Santiago 1
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Pagbati
1 Mula (A) kay Santiago, lingkod[a] ng Diyos at ng Panginoong Jesu-Cristo: Binabati ko ang labindalawang liping nagsikalat sa iba't ibang bansa.
Pananampalataya at Karunungan
2 Ituring ninyong tunay na kagalakan, mga kapatid, kapag kayo'y dumaranas ng iba't ibang pagsubok, 3 sapagkat alam ninyo na ang pagsubok sa inyong pananampalataya ay nagbubunga ng katatagan. 4 At dapat kayong magpakatatag hanggang wakas upang kayo'y dumating sa hustong gulang, ganap at walang kakulangan. 5 At kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan, humingi siya sa Diyos at siya'y bibigyan, sapagkat ang Diyos ay nagbibigay nang sagana sa lahat at hindi nanunumbat. 6 Ngunit ang humihingi ay dapat magtiwala at huwag mag-alinlangan, sapagkat ang nag-aalinlangan ay parang alon sa dagat na hinihipan ng hangin at itinataboy kahit saan. 7 Huwag isipin ng taong iyon na tatanggap siya ng anuman galing sa Panginoon. 8 Ang taong iyon ay nagdadalawang-isip, di-tiyak sa lahat ng kanyang dinaraanan.
Kahirapan at Kayamanan
9 Dapat magalak ang dukhang kapatid na siya'y itinataas ng Diyos, 10 gayundin (B) ang mayamang kapatid na ibinababa, sapagkat ang mayaman ay lilipas na gaya ng bulaklak sa parang. 11 Sumisikat ang araw na may matinding init at tinutuyo ang damo; nalalagas ang bulaklak nito at ang ganda nito'y kumukupas. Gayundin naman, ang mayaman ay lilipas sa gitna ng kanyang pagpapayaman.
Tukso at Pagsubok
12 Pinagpala ang taong nananatiling matatag sa gitna ng pagsubok; sapagkat kung siya'y magtagumpay, tatanggapin niya ang korona ng buhay na ipinangako ng Panginoon sa mga umiibig sa kanya. 13 Huwag sabihin ninuman na tinutukso siya ng Diyos kapag dumaranas siya ng pagsubok. Hindi maaaring matukso ng masama ang Diyos, at hindi rin naman siya nanunukso ninuman. 14 Natutukso ang tao kapag siya'y naaakit at nagpapatangay sa sarili niyang pagnanasa. 15 Kapag ang pagnanasang iyon ay naipaglihi, nanganganak ito ng kasalanan, at ang kasalanan naman kapag malaki na ay nagbubunga ng kamatayan. 16 Huwag kayong padaya, mga minamahal kong kapatid. 17 Ang bawat mabuti at ganap na kaloob ay nagmumula sa itaas, mula sa Ama na lumikha ng mga tanglaw sa kalangitan. Hindi siya nag-iiba o nagdudulot man ng anino dahil sa pagbabago. 18 Ipinanganak niya tayo ayon sa kanyang kalooban sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang tayo'y maging mga unang bunga sa kanyang mga nilalang.
Pakikinig at Pagtupad
19 Unawain ninyo ito, mga kapatid kong minamahal: bawat isa'y maging laging handang makinig, maingat sa pananalita, at hindi madaling magalit. 20 Sapagkat ang galit ng tao ay hindi nagbubunga ng katuwiran ng Diyos. 21 Kaya't talikuran na ninyo ang lahat ng karumihan at laganap na kasamaan, at tanggaping may pagpapakumbaba ang salitang itinanim sa inyong puso. Ang salitang ito ang may kapangyarihang magligtas sa inyo. 22 Maging tagatupad kayo ng salita ng Diyos, at hindi tagapakinig lamang. Kung hindi, dinadaya ninyo ang inyong sarili. 23 Sinumang nakikinig ng salita at hindi tumutupad nito ay katulad ng taong tumitingin sa kanyang mukha sa salamin 24 at pagkatapos makita ang kanyang sarili ay umaalis at kaagad nalilimutan ang kanyang anyo. 25 Subalit ang taong masusing tumitingin at nagpapatuloy sa sakdal na kautusang nagpapalaya sa tao, siya ang pagpapalain ng Diyos sa kanyang mga gawain, kung siya'y tagatupad at hindi lamang tagapakinig na lumilimot ng kanyang narinig. 26 Kung iniisip ninuman na siya'y relihiyoso ngunit hindi marunong magpigil ng kanyang dila, dinadaya lamang niya ang kanyang sarili at ang kanyang relihiyon ay walang kabuluhan. 27 Ang dalisay at walang kapintasang relihiyon sa harap ng ating Diyos at Ama ay ito: ang dalawin ang mga ulila at ang mga balo sa kanilang kahirapan, at panatilihing malinis ang sarili mula sa karumihan ng sanlibutan.
Footnotes
- Santiago 1:1 o alipin.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.