Ruth 1
Ang Dating Biblia (1905)
1 At nangyari nang mga kaarawan nang humatol ang mga hukom, na nagkagutom sa lupain. At isang lalaking taga Bethlehem-juda ay yumaong nakipamayan sa lupain ng Moab, siya, at ang kaniyang asawa, at ang kaniyang dalawang anak na lalake.
2 At ang pangalan ng lalake ay Elimelech, at ang pangalan ng kaniyang asawa ay Noemi, at ang pangalan ng kaniyang dalawang anak ay Mahalon at Chelion, mga Ephrateo na taga Bethlehem-juda. At sila'y naparoon sa lupain ng Moab, at nanirahan doon.
3 At si Elimelech na asawa ni Noemi ay namatay: at siya'y naiwan at ang kaniyang dalawang anak.
4 At sila'y nagsipagasawa sa mga babae sa Moab; ang pangalan ng isa'y Orpha, at ang pangalan ng isa'y Ruth: at sila'y tumahan doon na may sangpung taon.
5 At namatay kapuwa si Mahalon at si Chelion; at ang babae ay naiwan ng kaniyang dalawang anak at ng kaniyang asawa.
6 Nang magkagayo'y bumangon siya na kasama ng kaniyang dalawang manugang upang siya'y bumalik mula sa lupain ng Moab: sapagka't kaniyang nabalitaan sa lupain ng Moab kung paanong dinalaw ng Panginoon ang kaniyang bayan sa pagbibigay sa kanila ng tinapay.
7 At siya'y umalis sa dakong kaniyang kinaroroonan, at ang kaniyang dalawang manugang na kasama niya: at sila'y yumaon upang bumalik sa lupain ng Juda.
8 At sinabi ni Noemi sa kaniyang dalawang manugang, Kayo'y yumaon, na bumalik ang bawa't isa sa inyo sa bahay ng kaniyang ina: gawan nawa kayo ng magaling ng Panginoon, na gaya ng inyong ginawa sa mga namatay at sa akin.
9 Ipagkaloob nawa ng Panginoon na kayo'y makasumpong ng kapahingahan, bawa't isa sa inyo sa bahay ng kaniyang asawa. Nang magkagayo'y kaniyang hinagkan sila; at inilakas nila ang kanilang tinig at nagsiiyak.
10 At sinabi nila sa kaniya, Hindi, kundi kami ay babalik na kasama mo sa iyong bayan.
11 At sinabi ni Noemi, Kayo'y magsibalik, mga anak ko: bakit kayo'y yayaong kasama ko? may mga anak pa ba ako sa aking tiyan, na magiging inyong mga asawa?
12 Kayo'y magsibalik, mga anak ko, magpatuloy kayo ng inyong lakad; sapagka't ako'y totoong matanda na upang magkaroon pa ng asawa. Kung aking sabihin, Ako'y may pagasa, kung ako'y magkaasawa man ngayong gabi, at ako'y magkakaanak man;
13 Maghihintay kaya kayo hanggang sa sila'y lumaki? magbabawa kaya kayo na magkaasawa? huwag, mga anak ko: sapagka't daramdamin kong mainam dahil sa inyo, sapagka't ang kamay ng Panginoon ay nanaw laban sa akin.
14 At inilakas nila ang kanilang tinig at nagsiiyak uli; at hinagkan ni Orpha ang kaniyang biyanan; nguni't si Ruth ay yumakap sa kaniya.
15 At sinabi niya, Narito, ang iyong hipag ay bumalik na sa kaniyang bayan, at sa kaniyang dios; bumalik kang sumunod sa iyong hipag.
16 At sinabi ni Ruth, Huwag mong ipamanhik na kita'y iwan, at bumalik na humiwalay sa iyo; sapagka't kung saan ka pumaroon, ay paroroon ako: at kung saan ka tumigil, ay titigil ako: ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Dios ay aking Dios:
17 Kung saan ka mamatay, ay mamamatay ako, at doon ako ililibing; hatulan ako ng Panginoon at lalo na, maliban ang kamatayan ang maghiwalay sa iyo at sa akin.
18 At nang makita ni Noemi na mapilit ng pagsama sa kaniya, ay tumigil ng pagsasalita sa kaniya.
19 Sa gayo'y yumaon silang dalawa hanggang sa sila'y dumating sa Bethlehem. At nangyari, nang sila'y dumating sa Bethlehem, na ang buong bayan ay napataka sa kanila; at sinabi ng mga babae, Ito ba'y si Noemi?
20 At sinabi niya sa kanila, Huwag na ninyo akong tawaging Noemi, tawagin ninyo akong Mara: sapagka't ginawan ako ng kapaitpaitan ng Makapangyarihan sa lahat.
21 Ako'y umalis na puno, at ako'y iniuwi ng Panginoon na walang dala. Bakit ninyo ako tinatawag na Noemi, yamang ang Panginoon ay nagpatotoo laban sa akin, at dinalamhati ako ng Makapangyarihan sa lahat?
22 Sa gayo'y nagsibalik si Noemi at si Ruth na Moabita, na kaniyang manugang na kasama niya, na nagsibalik mula sa lupain ng Moab: at sila'y nagsidating sa Bethlehem sa pasimula ng pagaani ng sebada.
Ruth 1
Ang Biblia (1978)
Si Elimelech at ang kaniyang angkan ay naparoon sa Moab.
1 At nangyari nang mga kaarawan nang (A)humatol ang mga hukom, na nagkagutom sa lupain. At isang (B)lalaking taga Beth-lehem-juda ay yumaong nakipamayan sa lupain ng Moab, siya, at ang kaniyang asawa, at ang kaniyang dalawang anak na lalake.
2 At ang pangalan ng lalake ay Elimelech, at ang pangalan ng kaniyang asawa ay Noemi, at ang pangalan ng kaniyang dalawang anak ay Mahalon at (C)Chelion, mga Ephrateo na taga Beth-lehem-juda. At sila'y (D)naparoon sa lupain ng Moab, at nanirahan doon.
3 At si Elimelech na asawa ni Noemi ay namatay: at siya'y naiwan at ang kaniyang dalawang anak.
4 At sila'y nagsipagasawa sa mga babae sa Moab; ang pangalan ng isa'y Orpha, at ang pangalan ng isa'y Ruth: at sila'y tumahan doon na may sangpung taon.
5 At namatay kapuwa si Mahalon at si Chelion; at ang babae ay naiwan ng kaniyang dalawang anak at ng kaniyang asawa.
6 Nang magkagayo'y bumangon siya na kasama ng kaniyang dalawang manugang upang siya'y bumalik mula sa lupain ng Moab: sapagka't kaniyang nabalitaan sa lupain ng Moab kung paanong (E)dinalaw ng Panginoon ang kaniyang bayan sa (F)pagbibigay sa kanila ng tinapay.
7 At siya'y umalis sa dakong kaniyang kinaroroonan, at ang kaniyang dalawang manugang na kasama niya: at sila'y yumaon upang bumalik sa lupain ng Juda.
8 At sinabi ni Noemi sa kaniyang dalawang manugang, Kayo'y yumaon, na bumalik ang bawa't isa sa inyo sa bahay ng kaniyang ina: gawan nawa kayo ng magaling ng (G)Panginoon, na gaya ng inyong ginawa sa mga (H)namatay at sa akin.
9 Ipagkaloob nawa ng Panginoon na kayo'y makasumpong ng (I)kapahingahan, bawa't isa sa inyo sa bahay ng kaniyang asawa. Nang magkagayo'y kaniyang hinagkan sila; at inilakas nila ang kanilang tinig at nagsiiyak.
10 At sinabi nila sa kaniya, Hindi, kundi kami ay babalik na kasama mo sa iyong bayan.
11 At sinabi ni Noemi, Kayo'y magsibalik, mga anak ko: bakit kayo'y yayaong kasama ko? may mga anak pa ba ako sa aking tiyan, (J)na magiging inyong mga asawa?
12 Kayo'y magsibalik, mga anak ko, magpatuloy kayo ng inyong lakad; sapagka't ako'y totoong matanda na upang magkaroon pa ng asawa. Kung aking sabihin, Ako'y may pagasa, kung ako'y magkaasawa man ngayong gabi, at ako'y magkakaanak man;
13 Maghihintay kaya kayo hanggang sa sila'y lumaki? magbabawa kaya kayo na magkaasawa? huwag, mga anak ko: sapagka't daramdamin kong mainam dahil sa inyo, sapagka't ang (K)kamay ng Panginoon ay nanaw laban sa akin.
14 At inilakas nila ang kanilang tinig at nagsiiyak uli; at hinagkan ni Orpha ang kaniyang biyanan; nguni't si Ruth (L)ay yumakap sa kaniya.
Si Noemi at si Ruth ay bumalik sa Juda.
15 At sinabi niya, Narito, ang iyong hipag ay bumalik na sa kaniyang bayan, at sa kaniyang dios; (M)bumalik kang sumunod sa iyong hipag.
16 At sinabi ni Ruth, Huwag mong ipamanhik na kita'y iwan, at bumalik na humiwalay sa iyo; sapagka't kung saan ka pumaroon, ay paroroon ako: at kung saan ka tumigil, ay titigil ako: ang iyong (N)bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Dios ay aking Dios:
17 Kung saan ka mamatay, ay mamamatay ako, at doon ako ililibing; hatulan ako ng (O)Panginoon at lalo na, maliban ang kamatayan ang maghiwalay sa iyo at sa akin.
18 (P)At nang makita ni Noemi na mapilit ng pagsama sa kaniya, ay tumigil ng pagsasalita sa kaniya.
19 Sa gayo'y yumaon silang dalawa hanggang sa sila'y dumating sa Beth-lehem. At nangyari, nang sila'y dumating sa Beth-lehem, na ang (Q)buong bayan ay napataka sa kanila; at sinabi ng mga babae, Ito ba'y si Noemi?
20 At sinabi niya sa kanila, Huwag na ninyo akong tawaging Noemi, tawagin ninyo akong Mara: sapagka't ginawan ako ng kapaitpaitan ng (R)Makapangyarihan sa lahat.
21 Ako'y umalis na punó, (S)at ako'y iniuwi ng Panginoon na walang dala. Bakit ninyo ako tinatawag na Noemi, yamang ang Panginoon ay nagpatotoo laban sa akin, at dinalamhati ako ng Makapangyarihan sa lahat?
22 Sa gayo'y nagsibalik si Noemi at si Ruth na Moabita, na kaniyang manugang na kasama niya, na nagsibalik mula sa lupain ng Moab: at sila'y nagsidating sa Beth-lehem sa (T)pasimula ng pagaani ng sebada.
Ruth 1
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Pakikiramay ni Ruth kay Naomi
1 1-2 Noong panahon na hindi pa mga hari ang namumuno[a] sa Israel, nagkaroon ng taggutom sa lupaing ito. Kaya si Elimelec na taga-Betlehem na sakop ng Juda ay pumunta sa Moab kasama ang asawa at dalawang anak niyang lalaki, para roon muna manirahan. Ang pangalan ng asawa niya ay Naomi at ang dalawang anak nila ay sina Mahlon at Kilion. Mga angkan sila ni Efrata na taga-Betlehem.
Habang naroon sila sa Moab, 3 namatay si Elimelec, kaya si Naomi at ang dalawa niyang anak na lalaki ang naiwan. 4 Nag-asawa ang mga anak niya ng mga Moabita. Ang pangalan ng isa ay Orpah at Ruth naman ang isa. Pagkalipas ng mga sampung taon, 5 namatay sina Mahlon at Kilion, kaya si Naomi na lang ang naiwan.
6 Nang mabalitaan ni Naomi na pinagpala ng Panginoon ang bayan niya sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mabuting ani, naghanda siya at ang mga manugang niya para bumalik sa Juda. 7 At habang naglalakbay na sila pabalik sa Juda, 8 sinabi ni Naomi sa dalawang manugang niya, “Bumalik na lang kayo sa inyong ina. Pagpalain nawa kayo ng Panginoon sa mabuti ninyong pakikitungo sa mga yumao ninyong asawa at sa akin. 9 At loobin sana ng Panginoon na makapag-asawa kayong muli para magkaroon kayo ng maayos na kalagayan sa panibagong tahanan.”
Pagkatapos, hinalikan sila ni Naomi. Humagulgol sila 10 at sinabi sa kanya, “Sasama kami sa inyo sa pagbalik nʼyo sa kababayan ninyo.” 11-12 Pero sinabi ni Naomi, “Umuwi na kayo mga anak. Bakit pa kayo sasama sa akin? Akala nʼyo ba makakapag-asawa pa ako at makakapanganak ng mga lalaking mapapangasawa ninyo? Hindi na maaari dahil matanda na ako. Pero ipagpalagay natin na makapag-asawa ako ngayong gabi at magkaanak pa, 13 hihintayin nʼyo ba silang lumaki? Hindi ba kayo mag-aasawa alang-alang sa kanila? Hindi maaari mga anak. Ang totoo, mas mapait ang sinapit ko kaysa sa inyo, dahil pinahirapan ako ng Panginoon.”
14 At umiyak na naman sila nang malakas. Pagkatapos, hinalikan ni Orpah ang biyenan niya at umuwi,[b] pero si Ruth naman ay nagpaiwang kasama ni Naomi. 15 Sinabi ni Naomi, “Bumalik na ang bilas mo sa mga kababayan niya at sa kanyang dios,[c] kaya sumama ka na rin sa kanya.” 16 Pero sumagot si Ruth, “Huwag po ninyo akong piliting iwan kayo, dahil kung saan kayo pupunta, doon din ako pupunta, at kung saan kayo tumira, doon din po ako titira. Ang mga kababayan nʼyo ay magiging kababayan ko rin, at ang Dios ninyo ay magiging Dios ko rin. 17 Kung saan kayo mamamatay, doon din po ako mamamatay at ililibing. Parusahan nawa ako ng Panginoon nang mabigat kapag humiwalay ako sa inyo, maliban na lang kung ang kamatayan na ang maghihiwalay sa ating dalawa.”
18 Nang makita ni Naomi na desidido si Ruth na sumama sa kanya, tumahimik na lang siya. 19 Kaya nagpatuloy silang dalawa sa paglalakbay hanggang sa nakarating sila sa Betlehem. Ang lahat ng taoʼy nabigla sa kanilang pagdating. Sinabi ng mga babae, “Si Naomi ba talaga ito?”
20 Sinabi ni Naomi sa kanila, “Huwag nʼyo na akong tawaging Naomi,[d] kundi tawagin ninyo akong Mara,[e] dahil pinapait ng Makapangyarihang Dios ang buhay ko. 21 Pag-alis ko rito ay nasa sa akin ang lahat, pero ibinalik ako ng Panginoon nang walang-wala. Kaya huwag na ninyo akong tawaging Naomi, dahil pinahirapan ako ng Makapangyarihang Panginoon.”
22 Nagsisimula pa lang ang anihan ng sebada[f] nang dumating si Naomi sa Betlehem kasama ang manugang niyang si Ruth na Moabita.
Footnotes
- 1:1-2 Noong panahon … namumuno: sa literal, Noong panahon na ang mga “shoftim” (mga pinuno/hukom) ang siyang namumuno.
- 1:14 at umuwi: Itoʼy nasa Septuagint pero wala sa Hebreo.
- 1:15 dios: o, mga dios.
- 1:20 Naomi: Ang ibig sabihin, masarap.
- 1:20 Mara: Ang ibig sabihin, mapait.
- 1:22 sebada: sa Ingles, “barley.”
Ruth 1
Ang Biblia, 2001
Si Elimelec at ang Kanyang Sambahayan sa Moab
1 At nangyari nang mga araw na ang mga hukom ang namumuno, nagkaroon ng taggutom sa lupain. Isang lalaking taga-Bethlehem sa Juda ang umalis upang manirahan sa lupain ng Moab, siya, ang kanyang asawa, at ang kanyang dalawang anak na lalaki.
2 Ang pangalan ng lalaki ay Elimelec, ang kanyang asawa ay si Naomi, at ang pangalan ng kanyang dalawang anak ay Malon at Chilion. Sila ay mga Efrateo mula sa Bethlehem sa Juda. Sila'y pumunta sa lupain ng Moab at nanatili roon.
3 Ngunit si Elimelec na asawa ni Naomi ay namatay. Si Naomi ay naiwang kasama ang kanyang dalawang anak.
4 Sila'y nag-asawa ng mga babae mula sa Moab. Ang pangalan ng isa'y Orfa, at ang ikalawa ay Ruth. Sila'y nanirahan doon nang may sampung taon.
5 Kapwa namatay sina Malon at Chilion, kaya't ang babae ay naiwan ng kanyang dalawang anak at ng kanyang asawa.
6 Nang magkagayon, siya at ang kanyang dalawang manugang ay nagsimulang bumalik mula sa lupain ng Moab sapagkat kanyang nabalitaan sa lupain ng Moab kung paanong dinalaw ng Panginoon ang kanyang bayan at binigyan sila ng pagkain.
7 Kaya't siya'y umalis sa dakong kanyang kinaroroonan, kasama ang kanyang dalawang manugang at sila'y naglakbay pabalik sa lupain ng Juda.
8 Subalit sinabi ni Naomi sa kanyang dalawang manugang, “Bawat isa sa inyo ay bumalik na sa bahay ng inyu-inyong ina. Gawan nawa kayo ng mabuti ng Panginoon, na gaya ng inyong ginawa sa mga namatay at sa akin.
9 Ipagkaloob nawa ng Panginoon na kayo'y makatagpo ng kapahingahan, bawat isa sa inyo sa bahay ng kanyang asawa.” Pagkatapos ay kanyang hinagkan sila, at inilakas nila ang kanilang tinig at sila'y nag-iyakan.
10 Sinabi nila sa kanya, “Hindi, kami ay babalik na kasama mo sa iyong bayan.”
11 Ngunit sinabi ni Naomi, “Kayo'y bumalik na, mga anak ko. Bakit kayo sasama sa akin? May mga anak pa ba ako sa aking sinapupunan na magiging inyong mga asawa?
12 Kayo'y bumalik na, mga anak ko, magpatuloy kayo sa inyong lakad sapagkat ako'y napakatanda na upang magkaroon pa ng asawa. Kung aking sabihin, ako'y may pag-asa, kahit pa ako'y magkaasawa man ngayong gabi, at ako'y magkaanak man,
13 maghihintay kaya kayo hanggang sa sila'y lumaki? Nangangahulugan ba na hindi na muna kayo mag-aasawa? Huwag, mga anak ko! Magdaramdam akong mabuti dahil sa inyo, sapagkat ang kamay ng Panginoon ay naging laban sa akin.”
14 Kaya't inilakas nila ang kanilang tinig at muling nag-iyakan. Hinagkan ni Orfa ang kanyang biyenan; ngunit si Ruth ay yumakap sa kanya.
Sina Naomi at Ruth ay Bumalik sa Juda
15 Sinabi niya, “Tingnan mo, ang iyong bilas ay bumalik na sa kanyang mga kababayan, at sa kanyang mga diyos; sumunod ka na sa iyong bilas.”
16 Ngunit sinabi ni Ruth, “Huwag mo akong pakiusapan na kita'y iwan, o talikuran ko na ang pagsunod sa iyo! Kung saan ka pupunta ay doon ako pupunta; kung saan ka nakatira ay doon ako maninirahan; ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Diyos ay aking Diyos.
17 Kung saan ka mamatay ay doon ako mamamatay, at doon ako ililibing. Gayon nawa ang gawin ng Panginoon sa akin at higit pa, kahit na ihiwalay ako ng kamatayan sa iyo.”
18 Nang makita ni Naomi na nakapagpasiya na siyang sumama sa kanya, wala na siyang sinabi.
19 Sa gayo'y nagpatuloy silang dalawa hanggang sa sila'y makarating sa Bethlehem. Nang sila'y makarating sa Bethlehem, ang buong bayan ay nagkagulo dahil sa kanila; at sinabi ng mga babae, “Ito ba si Naomi?”
20 Sinabi niya sa kanila, “Huwag na ninyo akong tawaging Naomi. Tawagin ninyo akong Mara,[a] sapagkat pinakitunguhan ako nang may kapaitan ng Makapangyarihan sa lahat.[b]
21 Ako'y umalis na punó, ngunit ako'y pinauwi ng Panginoon na walang dala. Bakit ninyo ako tinatawag na Naomi, gayong ang Panginoon ay nakitungo ng marahas sa akin, at pinagdalamhati ako ng Makapangyarihan sa lahat?”
22 Sa gayo'y nagbalik si Naomi at Ruth na Moabita, na kanyang manugang na kasama niya, mula sa lupain ng Moab. Sila'y dumating sa Bethlehem sa pasimula ng pag-aani ng sebada.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.