Add parallel Print Page Options

Papuri at Pasasalamat

66 Kayong mga tao sa buong mundo,
    isigaw ninyo ang inyong papuri sa Dios nang may kagalakan.
Umawit kayo ng mga papuri para sa kanya.
    Parangalan ninyo siya sa pamamagitan ng inyong mga awit.
Sabihin ninyo sa kanya,
    “O Dios, kahanga-hanga ang inyong mga gawa!
    Dahil sa inyong dakilang kapangyarihan,
    luluhod ang inyong mga kaaway sa takot.
Ang lahat ng tao sa buong mundo ay sasamba sa inyo
    na may awit ng papuri.”
Halikayo at tingnan ang kahanga-hangang ginawa ng Dios para sa mga tao.
Pinatuyo niya ang dagat;
    tinawid ito ng ating mga ninuno na naglalakad.
    Tayoʼy mangagalak sa kanyang mga ginawa.
Maghahari ang Dios ng walang hanggan
    sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
    Mga bansaʼy kanyang pinagmamasdan,
    kaya ang mga sumusuway sa kanya
    ay hindi dapat magmalaki sa kanilang sarili.
Kayong mga tao, purihin ninyo ang Dios!
    Iparinig ninyo sa lahat ang inyong papuri.
Iningatan niya ang ating buhay
    at hindi niya hinayaang tayoʼy madapa.

10 O Dios, tunay ngang binigyan nʼyo kami ng pagsubok,
    na tulad ng apoy na nagpapadalisay sa pilak.
11 Hinayaan nʼyo kaming mahuli sa bitag
    at pinagpasan nʼyo kami ng mabigat na dalahin.
12 Pinabayaan nʼyo ang aming mga kaaway na tapakan kami sa ulo;
    parang dumaan kami sa apoy at lumusong sa baha.
    Ngunit dinala nʼyo kami sa lugar ng kasaganaan.
13 Mag-aalay ako sa inyong templo ng mga handog na sinusunog[a]
    upang tuparin ko ang aking mga ipinangako sa inyo,
14 mga pangakong sinabi ko noong akoʼy nasa gitna ng kaguluhan.
15 Mag-aalay ako sa inyo ng matatabang hayop bilang handog na sinusunog,
    katulad ng mga tupa, toro at mga kambing.
16 Halikayo at makinig, kayong lahat na may takot sa Dios.
    Sasabihin ko sa inyo ang mga ginawa niya sa akin.
17 Humingi ako sa kanya ng tulong habang nagpupuri.
18 Kung hindi ko ipinahayag sa Panginoon ang aking mga kasalanan,
    hindi niya sana ako pakikinggan.
19 Ngunit tunay na pinakinggan ako ng Dios at ang dalangin koʼy kanyang sinagot.
20 Purihin ang Dios, na hindi tumanggi sa aking panalangin,
    at hindi nagkait ng kanyang tapat na pag-ibig sa akin.

Awit ng Pasasalamat

67 O Dios, kaawaan nʼyo kami at pagpalain.
    Ipakita nʼyo sa amin ang inyong kabutihan,
upang malaman ng lahat ng bansa ang inyong mga pamamaraan at pagliligtas.
Purihin ka sana ng lahat ng tao, O Dios.
Magalak sana ang lahat ng tao at umawit ng papuri sa inyo,
    dahil sa makatarungan nʼyong paghahatol at pagpapatnubay sa lahat ng bansa.
O Dios, purihin sana kayo ng lahat ng bansa.
6-7 Mag-ani sana ng sagana ang mga lupain.
    Nawaʼy pagpalain nʼyo kami, O Dios, na aming Dios.
    At magkaroon sana ng takot sa inyo ang lahat ng tao sa buong mundo.

Footnotes

  1. 66:13 handog na sinusunog: Tingnan ang kahulugan nito sa Lev. 1:3.