Add parallel Print Page Options

Dalangin Laban sa mga Kaaway ng Israel

129 Mga taga-Israel, sabihin ninyo kung paano kayo pinahirapan ng inyong mga kaaway mula nang itatag ang inyong bansa.
“Maraming beses nila kaming pinahirapan mula pa nang itatag ang aming bansa.
    Ngunit hindi sila nagtagumpay laban sa amin.
Sinugatan nila ng malalim ang aming likod, na parang lupang inararo.
Ngunit ang Panginoon ay matuwid, pinalaya niya kami sa pagkaalipin mula sa masasama.”

Magsitakas sana dahil sa kahihiyan ang lahat ng namumuhi sa Zion.
Matulad sana sila sa damong tumutubo sa bubungan ng bahay, na nang tumubo ay agad ding namatay.
Walang nagtitipon ng ganitong damo o nagdadala nito na nakabigkis.
Sanaʼy walang sinumang dumadaan na magsasabi sa kanila,
    “Pagpalain nawa kayo ng Panginoon!
    Pinagpapala namin kayo sa pangalan ng Panginoon.”

Pagtitiwala sa Panginoon sa Oras ng Paghihirap

130 Panginoon, sa labis kong paghihirap akoʼy tumatawag sa inyo.
Dinggin nʼyo po ang aking pagsusumamo.
Kung inililista nʼyo ang aming mga kasalanan,
    sino kaya sa amin ang matitira sa inyong presensya?[a]
Ngunit pinapatawad nʼyo kami, upang matuto kaming gumalang sa inyo.
Panginoon, akoʼy naghihintay sa inyo,
    at umaasa sa inyong mga salita.
Naghihintay ako sa inyo higit pa sa tagabantay na naghihintay na dumating ang umaga.

Mga taga-Israel, magtiwala kayo sa Panginoon,
    dahil siyaʼy mapagmahal at laging handang magligtas.
Siya ang magliligtas sa inyo sa lahat ng inyong mga kasalanan.

Dalanging may Pagtitiwala

131 Panginoon, akoʼy hindi hambog o mapagmataas.
    Hindi ko hinahangad ang mga bagay na napakataas na hindi ko makakayanan.
Kontento na ako katulad ng batang inawat na hindi na naghahangad ng gatas ng kanyang ina.
Mga taga-Israel, magtiwala kayo sa Panginoon ngayon at magpakailanman.

Footnotes

  1. 130:3 matitira sa inyong presensya: o, makakatakas sa kaparusahan.