Add parallel Print Page Options

Panalangin para Ingatan ng Panginoon

O Panginoon, pakinggan nʼyo po ang aking mga hinaing at iyak.
Pakinggan nʼyo ang paghingi ko ng tulong, O Dios ko at aking Hari,
dahil sa inyo lamang ako lumalapit.
Sa umaga, O Panginoon naririnig nʼyo ang aking panalangin, habang sinasabi ko sa inyo ang aking mga kahilingan at hinihintay ko ang inyong kasagutan.
Kayo ay Dios na hindi natutuwa sa kasamaan,
    at hindi nʼyo tinatanggap ang taong namumuhay sa kasalanan.
Ang mga mapagmataas ay hindi makalalapit sa inyong harapan,
    at ang mga gumagawa ng kasamaan ay inyong kinasusuklaman.
Lilipulin nʼyo ang mga sinungaling.
    Kinasusuklaman nʼyo ang mga mamamatay-tao at mga mandaraya.
Ngunit dahil sa dakila nʼyong pag-ibig sa akin,
    makakapasok ako sa banal nʼyong templo.
    At doon akoʼy sasamba nang may paggalang sa inyo.

O Panginoon, dahil napakarami ng aking mga kaaway,
    gabayan nʼyo ako tungo sa inyong matuwid na daan.
    Gawin nʼyong madali para sa akin ang pagsunod ko sa inyong kagustuhan.
Hindi maaasahan ang sinasabi ng aking mga kaaway,
    laging hangad nilaʼy kapahamakan ng iba.
    Ang kanilang pananalita ay mapanganib katulad ng bukas na libingan,
    at ang kanilang sinasabi ay puro panloloko.
10 O Dios, parusahan nʼyo po ang aking mga kaaway.
    Mapahamak sana sila sa sarili nilang masamang plano.
    Itakwil nʼyo sila dahil sa kanilang mga kasalanan,
    dahil silaʼy sumuway sa inyo.
11 Ngunit magalak nawa ang lahat ng nanganganlong sa inyo;
    magsiawit nawa sila sa kagalakan.
    Ingatan nʼyo silang mga nagmamahal sa inyo, upang sa inyo magmula ang kanilang kagalakan.
12 Pinagpapala nʼyo Panginoon ang mga matuwid.
    Ang pag-ibig nʼyo ay parang kalasag na nag-iingat sa kanila.

Sa Punong Mang-aawit: sa Saliw ng mga Plauta. Awit ni David.

Dinggin mo ang aking mga salita, O Panginoon,
    pakinggan mo ang aking panaghoy.
Pakinggan mo ang tunog ng aking daing,
    hari ko at Diyos ko;
    sapagkat sa iyo ako'y nananalangin.
O Panginoon, sa umaga ang tinig ko'y iyong pinapakinggan;
    sa umaga'y naghahanda ako para sa iyo, at ako'y magbabantay.

Sapagkat ikaw ay hindi isang Diyos na nalulugod sa kasamaan;
    ang kasamaan ay hindi mo kasamang naninirahan.
Ang hambog ay hindi makakatayo sa iyong harapan,
    kinapopootan mo ang lahat ng mga gumagawa ng kasamaan.
Iyong lilipulin sila na nagsasalita ng mga kasinungalingan;
    kinasusuklaman ng Panginoon ang mamamatay-tao at manlilinlang.
Ngunit ako, sa pamamagitan ng kasaganaan ng iyong wagas na pag-ibig,
    ay papasok sa iyong bahay;
at sa iyo'y may takot na sasamba sa templo mong banal.
Patnubayan mo ako, O Panginoon, sa iyong katuwiran
    dahil sa aking mga kaaway;
    tuwirin mo ang iyong daan sa aking harapan.

Sapagkat(A) walang katotohanan sa kanilang bibig;
    ang kanilang puso ay pagkawasak,
ang kanilang lalamunan ay isang bukas na libingan,
    sa pamamagitan ng kanilang dila ay nanlilinlang.
10 O Diyos, ipapasan mo sa kanila ang kanilang pagkakasala,
    sa kanilang sariling mga balak ay hayaan mong mabuwal sila,
dahil sa marami nilang mga pagsuway, sila'y iyong palayasin,
    sapagkat silang laban sa iyo ay suwail.

11 Ngunit hayaan mong magalak ang lahat ng nanganganlong sa iyo,
    hayaan mo silang umawit sa kagalakan
at sila nawa'y ipagsanggalang mo,
    upang dakilain ka ng mga umiibig sa pangalan mo.
12 O Panginoon, sapagkat iyong pinagpapala ang tapat,
    na gaya ng isang kalasag ay tinatakpan mo siya ng paglingap.

Panalangin upang ipag-adya sa masama. Sa Pangulong manunugtog; pati ng Nehiloth. Awit ni David.

Pakinggan mo ang aking mga salita, Oh Panginoon,
Pakundanganan mo ang aking pagbubulaybulay.
Dinggin mo ang tinig ng aking daing, (A)Hari ko, at Dios ko;
Sapagka't (B)sa Iyo'y dumadalangin ako.
Oh Panginoon, (C)sa kinaumagaha'y didinggin mo ang aking tinig;
Sa kinaumagahan ay aayusin ko ang aking dalangin sa iyo, at magbabantay ako.
Sapagka't ikaw ay di isang Dios na may kaluguran sa kasamaan:
Ang masama ay hindi tatahang kasama mo.
Ang hambog ay hindi tatayo sa iyong paningin:
Iyong kinapopootan ang lahat na mga manggagawa ng kalikuan.
Iyong lilipulin sila na nangagsasalita ng mga (D)kabulaanan:
(E)Kinayayamutan ng Panginoon ang taong mabangis at magdaraya,
Nguni't sa ganang akin, sa kasaganaan ng iyong kagandahang-loob ay papasok ako sa iyong bahay;
(F)Sa takot sa iyo ay sasamba ako sa dako ng iyong banal na templo.
(G)Patnubayan mo ako, Oh Panginoon, sa iyong katuwiran dahil sa aking mga kaaway;
Patagin mo ang iyong daan sa harapan ko.
Sapagka't walang pagtatapat sa kanilang bibig;
Ang kanilang kalooban ay tunay na kasamaan;
Ang kanilang lalamunan ay bukas na (H)libingan;
Sila'y nanganunuya ng kanilang dila.
10 Bigyan mong sala sila, Oh Dios;
Ibuwal mo sila sa kanilang sariling mga payo:
Palayasin mo sila sa karamihan ng kanilang mga pagsalangsang;
Sapagka't sila'y nanganghimagsik laban sa iyo,
11 Nguni't iyong pagalakin ang lahat na nagsisipagkanlong sa iyo,
Pahiyawin mo nawa sila sa kagalakan magpakailan man, sapagka't iyong ipinagsasanggalang sila:
Mangagalak nawa rin sa iyo ang nagsisiibig ng iyong pangalan.
12 Sapagka't iyong pagpapalain ang matuwid;
Oh Panginoon, lilibirin mo siya ng paglingap (I)na gaya ng isang kalasag.