ito'y napasusunod natin at napababaling saanman natin ibigin. 4 Tingnan ninyo ang mga barko, bagama't malalaki at itinutulak ng malalakas na hangin, ito'y naibabaling sa pamamagitan ng napakaliit na timon saanman ibigin ng piloto. 5 Ganyan din ang dila ng tao; napakaliit na bahagi ng katawan ngunit napakalaki ng nagagawang kayabangan. Isipin na lang ninyo na “gaano kalaking mga gubat ang napaglalagablab ng isang maliit na apoy!” 6 Ang dila'y parang apoy, isang daigdig ng kasamaan na kasama ng ibang bahagi ng ating katawan. Pinarurumi nito ang ating buong pagkatao at tinutupok ang landas na tinatahak ng tao sa pamamagitan ng apoy mula sa impiyerno. 7 Lahat ng uri ng ibon at hayop na lumalakad o gumagapang, at ng mga nilalang sa dagat ay napaaamo at napaamo na ng tao. 8 Ngunit walang taong nakapagpaamo sa dila. Ito ay kasamaang hindi mapigil, at puno ng lasong nakakamatay. 9 Dila (A) ang ginagamit natin sa pagpupuri sa ating Panginoon at Ama, at dila din ang ginagamit natin sa panlalait sa ating kapwa na nilalang na kalarawan ng Diyos. 10 Sa iisang bibig lumalabas ang pagpupuri at panlalait. Hindi dapat mangyari ito, mga kapatid. 11 Maaari bang magmula sa iisang bukal ang tubig na matamis at ang tubig na mapait? 12 Mga kapatid, namumunga ba ng olibo ang puno ng igos? Mamumunga ba ng igos ang puno ng ubas? Bumubukal ba ng tubig-tabang ang balon ng maalat na tubig?
Karunungan Mula sa Itaas
13 Sino sa inyo ang marunong at may pang-unawa? Ipakita niya sa pamamagitan ng wastong pamumuhay ang mga gawa na bunga ng kaamuan at karunungan. 14 Ngunit kung nasa inyong puso ang inggit at makasariling hangarin, huwag ninyong ipagmalaki iyan at huwag ikaila ang katotohanan. 15 Ang ganyang karunungan ay hindi buhat sa langit kundi makasanlibutan, makalaman at mula sa diyablo. 16 Sapagkat saanman naroon ang inggit at makasariling hangarin, naroon din ang kaguluhan at lahat ng uri ng masamang gawa. 17 Ngunit ang karunungang buhat sa itaas, una'y malinis, saka mapagpayapa, banayad, maunawain, puspos ng kaawaan at ng mabubuting bunga, walang pagtatangi, walang pagkukunwari. 18 Namumunga ng katuwiran ang binhi ng kapayapaang itinatanim ng mga nagtataguyod ng kapayapaan.
Footnotes
- Santiago 3:3 pakagat: Isang bakal na inilalagay sa bibig ng kabayo na karugtong ng renda.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.