Add parallel Print Page Options

Papuri sa Kabutihan ng Dios

81 Umawit kayo nang may galak sa Dios na nagbibigay sa atin ng kalakasan.
    Sumigaw kayo nang may tuwa sa Dios ni Jacob!
Umawit kayo at tugtugin ang tamburin kasabay ng magandang tunog ng alpa at lira.[a]
Patunugin ninyo ang tambuli tuwing Pista ng Pagsisimula ng Buwan na ating ipinagdiriwang tuwing kabilugan ng buwan.
Dahil isa itong kautusan para sa mga taga-Israel.
    Itoʼy utos ng Dios ni Jacob.
Ibinigay niya ang kautusang ito sa lahi ni Jose nang siyaʼy sumalakay sa lupain ng Egipto.
    May narinig akong tinig ngunit hindi ko kilala, na nagsasabing,
Pinalaya ko kayo sa pagkaalipin;
    kinuha ko ang mabibigat ninyong mga bitbit at pasanin.
Nang kayoʼy nahirapan, tumawag kayo sa akin at kayoʼy iniligtas ko.
    Mula sa mga alapaap,
    sinagot ko kayo at sinubok doon sa bukal ng Meriba.
Mga Israelita na aking mga mamamayan, pakinggan ninyo itong babala ko sa inyo.
    Makinig sana kayo sa akin!
Hindi kayo dapat magkaroon ng ibang dios.
    Huwag kayong sasamba sa kanila.
10 Ako ang Panginoon na inyong Dios. Ako ang naglabas sa inyo sa lupain ng Egipto.
    Humingi kayo sa akin at ibibigay ko sa inyo ang mga pangangailangan ninyo.
11 Ngunit kayong mga Israelita na aking mga mamamayan, hindi kayo nakinig at sumunod sa akin.
12 Kaya hinayaan ko kayo sa katigasan ng inyong ulo[b] at ginawa ninyo ang inyong gusto.
13 Kung nakinig lang sana kayo sa akin at sumunod sa aking mga pamamaraan,
14 kaagad ko sanang nilupig at pinarusahan ang inyong mga kaaway.
15 Ang mga napopoot sa akin ay yuyukod sa takot.
    Ang kaparusahan nila ay walang katapusan.
16 Ngunit kayo na aking mga mamamayan,
    pakakainin ko kayo ng pinakamainam na bunga ng trigo at pulot hanggang sa mabusog kayo.”

Pinagsabihan ng Dios ang mga Namumuno

82 Pinamumunuan ng Dios ang pagtitipon ng kanyang mga mamamayan.
    Sa gitna ng mga hukom[c] siya ang humahatol sa kanila.
Sinabi niya sa kanila, “Hanggang kailan kayo hahatol ng hindi tama?
    Hanggang kailan ninyo papaboran ang masasama?
Bigyan ninyo ng katarungan ang mga dukha at ulila.
    Ipagtanggol ninyo ang karapatan ng mga nangangailangan at inaapi.
Iligtas ninyo ang mahihina at mga nangangailangan mula sa kamay ng masasamang tao!
Wala silang nalalaman! Hindi sila nakakaintindi!
    Wala silang pag-asa, namumuhay sila sa kadiliman at niyayanig nila ang pundasyon ng mundo.
Sinabi ko na sa inyo na kayo ay mga dios, mga anak ng Kataas-taasang Dios.
Ngunit gaya ng ibang mga namumuno ay babagsak kayo, at gaya ng ibang tao ay mamamatay din kayo.”
Sige na, O Dios, hatulan nʼyo na ang lahat ng bansa sa mundo, sapagkat sila namaʼy sa inyo.

Ang Masasamang Bansa

83 O Dios, huwag kayong manahimik.
    Kumilos po kayo!
Masdan ang inyong mga kaaway,
    maingay silang sumasalakay at ipinagyayabang na mananalo sila.
Nagbabalak sila ng masama laban sa inyong mga mamamayan na inyong kinakalinga.
Sinabi nila, “Halikayo, wasakin natin ang bansang Israel upang makalimutan na siya magpakailanman.”
At nagkasundo sila sa masamang plano nila.
    Gumawa sila ng kasunduan laban sa inyo.
Sila ay mga taga-Edom, mga Ishmaelita, mga taga-Moab, mga Hagreo,
mga taga-Gebal, taga-Ammon, taga-Amalek, mga taga-Filistia at mga taga-Tyre.
Kumampi rin sa kanila ang Asiria, isang bansang malakas na kakampi ng lahi ni Lot.[d]
Talunin nʼyo sila Panginoon,
    katulad ng ginawa nʼyo sa mga Midianita at kina Sisera at Jabin doon sa Lambak ng Kishon.
10 Namatay sila sa Endor at ang mga bangkay nilaʼy nabulok at naging pataba sa lupa.
11 Patayin nʼyo ang mga pinuno nila katulad ng ginawa ninyo kina Oreb at Zeeb at kina Zeba at Zalmuna.
12 Sinabi nila, “Agawin natin ang lupain ng Dios.”
13 O Dios ko, ikalat nʼyo sila na parang alikabok o ipa na nililipad ng hangin.
14-15 Tulad ng apoy na tumutupok sa mga puno sa kagubatan at kabundukan,
    habulin nʼyo sila ng inyong bagyo at takutin ng malalakas na hangin.
16 Hiyain nʼyo sila Panginoon hanggang sa matuto silang lumapit sa inyo.
17 Sana nga ay mapahiya at matakot sila habang buhay.
Mamatay sana sila sa kahihiyan.
18 Para malaman nilang kayo, Panginoon, ang tanging Kataas-taasang Dios sa buong mundo.

Footnotes

  1. 81:2 lira: sinaunang instrumentong may kwerdas.
  2. 81:12 ulo: o, puso.
  3. 82:1 mga hukom: Sila ay mga pinuno rin ng Israel.
  4. 83:8 lahi ni Lot: Maaaring ang mga taga-Moab at Ammon.