Salmo 6
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Panalangin para Tulungan ng Dios
6 O Panginoon, huwag nʼyo akong parusahan kahit na kayo ay nagagalit sa akin.
2 Maawa po kayo sa akin at akoʼy pagalingin,
dahil akoʼy nanghihina na.
3 O Panginoon, akoʼy labis na nababagabag.
Kailan nʼyo po ako pagagalingin?
4 Dinggin nʼyo ako Panginoon at akoʼy palayain.
Iligtas nʼyo ako sa kamatayan alang-alang sa pag-ibig nʼyo sa akin.
5 Dahil kung akoʼy patay na ay hindi na kita maaalala,
sa lugar ng mga patay ay hindi na rin ako makakapagpuri pa.
6 Akoʼy pagod na sa sobrang pagdaing.
Gabi-gabiʼy basa ng luha ang aking unan, dahil sa labis na pag-iyak.
7 Ang aking mga mataʼy namumugto na sa kaiiyak,
dahil sa ginagawa ng lahat kong mga kaaway.
8 Lumayo kayo sa akin, kayong gumagawa ng kasamaan,
dahil narinig ng Panginoon ang aking pag-iyak.
9 Narinig niya ang paghingi ko ng tulong,
at sasagutin niya ang aking dalangin.
10 Mapapahiya at matatakot ang lahat ng aking kaaway,
kaya bigla silang tatakas dahil sa sobrang kahihiyan.
Mga Awit 6
Ang Biblia, 2001
Sa Punong Mang-aawit: sa Saliw ng Instrumentong may Kuwerdas; ayon sa Sheminith. Awit ni David.
6 O(A) Panginoon, huwag mo akong sawayin sa iyong kagalitan,
ni sa iyong pagkapoot, ako ay parusahan man.
2 Maawa ka sa akin, O Panginoon; sapagkat ako'y nanghihina;
O Panginoon, pagalingin mo ako; sapagkat nanginginig ang aking mga buto.
3 Ang aking kaluluwa ay nababagabag ding mainam.
Ngunit ikaw, O Panginoon, hanggang kailan?
4 Bumalik ka, O Panginoon, iligtas mo ang aking buhay;
iligtas mo ako alang-alang sa iyong tapat na pagmamahal.
5 Sapagkat sa kamatayan ay hindi ka naaalala;
sa Sheol naman ay sinong sa iyo ay magpupuri pa?
6 Sa aking pagdaing ako ay napapagod na,
bawat gabi ay pinalalangoy ko ang aking higaan,
dinidilig ko ang aking higaan ng aking mga pagluha.
7 Ang aking mga mata dahil sa dalamhati ay namumugto,
ito'y tumatanda dahil sa lahat ng mga kaaway ko.
8 Lumayo(B) kayo sa akin, kayong lahat na gumagawa ng kasamaan,
sapagkat ang tinig ng aking pagtangis ay kanyang pinakinggan.
9 Narinig ng Panginoon ang aking pagdaing;
tinatanggap ng Panginoon ang aking panalangin.
10 Lahat ng kaaway ko'y mapapahiya at mababagabag na mainam;
sila'y babalik, at kaagad na mapapahiya.
Mga Awit 6
Ang Biblia (1978)
Panalangin sa paghingi ng tulong sa panahon ng bagabag. Sa Pangulong manunugtog; sa mga panugtog na kawad, itinugma sa Seminoth. Awit ni David.
6 Oh Panginoon, (A)huwag mo akong sawayin sa iyong galit,
(B)Ni parusahan mo man ako sa iyong mahigpit na sama ng loob.
2 (C)Maawa ka sa akin, Oh Panginoon; sapagka't ako'y naluluoy, Oh Panginoon, pagalingin mo ako; sapagka't ang aking mga buto ay nagsisipangalog.
3 Ang akin ding kaluluwa ay nababagabag na mainam:
At ikaw, Oh Panginoon, (D)hanggang kailan?
4 Bumalik ka, Oh Panginoon, palayain mo ang aking kaluluwa:
Iligtas mo ako alangalang sa iyong kagandahang-loob.
5 (E)Sapagka't sa kamatayan ay walang alaala sa iyo;
Sa Sheol ay sinong mangagpapasalamat sa iyo?
6 Ako'y pagal ng aking pagdaing; Gabigabi ay aking pinalalangoy ang aking higaan;
Aking dinidilig ang aking hiligan ng aking mga luha.
7 (F)Ang aking mga mata ay nangamumugto dahil sa kapanglawan;
Tumatanda ako dahil sa aking lahat na kaaway.
8 (G)Magsilayo kayo sa akin, kayong lahat na manggagawa ng kasamaan:
Sapagka't narinig ng Panginoon ang tinig ng aking pagtangis.
9 Narinig ng Panginoon ang aking pananaing;
Tatanggapin ng Panginoon ang aking dalangin.
10 Lahat ng kaaway ko'y mapapahiya, at mababagabag na mainam:
Sila'y magsisibalik, sila'y mangapapahiyang kagyat.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
